Sabado, Setyembre 26, 2026

Trapo at basahan

TRAPO AT BASAHAN

bentador ng bayan ang trapo
ang turing sa dukha'y basahan
trapo'y nanloloko ng tao
ayuda ang nasa isipan

ano bang aasahan natin
sa dinastiyang pulitikal
kundi tayo'y muling utuin
upang kumita ang kapital

sa trapo ang sistemang bulok
habang asam nati'y hustisya
tingin nila, sila ang rurok
mapagsamantalang burgesya

sila'y ibon sa himpapawid
habang tayo'y isda sa dagat
di sila kauri'y batid
sa ganyan ay dapat mamulat

ibagsak na ang mga trapo
na turing sa masa'y basahan
dapat nang nagpapakatao
ang bawat isa sa lipunan

- gregoriovbituinjr.
09.26.2026

* litratong kuha ng makatang gala

Miyerkules, Setyembre 9, 2026

‎O, mga makata

‎O, MGA MAKATA
‎
‎O, mga makata, ako'y nagpupugay
‎sa inyo't sa tula ninyong kayhuhusay!
‎Katha'y tila bigas na mula sa palay,
‎na kung isasaing, kaysarap na tunay!

Kapara ng kanin, tula'y iniin-in
upang di magtutong ang niluto natin.
Minsan hihigop pa ng am sa sinaing.
Nalaglag na mumo, minsa'y pupulutin.

Ating mga tula'y parang pansit luglog
na sa mambabasa sana'y makabusog.
Sakaling masaktan o kaya'y mauntog,
paumanhin, sana bunga'y mapipintog.

‎Bilang manunula, sabi kong malimit:
‎ang salitang "pero'y" di ko ginagamit
pagkat may "datapwat", " ngunit" at "subalit".
Sa sariling wika tayo mangunyapit!

‎Sa tula ko'y walang Superman o Darna
‎kundi sambayanan, walang isang bida!
‎Kolektibong kilos, bayani ang masa!
‎Nagtagumpay pagkat sila'y sama-sama!

Kaya, O, makata, padayon! Padayon!
Angkin nating diwa ay di makakahon!
Diwa'y naglalakbay at naglilimayon
sa mundo kung saan tayo paroroon!
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎09.09.2026
‎
‎* litrato mula sa larong Word Master

Martes, Setyembre 8, 2026

Batas sa ating bansa

BATAS SA ATING BANSA

ginagawa / ng agila'y / batas para / sa tilapya
lawin nama'y / nagsabatas / ng pambiya't / labahita
batas niyong / uwak, para / sa kanduli't / hasa-hasa 
nililikha / ng kuwago'y / batas para / sa pugita

bakit gayon / ang nangyari / ay di naman / magkauri
kapara rin / ng Kongresong / dinastiya / yaong hari
pawang batas / ay patungkol / sa pribadong / pag-aari
silang tingin / sa obrero't / maralita / ay kadiri

ang serbisyo / ay nagosyo / nitong ibong / malalakas
kaya anong / aasahan / nitong isda / kundi dahas
mga isda / yaong dapat / na gumawa / nitong batas
nang tiyaking / batas para / sa isda'y di / butas-butas

pag di tayo / namumulat, / dinastiyang / pulitikal
ang sa masa't / dukha'y lagi / nang sisiil / at sasakal

- gregoriovbituinjr.
09.08.2026

Sabado, Setyembre 5, 2026

Depinisyon nila ng progreso

DEPINISYON NILA NG PROGRESO

sinira ang kalikasan
minina ang kabundukan
kinalbo ang kagubatan
para raw sa kaunlaran

trato sa puno ay troso
kaya gubat na'y kinalbo
una'y negosyo, di tao
iyan umano'y progreso

nilagyan ng paliparan
iyan daw ang kaunlaran
ang nangyari'y palubugan
lubog sa baha ang bayan

ano nga ba ang progreso
kung di kasama ang tao
kung serbisyo na'y negosyo
kung sinira na ang mundo

- gregoriovbituinjr.
09.05.2026

Munting dalit sa PLM

MUNTING DALIT SA PLM

‎O, kabataan at masa
‎magkaisa, makibaka
‎mag-organisa, magpasya
‎‎maging mga sosyalista

‎tara nang magsama-sama
‎Partido Lakas ng Masa
‎tayo ang alternatiba
‎baguhin na ang sistema

- gregoriovbituinjr.
09.05.2026
‎
‎* binigkas kong munting dalit sa forum ng PLM, 09.05.2026
* ang dalit ay uri ng katutubong tulang may walong pantig bawat taludtod
‎‎* nagpasya na rin akong magbahagi ng kaunting kaalaman sa sining ng pagtula sa mga maralita, manggagawa, at kanilang mga anak dito sa kalunsuran

Munting dalit sa PLM

MUNTING DALIT SA PLM

‎O, kabataan at masa
‎magkaisa, makibaka
‎mag-organisa, magpasya
‎‎maging mga sosyalista

‎tara nang magsama-sama
‎Partido Lakas ng Masa
‎tayo ang alternatiba
‎baguhin na ang sistema

- gregoriovbituinjr.
09.05.2026
‎
‎* binigkas kong munting dalit sa forum ng PLM, 09.05.2026
* ang dalit ay uri ng katutubong tulang may walong pantig bawat taludtod
‎‎* nagpasya na rin akong magbahagi ng kaunting kaalaman sa sining ng pagtula sa mga maralita, manggagawa, at kanilang mga anak dito sa kalunsuran

Biyernes, Setyembre 4, 2026

Nag-iisang tulâ

pinasa sa Liwayway magazine
‎ang iisang tulang nakatha rin
‎‎sana tula'y ilathala nila
kung pasok ‎sa kanilang panlasa
‎bagamat ako'y isa lang dukhâ
sana'y di ibasura ang tulâ
‎
‎sampung pantig bawat taludtod, 
‎may sesurang 5/5
‎
‎NAG-IISANG TULA
‎
‎ako'y tiyak na mapapaluha,
‎o lulundag nang dahil sa tuwa
‎pag sa Liwayway nabasang sadya
‎at nalathala ang tulang katha
‎
‎nagpasa noong talubata pa
‎noong kaysipag ko pa talaga
‎sulat ng sulat, pasa ng pasa
‎binalewala, walang halaga
‎
‎ngayon, pinasang tula'y isa lang
‎ng abang dukhang di na malaman
‎kung saan yaring patutunguhan:
‎kinabukasan o kamatayan?
‎
‎nang mawalâ ang sintang maybahay
‎pagkat sa sakit ay naparatay
‎nawalan na ring gana sa buhay
‎takipsilim na't walang liwayway
‎
‎ikatutuwa tiyak ni misis
‎pag sa Liwayway ay nagkahugis
‎ang tulang sana ngayo'y di mintis
‎kinatha hanggang dugo'y tumigis
‎
‎ngunit wala na, wala na siya
‎nang sa Liwayway, kanyang mabasa
‎ang iisa kong tulang pinasa't
‎inakda mula sa alaala
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎09.04.2026

Bili na po kayo ng aking libreto

‎BILI NA PO KAYO NG AKING LIBRETO
‎
‎Nabubuhay ako bilang manunulat.
‎Bili na po kayo ng munti kong aklat.
‎Bagamat mura lang, paksa'y mabibigat,
ngunit kung basahin, sa lupà ay lapat.
‎
‎Pag nasalubong mo ako sa lansangan
‎kalabitin ako't sabihang pagbilhan
‎ng anumang dalang libreto saanman,
‎o aking ilatag sa dinadaluhan.
‎
‎Pag nakabili ka ng munti kong libro
‎ay isang araw pang mabubuhay ako.
‎Maraming salamat sa suporta ninyo
‎sa aklat ng abang lingkod na totoo.
‎
‎Bisyo ko'y magsulat, kumatha, tumulâ
‎ng maraming paksang nagmula sa madlâ.
‎Araw-araw, gabi-gabi mang tulalâ 
‎gagawin ang lahat upang makaakdâ.
‎
‎Tulâ, kwento, dagli, pabula't sanaysay
‎pinagsisikapan at pinaghuhusay.
‎Taos pasalamat ang tangi kong alay
‎sa sumusuporta. Mabuhay! Mabuhay!
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎09.04.2026

Ako man ay makatang wala sa akademya

AKO MAN AY MAKATANG WALA SA AKADEMYA

Ako'y isang makatang / wala sa akademya.
Kaya nakatutuwang / kapwa ko'y makasama
sa pagkatha ng tula. / Sila'y mga guro pa
habang ako'y wala lang / pagkat nangangalsada.

Tula'y nakahiligan / ng abang maglulupa,
lalo't isyu at buhay / ng masang maralita,
kababaihan, bata, / obrero, baha, sigwa,
kurapsyon, at lipunan / ang madalas kong paksa.

Ako'y isang makatang / tumutula sa rali.
Lagi man sa kalsada, / ngunit di pahuhuli.
Tula'y tulay sa api, / dukha't walang sinabi.
Sa mga lumalaban, / tula'y pinagbubuti.

Ayokong magmasid lang / sa mga nagaganap
kundi makipamuhay / sa mga nagsasalat,
sa dukha, manggagawa't / masang hirap ang lasap.
Ang tulang mapagmulat / sa laban nila'y ambag.

Di man akademiko't / maglulupa mang tunay,
ang bawat kong pagkatha'y / aking pinaghuhusay!
At sa makatang nasa / akademya, mabuhay!
Taospuso po't taas-/kamaong pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
09.04.2026

Pagninilay

PAGNINILAY
‎
‎di ko hilig iyang makipagdigmaan
‎maliban kung sa chess makipagtagisan
‎ng estratehiya at mga taktika 
‎at di sa giyerang kayraming biktima
‎
mabuti't natuto akong manindigan
turo ng magulang, tama'y ipaglaban!
tanong sa sarili'y mga nakikita
laksa-laksa'y bakit kawalang hustisya?
‎
‎bakit may mahirap? bakit may mayaman?
‎sa kaibutura'y laging katanungan
‎bakit nagdarahop silang magsasaka?
‎gayong buong bansa'y pinakain nila!
‎
bakit manggagawa'y aliping sahuran?
gayong nililikha'y yaman ng lipunan!
hirap din ang vendor at namamasada
bigas na'y kaymahal, pati gasolina!

sistemang bulok nga'y sinirang tuluyan
itong kalikasang pinagkakitaan
bundok, gubat, dagat, lupa'y minimina
para sa negosyo at malaking kita
‎
gawin ang marapat, huwag mang-iiwan
dapat masang api'y matutong lumaban
‎kaya nangalsada ako't nakiisa
‎laban sa pag-api't pagsasamantala!
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎09.04.2026

Huwebes, Setyembre 3, 2026

Gunitâ

GUNITA

Gaano man kasamâ
ang diktadurang maton,
pag nagalit ang madlâ,
tiyak babagsak iyon!

Isang aral sa atin
laban sa paniniil.
Sa kasaysayan natin,
babagsak ang malupit!

Taumbayan ang bida:
ang masa't karaniwan,
obrero't magsasaka,
ay ating pagpugayan!

Pag masa'y nagkabigkis
diktador ma'y aalis!

- gregoriovbituinjr.
09.03.2026

* litrato mula sa google

Bahâ

BAHÂ

Sanay na nga ba tayo sa bahâ
kaya wala tayong ginagawâ?
Sanhi rin iyang trapong kuhilâ
na dinistrungka'y kaban ng bansâ.

Sa baha, huwag tayong masanay!
Pagsingil ay gawin nating pakay.
Alalahaning bahay at buhay
ang ipinagtatanggol nating tunay!

Ginawang proyekto'y paliparan
ngunit ang nangyari'y palubugan.
Nilubog sa baha ang lansangan
pati na aming mga tahanan!

Singilin natin lahat ng sangkot
sa isyung flood control na'y managot!
Tiyakin nating may malalagot
at dito'y walang makalulusot!

Mga lingkodbayang palamunin
ng manggagawa'y dapat alisin!
Lahat ng maysala'y panagutin
at mga nagrarali ay dinggin!

- gregoriovbituinjr.
09.03.2026

* litrato mula sa google

Martes, Setyembre 1, 2026

Sa sama-samang pagkilos

SA SAMA-SAMANG PAGKILOS

pinaniwala
tayo sa isang
tagapagligtas

imbes na tayo'y
sa sama-samang
kilos umasa

ganyan ang diwa
ng isang Batman
o ng Superman

paniwala ko'y 
walang bayani
tulad ni Darna

kundi ang bida
ay taumbayan,
ang sambayanan

sa Unang Alsa
ng mamamayan
doon sa Edsa

sa sama-samang
kilos ng masa
nagawa nila

ang mapatalsik
ang diktadura!
kaya ng masa!

isang aral na
ating patnubay
tungong tagumpay

dagdag ko lamang
uring obrero
at magsasaka

kung sama-sama
silang kikilos
ang magbabago

nitong sistemang
mapang-api na'y
bulok pa't bugok

- gregoriovbituinjr.
09.01.2026

Kahapon pa-Malolos

KAHAPON PA-MALOLOS
‎
‎pasya kong sa rali ay dumalo
‎at di basta matulog lang ako
‎sa bahay, naglakbay nang totoo
‎nang nasa loob, ipahayag ko
‎
‎alas-kwatro, matapos magbanlaw
‎lakad hanggang Edsa nang maginaw
‎sa bus carousel agad sumakay
‎sa Trinoma, P2P'y hinintay
‎
‎alas-sais nang dumating ang bus
‎naglakbay, narating ang Malolos
‎baha roon, ako'y pumanaog
‎sa pagkilos ay sadyang marubdob
‎
‎at iniwasan namin ang baha
‎nang maglakad kasama ang madla
‎ang galit nila'y mahahalata
‎sa programa ako'y nagsalita
‎
‎ikako'y mayroong paliparan
‎ngunit nangyayari'y palubugan
‎lubog sa baha ang mamamayan
‎galit ang mga taga-Bulacan
‎
‎kailan titigil ang korapsyon?
dahilan pa'y yaong reklamasyon!
‎sa mga nagtipon-tipon doon
suma‎saludo ako, padayon!
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎09.01.2026

Linggo, Agosto 30, 2026

Ayon kay Prof. Winnie Monsod

AYON KAY PROF. WINNIE MONSOD

aba'y talagang / tunay ang sabi / ni Profesora / Solita Monsod
trato sa tao'y / mga alipin / ng mga lider / na sampay-bakod
tinuring nilang / alipin yaong / dukha't obrerong / kayod ng kayod
habang gobyerno'y / sa kabang bayan / ay kurakutan / ang tinaguyod

ang mga ibon / ang gumagawa / ng batas para / sa mga isda
katotohanang / aking nabatid / noon pa mula / sa matatanda
ang dinastiya / ang lumilikha / ng mga batas / para sa madla
pag batas naman / sa manggagawa, / kapitalista / ang kumakatha

hindi ba't sila'y / magkakaiba, / at hindi sila / magkakauri
at ibon silang / kapitalista, / trapo, burgesya, / ang hari't pari
ang mga isda'y / tinatanggalan / ng ibon nitong / dangal o puri
kaya ang danas / na dusa't hirap / ng mga dukha'y / lalong sumidhi

O, mga isda, / baguhin nating / tuluyan iyang / sistemang bulok
at sama-sama / nating ilagay / ang mga dukha / doon sa tuktok

- gregoriovbituinjr.
08.30.2026

Pinaghalawan:

Sabado, Agosto 29, 2026

Maglulupa

MAGLULUPA

isa lamang akong abang maglulupa
sa pakikibaka'y laging nakahanda
walang pamasahe? lalakaring sadya!
upang makausap ang kapwa ko dukha

aking sasabihin doon sa pabrika:
"nililikha ninyo ang ekonomiya
nitong ating bansa subalit kaymura
ng sahod pambuhay sa inyong pamilya!"

at ang kapwa dukha ay pagsasabihan:
"karapatang sadya ang paninirahan
kaya demolisyon ay inyong labanan,
at maging matatag sa paninindigan!"

sa piniling buhay, hindi na humindi
kahit katawan ko'y magkabali-bali
pagbaka'y patuloy, matortyur mang muli
kahit na sa laban, ako pa'y masawi

at sasabihin mo, "wala kang pangarap
kaya hanggang ngayon, ika'y naghihirap"
ikako, "ang aking puso'y nag-aalab
nang sistemang bulok, tuluyang mawasak!

- gregoriovbituinjr.
08.29.2026

Miyerkules, Agosto 26, 2026

Ang P.A.Y.O. sa karinderya: Pay As You Order

Ang P.A.Y.O. sa karinderya: Pay As You Order
(13 pantig bawat taludtod, walang sesura)

ang payo sa karinderya ay P.A.Y.O.
Pay As You Order daw ang kahulugan nito
na bayaran mo muna iyang inorder mo
bago kainin, parang sa Jollibee't McDo

kaysimpleng payo ni Ate sa karinderya
na bayaran mo muna si Manang Tindera
kayganda ng payo, sana'y sundin ng masa
baka nakakain na'y wala palang pera

- gregoriovbituinjr.
08.26.2026

* litrato mula sa google

Martes, Agosto 25, 2026

Ang masamang asal ng nasa political dynasty

ANG MASAMANG ASAL NG NASA POLITICAL DYNASTY

sadyang sa hayop ay masahol pa
ang asal ng nasa dinastiya
utusang pulubi lang ang masa
na tatahimik lang sa ayuda

masa'y di kapwa, di mamamayan
ganyan ang dinastiyang gahaman
di ba natin isusuka iyan?
ipapanalo pa ba ang ganyan?

kaasalang ang iba'y apihin
matapobre pa kung makatingin
mapanlait kung iyong suriin
dinastiya'y talagang salarin

ng ating karapatang pantao
silang di marunong rumespeto
na ang masa'y sinliit ng buto
habang sila'y sinlaki ng buko

wakasan na ang sistemang bulok
pati dinastiyang asal bugok
ibagsak ang dinastiyang hayok
silang di dapat muling maluklok

- gregoriovbituinjr.
08.25.2026

Biyernes, Agosto 21, 2026

Prinsipyado

PRINSIPYADO

May tibak sa loob ko.
Nakataas-kamao.
Tulad ng batang ako.
Titindig, di tatakbo.

- gregoriovbituinjr.
08.21.2026

Ang mga ibon ang lumilikha ng batas para sa mga isda

ANG MGA IBON ANG LUMILIKHA NG BATAS PARA SA MGA ISDA

Ang mga ibon / ang lumilikha / ng batas para / sa mga isda.
Iyan ay isang / katotohanang / aking nabatid / sa matatanda.
Ang dinastiya / ang gumagawa / ng batas para / sa mga dukha.
Kapitalista / ang umaakda / ng batas para / sa manggagawa.

Tanong ko lamang: / Bakit ba ganyan / ang kabulukan / sa ating bayan?
Nasaan na ba / ang kabuluhan / ng pagkatao't / ng katauhan?
Ang tusong trapo / ang pinupuri, / dinarakila, / pinagpugayan!
Gayong obrero / ang lumilikha / ng buong yaman / nitong lipunan!

Ang pangnegosyo'y / sinasabatas. / Paanong bansa'y / ipagbibili.
Gagawa sila / ng batas ngunit / tao'y di man lang / sinasangguni!
Ngayon, alam na! / Huwag iboto / ang tusong trapo't / mga dynasty
na kumawawa / sa masa, dukha, / sa manggagawa, / bata't babae!

Kaya dapat lang / baguhin nating / tuluyan iyang / sistemang bulok
at silang uring / obrero't dukha'y / ating ilagay / doon sa tuktok!

08.21.2026

* dadalawampuin, sesura 5/5/5/5, antas-karaniwan, soneto

Huwebes, Agosto 20, 2026

Binigkas sa QnA portion sa usaping political dynasty at partylist

‎BINIGKAS SA QnA PORTION SA USAPING POLITICAL DYNASTY AT PARTYLIST
‎(madalian lang kaya magkakaiba ng tugma at bilang ng pantig)
‎
‎paano ang walang political dynasty
‎kung gumagana lagi'y ayuda't salapi
‎serbisyo'y negosyo ng trapong negosyante
‎nangungurakot imbes sa bayan magsilbi
‎
‎tingnan na lang natin sa isyu ng flood control 
‎sinong lingkod bayan ang dito'y nagtatanggol?
‎sinong dapat managot? sinong accountable?
‎nangyayari sa bayan ay sadyang kaysahol
‎
‎dapat baguhin ang sistema ng eleksyon
‎kung saan ang lahat ay may pagkakataon
‎at di sa paramihan ng poster magumon
‎sa party list naman ay nais kong magtanong 
‎
‎boboto ka ba sa ghost flood control party list
‎iboboto mo ba ang kurakot party list
‎iboboto ba nati'y buwaya party list
‎o iboboto mo'y ang matino party list
‎
‎comelec na ang gumastos, di kandidato
‎di dapat batayan ang kayrami nilang piso
‎upang maging patas talaga at seryoso
‎tayong kandidato'y magsisilbi sa tao
‎
‎ibon ang gumagawa ng batas para sa isda
‎nang di sinasangguni ng ibon ang mga isdâ 
‎trapo ang gumagawâ ng batas para sa madlâ
‎baguhin na ang sistema upang walang kawawa
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎08.20.2026

Soneto kay Patrick Dylan Wee

SONETO KAY PATRICK DYLAN WEE

matapos ang krimen doon sa Tacloban
kung saan namaril yaong kabataan
ay naulit muli yaong karahasan
at sa Zamboanga ay nangyari naman

si Patrick Dylan Wee yaong nabiktima
isa siyang kampyon sa matematika
at agham, Gold Award dalawang taon na
sa Math Olympiad nitong Southeast Asia

estudyanteng Grade 10 sa may Ateneo
batang may pangarap, batang matalino
subalit nangyari namatay na ito
anong ginagawa ng ating gobyerno

bakit ang tadhana'y ganyan na kalupit?
nawa katarungan ay kanyang makamit

- gregoriovbituinjr.
08.20.2026

Miyerkules, Agosto 19, 2026

Negosyo laban sa kalikasan

NEGOSYO LABAN SA KALIKASAN

Negosyo versus kapaligiran
Negosyante versus kalikasan
Dahil sa tubo, silang gahaman,
Sa kapwa ay walang pakialam

Serbisyo'y tinuring na negosyo
Kalikasa'y sinisirang todo
Iyang sistemang kapitalismo
Ay talagang perwisyong totoo.

Sinira ang bundok, kina-quarry
Lupa'y minimina ng salbahe
'Lang tugon sa climate emergency
Basta kumita lang, walang paki.

Katotohanang dapat tanggapin
Negosyo'y nangwawasak sa atin
Mga lupa't bundok minina rin
At katutubo'y pinalayas din

Tumingin ka sa paligid-ligid
Kalikasa'y kanilang nilubid
At kayraming sa gabi binulid
Pati buhay ng kapwa'y pinatid.

Nang dahil sa pagkamal ng tubo
Kalaban ng negosyo'y naglaho
Niyurak dangal ng katutubo
Inagaw pati lupang ninuno.

Kung nais mong tulungan talaga
Ang bayan, dapat tanggapin mo na:
Negosyo'y mapanira talaga
Upang bumundat, kumita sila.

Kung di mo ito kayang matanggap
Kalikasa'y di mo nililingap
Kapitalismong nagpapahirap
Ay kalabang sadyang mapagpanggap.

- gregoriovbituinjr.
08.19.2026

* mga litrato mula sa google

Martes, Agosto 18, 2026

Tugon sa nabasa sa messenger

TUGON SA NABASA SA MESSENGER

kaybigat ng walang pamasahe
tulad na lang ng kanyang sinabi
subalit kung ako, lalakarin
ko iyon, kalsada'y tatahakin

susubukan pa ring dumiskarte
kung ako ang walang pamasahe
pagkat ayokong gawing dahilan
iyon, di magawan ng paraan

tanungin din ang nag-organisa
kung isyu't paksa'y para sa masa
tumugon kung pang-atin ang paksâ
di kung may pamasahe o walâ

iwan kung isyung pangmayayaman
at daluhan kung pangmamamayan
ay, ganyan kaming organisador
kahit itanong mo pa kay Melchor

gaano man katotoong sabi
iyang kawalan ng pamasahe
ako'y pultaym, ayokong marinig
ang ganyan, kundi ang isyu't tindig

- gregoriovbituinjr.
08.18.2026

Lunes, Agosto 17, 2026

Sa isang forum

SA ISANG FORUM
‎
‎Sa Buwan ng Wikang Pambansâ
‎Inglesan sila ng Inglesan.
‎Ang turing kaya nila'y bakyâ
‎Ang sariling wikà ng bayan?
‎
‎Gayong Pinoy naman ang paksâ!
‎Dumalo'y mga kababayan.
‎Sa harap ng Pinoy na madlâ 
‎Tingin sa sarili'y dayuhan?
‎
- gregoriovbituinjr.
08.15.2026

Martes, Agosto 11, 2026

Tanaga sa klima

TANAGA SA KLIMA

‎Di palagay ang masa
‎Sa nagbabagong klima:
Noon daw: BAHALA NA.
‎Sigaw ngayon: BAHA NA!

- gregoriovbituinjr.
08.11.2026

* ang tanaga ay uri ng katutubong tula, may pitong pantig sa bawat taludtod, may apat na taludtod sa isang saknong

Lunes, Agosto 3, 2026

Munting tula sa rali sa DOLE

MUNTING TULA SA RALI SA DOLE‎

binibilog nilang muli ang ating mga ulo
‎ayaw na raw ibigay ang walumpu't limang piso
‎ganito katindi ang sistemang kapitalismo
nag‎serbisyo raw sa tao, lumuhod sa Negosyo

inuuna nga ba'y kapakanan ng kapitalista?
kaya nangyari ang ganyang gawang di makamasa?
Department of Labor and Employment ba'y binago na
‎at ito'y Department of Love for Employers na nga ba?

‎‎kaya po tayo nasa harap ng maamong DOLE
‎ay dahil na rin sa pakikialam nitong korte
di na hurisdiksyon ng korte ang isyung nasabi
maamong tupa ba silang prinsipyo'y nabibili
‎
O, DOLE, magserbisyo po kayo sa manggagawa
sapagkat kayo po ang Kagawaran ng Paggawa
baryang walumpu't limang piso'y ibigay nang sadya
at huwag padaig sa kapitalistang kuhila
‎
- gregoriovbituinjr.
08.03.2026

* dumalo ang makatang gala sa pagkilos ng mga manggagawa sa harap ng DOLE Intramuros sa umaga ng Agosto 3, 2026, araw ng Lunes

Biyernes, Hulyo 31, 2026

Tulampati sa ikasampung anibersaryo ng CEED

‎TULAMPATI SA IKASAMPUNG ANIBERSARYO NG CEED
‎
‎taasnoong pagpupugay sa CEED
‎pagkat kalikasa'y di nabulid
‎sa pagkasira, inyong hinatid
‎ay pakikibakang aming batid
‎
‎pinagtatanggol ang kalikasan
‎sinuri rin ng CEED ang lipunan
‎upang matiyak ang kaligtasan
‎ng katutubo at mamamayan
‎
‎negosyo'y mapanira talaga
‎dulot ay maruming enerhiya
‎kalikasa'y winawaksi nila
‎kaya tayo'y dapat magkaisa
‎
‎mula po sa maralitang hanay
‎muli, taospusong pagpupugay
‎sa CEED sa pagbaka n'yo't tagumpay
‎sigaw namin! mabuhay! mabuhay!
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎07.31.2026
‎
‎* tulampati ng secgen ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) na binigkas sa pagdiriwang ng CEED
‎* CEED - Center for Energy, Ecology and Development

Linggo, Hulyo 26, 2026

‎DALIT laban sa pesticide gas

DALIT laban sa pesticide gas

‎‎Gaano kasiraulo
‎ang mga gumawâ nito?
‎Yaong pabor sa negosyo
‎pinesticide gas ang tao!
‎
‎Sa World War I ay mustard gas,
‎sa Vietnam war, CS gas,
‎sa DENR sa Pinas
‎gamit nama'y pesticide gas!
‎
‎Makatao pa ba silang
‎pesticide ang pinambira
‎sa naroong raliyista?
‎Combatant na ba ang masa?
‎
‎Natuto sila sa Kanô
‎upang hustisya'y masugpô!
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎07.26.2026

* bidyo mula sa The Wheel sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/1358699189684782

Martes, Abril 14, 2026

Nang hinuli ang mga hubad

NANG HINULI ANG MGA HUBAD
‎
‎Kay Balagtas:
‎
‎Ang laki sa layaw, karaniwa'y hubad
‎sa bait at muni, sa hatol ay salat.
‎
‎Ngayon:
‎
‎Dahil sa tinding init, may mga nakahubad
‎sila'y pinaghuhuli, kriminal na ba agad?
‎
‎Dagdag pa:
‎
‎Nililihis ang isyu ng mga pandarambong
nangurakot sa bayan ay di pa nakukulong

- gregoriovbituinjr.‎
‎04.14.2026
(Buwan ng Panitikan)

Lunes, Abril 13, 2026

Tumbong

TUMBONG
‎
‎nais nang lumabas / ng tae sa puwet
‎iri na ng iri / nang paulit-ulit
‎sana'y dudukutin / ko na iyong pilit
‎buti't nalunasan, / nawalâ ang sakit
‎
‎ininom ko agad / ang nakahandang dyus
‎galing ref, malamig, / guminhawang lubos
‎una, isang pitsel / nitong malunggay dyus
‎sunod ay bawang dyus / at ang turmeric dyus
‎
‎at maya-maya lang, / agad naglabasan
‎yaong nasa puwet, / anong kainaman
‎guminhawa agad / itong pakiramdam
‎gayong sa ta-kubets, / isang oras naman
‎
‎ang mga herbal dyus / ay kaylaking tulong
‎at di na masakit / itong aking tumbong
‎salamat, salamat / at ito'y humantong
‎sa damang ginhawa, / búhay ko'y sumulong
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.13.2026

Linggo, Abril 12, 2026

Gender equality

GENDER EQUALITY
‎
‎galing ka raw sa tadyang ko, ngunit
‎iba yaong nais kong igiit
‎pantay tayo, anang kwentong bayan
‎nang sabay lumabas sa kawayan
‎
‎karapatan nati'y magkapantay
‎pagkat minulan ay magkasabay
‎noon pa'y may gender equality
‎pantay ang babae at lalaki
‎
‎mulâ sa katutubong alamat
‎ngalan ay Maganda at Malakas
‎tulad ko, katutubò rin sila
‎pagkapantay ay kinikilala
‎
‎salamat sa alamat na ito
‎na pinanghawakan kong totoo
‎para sa pantay na karapatan
‎patungo sa patas na lipunan
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.12.2026
‎
‎* litrato nina Maganda at Malakas sa UP Vargas Museum sa Diliman, QC

Sabado, Abril 11, 2026

Pagpupugay, Letran Lady Knights!

PAGPUPUGAY, LETRAN LADY KNIGHTS!
‎
‎ako'y taospusong nagpupugay
‎sa Letran Lady Knights sa tagumpay
‎ninyo sa larangan ng volleyball
‎sa NCAA, talagang idol
‎
‎malaking karangalan sa Letran
‎ang ipinakitang katatagan
‎kayâ ang pangsiyam na korona
‎ay pinaghirapan n'yong nakuha
‎
‎Arriba Letran! ang ating sigaw
‎sa arena umaalingawngaw
‎mga Lady Knights, mabuhay kayo!
‎kami sa inyo'y sumasaludo!
‎
‎paghandaan ang sunod na taon
‎back-to-back na titulo ang misyon
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.11.2026
‎
‎* ulat mulâ sa pahayagang Bulgar, Abril 11, 2026, pahina 12
‎* NCAA - National Collegiate Athletic Association

Sa totoo lang

SA TOTOO LANG
‎
‎ako'y makatang taring na may tungkuling mabuti
‎para sa bayan, hindi sa dinastiya't salbahe
‎hindi ako parang bubuyog na kinukumbinsi
‎ang langaw na mas masarap ang pulot kaysa tae
‎
‎bawat usad ng pluma'y para sa katotohanan
‎ng mga nakikita't nangyayari sa lipunan
‎sinumang salbahe'y hindi ako mapipigilan
‎sa pagkathâ ng mga tulang may silbi sa bayan
‎
ako'y manunulat para sa uring manggagawà
‎adhikain ay sistemang giginhawa ang dukhâ
‎stage 4 na kanser ng lipunan ay lumalalâ
‎iyan ang kanser stage 4 na di mawalâ-walâ
‎
‎mga isyu ng bayan ay arálin ding talaga
‎bakit dukha'y laksâ habang iilan ay sagana
‎ang katotohanang ito'y sa ngalan ng hustisya
‎kayâ kasamang tunay ng mga nakikibaka
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.11.2026

Biyernes, Abril 10, 2026

Managot kayong mga kurakot

MANAGOT KAYONG MGA KURAKOT
‎
‎O, kayong mga pulitiko
‎na aming mga ibinoto
‎nagkamali kami sa inyo
‎kung kayo'y kurakot sa pondo
‎ng bayan, bumabâ na kayo
‎sa inyong pwesto sa gobyerno
‎at talagang managot kayo
‎sa ginawâ n'yong krimeng ito
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.10.2026
‎(15th Black Friday Protest ng 2026)

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na:

Tuwing Biyernes

TUWING BIYERNES
‎
‎sadyang di ko kinaliligtaan
‎tuwing Biyernes yaong usapan
‎ang ilunsad ang Black Friday Protest
‎saanman tayo tuwing Biyernes
‎
‎na adhikain ay mapanagot
‎ang mga pulitikong kurakot
‎na sa kulungan sila'y magdusa
‎na ang nag-uudyok ay hustisya
‎
‎hustisya'y lagi nating igiit
‎dahil krimen nila'y anong lupit
‎pondo ng bayan yaong dinambong
‎di lang milyong piso kundi Bilyon
‎
‎giyera'y kailan matatapos?
‎itanong kay Trump, tanong kong kapos
‎giyera'y wakasan, di lang ceasefire
‎kapayapaan na ay ilugar
‎
‎mga paalaalang totoo
‎tuwing Biyernes ay gawin ito
‎Black Friday Protest ay di titigil
‎masa'y makialam na't maningil
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.10.2026
‎(15th Black Friday Protest ng 2026)

Huwebes, Abril 9, 2026

Tulawit sa Araw ng Kagitingan

TULAWIT SA ARAW NG KAGITINGAN
‎
‎ang mga bayani ng bayan
‎ay atin pong alalahanin
‎ngayong Araw ng Kagitingan
‎upang kalayaan ay kamtin
‎
‎sa mga bayaning Pilipino
‎kami'y taospusong nagpupugay
‎pagkat bansa'y pinalaya ninyo
‎mula sa mga imbi't kaaway
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.09.2026

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na:

Pagtuntong sa sapatos ng api

PAGTUNTONG SA SAPATOS NG API
‎
‎piniling tumuntong sa sapatos
‎ng api't mga naghihikahos
‎pasya ko iyong walang nag-utos
‎kundi budhi, inatas na lubos
‎
‎kayâ pinili kong maging tibak
gapangin ma'y malalim na lusak
‎at paglingkuran ang hinahamak
‎ng tuso't sistemang mapanyurak
‎
‎oo, ganyan, ganyan yaring búhay
‎na buong pusò ko nang inalay
‎sa pakikibakang tanging pakay
upang dukha'y guminhawang tunay
‎
‎subukan mo, katoto, kumpare
‎tumuntong sa sapatos ng api
‎at huwag maging makasarili
‎ganito ang búhay na may silbi
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.09.2026 (Araw ng Kagitingan)

* litratong kuha ng makatang galâ sa rali noong ika-40 anibersaryo ng Pag-aalsang Edsa, 02.25.2026

May umagang parating

MAY UMAGANG PARATING
‎
‎“Even the darkest night will end and the sun will rise.”
~ Victor Hugo, Les Misérables
‎
‎gabi'y gaano man kapusikit
‎danas man ay gaano kapait
‎sistema man ay napakalupit
‎ay may bagong umagang sasapit
‎
‎iyan ang madalas sinasabi
‎ng mga matatandang pineste
‎ng mga banyagang mapang-api
‎kaya pumanglaw ang mga gabi
‎
‎kasaysayan na ang nagtuturò
‎na bayan natin ay mahahangò
‎mulâ kaapihang nakatagpô
‎kung kikilos lang, kahit madugô
‎
‎sina Bonifacio't Dr. Rizal
‎ay inangat natin sa pedestal
‎na ginawa'y ikinararangal
‎ng bansâ, sila'y mga imortal
‎
‎may bagong umaga pang parating
‎kahit sambayanan pa'y nahimbing
‎sa mga kurakot ay nagising
‎kumikilos na ang magigiting
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.09.2026 (Araw ng Kagitingan)

Martes, Abril 7, 2026

Salawahan

SALAWAHAN
‎
‎wala akong silbing makatâ
‎kung pag-ibig ko'y salawahan
‎anong aking magiging mukhâ
‎sa harap ng giliw at tanan
‎
‎ako'y talagang palamara,
taksil, ahas, lilo, at sukab
‎pagkat nangaliwâ sa sinta
‎pag-ibig pala'y di mag-alab
‎
‎di ba't makata'y dapat tapat
‎sa pag-ibig ng kanyang pusò
‎at kung pagsasama'y maluwat
‎tutupad sa kanyang pangakò
‎
‎iyan ang nais kong manaig
‎sa sarili't búhay kong iwí
‎makata'y tapat kung umibig
‎maging búhay man ay mapútí
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.07.2026

HEART at EARTH

HEART AT EARTH
‎
‎pag nirambol ang mga salitâ
‎tulad ng EARTH ay HEART ang katagâ
‎may pusò kang mahalin ang lupà
‎o daigdig nating lumuluhà
‎
‎kayganda ng gayong parikalâ
‎HEART at EARTH ay magkaisang sadyâ
‎tilà iisa ang nasa diwà
‎tilà iisa ang nasa't diwà
‎
‎tao ang dapat nangangalaga
‎sa natatanging mundo at lupà
‎ang mundo'y sinisirà ng digmâ
‎habang hanap ay mundong payapà
‎
‎EARTH at HEART, sabay na lumuluhà
‎kung tayong tao'y walang ginawâ
‎upang sistemang bulok mawalâ
‎paano giginháwa ang dukhâ
‎
‎pagkakaisa ng mga bansâ
‎ay dapat nang di mapariwarâ
‎ang mundong ang puso'y lumulubha
‎dahil tayong tao'y nagpabayâ
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.07.2026
‎
‎* larawan mulâ sa google, titik sa larawan ay gawâ ng makatâ

Lunes, Abril 6, 2026

Una Pahalang: Binibigkas ng makatâ

UNA PAHALANG: BINIBIGKAS NG MAKATÂ
‎
‎salamat sa unang tanong, nakatutuwâ
‎dahil aking pagkatao ang binabadyâ
‎una pahalang pa lang, sagot ko na'y TUL 
‎kayâ tula'y agad kinathâ ng makatâ
‎
‎nakabibigkas lang ng tulâ pag may rali
‎pag nabatid ang isyu, doon sinasabi
‎ng patulâ, madalas tula'y hinahabi
‎sa rali lalo na't sa masa nagsisilbi
‎
‎bihirang bumigkas, kapag may okasyon lang
‎bagamat araw-gabi'y nasa pasulatan
‎kathâ ng kathâ ng tulâ para sa bayan
‎gagawing libro upang basahin ng tanan
‎
‎salita'y balaraw na aking inuulos
‎sa bulok na sistemang ipinagpupuyos
‎niring loob, sistemang dapat kinakalos;
‎salamat sa krosword na aking tinatapos
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.06.2026
‎
‎* litrato mulâ sa pahayagang Bulgar, Abril 6, 2026

Kaya ko pa bang maging makina?

KAYA KO PA BANG MAGING MAKINA?
‎
‎i
‎
‎humihina na ang aking mga piyesa
‎nagmahal kasi ang presyo ng gasolina
subalit kaya ko pa bang maging makina
‎lalo't mga bakal ko'y kinakalawang na
‎
‎lalong pupurol pag di na ako nagamit
‎ang kasuluk-sulukan ko'y lagyan ng fluid
‎sa mga kinakalawang, grasa'y ipahid
‎pihitan ko'y dapat magaan pag pinihit
‎
‎ii
‎
‎nag-operator noon ng AIDA Press Machine
‎ang karanasang iyon ay tatlong taon din
‎sa pabrikang Hapon ay iyon ang gawain
‎talubatâ pa noon nang doon hasain
‎
‎ngunit walâ na ang pinagtrabahuhan ko
‎isang gunitâ na lang ang pabrikang PECCO
‎tatlong dekada na'y nagdaan, naisip ko
‎ngayon, matandâ na ako't di na obrero

iii

dapat palitan ang nanginginig na kamay
makina'y bubulok pag hinayaang tunay
na pag di nalilinis, ito'y nalulumbay
kahit makina, dapat malusog ang lagay
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.06.2026

* PECCO - Precision Engineered Components Corporation

Sabado, Abril 4, 2026

Pagtaguyod sa kapwa makata't tulâ

PAGTAGUYOD SA KAPWA MAKATA'T TULÂ
‎
‎itinataguyod ko ang kapwa makatâ
‎pati mga pinaghirapan nilang tulâ
‎ganyan ang adhikain ko't nasasadiwà
‎kapara'y Batute't Balagtas na dakilà
‎
‎pag sa iwing haraya'y mayroong makatas
‎paglalambing ng dila'y nagiging madulas
‎ang pananalinghaga'y agad mawawatas
‎parang walang kupas na Batute't Balagtas
‎
‎itutulâ ko sa pusikit na karimlan
‎ang diwà ng mga makatang kaibigan
‎kaisa sa kanilang ipinaglalaban,
‎pananaw, akala, isinasalarawan
‎
bagamat wala man kami sa toreng garing
‎kami'y magkasangga gaano man kadilim
‎ang bukas dahil sa digma't pagkagupiling
‎may bagong umaga't rosas na masisimsim
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.04.2026
‎
‎* litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon