Sabado, Setyembre 21, 2013

D.A.P. means Dapat Aquino Patalsikin!

Dapat Aquino Patalsikin!

Nalublob na sa maraming krimen ang pangulong hindi na nagsisilbi sa sambayanan kundi sa interes na lang ng kanyang mga kauri. Nalublob na sa maraming isyu ang anak ng dalawang itinuturing na bayani ng bayan. Habang lublob pa rin sa putik ng kahirapan ang sambayanan.
Ang huling kontrobersyang naglublob kay Aquino ay ang Disbursement Acceleration Program (DAP). Ito ang mga pondong galing sa kaban ng bayan na ginawang savings ng ehekutibo dahil hindi ginamit ng mga ahensyang pinaglaanan ng pondo. Aba'y Dinakma Ang Pondo! At ang DAP na ito'y nagtila Distributing Aquino's Pork. Nauna sa isyung ito ang Priority Development Assistance Fund (PDAF), isa sa sistema ng pork barrel na ginamit ng mga kongresista't senador para sa sariling interes.
Ayon sa Korte Suprema, unconstitutional ang ilang probisyon ng DAP. Ibig sabihin, Deklaradong Ang Pork na ito ay lumalabag sa Saligang Batas.
Dumepensa Ang Palasyo. Hindi raw masama ang DAP dahil napunta naman daw sa mabuti ang pondo. Tulad ng may malaking pondo para sa paninirahan, ngunit hindi ginamit sa maralitang walang tirahan, kinuha ang pondo, ginawang savings, upang magamit daw para sa pabahay ng maralita. Tulad ng pagbabawas ng kalahati sa P10,000 dapat tanggapin ng mga guro. P5,000 na lang sa guro at ang natirang P5,000 ay ginawang savings para ilaan sa iba. Kawawang guro!
Defending Aquino's Presidency. Nagtalumpati ang pangulo at sinabing mali ang 13-0, 1-abstain, na desisyon ng Korte Suprema na unconstitutional ang DAP. Pinasaringan niya ang Korte Suprema. Gumanti ang mga kaalyado ng pangulo, at balak distrungkahin ang pondo ng hudikatura - ang Judicial Development Fund o JDF. “Dahil Ako'y Pangulo, dapat makinig kayo!" ang ipinahiwatig na mensaheng ipinaaabot ni Noynoy.
Ano ang epekto ng mga pinaggagagawang ito ng Pork Barrel King sa sambayanan?
Dukha Ang Pilipino. Ang mga numerong nagsasabing umangat na ang ekonomya ay hanggang papel lamang. Hindi naman ito naramdaman ng karaniwang Pilipino. Sa katunayan, nagtaasan pa nga ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang isang kilong bawang, na nagkakahalaga noong nakaraang taon ng P60-P70 kada kilo ay sumirit ng ilang triple at naging P350-P400 kada kilo. Nagtaasan din ang presyo ng bigas, karne, isda, kuryente at tubig, habang hindi naman tumaas ang sahod ng karaniwang manggagawa.
Dinemolis Ang Paninirahan. Maraming mga maralita ang tinanggalan ng paninirahan mula sa danger zone ay dinala sa death zone, tulad sa relokasyon sa Calauan, Laguna, sa mga bundok ng Tanay o Baras sa Rizal, sa San Jose del Monte o Bocaue sa Bulacan at ang iba nama’y sa Trece Martires sa Cavite. Dinemolis ang maraming maralitang nakatira sa estero, ilalim ng tulay at malapit sa ilog, lalo na sa 8 major waterways ng San Juan, Pasig, Tullahan, Manggahan floodway, Maricaban creek, Maypajo, Estero Tripa de Galina, at Estero de Sunog Apog. Ngunit ano ang ibinigay na relokasyon? Hindi maaring tirhan ang mga relocation sites, ang karamihan sa mga ito ay minadaling itayo. Walang sapat na suplay ng tubig at kuryente, walang ring mga drainage, at  kilo-kilometro pa ang layo ng pinakamalapit na paaralan, pagamutan, at palengke.
Dininig Ay Pribatisasyon. Isinapribado na sa panahon ni Aquino ang maraming serbisyong publiko. Kamakailan lang ay naging pag-aari na ng Koreano ang Angat Dam na pinagkukunan ng Metro Manila. Ang Meralco ay pag-aari na ng isang tycoon sa Indonesia. Balak pang isapribado ang 71 pampublikong ospital, tulad ng Philippine Children's Medical Center sa Lungsod Quezon. Tinatanggal na sa kamay ng pamahalaan ang dapat niyang serbisyo upang ibenta sa mga pribadong korporasyon, na kadalasan ay dayuhang kapitalista.
Dinistrungka Ang Panata. "Kayo ang Boss Ko" ang sabi niya noong maupo sa pwesto, ngunit hindi pala ang masa ang kanyang boss kundi ang mga kapitalista at naghaharing uri sa lipunan. "Dadalhin ko kayo sa tuwid na daan" ngunit ang tuwid na daan pala'y patungo sa impyerno. Hindi pa rin matanaw ng sambayanan ang pagkaalpas nila sa kumunoy ng karukhaan. "Kung walang corrupt, walang mahirap" na ang ibig sabihin, "kung maraming mahirap, marami pa ring corrupt". Ayon sa survey ng SWS nito lamang Enero, nasa 55% ang nagsabing naghihirap pa rin sila.
Diktador Ang Postura. Nais ni Pangulong Aquino na baguhin ang Saligang Batas at Dapat Ay Palawigin ang kanyang termino. Kabaligtaran ito sa kasaysayan at paninindigan ng kanyang ama't ina noong kapanahunan ng mga ito. Nilabanan ni Ninoy Aquino ang nais na ikatlong termino ni Marcos, na upang mapalawig ang termino ay binago ang Saligang Batas. Sa panahon naman ni Cory, ginawang isang anim na taon lamang ang termino ng pangulo sa bagong Saligang Batas. Nilabanan nina Ninoy at Cory ang diktadura, ngunit si Noynoy na kanilang anak, nag-aastang maging diktador!
Dusa At Pahirap. Mas dininig pa ng pangulo ang bulong ng mga kapitalistang ipalaganap ang salot na kontraktwalisasyon at mababang sahod sa mga manggagawa. Patuloy ang mga demolisyon ng bahay ng maralita. Patuloy ang mataas na presyo ng mga batayang pangangailangan ng tao, tulad ng bigas, karne, isda, kuryente, tubig, Patuloy ang pagsasapribado ng mga pampublikong serbisyo. Panahon nang manawagan dapat nang tapusin ang mga dusa at pahirap na ito.
Dakpin Ang Pusakal. Hindi lang sina Tanda at BonJing ang dapat makulong dahil sila'y nasa oposisyon, kundi lahat ng sangkot sa katiwalian, mapa-administrasyon man o oposisyon. Sinumang mapatunayang may kasalanan ay dapat makulong sa bilangguan at hindi sa ospital.

Hindi na siya nakatupad sa kanyang mga pangako sa sambayanan, nais pa niyang baguhin ang Saligang Batas at palawigin ang termino. Hindi na siya nagsisilbi sa sambayanang Pilipino, nais pa niyang isapribado ang mga serbisyong pampubliko. Kailangang palitan na ang pamahalaang Aquino ng isang gobyernong maglilingkod sa sambayanan at hindi sa iilan. Isang gobyernong para sa sambayanan, at pinatatakbo ng sambayanan. Panahon na! Dapat Aquino Patalsikin!

Martes, Marso 12, 2013

Magkaisa Laban sa Demolisyon


MAGKAISA na para LABANAN ang DEMOLISYON!

Sa ika-15 ng Mayo ng taong ito, matapos manalo’t maproklama ang mga pulitikong tinulungan nating mailuklok sa pwesto ay magsisimula nang pagtulung-tulungan ng City Hall, mga ahensyang gaya ng DILG, PNP, MMDA, DPWH, NAPC at NHA ang gibaan sa mga tahanan ng mga maralitang nakatira sa waterways (tabing-ilog, ilalim ng tulay, at tabing-estero). Target nila sa unang buhos ng demolisyon ay ang apat na malalaking ilog at apat na estero, ito ay ang mga ilog ng San Juan, Pasig, Tullahan, Manggahan floodway at mga esterong Maricaban, Tripa de Galina, Maypajo at Sunog Apog. Humigit-kumulang 20,000 pamilyang nakakalat sa labing-isang lungsod sa Metro Manila at ang mga bayan ng Cainta at Taytay sa Rizal ang maapektuhan. Ito na ang pinakamalawak na proyektong demolisyon na tatangkain sa ilalim ng gobyernong Aquino na nagmalaking tayo ang “BOSS” nito. 

Noong nabubuhay pa si Sec. Jesse Robredo ng DILG, mahigpit niyang tinutukan ang pagpapaunlad ng mga komunidad ng maralita kung kaya’t walang naganap na demolisyon sa mga danger zone o sa mga lupaing pag-aari ng gobyerno. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, binuo nito at ng mga lider-maralita ang tinatawag na “peoples’ proposal” na kung saan ay kabahagi ang buong komunidad sa pagbubuo sa plano ng permanenteng tirahan ng mga maralita. Naging pleksible ang ahensya sa kagustuhan ng mga maralita at kadalasa’y paborable ito sa kanila. 

Sentral sa “peoples’ proposal” ay ang kahilingan ng mga pamilyang apektado na manatili o malapit sa dati nilang tinitirahan para hindi ito malayo sa lugar ng hanapbuhay at paaralan ng mga bata. Ang tawag dito ay ang in-city at on-site development na magkakahugis sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga medium-rise buildings o MRBs.

Ang lahat ng mga nasimulang maganda’t produktibong relasyon sa pagitan ng DILG at ng mga komunidad ng maralita ay gumuho at naglahong parang mga bula mula noong mapwesto sa DILG si Secretary Mar Roxas. Bigla na lamang itong nag-anunsyo noong Enero na hanggang sa ika-15 na lang ng Mayo maaring manirahan sa mga waterways ang mga maralita at ito ay kanila nang gigibain. 

Dahil sa biglaang anunsyong ito, halos walang makapaniwala na matutuloy nga ang demolisyon dahil halos kakaunti pa lamang sa mga “peoples’ proposal” ang umuusad habang ang napakalaking mayorya ng mahigit kumulang 20,000 pamilya ay walang kaalam-alam sa proyekto at mga napagkasunduan kay Sec. Robredo.

Sa loob na lamang nang natitirang dalawang buwan, iilan lamang sa atin ang mabibiyayaan ng naka-stand by na relokasyon na malapit sa ating kasalukuyang tinitirhan. Ang halos 90% sa atin ay itatambak ng gobyerno sa relocation sites nito sa mga bundok ng Tanay o Baras sa Rizal, habang ang iba naman ay dadalhin sa ‘mga bundok ng San Jose del Monte o Bocaue sa Bulacan at ang iba nama’y sa Trece Martires sa Cavite. 

Kung saan man lupalop tayo itapon ng gobyerno ay hindi naman nagkakalayo ang ating mga magiging kalagayan. Sa napakahabang panahon, milyon-milyon na sa ating mga kababayan ang sinalaula bago sa atin. Sapagkat dinala sila sa mga lugar na imbes na ilayo sa kapahamakan ay lalo pang naging impyerno ang mga buhay ng mga ito. Nariyan ang karanasan sa Montalban na rumaragasang putik ang tumama sa kanilang mga bahay, ang karanasan ng mga taga-Calauan, Laguna na wala silang tubig, kuryente, aspaltadong kalsado, poso negro, tinipid at minadali ang pagkakagawa ng kanilang mga bahay. Habang ang mga nalipat sa San Jose del Monte ay walang makuhang hanapbuhay dahil hindi naman maunlad ang lugar na pinagdalhan sa kanila. 

Dahil sa malawakang panlalansi at pagpapaasa ng gobyernong nagpapanggap na makamasa, hindi malayong isipin na ang totoong plano ng gobyerno ay hindi ang “peoples’ proposal” na kung saan tayo ang masusunod kundi ang off-site na pabahay ng NHA sa iba’t ibang danger zone, malayo sa ating pinagkukunan ng kabuhayan, malayo sa mga paaralan ng ating mga anak, malayo sa pampublikong serbisyo gaya ng mga klinik at ospital at iba pang batayang pangangailangan natin gaya ng kuryente, tubig at signal ng cellphone.

Ang tiyak din tayo ay kung mawawalan tayo ng kabuhayan, silang mga bwitreng korap sa mga ahensyang nabanggit naman ang kikita sa pamamagitan ng mga kontrata nila sa iba’t ibang developer ng low cost housing. 

Kahit kailan hindi natin hinangad ang gulo sa mga buhay natin mas lalo pa’t madadamay ang ating mga anak. Pero sa ginagawang panlalansi at pambubusabos ng gobyerno sa atin, dinamay na nila ang lahat ng malapit sa atin, hindi na nila tayo binigyan ng kahit na sapat na panahon man lang para paghandaan ang kanilang proyekto. 

Kailangan na nating magsama-sama para palakasin ang ating tinig para mayanig sila sa laki ng ating bilang, kailangan nating magkaisa at maging organisado kundi magpapatuloy lamang ang panlalansi sa atin. Wala nang mas pinaka-epektibong armas ang maralita sa panahon na ito kundi ang kanyang boto. Nararapat lang na ipagkait natin ang ating suporta sa mga kumakandidato mula Senador hanggang Konsehal na may madugong rekord ng pagpapalayas sa mga maralita, habang susuportahan naman natin ang mga nakakatulong sa usapin ng katiyakan sa paninirahan.

Kailangan natin lumaban para sa katiyakan sa paninirahan, para sa ligtas, disente at abot-kayang relokasyon, para sa serbisyong panlipunan, para sa ating pamilya. Kailangan natin silang singilin at usigin para hindi na nila ito tangkain sa iba pang pamilya’t komunidad. Walang magtatanggol sa ating sariling tahanan kundi tayo mismo.

WALANG DEMOLISYON HANGGA’T HINDI NAAAYON SA PEOPLES’ PROPOSAL!

ON-SITE, IN-CITY RELOCATION, IPAGLABAN!

Koalisyon Kontra Demolisyon (KKD)
KPML-NCRR, AGOM, Manila Urban Poor Alliance, 
SM-ZOTO, Alyansa ng Maralita-QC, Partido Lakas ng Masa (PLM)
SANLAKAS Party-list