Linggo, Oktubre 11, 2026

Tula sa sipnayan: Si Archimedes, ang sipnayanon

Tula sa sipnayan
SI ARCHIMEDES, ANG SIPNAYANON

"Bunying Archimedes, / tuklasin mo kaya, 
Kung korona'y gintong / lantay, purong gawa..."
Nag-utos ay hari, / "... o huwad bang sadya?
At si Archimedes, / animo'y nabigla.

Habang nag-iisip, / sa banyo nagtungo.
Kaybanas, naghubad / siya't maliligo.
Lulutasin iyon, / siya'y di susuko
Upang di mawala / ang respeto't luho.

Sa may paliguan, / naglublob, nagbanlaw;
Umapaw ang tubig, / dama ang paggalaw!
Aba'y bigla na lang / solusyo'y lumitaw,
Ang kanyang nasuri / sa diwa’y natanaw.

Sigaw ay "Eureka!" / (Natuklasan ko na!)
Sa labis na tuwa'y / tumakbo sa kalsada;
Kahit hubo't hubad / ay walang paki na,
Dahil nalutas din / ang kanyang problema.

Ang natapong tubig / doon sa batalan
Ay katumbas niyong / lubog ng katawan
Bigat ng korona / nang sinukat naman
Ay di purong ginto, / kanyang natuklasan.

Ay, si Archimedes / ay di rin kinapos.
Talagang kaygaling, / henyo siyang lubos.
Si Haring Hieron / doon sa Syracuse
Ang kay Archimedes / ay pumuring taos.

- gregoriovbituinjr.
10.11.2026

* litrato mula sa google

Sabado, Setyembre 26, 2026

Trapo at basahan

TRAPO AT BASAHAN

bentador ng bayan ang trapo
ang turing sa dukha'y basahan
trapo'y nanloloko ng tao
ayuda ang nasa isipan

ano bang aasahan natin
sa dinastiyang pulitikal
kundi tayo'y muling utuin
upang kumita ang kapital

sa trapo ang sistemang bulok
habang asam nati'y hustisya
tingin nila, sila ang rurok
mapagsamantalang burgesya

sila'y ibon sa himpapawid
habang tayo'y isda sa dagat
di sila kauri'y batid
sa ganyan ay dapat mamulat

ibagsak na ang mga trapo
na turing sa masa'y basahan
dapat nang nagpapakatao
ang bawat isa sa lipunan

- gregoriovbituinjr.
09.26.2026

* litratong kuha ng makatang gala

Miyerkules, Setyembre 9, 2026

‎O, mga makata

‎O, MGA MAKATA
‎
‎O, mga makata, ako'y nagpupugay
‎sa inyo't sa tula ninyong kayhuhusay!
‎Katha'y tila bigas na mula sa palay,
‎na kung isasaing, kaysarap na tunay!

Kapara ng kanin, tula'y iniin-in
upang di magtutong ang niluto natin.
Minsan hihigop pa ng am sa sinaing.
Nalaglag na mumo, minsa'y pupulutin.

Ating mga tula'y parang pansit luglog
na sa mambabasa sana'y makabusog.
Sakaling masaktan o kaya'y mauntog,
paumanhin, sana bunga'y mapipintog.

‎Bilang manunula, sabi kong malimit:
‎ang salitang "pero'y" di ko ginagamit
pagkat may "datapwat", " ngunit" at "subalit".
Sa sariling wika tayo mangunyapit!

‎Sa tula ko'y walang Superman o Darna
‎kundi sambayanan, walang isang bida!
‎Kolektibong kilos, bayani ang masa!
‎Nagtagumpay pagkat sila'y sama-sama!

Kaya, O, makata, padayon! Padayon!
Angkin nating diwa ay di makakahon!
Diwa'y naglalakbay at naglilimayon
sa mundo kung saan tayo paroroon!
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎09.09.2026
‎
‎* litrato mula sa larong Word Master

Martes, Setyembre 8, 2026

Batas sa ating bansa

BATAS SA ATING BANSA

ginagawa / ng agila'y / batas para / sa tilapya
lawin nama'y / nagsabatas / ng pambiya't / labahita
batas niyong / uwak, para / sa kanduli't / hasa-hasa 
nililikha / ng kuwago'y / batas para / sa pugita

bakit gayon / ang nangyari / ay di naman / magkauri
kapara rin / ng Kongresong / dinastiya / yaong hari
pawang batas / ay patungkol / sa pribadong / pag-aari
silang tingin / sa obrero't / maralita / ay kadiri

ang serbisyo / ay nagosyo / nitong ibong / malalakas
kaya anong / aasahan / nitong isda / kundi dahas
mga isda / yaong dapat / na gumawa / nitong batas
nang tiyaking / batas para / sa isda'y di / butas-butas

pag di tayo / namumulat, / dinastiyang / pulitikal
ang sa masa't / dukha'y lagi / nang sisiil / at sasakal

- gregoriovbituinjr.
09.08.2026

Sabado, Setyembre 5, 2026

Depinisyon nila ng progreso

DEPINISYON NILA NG PROGRESO

sinira ang kalikasan
minina ang kabundukan
kinalbo ang kagubatan
para raw sa kaunlaran

trato sa puno ay troso
kaya gubat na'y kinalbo
una'y negosyo, di tao
iyan umano'y progreso

nilagyan ng paliparan
iyan daw ang kaunlaran
ang nangyari'y palubugan
lubog sa baha ang bayan

ano nga ba ang progreso
kung di kasama ang tao
kung serbisyo na'y negosyo
kung sinira na ang mundo

- gregoriovbituinjr.
09.05.2026

Munting dalit sa PLM

MUNTING DALIT SA PLM

‎O, kabataan at masa
‎magkaisa, makibaka
‎mag-organisa, magpasya
‎‎maging mga sosyalista

‎tara nang magsama-sama
‎Partido Lakas ng Masa
‎tayo ang alternatiba
‎baguhin na ang sistema

- gregoriovbituinjr.
09.05.2026
‎
‎* binigkas kong munting dalit sa forum ng PLM, 09.05.2026
* ang dalit ay uri ng katutubong tulang may walong pantig bawat taludtod
‎‎* nagpasya na rin akong magbahagi ng kaunting kaalaman sa sining ng pagtula sa mga maralita, manggagawa, at kanilang mga anak dito sa kalunsuran

Munting dalit sa PLM

MUNTING DALIT SA PLM

‎O, kabataan at masa
‎magkaisa, makibaka
‎mag-organisa, magpasya
‎‎maging mga sosyalista

‎tara nang magsama-sama
‎Partido Lakas ng Masa
‎tayo ang alternatiba
‎baguhin na ang sistema

- gregoriovbituinjr.
09.05.2026
‎
‎* binigkas kong munting dalit sa forum ng PLM, 09.05.2026
* ang dalit ay uri ng katutubong tulang may walong pantig bawat taludtod
‎‎* nagpasya na rin akong magbahagi ng kaunting kaalaman sa sining ng pagtula sa mga maralita, manggagawa, at kanilang mga anak dito sa kalunsuran