Lunes, Nobyembre 2, 2009

Ang Sigaw ng Dukha - tula ni Crisanto Evangelista

ANG SIGAW NG DUKHA
tula ni Crisanto Evangelista
tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (1930)

(Handog sa “Kapisanang Damayang Mahirap”, alang-alang sa ikalawang taon ng kanyang pakikitunggali sa larangan ng pag-aagaw-buhay; ang tula'y may 18 pantig bawat taludtod, at may caesure sa ika-6 at ika-12)

I
Mga binibini, mga piling sama at kaginoohan:
Yamang pinipita! Ang Sigaw ng Dukha! na dito’y isaysay
Naito’t tanggapin at sa buong puso’y kusang inialay
Ang tinig na paos, ang bisig na pata, ang damdaming buhay
Ng anak-dalitang nabili na halos ang diwa’t katawan
Makasagot lamang sa paghihikahos at sa kailangan.

II
Tanggapin nga ninyo, mga binibini’t mga piling sama
Na aking ilahad ang buong damdaming ating nadarama,
Ang larawang buhay na kalarolaro at kasamasama,
Ang paghihikahos na kasalosalo’t kaagaw tuwi na,
Sa bawat paghanap, sa bawat paglikha ng ililigaya,
Sa bawat paglasap, sa minsang pagtikim ng ikagiginhawa.

III
Ikaw na nasunod sa atas ng iyong pinapanginoon
Kayong yumuyukod at di nagkukuro sa habang panahon
Akong lumalasap ng pagkasiphayo at pagkaparool,
Tayong lahat ngani, na kinabagsakan ng pula’t linggatong,
Tayo ang may likha, tayo ang may sala ng lahat ng iyon,
Pagkat kundi tayo napaaalipi’y walang panginoon.

IV
Kung tayo’y natutong lumikha sa ating ipananandata
Kung ikaw at ako’y natutong tumutol at di tumalima,
Kung tayong mahirap, tayong manggagawa’y natutong kumita
Ng punglong pangwasak, ng kanyon at saka mga dinamita
Disin ay putol na ang pangaalipin at ang panggagaga
Sa ating mahirap, niyang pinagpala ng masamang mana.

V
Kung ikaw ay hindi naghangad mataas sa dapat kalagyan,
Kung kayo ay hindi natutong humanap ng kapangyarihan,
Kung tayo ay hindi nagtanim ng sama at nagawayaway
Disi’y hindi nila tayo nabusabos at napagkaitan
Ng laya, ng puri, ng buhay at saka iwing karapatan,
Disi’y pantaypantay tayong nagsasama ngayo’t nabubuhay.

VI
Kung sa pasimula ay natuto tayong lumikha’t nagtatag
Ng mga Samahang katulad nga nitong “Damayang Mahirap”
Kung tayo’y nagimpok ng paglilingapan at pagtinging wagas
Sa loob ng mga kapisanang laan sa ating mahirap
Disi’y malaya na tayong tinatanghal at karapatdapat
Sa harap ng Bayan, sa gitna ng Bansa, ng lahat at lahat.

VII
Kung sa pasimula’y nakilala natin ang ating matuwid,
Kung itiniwala sa atin ang gawang dumama’t magmasid,
Kung tayo’y binigyan at saka sinanay sa gawang umibig
Disi’y hindi tayo alipin sa ngayon at tigib ng hapis;
Disi’y hindi tayo laging naglalayo at di naglalapit,
Tayo disin ngayo’y taong may pagasa’t may malayong bisig.

VIII
Maniwala kayong kung sa panimula tayo’y nagpipisan
Bumuo’t nagtatag ng lakas ng bisig at ng karapatan,
Nagbango’t yumari sa isang malaya at sariling bayan,
Niyong bayang salat sa masamang mana at sa kasakiman
Maniwala kayong kahapon ma’t ngayon, bukas at kalian man
Tatanghalin tayong may lakas na tao, may puri’t may dangal.

IX
Maniwala kayong kung sa unauna’t ating ilinayo
Ang masamang hilig ang pagiiringa’t pagbabalatkayo,
Pagtatangitangi’t ang nakasusuklam na sulsol at suyo,
Ang suplong na haling, ang lubhang mahalay na pagngusonguso,
Maniwala kayong tayo’y di lalasap niyong pagkabigo,
Tayo’y di dadama at makakakain ng pagkasiphayo.

X
Maniwala kayo mga piling samang ang paghihikahos
Imbing pagkadusta at pagkaalipin ng lubos na lubos
Ay di gawa lamang ng mamumuhunang mga walang taros
Kundi pati tayo, tayong sugatan ma’y di nagkakaloob
Na gumawa baga ng pagsasanggalang ng wagas at taos
Upang mapaanyo ang lakad ng lahat sa ikatutubos.

XI
Ngayon mga sama, tayo’y dumaraing sa lagay na dusta
Tayo’y nadadagi sa malaking buwis na sa ati’y likha
Ng Batas anilang kung kaya niyari, kung kaya nalagda
Ay sa kagalingan ng bayang mahirap at nagdaralita
Hindi baga ito’y katutubong hangad sa buktot na gawa?
Kapag paggugugol, pantaypantay tayo: Mayaman ma’t Dukha.

XII
Tayo’y dumaraing, laging humihingi ng kandiling tapat,
Sa Pamahalaan, sa Mamumuhunan, at sa lagdang batas
Nguni’t masdan ninyo kapag dumarating ang pagpapahayag
Ng di kasiyahan natin sa pakana’t masamang palakad:
Ang mamumuhunan, ang pamahalaan, at ang mga batas
Ang ating kalaban, ang sumasansala, ng ganap na ganap.

XIII
Gingipit tayo ng nagtataasang halaga ng lahat
Sinisikil tayo sa mababang sahod at ng kasalungat
Tayo’y inaapi ng mamumuhunan sa gawa ng pilak
Binibiro tayo ng mga hukuman sa hatol na tuwas
At pati pa halos niyong lalong imbi tayo’y hinahamak
Nguni’t hindi mandin tayo gumagawa ng mga pangwasak.

XIV
Kung may damdamin ka’t kung dinaramdam mo ang lahat ng ito
Kung may nababahid na kamunting dangal sa puso mo’t noo,
Kung ikaw’y simpanan ng magandang gawa, gawang makatao
Walan lingong likod, kusa mong tunguhin ng taas ang ulo
Ng bukas ang dibdib, ang iyong kasama sa isang upisyo
At isumpa roong makikisama ka nang di maglililo.

XV
Isumpa mo roong magtataguyod ka ng ganap na layon
Na mamahalin mo, ang Palatuntunan at ang iyong Unyon
Gagawa ng lalong matapat sa lahat ng ikasusulong
Hindi magtatamad sa mga pagdalo sa tadhanang pulong
Kusang iwawaksi iyong katakata na higit na lasong
Nanatay sa mithi, nalikha ng sama’t pagninigas-kugon.

XVI
Saka pagkatapos na iyong maganap ang ganang tungkuli’y
Makikita mo nang unti unti naming ang lahat ng sakim,
Ang lahat ng sama na nakapagbigay ng dilang hilahil
Mga kabuktutan at pananakali na labis maniil
Parang napapawing usok na masangsang sa himpapawirin
At sa kasunod niya’y “Ang Sigaw ng Dukha” na sa sama’y lagim.

* Ang tulang ito’y binigkas ng maykatha sa lamayang idinaos ng “Damayang Mahirap” noong ika-23 ng Pebrero ng 1913.

Biyernes, Setyembre 25, 2009

History of Metro Manila Vendors Alliance, from the news

http://www.philstar.com/Article.aspx?articleId=174100
Street vendors convene summit vs MMDA chiefBy Romel Bagares (The Philippine Star)
Updated August 31, 2002

They’re not going to take it lying down.
Street vendors, besieged by a war declared by Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Bayani Fernando to clear city sidewalks, convened a historic summit yesterday at the University of the Philippines church in Quezon City to establish the Metro Manila Vendors Alliance (MMVA).
"He is depriving us of our only honest means of livelihood," said Melly Auza, 50, a leader of the 6,000-member Baclaran Christian and Muslim Vendors Association. "We have to fight to survive."
Auza, who sends three children to private colleges, said she and her husband Onie have been unable to sell their wares for a month now because of Fernando’s campaign.
Auza said she sells shoes and umbrellas at a stall near the Light Rail Transit station in Baclaran. She supplemented income from vending by running a small eatery.
She claimed business has become bad since the MMDA began a crackdown on street vendors.
One moment, her stall is open, at another, it is hurriedly closed down because of MMDA enforcers on the prowl. At times, she and her husband have to hide at nearby malls and department stores while an MMDA clearing operation is underway.
"Lately, however, the guards at the mall have been throwing us out," she said. "We later learned that the MMDA chairman had asked the department store owners to keep us out."
The MMVA, convened under the auspices of the militant group Sanlakas and its urban poor ally Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), drew vendor groups from 24 areas in the metropolis.
A joint manifesto issued by the MMVA at the end of the day-long summit said the MMDA, instead of carrying out a "policy of annihilation," should work in hand with local chief executives and the national government to organize vendors, support their cooperatives and involve them in joint socio-economic projects.
While admitting that they have wittingly or unwittingly violated laws and regulations, vendors insisted that they were forced by circumstances.
"For poor people like us, sidewalk vending is an economic necessity not a travesty of laws," the vendors said in the manifesto. "We are not criminals. We find it more detestable to see our government selling all its properties to foreign and private corporations than to see ordinary people selling their merchandise in the streets at a bargain price."
"If the government can afford to talk with armed rebels in the hope of ending the conflict, why can’t they do the same with vendors," it said.
The vendors warned that if Fernando remains undaunted in his terror tactics, "we have no other recourse but to fight back."
Some vendors did not make it to the summit, like those from Cubao and Gracepark in Caloocan, where MMDA enforcers swooped down on their stalls yesterday and hauled their wares unto trucks.

Sabado, Setyembre 12, 2009

Ugat ng Kaapihan ng Kababaihan

UGAT NG KAAPIHAN NG KABABAIHAN

Bakit hindi pantay-pantay ang karapatan sa lipunan ng lalaki at babae? Bakit itinuturing ang babae na second-class citizen?

Ilang siglo na ang debate kung ano ang ugat ng mababang pagtingin at katayuan ng mga babae sa lipunan. Ito ba ay likas sa 'naturalesa' ng kababaihan o itinakda ng mga pamantayang panlipunan (socially determined)?

Sa paliwanag sa relihiyon, ang mababang katayuan ng kababaihan ay nagmula sa 'tadhana' o 'kagustuhan ng Diyos'. Pero sa pag-unlad ng syensya noong ika-19 at ika-20 siglo, ang ganitong klaseng argumento ay wala nang kredibilidad ngayon.

Teorya ng 'kalikasan' o biology bilang kapalaran

Isang laganap na katwiran ngayon ang ituro sa panloob na kalikasan ng tao ang dahilan ng kanyang kapalaran. Ayon dito, ganito tayo ngayon dahil ginawa tayong sadyang ganyan.

Laganap ang teorya ng 'natural na kalikasan' kahit sa ilang seksyon ng kilusang kababaihan ngayon. Batay sa evolutionary psychology, isang bagong bersyon ng social biology, ang mga di pagkakapantay na dulot ng lahi o ethnicity, uri ng kasarian (gender) ay mauugat sa komposisyong genetic ng indibidwal. Ang katauhan daw at oryentasyong sekswal ng indibidwal ay itinatakda ng mga genes na natural sa kanyang katawan.

Halimbawa nito ang sinasabing 'crime gene' sa katawan na siyang dahilan ng 'pagkahiyang' o 'hilig' ng ilang indibidwal sa kriminal na aktibidad. May ispekulasyon din na kaya raw may mahirap ay dahil sa tinatawag na 'poverty gene'.

Kung nakabatay sa biology o genetic traits ang ating kalagayan ngayon, ibig sabihin, nakaprograma na ang ating kapalaran mula't sapul. Dahil ang mga traits na ito ay hindi raw mababago, magagawang ibaling lamang ito sa ating pakinabang kung kokontrolin natin ito.

Sa ganitong teorya, ang di pagkakapantay ng mga tao - at ang pagsasamantala at pang-aapi sa lipunan - ay di maiiwasan, di mababago, at kung gayon ay 'natural' at 'moral' sa kaibuturan. Makokontrol lamang ito o mabibigyan ng 'tamang balanse' para maiwasan ang madugong salpukan. Maliwanag na ang ganitong teorya ay ideological justification lamang sa umiiral na kalagayan.

Doktrina ng 'natural na pagkakaiba'

Ang mahina, sensitibo at aping kalagayan ng kababaihan ay binibigyang katwiran sa batayan ng kanilang biological functions - ang panganganak at ang natural na papel daw ng pagpapalaki ng mga anak. Sa ganitong argumento, ang biology ng babae ang nagtatakda ng kanyang kapalaran, at ang 'natural' na lugar niya sa lipunan ay gumampan lamang ng sekondaryong papel sa hatian sa paggawa (division of work).

Ang papel na ito ng babae ay kasing-natural daw ng umiiral na 'nuclear family', kung saan ang ama ang ulo at haligi ng tahanan, ang ina ang tagapag-alaga at tagapag-aruga nito at ang mga anak ay tuwirang pangangalaga at otoridad ng parehong magulang.

Ang pananaw na ito sa nuclear family, na nagmula sa kalakarang kanluran (western), ay sinasabing sintanda na ng kasaysayan at umiral sa iba't ibang kultura at lipunan bilang 'natural' na batayang yunit ng lipunan. Ang ganitong pananaw ay tinatawag na ethnocentrism, o ang paglalapat ng isang partikular na anyo ng panlipunang organisasyon sa lahat ng klase ng kultura at lipunan na umiiral sa mundo.

Sinasabing ang partikular na sistema ng pamumuhay na ito ay natagpuan na mula nang ang mga unang tao ay bumaba sa puno at mailuwal bilang bagong specie. Ang pagiging 'natural' nito ay iginigiit sa iba't ibang anggulo: sa syensya, relihiyon, batas, ekonomya, at iba pa.

Sa kulturang kanluranin, inilalapat din ito sa daigdig ng mga hayop. Matatagpuan daw ang 'nuclear family' maging sa animal kingdom (halimbawa, ang popular na 'daddy bear', 'mommy bear' ay nagsasama lamang sa maikling panahon para magtalik. Pagkatapos nito, umaalis ang babae para manganak nang nag-iisa at pinalalaki ang cub (maliit na oso) ng sarili niya. Kung darating si 'daddy bear', pagnanasaan lang niya ang maliit na cub bilang masarap na pagkain at hindi tagapagkalat ng kanyang lahi. Anong laking kahunghangan na ilapat ang 'nuclear family' - isang kaayusang gawa-gawa ng tao - sa daigdig ng mga hayop!

Istoriko-materyalistang paliwanag

Para sa mga Marxista, ang pang-aapi sa kababaihan ay hindi nauugat sa biology, kundi may batayang ekonomiko at panlipunan. Ang pagkakaiba sa seks ng lalaki at babae ay realidad sa biology, subalit ang pagpapahirap at diskriminasyon sa kalahating bahagi ng kasarian (ang kababaihan) ay hindi ibinubunga ng pagkakaibang ito. Sa ebolusyon ng lipunan, bago at matapos sumulpot ang mga uri, ang panganganak ng babae ay isa nang natural na bagay, subalit ang panlipunang papel o social role ng kababaihan ay hindi laging api-apihan at nakapailalim sa komand ng kalalakihan.

Bago pa sumulpot ang lipunang makauri, may yugto sa kasaysayan kung saan umiral ang panlipunang kaayusan na tinatawag ng mga Marxista bilang 'primitibong komunismo'. Umiral ang kaayusang ito nang ang mga tao ay nabubuhay pa lamang sa pangangahoy at pangangaso.

Sa primitibo-komunistang lipunan, ang produksyon (paraan ng pagkabuhay) ay organisado ng komunidad at ang produkto nito ay pinaghahatian ng pantay. Sa ganitong lipunan, walang umiiral na batayan para apihin o pagsamantalahan ng isang grupo ang isa pa. Ang lalaki at babae ay parehong kalahok sa panlipunang produksyon at tinitiyak ang pag-aaruga at pagkabuhay ng lahat.

Habang ang iba't ibang grupo sa komunidad ay maaaring gumampan ng iba't ibang tungkulin - kahit ang panganganak ay nananatili bilang natural na papel ng kababaihan - ang mga pagkakaibang ito sa pagitan ng iba't ibang tao sa lipunan ay hindi nakasalig sa pang-aapi, pagsasamantala o di pagkakapantay-pantay.

Para sa mga Marxista, ang pinagmulan ng pang-aapi sa kababaihan ay naganap sa yugto ng transisyon mula sa lipunang walang uri (pre-class society) patungong lipunang may uri (class society). Ang eksaktong proseso kung paano ito naganap ay patuloy na pinagtutuunan ng pananaliksik at diskusyon maging sa hanay ng mga naninindigan sa istoriko-materyalistang pananaw.

Gayunman, ang mayor na mga usaping pinagmulan ng pang-aapi sa kababaihan ay matatagpuan sa sumusunod na mga pagbabagong naganap sa panahon ng transisyon:

- Ang pagsulong ng produktibidad ng paggawa ng tao batay sa agrikultura, at pag-aalaga ng mga hayop o stock raising;

- ang pagsulpot ng bagong dibisyon sa paggawa, ang produskyong artisano o craftmanship, at ang komersyo;

- ang pribadong paghamig (o paghamig ng ilang tao) ng lumalaking sarplas ng ekonomya; at

- ang pagluwal ng mga kalagayan para ang ilang tao ay makinabang sa pagsasamantala ng iba pa.

Sa pagkakapundar ng ganitong mga kondisyong sosyo-ekonomiko, at sa pakikinabang ng ilang tao sa pagsasamantala sa iba pa, itinuturing ang kababaihan bilang mahalagang ari-arian dahil sa likas o biological na papel nila sa produksyon - ang pag-aaruga sa umiiral na henerasyon ng paggawa at ang paglikha pa ng mga bago.

Gaya ng mga alipin at tupa (cattle), naging bukal din ng yaman ang mga babae. Paano'y sila lamang ang nakakalikha ng bagong mga tao na ang lakas paggawa ay kapaki-pakinabang. Kaya ang pagbebenta ng mga babae, kabilang ang karapatan sa kanilang isisilang, ay lumitaw bilang isa sa mga institusyong pang-ekonomya at panlipunan ng bagong kaayusang nakabatay sa pribadong pagmamay-ari. Higit na tumingkad ang pangunahing papel ng babae sa pribadong larangan - bilang aliping namamahay at palahian ng mga bata.

Kasabay ang pribadong akumulasyon ng yaman, naipundar ang pamilya bilang institusyon kung saan ang pananagutan sa mga di produktibong myembro ng lipunan - matatanda, may kapansanan, at mga kabataan - ay nailipat mula sa kamay ng lipunan sa kabuuan tungo sa mga tiyak na indibidwak o maliit na grupo ng mga indibidwal.

Ang pamilya ang nagsilbing pangunahing institusyong sosyo-ekonomiko para sa pagpapanatili ng dibisyon ng tao mula sa isang henerasyon hanggang sa susunod - ang makauring pagkakahati sa pagitan ng mga nagmamay-ari at nabubuhay sa yaman na nilikha ng iba, at ng mga walang ari-arian na kailangang magpaalipin sa iba para lamang mabuhay.

Ang pagdurog sa mga tradisyon at istrukturang komyunal at egalitarian ng primitibong komunismo ay esensyal para sa pagsulpot ng nagsasamantalang uri at sa pagpapabilis ng pribadong akumulasyon ng yaman. Nakapundar sa mga pagbabagong sosyo-ekonomiko ang pinagmulan ng institusyong pamilya at ng sistemang pamilya.

Katunayan, mismong ang katagang pamilya ay halaw sa Latin na salitang famulus, ibig sabihin, alipin sa tahanan; at ang katagang familia naman ay nangangahulugan ng kabuuan ng mga alipin na pagmamay-ari ng isang tao.

Naging institusyon na ang pagpapahirap sa kababaihan sa pagsulpot ng sistemang pamilya. Ang pang-aapi sa kababaihan at ang pagtatayo ng pamilya ay sumulpot kasabay ng iba pang mga institusyon na iniluwal ng lipunang makauri para isulong ang makauring paghahari. Kabilang dito ang mga institusyon ng estado, kasama ang pulisya at militar, ang institusyon ng paggawa ng batas, ang mga korte, at iba pa.

Sa batayang ito, sumulpot ang naghaharing makauring ideolohiya na nagkaroon ng mahalagang papel sa patuloy na degradasyon ng kababaihan. Ayon sa ideolohiyang ito, ang mga babae ay inferior (mababang klase) sa pisikal at mental na kakayahan kumpara sa mga lalaki at kung gayon ay natural na ituring bilang second sex. Habang ibang iba ang antas ng pang-aapi sa kababaihan na nagmula sa iba-ibang uri - inaapi ang lahat ng babae, saanmang uri siya nabibilang.

Ang ebolusyon ng tao

Ang Marxistang teorya ng ebolusyon ng tao at ang pang-aapi sa kababaihan ay humalaw sa mga mayor na pananaliksik sa biology (mga pagtuklas na ginawa ni Darwin) at sa klasikal na anthropology (mga pananaliksik nina Morga, Bachofen, Tylor, at iba pa). Ang mga pinakahuling pananaliksik at pagtuklas sa archaeology at nagpapatunay at nagpapalalim din ng mga naunang Marxistang pagsusuri.

Noong ika-19 na siglo, ang paliwanag sa pag-unlad ng lipunan ay nakakahon sa balangkas ng relihiyon kaysa sa syensya. Namayani noon ang paliwanag ng mga Creationist. Ibig sabihin, nilikha ng diyos ang lipunan ng tao na umiiral na sapul sa nakasulat na kasaysayan (4000 BC), o mula sa pagkakatayo ng sinaunang ehipto, o alinsunod sa limang mga libro ni Moses.

Isa rin itong Eurocentric na paraan ng pagbaybay sa kasaysayan, kung saan tinatanaw ang Europa bilang rurok ng buong sibilisasyon. Sa Eurocentrism, anumang lipunan na naiiba sa naging pag-unlad ng Europa ay isang pag-urong o pagbagsak pabalik sa makahayop na pag-iral. Ang ganitong pananaw ang pinagmulan ng ideolohikal na alibi sa pang-aalipin ng ibang mga lahi (racial slavery) at sa kolonyalismo.

Higit na angkop naman sa agraryo at aristokratong mundo ang pangangatwirang relihiyoso o 'sagrado' kaugnay ng pag-unlad ng lipunan. Sa pagsulong ng syensya, bumaling ang mga pangangatwirang ito sa mas angkop na paliwanag kaugnay ng sumusulpot na industriyalisadong kapitalistang lipunan at ang kanilang kapaligirang industriyal at urban.

Ang teorya ni Darwin ng ebolusyon ng species - kung saan ipinapakita ang pinagmulan ng sangkatauhan mula sa mga hayop - ay matinding bigwas sa ideolohiya ng relihiyon at sa dogma ng mga Creationist. Ang patunay ni Darwin na ang sangkatauhan ay sumulpot mula sa daigdig ng mga hayop, partikular sa anthropoid species, ay tuwirang bigwas sa alamat nina Eba at Adan. Hinawan ni Darwin, isang biologist na gumamit ng materyalistang pamamaraan, ang landas para sa maka-syensyang paliwanag sa pinagmulan ng tao.

Ang teorya ni Darwin - na batay sa kanyang mga paglalakbay at pananaliksik sa domestic breeding ng mga hayop sa Galapagos Islands - ay relatibong simple. Ayon kay Darwin, ang mga organismo ay nag-iiba-iba, at ang mga kaibhan ay minamana ng kanilang mga supling. Pero ang mga organismo at nagluluwal ng higit na mga supling na nakaka-adopt sa kanilang kapaligiran ang siyang nabubuhay at dumarami (natural selection). Ang adaptable na variation nila ang natitipon (at siyang bumubuo ng populasyon) sa ganitong proseso ng natural na seleksyon.

Habang ibinabatay ni Darwin ang kanyang mga paliwanag sa materyal na ebidensya - nang walang pagkilala sa anumang 'sagradong interbensyon' - ang kanyang mga talinghaga (metaphor) sa natural na seleksyon at sa 'survival of the fittest' ay binibigyan ng kahulugan ng ilan na para bang may isa pang entidad na nagpapasya kung sino ang karapat-dapat o kung sino ang matitirang lahi.

Sinuhayan ang ganitong pananaw nang isalarawan mismo ni Darwin ang kanyang teorya ng natural na seleksyon alinsunod sa population theory ng Englisg pastor na si Thomas Malthus. Batay sa pormulang matematikal kaugnay ng geometric increase ng populasyon vis-a-vis arithmetic increase ng produksyon ng pagkain - iginiit ni Malthus na ang kahirapan at panlipunang di pagkakapantay ay di maiiwasan, kaya't anumang repormang panlipunan para ito'y pawiin ay tiyak na babagsak.

Tutol si Malthus sa anumang pamamaraan na iibsan pa ang pagdurusa ng mga mahihirap, matatanda o maysakit dahil ito ay pagkunsinti lamang sa kanila na magparami. Habang pinatunayan sa pagsulong ng produksyon ng pagkain na mali ang teorya ni Malthus, ang kanyang mga ideya sa 'fitness' ng tao ang naging batayan sa mga programa ng eugenics noong ika-19 at ika-20 siglo.

Ang papel ng tao sa kalikasan ay kinargahan ng naghaharing uri ng matalas na pundasyong ideolohikal. Ang Diyos ang ginawang tagamando ng batas ng kalikasan at ang di pagkakapantay ng tao ay ipinaliwanag sa balangkas o hirarkiyang biological. Kinilala ng lipunang umiiral bilang likas na organismong nagsasalamin ng mga likas na anyo. Binibigyang katwiran nito ang dominasyon ng isang grupo laban sa iba pa batay sa pagkakaiba na tiningnang likas, natural, di maiiwasan at kung gayon ay moral. Kaya ang mga Eurocentric na pananaw kaugnay ng pagsulong ng sibilisasyon ay ginawang isang ebolusyonaryong hirarkiya ng halagang panlipunan ng mga tao.

Ang pagtuklas ng mga genes, chromosomes at DNA noong ika-20 siglo ay lalong naglinaw sa makasyensyang mekanismo na nakapaloob sa ebolusyon ng species. Ang genes, chromosomes at DNA ang building blocks ng buhay. Sa simpleng salita, maiiba ang ating buhay kung tayo ay nagpu-photosynthesize gaya ng mga halaman. Pero mas higit ang timbang ng mga impluwensyang sosyal - gaya ng uri, lahi at kasarian - kaysa ng ating genetic constitution. Ang ikatwiran ang kabaligtaran ay paggamit ng biology para ipagtanggap ang di makatwirang kaayusan.

Ang mga classical na anthropologists

Kahit maraming limitasyon, itinulak ng teorya ni Darwin ang usapin ng pinagmulan ng tao sa balangkas ng syensya. Gayunman, ang pag-aaral sa sangkatauhan ay pag-aaral ng lipunan. Nagsimulang paunlarin ng mga anthropologists na gaya nina Lewis Morgan, Edward Tylor, Jacob Bachofen at James Fraser ang mga teorya ng ebolusyon ng lipunan. Pinag-aralan nila hindi lang ang sibilisadong yugto ng lipunan (kung saan lumitaw ang panulat, o tinatawag na historical era) kundi maging sa simula pa ng mga lipunang pre-historic.

Ebolusyonaryo ang pamamaraan ng mga anthropologist na nasa 'classical school'. Mga materyalista rin sila. Binigyang diin nila ang aktibidad ng tao sa paglikha ng kanyang ikabubuhay bilang pundasyon ng pagpapaliwanag sa mga nagaganap sa lipunan.

Ginamit ni Morgan ang ebolusyonaryo at materyalistang paraang ito para pag-ibahin ang tatlong mayor na yugto sa pag-unlad ng tao - yugto ng savagery, barbarismo at sibilisasyon.

Makikita sa bawat yugto ang krusyal na mga pag-unlad sa pamamaraan ng tao para kamtin ang kanyang ikabubuhay, ibig sabihin, ang kanilang mga aktibidad pang-ekonomiko. Ang yugto ng savagery ay nakabatay sa pangangahoy at pangangalap ng pagkain (food gathering) at pangangaso (hunting), habang ang barbarismo ay nakapundar sa produksyon ng pagkain sa pamamagitan ng paghahalaman (horticulture) at pagtutupa o pag-aalaga ng hayop (stock raising). Ang sibilisasyon naman ay nakabatay sa agrikultura, kasama ang pagsulong ng kakayahang magbasa at magsulat (literacy) ng tao.

Sa nagdaang mga yugto, ipinakita din ni Morgan na ang yunit ng primitibong lipunan ay hindi ang pamilya, kundi ang mga gens o clans. Naniniwala si Morgan na ang porma ng pamilya ngayon ay hindi umiiral noon. Ang umiiral ay sistemang clan - na binubuo hindi ng mga ama o ina kundi ng mga kalahi (kinsmen at kinswomen) o mga 'kapatid' sa clan. Idiniin din ni Morgan na matriyarkal ang istruktura ng clan.

Ayon kay Morgan, kabaligtaran ang pagkakaorganisa ng primitibong lipunan kumpara sa modernong lipunan. Ang huli ay nakabatay sa pribadong pag-aari sa mga kasangkapan sa produksyon at pinaghaharian ng makauring antagonismo sa pagitan ng may pag-aari at walang pag-aari. Sa primitibong komunidad, ang mga kasangkapan sa produksyon ay komunal na pag-aari habang pantay-pantay ang hatian sa produkto ng kanilang paggawa. Ang clan ay isang totoong kolektiba, kung saan ang bawat indibidwal ay binubuhay at pinoprotektahan ng buong komunidad, mula pagkapanganak hanggang kamatayan.

Sa pag-aaral ni Morgan sa clan system ng mga Iroquis sa New York State, anya: "Ang lahat ng myembro ng Iroquis gens (o clan) ay may personal na kalayaan, at lahat sila ay obligadong ipagtanggol ang kalayaan ng bawat isa. Pantay-pantay ang kanilang pribilehiyo at personal na karapatan. Ang mga namumuno (sachem o chief) ay walang iginigiit na superyoridad. Sila ay isang kapatirang binubuklod ng lahi (ties of kin). Bagamat ang kalayaan, pagkakapantay-pantay, kapatiran ay hindi binalangkas, ang mga ito ang kardinal na prinsipyo ng gens. Ang gens ay isang yunit ng sistema ng lipunan. Ito ang pundasyon ng pagkakaorganisa ng lipunang Indian." (Ancient Society, Morgan).

Ginamit naman ni Bachofen bilang ebidensya ang mga literary sources para igiit na may isang yugto ng matriyarka, na nakabatay sa 'mother right', bago ang yugto ng patriyarka na nakabatay sa 'father right'. Inilahad din niya na isa sa mga matingkad na katangian ng pamumuhay sa primitibong lipunan ay ang prominenteng papel sa lipunan (social status) at eksepsyunal na otoridad na tinatamasa ng kababaihan kumpara sa mababang antas na tinatamasa nila sa sumunod na mga patriyarkal na lipunan.

Ang kombinasyon ng pananaliksik na ito - ang naging prominenteng posisyon ng kababaihan noon at ang umiral na lipunang egalitaryan - ay nagkaroon ng rebolusyonaryong implikasyon ngayon dahil tinutuligsa nito ang kapitalistang ideolohiya. Naghapag ito ng mga katanungan bumagabag sa kapitalistang ideolohiya - na itinuturo ng kapitalismo bilang rurok daw ng pag-unlad ng tao o katapusan ng pag-unlad ng kasaysayan.

Marx at Engels - Origin of the Family, Private Property and the State

Sinuri at pinaunlad pa ni Friedrich Engels ang rebolusyonaryong implikasyon ng pananaliksik ni Morgan at ng iba pang mga evolutionary anthropologists ng ika-19 na siglo. Ipinaliwanag ni Engels na nagmula at umunlad ang tao bilang kakaibang species dahil sa kakayahan sa paggawa at paglikha ng mga kasangkapan sa paggawa.

Mula sa mga pag-aaral ni Karl Marx, idiniin ni Engels na ang nakatakdang salik (determining factor) sa buhay ng lipunan ay ang produksyon at reproduksyon ng mga pangangailangan ng buhay (immediate life). Kabilang sa produksyong biological at pang-ekonomiko ang produksyon ng ikakabuhay (gaya ng pagkain, damit, tirahan at mga kasangkapan sa produksyon nito) at ang produksyon mismo ng tao. Ito ang "itinakda ng dalawang tipo ng paggawa: ang antas ng pag-unlad ng paggawa sa isang banda, at ang pamilya sa kabilang banda." (The Part Played by Labour in the Transition from Ape to Man, Engels).

Mula sa ganitong balangkas, sinuri ni Engels ang pag-unlad ng lipunan, at sa isang partikular na yugto, ang pagsulpot ng pang-aapi sa kababaihan o pagpapailalim ng kababaihan.

Ginamit ni Engels ang pangkalahatang balangkas ni Morgan na naghahati ng ebolusyon ng lipunan sa tatlong mayor na yugto (savagery, barbarismo at sibilisasyon). Pero kanyang nilinaw ang pagkakaiba ng primitibong lipunan at sibilisasyon. Ipinaliwanag niya na ang huli (sibilisasyon) ay isang yugto sa pag-unlad ng lipunan, kung saan umunlad ang paggawa at lumitaw ang palitan ng kalakal sa pagitan ng mga indibidwal. Sa yugtong ito lamang, anya, naging ganap na matingkad ang pang-aapi sa kababaihan.

Para kay Marx at Engels, signipikante sa pag-iral ng egalitaryan (pantay-pantay) at komunal na lipunang matriyarkal. Para isalarawan ang mga lipunang pantay-pantay at walang uri, ginamit ni Engels, gaya rin ni Morgan, ang terminong 'primitibo komunismo'.

Nahahati sa tatlong bahagi ang yugto ng savagery. Sa unang bahagi, nabuhay ang unang mga tao sa likas na mga yaman. Nangahoy sila ng mga prutas, mani, mga ugat, at iba pa, sa tropikal at sub-tropikal na klimang pinamugaran nila. Nang panahong iyon, hindi pa nila napaunlad ang pagsasalita.

Ang ikalawa'y ang pagkuha ng pagkain mula sa dagat. Nadiskubre na rin sa panahong ito at napaunlad ang paggamit ng apoy at dahil dito'y hindi na sila nakaasa lamang sa klima. Ito ang nagpahintulot ng migrasyon at ng pag-unlad ng mga unang kasangkapang bato (early stone tools). Pinalawak din nito ang produksyon ng pagkain tungo sa pangangaso (hunting) at malawakang pangangahoy (gathering).

Sa ikatlong bahagi, ganap na umunlad ang pangangaso. Nagsimula din ang pagtirik ng mga komunidad (settled communities). Umunlad ang mga kasangkapang yari sa kahoy habang lumitaw din ang paggawa ng basket at mga pinakintab na kasangkapang bato (polished stone tools).

Ang yugto naman ng barbarismo ay nagsimula sa pagkakaimbento ng pottery o paggawa ng bangga o paso at pag-unlad ng pag-aalaga ng hayop (cattle breeding). Sinundan ito ng pagtatanim na nagpataas sa produktibidad ng tao mula sa nakukuha nito sa kalikasan. Sa Orld World (kasama rito ang Aprika, Asya at Europa) nagtapos ang yugtong kasabay ng smelting ng bakal at pag-unlad ng ararong bakal na hila-hila ng hayop. Ibinunsod nito ang mas masaklaw na agrikultura, mabilis na paglaki ng populasyon, konsentrasyon ng tao sa lungsod, at pag-unlad ng mga produktong yaring-kamay (crafts) at kalakalan.

Samantala, ang yugtong sibilisasyon ay kinatangian ng ispesyalisasyon ng mga produktong yaring-kamay, pagsulpot ng dibisyon sa baryo at bayan, produksyon ng kalakal, at ang pagsulpot ng mga uri sa lipunan, ng pribadong pag-aari, ng monogamous na pamilyang pinamumunuan ng ama, at ng estado. Lumitaw sa yugto ng barbarismo ang di pagkakapantay batay sa kasarian, habang sa yugto naman ng sibilisasyon ay inabot nito ang ganap na pag-unlad.

Hinalaw ni Engels ang anthropological na datos nina Morgan na nagpapakita, na sa ilalim ng primitibong lipunan, pantay-pantay ang relasyong sosyal at sekswal. Kolektibo naman ang produksyon at komunal ang pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon.

Hinalaw din ni Engels ang rekonstruksyon ni Morgan sa kasaysayan ng pamilya. Ang batayang yunit ng lipunang savage ay ang maternal clan, na binubuo ng komunidad ng mga ina, ng kanilang mga kapatid at kanilang mga anak. Ipinakita ni Morgan ang pag-unlad ng relasyong sekswal batay sa kasarian, mula sa malayang sekswalidad at sa panlipunang organisasyon na umiiral noon. Pangunahing itinatakda ito ng ugnayan batay sa dugo ng ina - na tumungo sa iba't ibang anyo alinsunod sa kung kanino lamang maaaring makipag-relasyong sekswal at kung kaninong kalahi o panlipunang grupo pangunahing mabibilang ang isang tao.

Sa batayang ito, unang ipinagbawal ang pagtatalik sa pagitan ng mga magulang at ng kanilang mga anak, at sumunod ay sa pagitan ng mga magkakapatid. Kasunod nito ang mga partikular na kategorya ng mga magkakapatid na nakabatay sa maternal (matrilineal) na linya. At sa huling yugto ng savagery at unang yugto ng barbarismo, iniluwal nito ang mga pares-pares na relasyong nakabatay sa myutwal na kasunduan, kung saan, sinuman sa dalawang panig ay maaaring lumusaw sa relasyon.

Inilarawan ito ni Engels ng ganito: "Ang pag-aaral sa kasaysayan ng primitibong lipunan... ay nagpapakita sa atin ng mga kalagayan kung saan ang lalaki ay nagtataglay ng maraming asawa (polygamy), at gayundin ang kanilang mga babaeng asawa (polyandry). Ituturing nila, kung gayon, ang kanilang mga anak bilang komon sa kanilang lahat. Sa kalaunan, dumaan ang mga kondisyong ito sa serye ng mga pagbabago hanggang nilusaw ito ng monogamy. Ang mga pagbabagong ito ay kinatatangian ng pagkitid ng katangian ng kasal (marriage) mula sa malawakang saklaw (group marriage) tungo sa kasal ng magkakapares, gaya ng kasalukuyang kalakaran."

Tuloy ni Engels sa kalagayan ng primitibong layunin: "Gayunman, ang kasal ay maaaring lusawin ng magkaparehong panig, at ang mga anak ay mapupunta sa kanilang ina, gaya ng sa nauna."

Inatake ni Engels ang ipokrasya ng burges na moralidad nang sabihin niya: "Nauuso ngayon ang pagtanggi sa inisyal na yugtong ito sa sekswal na buhay ng tao. Nais nilang iwasan ng sangkatauhan ang 'kahihiyang' ito."

Sa usapin naman ng panlipunang katayuan ng kababaihan sa primitibong lipunan kumpara sa yugto ng sibilisasyon, iginiit ni Engels: Ibang iba ang mga dahilang nagtatakda ng dibisyon sa paggawa sa pagitan ng mga lalaki at babae kumpara sa kasalukuyang lipunan (sa ilalim ng sibilisasyon). Bagamat mas nagtatrabaho ang kababaihan sa panahong ito, di hamak na mas may respeto sila sa kababaihan noon kumpara sa mga taga-Europa. Ang papel ng kababaihan sa lipunan sa yugto ng sibilisasyon, na pinalilibutan ng palsipikadong respeto habang pinagkakaitan ng tunay na trabaho, ay lubusang mas mababa kumpara sa kababaihang subsob sa trabaho noong panahon ng barbarismo. Itinuturing siya ng lipunan bilang isang tunay na babae (real lady) dahil sa kalikasan ng kanyang posisyon."

Ang pag-aalaga ng mga hayop at ang pag-unlad ng stock breeding ay nagdulot ng mas matinding akumulasyon ng yaman. Ito ang nagbunsod sa panibagong mga relasyon sa lipunan na nagbago sa relasyon sa pagitan ng mga kasarian (gender relations). Ang pag-aari ng yaman ay pumihit mula sa pag-aari ng clan tungo sa pribadong pagmamay-ari ng pamilya. Dumami rin ang iba pang anyo ng pag-aari habang papalaki ang pangangailangan sa paggawa ng tao.

Ang kababaihan, na pinagmumulan ng panibagong tao, ay sinimulan nang ipagpalit bilang isang mahalagang pag-aari kasabay nang ang ibang tao'y ginamit na rin bilang mga alipin. Sumabay sa prosesong ito ang pagpapatingkad sa kahalagahan ng paternity at ng lalaki sa isang lahi (kinship line), gayundin ang pagpihit ng relasyong sekswal tungo sa monogamy.

Ang paglago ng yaman ang nag-angat sa katayuan ng lalaki sa pamilya. Ito rin ang naglatag ng batayan para sa pagbagsak ng matrilineal na pagpapamana at nagtatag sa institusyong inuugat sa lalaki (patriliny).

Sinabi ni Engels, "Ang pagbagsak ng karapatan ng ina (mother right) ang hudyat ng makasaysayan at pandaigdigang pagkagapi ng kababaihan." Mula rito, kinontrol na ng kalalakihan ang pamilya, dinusta ang kababaihan, at ginawang alipin at instrumento lamang sila ng pagpaparami ng lahi ng kalalakihan.

Ayon kay Engels, bumagsak ang katayuan ng kababaihan kasabay ng paglitaw ng pribadong pag-aari, ng pagkakahati ng populasyon sa mga uri, at ng pagkakatayo ng mga panlipunang institusyon gaya ng estado na umusbong para protektahan ang pribadong pag-aari.

Unang Papel ng Kababaihan

Ang mga pagsulong ng teknolohiya, pananaliksik at pagtuklas ng maraming ebidensya sa ebolusyon ng tao ay nagkaloob ng mas detalyado kahit hiwa-hiwalay na pagtanaw sa maagang yugto ng pagsilang ng tao. Nariyan ang mga pisikal na ebidensyang mula sa labi ng mga kalansay ng naunang tao na sinuri ng mga anthropologists. Nariyan din ang archaelogical na ebidensya ng kanilang mga kasangkapan, mga tinirhan at pinaglibingan. Pinakikita rin ng ilang fossil record kung ano ang kanilang kapaligiran at kung ano ang kanilang kinakain. Nariyan ang biological na pagsusuri sa buto at ang molecular na ebidensya para sa genetic analysis.

Ang takbo ng mga pagbabago ay binubuo namang muli ng mga pag-aaral sa iba't ibang lenggwahe. Pinag-aralan din ang ugali ng mga unggoy sa gubat na tinatawag na primatology. Pinaghambing din ang mga tao ngayon na may katulad na mga relasyon sa produksyon sa nakaraan gaya ng mga tao sa umiiral pa ring ilang grupo ng mga hunter-gatherers sa kasalukuyan na tinatawag namang ethnography.

Ang yugto ng savagery o primitibo komunal ay tumutugma sa archeological na yugtong Paleolithic (Old Stone Age) may 12,000 taon na ang nakararaan. Tinatayang mahigit sa 90 porsyento ng tao na nabuhay sa mundo ay dating mga foragers (nabubuhay sa pangangahoy). Ngayon ang mga taong nabubuhay sa ganitong pamamaraan ay 0.003 porsyento na lamang ng populasyon sa mundo.

Ngayon, ang mga forager societies na ito ay apektado ng higit sa abante at technologically complex na mga lipunan, kaya ang datos mula sa mga lipunang ito ay dapat tratuhin nang may lubos na pag-iingat. Masusing pinag-aralan ng mga anthropologists ang dyeta ng mga makabagong foragers sa nagdaang mga taon, at ang resulta nito ay may mahalagang implikasyon sa pag-unawa ng posisyon ng kababaihan sa mga lipunang ito, at bilang paghahambing, sa posisyon ng kababaihan noong panahon ng savagery.

Natagpuan halimbawa na ang kababaihan sa makabagong forager societies ang pangunahing provider ng pagkain sa komunidad at dahil dito ay may mataas na katayuan na kinilala ng komunidad. Isa sa matingkad na pagkakaiba sa pagitan ng forager societies at iba pang lipunan sa modernong daigdig ay ang pagkakapantay sa pagitan ng mga indibidwal na matatagpuan dito, partikular sa pagitan ng lalaki at babae. Ito ang itinuturong dulot ng katotohanan na bawat kasarian ay nagkakaloob ng pantay na parte sa pagkalap ng makakain.

Isang susing aspeto ng debate hinggil sa ebolusyon ng katayuan ng kasarian sa lipunan ay matatagpuan sa pangangalap ng pagkain, at sa paraan kung saan ang babae at lalaki ay nangangalap ng pagkain. Walang ebidensya na nagpapakita na may sexual division of labor sa maagang yugto ng ebolusyon ng tao batay sa pangangalap ng pagkain o paggamit ng kasangkapan sa pangangaso, na ang ibig sabihin ay lalaki lamang ang likas na gumagampan ng pangangaso at babae naman ng pangangalap ng pagkaing halaman.

Ang regular na dibisyon ng paggawa ay maaaring naganap sa huling bahagi ng ebolusyon ng tao, dahil ang pisikal na pagkakaiba sa pagitan ng mga babae at lalaki ay di sapat para sa isang seks o ang isa pa ay sabihing naaangkop lamang sa isang partikular na tungkulin. May mga katanungan din sa tradisyonal na pananaw na karne ang pangunahin o pinakamalaking bahagi ng dyeta ng mga naunang tao. Anumang karne na kinain sa maagang yugto ng Old Stone Age ay maaaring kinalap (scavenged) kaysa ipinangaso. Ang pagkain ng naunang mga tao ay malamang na gaya rin ng iba pang mga primates, ibig sabihin, pangunahing nakabatay sa malawak na putahe ng mga pagkaing halaman.

Ipinahihiwatig ng mga salik na ito na ang pangangaso ay hindi isang importanteng salik sa pisikal na ebolusyon ng tao, o kahit isang salik na naghahati sa panlipunan at pang-ekonomikong aktibidad ng babae at lalaki. Ang parehong kasarian ay maaaring mangalap ng pagkaing halaman at paminsan-minsan ay mangaso ng karne, at dalhin ang kanilang buong araw na nakalap pabalik sa komunidad para paghatian.

Ang sinaunang mga kasangkapan ay malamang pinaunlad para sa pangangalap ng mga halaman at maliliit na hayop. Ang mga kasangkapan, gaya ng mga panghukay na patpat (digging sticks), na yari sa organikong materyal, ay malamang na hindi nagtagal di gaya ng kasangkapang bato na natagpuan sa mga archeological sites at malamang ginamit sa huling bahagi ng pag-unlad ng kasangkapan ng mga unang tao.

Ang introduksyon ng pangangalap ng pagkain, na hiwalay pa sa direktang pagkain ng mga prutas at hayop na natagpuan sa kapaligiran ng mga unang tao ay malamang isang naunang pagsulong na nagbunga ng imbensyon ng mga kasangkapan gaya ng mga lalagyan ng pagkain. Ang kasangkapan sa pagbitbit ng sanggol o mga bata (slings) ay malamang na isa sa pinakaunang aplikasyon ng lalagyan.

Ang pag-asa ng mga sanggol sa mga may-edad na tao, at ang haba ng pag-aalaga ng mga bata ay maaaring may epekto din sa padron ng paghahati sa pagkain sa lipunan. Ang paghahati ng pagkain halimbawa sa pagitan ng nanay at mga anak nito ay malamang na nagpatuloy nang mas mahaba sa naunang mga hominids kumpara sa mga primates, kaya malamang nagresulta ito sa mas mahigpit na social bonds ng mga tao kaysa ibang species. Ang primary bond sa pagitan ng ina at supling ay malamang sinusuhayan pa ng relasyong magkakapatid (sibling ties) na lumalaking magkakasama sa mahabang panahon.

Ipinaliwanag rin sa mga pag-aaral na kung ang hayop na napatay ay napakalaki para ubusin ng mga mangangaso, malamang na ibinahagi ito ng mga lalaki sa iba pang mga nakasama nila sa mahabang panahon ng kanilang kabataan - sa kanilang ina at mga kapatid - kaysa kanilang mga asawa o sexual partners. Ito ay suportado ng pagsusuri sa hanay ng mga primates kung saan ang paghahati ng pagkain ay nagaganap din sa pagitan ng mga matrifocal na grupo (nakabatay sa ina) kaysa sa pagitan ng mga sexual partners.

Ang natural na pokus ng mga grupong ito ay ang ina, kaysa gaya nang karaniwang iniisip na ang sentro ay sinumang otoridad na lalaki. Ang babae kung gayon ay gumampan ng sentral na tungkulin sa pagpapalawak ng sosyalibilidad o pag-uugnayan ng species ng tao. Sa kasalukuyan, malamang na nag-ambag ito ng malaki sa pananatili o survival ng species sa kabuuan.

Masasabi kung gayon na ang mga krusyal na hakbang sa pag-unlad ng tao ay pangunahing iginuhit ng kababaihan. Kabilang na dito ang mga pang-ekonomiko at teknolohikal na mga pagsulong, at ang papel ng babae bilang sentrong sosyal ng komunidad. Ganap na taliwas ito sa tradisyonal na larawan ng lalaki bilang tagapagtanggol at mangangaso (hunter), tagapag-uwi ng pagkain sa kaparehas niyang babae. Sa modelong ito, ang agresyong masculine ay tintatratong normalr, at ipinapalagay na ang matagalan, one-to-one, male-female bonding ay isang prinsipal na pag-unlad ng mga tao. Pinapalaganap din nito ang alamat na ang lalaki ang pangunahing tagapag-ambag ng pagkain, at ang dominasyon ng lalaki na likas na nakapundar sa kanyang kakayahan sa pangangaso.

Gayunman, wala ito sa mga padron na matatagpuan sa maraming komunidad liban sa sinasabing mga komunidad na pinaghaharian ng mga tradisyonal na lalaki sa kanluran. Hindi sumusunod sa mga padron na ito ang mga lalaking primates, o sinumang di-kanluraning grupo ng mga tao. Sa partikular, ang mga lipunang nangangalap (foraging societies) kung saan ang sistema ng ugnayan ng tao ay mas higit na tumutugma sa naunang sistema ng tao kung saan ang lalaki at babae ay may pagkakapantay-pantay.

Kababaihan sa Unang Rebolusyong Agrikultural

Higit na dumami ang ebidensya kaugnay ng mahalagang papel ng kababaihan sa mga unang yugto ng kasaysayan ng tao mula sa pag-iral ng Neolithic Period (New Stone Age).

Ang transisyon mula sa pangangalap ng pagkain at pangangaso (foraging and hunting) patungong pagsasaka (farming) ay naging hudyat ng pagpihit mula Paleolithic at Mesolithic Period (Old and Middle Stone Age) sa yugtong tinawag ng mga archeologists na Neolithic Period (New Stone Age). Malamang na naunang naganap ito sa southwest Asia pagkatapos ng 10,000 BC. Tinatayang noong 6,000 BC, naitatag na ang pagsasaka sa parteng iyon ng mundo. Sa kalaunan, ang mga ideya at kasanayang ito sa agrikultura ay lumaganap din sa buong Europa.

Sinasaklaw ng Neolithic Period ang mga unang yugto ng tinatawag na 'epoch ng barbarismo'. Kinatatangian ito ng panimulang paggamit ng metal, mula sa panahong tinawag na Bronze Age hanggang sa paggamit ng mga kasangkapang bakal noong 1,000 BC (Iron Age).

Ang pagbaling ng paraan ng kabuhayan ng tao mula pangangalap at pangangaso patungong pagsasaka ay kinilalang isa sa pinakamapagpasyang pagbabago sa kasaysayan ng tao. Kinilala rin ang malalim na panlipunang epekto nito sa halos lahat ng aspeto ng buhay ng tao.

Sa pagtatapos ng Paleolithic Period (12,000 - 15,000 taon na ang nakaraan), nagkaroon ng pagbabago sa padron ng kapaligiran pati na sa mga relasyon ng tao. Sa pagkatibag ng mga yelo (na lumatag sa buong mundo noong panahon ng Ice Age), nabuksan ang malawak na disyerto kung saan maraming mga hayop ang naglakbay pahilaga, kasunod ang mga taong hunter-gatherers na pumalaot sa bagong kapaligirab kung saan bago ang vegetation at bago ang klima.

Ang unang agrikultural na mga komunidad ay naitayo sa lugar na tinatawag na "Fertile Crescent". Nakapalibot ito sa mga ilog ng Tigris at Euphrates, na matatagpuan sa mga bansang ngayo'y tinatawag na Iraq, Iran, Turkey, Syria, Jordan at Israel. May mga ebidensya ng community settlement at pag-iimbak ng mga butil na puro "wild grains" noong bandang 8,500 BC. Sa pagkadiskubre ng wild grains, marami sa mga tao ang huminto na sa paglalakbay at humimpil na dito dahil kaya na nilang mabuhay sa lugar na ito kasama ang mga hayop na kanilang nahuli. Kaya sa lugar ding ito matatagpuan ang ebidensya ng unang domesticated na hayop - ang aso.

Ang ilang archeological excavations sa southwest Asia ay nagpakita ng mga bagong ebidensya hinggil sa mga yugto ng transisyon tungong agrikultura. Natagpuan dito na ang kababaihan ang responsable sa pangangalap ng pagkaing halaman. Kaya alam nila ang mga lugar kung saan matatagpuan ang iba't ibang klase ng halaman. Matapos ang buong buhay na pagbabantay sa mga halaman, tiyak na mula dito natuklasan nila na ang mga murang butil (seedlings) ay lumalago at nagiging halaman. Malamang din na natutunan nilang magtanim ng wild grains, una mula sa aksidenteng naitapon nila ang mga butil at dahil nasubaybayan nila kung paano ito namunga, nang sumunod ay alam na nila na maitatanim ito.

Nabago rin ang papel ng mga hayop dahil sa pag-iral ng mga settlements o komunidad. Kung ang pangangaso ay ginagawa nang malayo sa mga komunidad, malamang lumikha ito ng mga problema sa pagbitbit ng karne pauwi (laluna kung malalaking hayop ang nahuli). Mas madali kung gayon na iuwi ang mga buhay pang hayop at ikulong ang mga maaamo rito. Malamang na ito ang pinagmulan ng domestikasyon ng mga hayop kung saan unang pinapatay at kinakain ang mga agresibong hayop.

Ang komunidad, pagtatanim ng mga halaman at domestikasyon ng mga hayop ang nagtiyak ng siguradong suplay ng pagkain at sa pangangailangang imbak ito. Malamang na maraming sisidlan ng pagkain ang naimbento - una mula sa kahoy at nang lumaon ay naimbento ang mga banga (pottery). Malamang kabilang sa mga unang kasangkapan sa agrikultura ang matalas na patpat pambutas sa lupa para sa pagtatanim ng mga butil, mga batong almires o batong gilingan ng butil. Ang gilingan ng butil at batong almires ay nakaugnay sa kababaihan dahil natagpuan ang mga ito sa libingan ng mga babae sa Europa, kung saan lumaganap ang teknolohiyang ito.

May ebidensya rin ng second food crops, gaya ng prutas at nuwes (nuts) na itinatanim. Sama-samang nagtatrabaho ang mga babae para pagyamanin ang mga halamang ito sa pamamagitan ng tinatawag na hoe agriculture o horticulture. Habang natitiyak ang suplay ng pagkain (at dumadalang ang mahabang paglalakbay ng tao), lumalaki na rin ang populasyon. Sa mga nahukay na lugar sa southwest Asia (mga umiral na komunidad noon pang Neolithic Period), naobserbahan ang mabilis na paglaki ng komunidad sa pamamagitan ng dumaraming bilang ng mga tahanan sa magkakasunod na mga yugto ng Neolithic Period. Sa lugar ng Jerico, halimbawa, ang maliit na bilang ng isang grupo na dati'y nangangalap lamang ng pagkain (foraging group) ay biglang natransporma sa isang maliit na pamayanan. Pero sa pag-unlad na ito, dala-dala rin ang mga problema sa sanitasyon at mga sakit. Dahil maraming bata ang namamatay sa mga sakit tumindi ang presyur sa komunidad na mag-anak pa ng marami.

Ang panlipunang organisasyon - kung saan nakabatay ang mga komunidad na ito - ay alinsunod sa istruktura ng 'matrilineal clan'. Ang matrilineal clan ay binubuo ng cluster ng mga bahay na nakasentro sa mga ina (matrilocal dwellings). Ang matrilineal clan rin ang gulugod ng sama-sama o kooperatibang paggawa na siyang dahilan ng pag-inog at pagsulong ng mga komunidad noon.

Sa pagbubukas ng Neolithic Period, pinangunahan ng kababaihan ang pagkakatuklas ng agrikultura o ang unang rebolusyong agrikultural sa pamamagitan ng horticulture na pangunahing aktibidad ng kababaihan. Ang limitadong domestikasyon ng mga hayop noon ay pangunahin din nilang gawain. Pinaunlad ng mga babae ang maraming uri ng kasanayan at inimbento ang maraming kasangkapan na siyang pinakinabangan ng komunidad kasama na ang pagsulong ng horticulture. Dahil ang mga babae ang pangunahing nangangalaga at nagtitiyak ng suplay ng pagkain, mataas ang kanyang naging katayuan sa komunidad nang panahong iyon.

Kababaihan sa Ikalawang Rebolusyong Agrikultural

Sa huling bahagi ng Neolithic Period, nagkaroon ng mga krusyal na pagbabago sa agrikultura. Gayon din, sa paghahayupan. Sa yugtong ito, hindi na lamang ito para sa pagkaing karne kundi para na rin sa gatas at mga kahalintulad na produkto. Sa yugto ring ito umunlad ang pag-aararo at paggamit ng kariton.

Ang araro at kariton ay unang lumitaw sa mga nakaukit na larawan na clay tablets at cylinder seals sa Mesopotamia noong 4,500 BC. Lumaganap ito sa Europa sa loob ng mahigit 500 taon. Isa sa natagpuang unang larawan ng pag-aararo na may dalawang hawakan na hila-hila ng kalabaw (ox). Sa tagiliran nito ay may dalawang lalalking gumigiya sa araro at sa hayop. Ang mga sinaunang depiksyon sa Ehipto ng pag-aararo ay yaong hila-hila ng tao.

Ilan pa sa mga naging pag-unlad nang panahong iyon ang maramihang produksyon ng gatas at paghahabi ng tela na nangangahulugan nang paglaganap ng maramihang paghahayupan.

Sa pagpasok ng 3,000 BC, ang paghahayupan at agrikultura ay patuloy na lumaganap mula sa maiikling serye ng trabaho ng maliliit na grupo hanggang sa serye ng komplikadong operasyon na naging permanenteng trabaho ng kabuuang populasyon. Nagkaroon ito ng malaking epekto sa hatian sa paggawa (division of labor) sa lipunan.

Kinakailangang gumawa ng maraming araro; magsanay ng mga hayop para rito; regular na magpatulo ng gatas; magproseso ng mga produktong gaya ng keso at yoghurt; gumawa ng tela mula sa balat ng tupa; magpakain ng mga kawan; at humabi ng mga tela. Ang pagbabago sa hatian sa paggawa ay naging higit na pangangailangan kaya bawat kasapi ng komunidad, babae man o lalaki, ay kinakailangang gumampan ng kumplikado at dumaraming gawain.

Ang mga presyur na ito sa komunidad ay pinasidhi pa ng lumalaking populasyon at ng pangangailangan na umani nang mas marami kahit sa di-matatabang lupain. Ang lupa ay naging kritikal na pangangailangan. Ang migrasyon o paglalakbay ng tao ay nagingf mayor na pamamaraan sa paghahanap ng matatabang lupain, at ang malawakang agrikultura ay naging mayor na pangangailangan. Ang mga presyur na ito ay tumindi mula 4,500 BC. Nangangailangan ito na iwanan ng kalalakihan ang pangangaso para lumahok nang buong panahon sa produksyong agrikultural.

Bagamat may natagpuang iba't ibang uri ng buto mula sa mga hayop na nabuhay sa iba't ibang yugto ng Neolithic Period sa Europa, ang dami ng mga buto ay sadyang kakaunti kung ikukumpara sa naunang mga yugto. (Halimbawa, sa mas maagang yugto na kinatangian ng tinatawag na Linear Pottery Culture, ang mas malaking porsyento ng pagkain - mahigit 30% - ay mula sa karne ng mga hayop na nahuli sa pangangaso.) Patunay ito na unti-unti nang iniiwan ng kalalakihan ang pangangaso para magsaka. Sa kalaunan, tuluyan na nilang hinalinhan ang kababaihan sa agrikultura.

Ang pagbabagong ito ay kaalinsabay ng pagtingkad ng panlipunan at pang-ekonomyang dibisyon - mga dibisyon o pagkakahati ng tao sa pagitan ng mayaman at mahirap, at pagkakahati maging sa usapin ng pagmamay-ari sa lupa. May limang mahahalagang salik sa pagbabagong ito:

1. Mula nang maitatag ang malawakang paghahayupan, lumaganap ang nakawan ng mga tupa na naging isang uri ng pangangaso. Ito ang pinagmulan ng mga digmaan. Sa kauna-unahang pagkakataon, ang pagmamay-ari ng mga bagay na may halaga at madaling nakawin ay naging isang normal na kaayusan.

2. Ang pagsulong ng indibidwal na pag-aararo ay naghudyat ng permanenteng pagbabago sa kasarian na kumokontrol sa pagsasaka. Mga lalaki na mula noon ang kumontrol sa agrikultura at paghahayupan. Naging abala naman ang mga babae sa paghahanda ng pagkain, paghahabi ng tela, at pag-aalaga ng mga anak.

3. Bagamat sa pagsasakang gumagamit ng araro ay kaunting lupa na lamang ang kailangan para sa parehong dami ng ani sa ilalim ng hortikultura, mas labor-intensive naman ang una. Laluna sa mga kasong di-katabaan ang lupa. Pero kahit sa maiinam na lupain, ang lumalaking populasyon ay nagbibigay ng presyur dito na magprodyus pa ng marami. Dahil dito, may presyur din sa kababaihan na mag-anak pa ng mas maraming kabataang trabahador. Ito ang lalo pang nagdiin sa ngayo'y itinuturing na mayor na papel ng kababaihan - ang pag-aanak. Nagsimulang lisanin ng kababaihan ang pagsasaka at unti-unting lumiit ang papel nila sa produksyon ng pagkain na dati-rati ay pangunahin nilang gawain at batayan ng kanilang pantay na katayuan sa lupain.

4. Nagkaroon ito ng implikasyon sa panlipunang kaayusan ng komunidad. Inilatag nito ang batayan sa pagpapalit mula sa sistema ng matrilineal clan tungo sa pagkakatatag ng mga pamilyang pinamumunuan ng ama (patrilineality).

Ang mga ama ang nagtuturo sa kanilang mga anak na lalaki sa pamamaraan at tekniks ng pagsasaka. Sa naturang matrilineal na sistema, ang pagpapamana ng angkan ay dumadaan sa magkakapatid na babae hanggang sa kanilang mga anak. Sa panahon ng horticulture na dominado ng kababaihan, isinasalin ng ina ang kasanayan sa mga kasambahay na anak na babae, kaya ang pagpapamana ay hindi isang malaking problema. At sa yugtong ito - ng horticulture - ang ari-arian ay komunal o pagmamay-ari ng angkan. At dahil kakaunti ang mga kasangkapan sa paggawa, walang gaanong usapin sa pagpapamana.

Pero dahil ang mga lalaking miyembro ng isang matrilineal clan ay mula sa ibang mga angkan, ang kanilang mga anak ay tatanggap ng mana mula sa kanilang ina, hindi sa ama, dahil hindi naman sila kabilang sa angkan ng ama. Sa pagkamatay ng ama, ang kanyang ari-arian ay isasalin, una sa kanyang mga kapatid (sa kanyang sariling angkan) o sa mga anak na kapatid na babae ng kanyang ina. Ang kanyang sariling anak ay hindi napapamanahan.

"Kaya habang lumalago ang yaman, binibigyan nito sa isang banda, ng mas mahalagang papel ang lalaki sa loob ng pamilya kaysa babae, at sa kabilang banda, pinalalakas nito ang katayuan ng lalaki para ibagsak ang tradisyonal na sistema ng pagpapamana tungo sa isang sistemang mas pabor sa kanyang mga anak... Ang pagtukoy ng salinlahi mula sa linya ng kababaihan (female line) at ang karapatan sa pagpapamana mula sa mga ina at tahasang ibinagsak, at hinalinhan ng linyang mula sa kalalakihan at karapatan sa pagpapamana mula sa mga ama." (Engels, "Origin of the Family..."

5. Ang paglago ng iba't ibang gawain at paglawak ng materyal na pag-aari ay tumutungo sa craft specialization at sa palitan ng kalakal na lalo ring nagpaigting sa hatian sa paggawa. Umunlad ang palitan ng kalakal at kalakalan. Pangunahin itong isinagawa ng kalalakihan sa ngalan ng kani-kanilang sambahayan (households) o mga angkan. Nagtulak ito sa kanila para pagsamahin ang mga produktong likha ng kanilang sariling pagsasaka at mga produktong likha ng sambayanan, na lalo pang nagpaigting sa tunguhin ng indibidwal na pagmamay-ari at kontrol ng mga produkto.

Ang materyal na pag-aari at pagpapamana ay tumungo sa akumulasyon ng yaman ng bawat henerasyon at nagpatingkad sa mga hirarkiya sa lipunan gaya ng uri, estado at kapangyarihan. Ang mga maypera ay naging makapangyarihan sa pamamagitan ng pagpapautang sa mahihirap na mga angkan, na ang tanging paraan ng pagbabayad ay serbisyo-paggawa o ilang mga serbisyo kaugnay ng digma. Lumawak ang pagkakahati ng mahihirap at mayayaman, at ang mahihirap ay lalo pang nabaon sa utang at nawalan ng oras para sa paglikha ng sariling pangangailangan. Ang prosesong ito ang naging batayan kung saan ang mga tao, gaya ng mga produkto, hayop at lupa, ay naging mga kalakal na ipinagpapalit sa pagitan ng mga clans.

Sabi nga ni Engels: "Ang pang-aalipin ay naimbento rin. Ang isang alipin ay walang halaga sa mga barbaro sa naunang yugto. Ito ang dahilan kung bakit malaki ang kaibahan ng pagtrato ng American Indians sa kanilang mga kaaway sa mga unang yugto kumpara sa sumunod na mga yugto. Dati-rati, kung hindi pinapatay, ang kalalakihan ay inaangking mga kapatid ng nagwaging tribo. Kung hindi ginagawang asawa, ang mga babae naman ay inaangkin bilang mga kapatid sampu ng kanilang nakaligtas na mga anak. Ang lakas-paggawa ng tao sa yugtong ito ay hindi pa lumilikha ng sapat na surplas kumpara sa pangangailangan ng pagpapanatili nito. Nabago ito sa introduksyon ng cattle breeding, produksyon ng metal, paghahabi ng tela, at kultibasyon ng mga bukirin... ang mga asawang babae ay naging kalakal na rin na ipinagpapalit at binibili, dahil na rin sa halaga nila sa pagpaparami ng lakas-paggawa... gayon din, ang mga bihag sa digmaan ay naging mahalaga sa ganitong layunin at mapaparami gaya rin ng mga tupa."

Ang pagkakatuklas ng pagsasaka, na isang positibong hakbang sa kababaihan noong unang yugto ng Neolithic Period, ay nagkaroon ng negatibong epekto sa kanila sa kalaunan. Ang gawaing kababaihan ay higit na natuon sa gawaing bahay, at nailayo sa nauna nitong papel sa paglikha ng pagkain. Samakatuwid, tumungo ito sa kanilang pagkakahiwalay mula sa mataas na katayuan sa lipunan tungo sa kanilang subordinasyon at kawalan ng kapangyarihan sa ilalim ng sumusulong na makauring lipunan at sa lahat ng pormasyong panlipunan mula noon.

Ebolusyon ng Pamilya

Kasabay ng akumulasyon ng pribadong yaman, pagkawasak ng sistemang egalitaryan (pagkakapantay-pantay ng mga tao) at pagkalusaw ng mga komunal na istruktura ng sistemang clan, umusbong ang istruktura ng pamilya. Ang pamilya ay isang institusyon kung saan ang responsibilidad sa mga di-produktibong miyembro ng lipunan, gaya ng mga bata, at isinalin mula sa kolektibong responsibilidad ng lipunan sa kabuuan tungo sa responsibilidad ng ilang indibidwal o maliit na grupo ng mga indibidwal (na nabibilang sa itinuturing na pamilya).

Sa pangunahin, ang pamilya ay uminog bilang isang sosyo-ekonomikong institusyon kung saan ang pribadong yaman at dibisyong makauri sa pagitan ng kakaunting naghaharing uri at ng nakararaming walang pag-aari at pinanatili nang henerasyon mula henerasyon, sa pamamagitan ng 'patrilineality' at sistema ng monogamy para sa kababaihan.

Ang pang-aapi sa kababaihan, kung gayon, ay ginawang institusyon sa pamamagitan ng sistemang pamilya. Sa unang pagkakataon, nawalan ng nagsasariling papel sa panlipunang produksyon ang kababaihan. Nalimita ang kanilang produktibong papel sa pamilyang kanilang kinabibilangan, at sa asawang kanilang pinagsisilbihan. Ang economic dependency na ito ang nagtakda ng kanilang second-class na istatus ng lipunan, at siyang pangunahing batayan ng pananatili ng pamilya sa yugtong ito ng kasaysayan. Kung kaya lamang ng mga babae na buhayin ang kanilang anak at lisanin ang pamilya, hindi mananatili ang institusyong ito ng pamilya kahit isang siglo.

Sa pag-usbong ng pribadong pag-aari, ng hatian ng uri at ng sistemang pamilya, umusbong din ang ideolohiya ng bagong naghahari na nagtatanggol at nagpapanatili ng sistemang pamilya at ng bagong istatus quo. Ang pagtatanggol na ito sa pamilya ang naging sentro ng ideolohiya ng status quo hanggang sa kasalukuyan. Wala nang iba pang institusyon na ang tunay na papel ay binabalot ng mistipikasyon at prejudices gaya ng pamilya.

Sinasabi nila na ang pamilya ay 'likas' sa institusyon ng tao at kasabay na umiral mula nang ang ating mga ninuno ay bumaba sa lupa. Itinatanggi nila na namayani ang egalitaryang sistema ng clan at nagkaroon ng mga komunidad na hindi batay sa pribadong pag-aari, kung saan ang yaman at pinaghahatian nang pantay-pantay at ang relasyon ng tao ay di batay sa mga titulo ng pribadong pag-aari na isinasalin ng henerasyon mula henerasyon.

Sa kasaysayan, ang pamilya ang nagsilbing pinakamahalagang institusyon ng naghaharing uri para sa pagtatanggol ng kanilang mga pribilehiyo. Gayunman, ang anyo ng pamilya ay uminog ayon sa nagbabagong mga pangangailangan ng mosa sa produksyon at mga relasyong sosyo-ekonomiko. Dumaan ito sa iba't ibang yugto ng pag-unlad.

Ang pagtatatag ng patriarkal na pamilya at ang pagbabagsak ng sistema ng matriarchal clan ay nasusulat sa mga litolohiyang Griego - kung saan ang pakikipaglaban ng inang-diyosang Gaia at iba pang mga diyosa laban kay Zeus, na nakipagdigma sa lahat ng henerasyon ng mga bathala bago sa kanya (kabilang dito si Gaia, ang kanyang ina na humimok sa kanyang labanan ang kanyang ama) hanggang kay Apollo. Si Apollo raw ang simbolo ng patriarkiya, na maaaring tumutol sa anumang prinsipyong maternal at sa anumang tipo ng pakikipag-ugnayan sa sinumang babae.

Sa ilalim ng sistemang alipin, ang pamilya ay para lamang sa mga uring nagmamay-ari ng mga alipin. Walang sistema ng pamilya sa hanay ng mga alipin. Sa ilalim ng pyudalismo, ang sistema ng pamilya ay naisalin sa mga timawa (serfs) dahil sila'y nagmamay-ari na rin ng ilang kagamitan sa produksyon (maliit na sakahan, mga hayop, at ilang kasangkapang-kamay). Ito ang naging batayang yunit ng produksyong panlipunan.

Ang pamumuhay sa kanayunan ay umiinog sa ekonomiyang pinatatakbo ng pamilya. Sama-samang nagsasaka ang mag-asawa at kanilang mga anak at ang pamilya ay umiiral na isang nagsasariling yunit ng produksyon. Ang kabuhayan ng bawat miyembro nito ay nakabatay sa kooperasyon ng lahat. Ang tahanan ay isang pagawaan kung saan ang babaeng miyembro ng pamilya ang taga-proseso ng produktong agrikultura para sa pagkain at araw-araw nilang pangangailangan. Siya rin ang gumagawa ng mga kasuotan, sabon, kandila, at iba pa. Natatanging gawain ito hiwalay sa pagsasaka na ginagampanan ng lahat ng miyembro ng pamilya.

Ang pamilya ay tinatanaw na sagrado, may natural na sistema ng hirarkiya (ama-ina-anak), at bahagi ng anumang panlipunang kaayusan. Sa mga aristokrata, ang kasal ay maagang pinagkakasunduan at isang politikal na akto o oportunidad sa pag-akyat sa kapangyarihan sa pamamaraan ng pagsasanib. Parehas din ito ng tradisyon ng mga artisano noong Medieval Ages. Ang mga pribilehiyong nagpoprotekta sa mga artisano - ang mga tsarter ng samahan (guilds) na may espesyal na probisyon, na nag-iiba rito sa iba pang mga samahan - ang siya ring nagdedesisyon sa kanyang pakakasalan. Itinutulak ito ng interes ng 'pamilya' at hindi ng anumang indibidwal na kagustuhan.

Sa pyudal na lipunan ng Europa, ang sekswalidad ay nakasentro sa pagbibigay ng babae ng kanyang sarili sa mapapangasawa. Ang sekswalidad ng babae ay limitado sa monogamy, na ang kahangalan ay umabot sa mga tradisyong gaya ng paglalagay ng chastity belt sa babae kapag naglalakbay ang asawang lalaki.

Sa paglawak ng produksyon ng kalakal at ng palitan sa mga huling siglo ng pyudalismo sa Europa, inuk-ok ang sistema ng hirarkiya batay sa personal na katapatan. Mula sa mga pyudal na nobilidad sa rehiyon ng Pransya at Italya kung saan ang produksyon at relasyong kalakal ay higit na maunlad, umusbong ang konsepto ng pag-iibigan sa panliligaw (courtley love). Ang makatang nagpugay sa tradisyon ng pag-ibig sa panliligaw ay itinulad sa isang emosyong natatangi o kabaligtaran ng sapilitan, o religiously at socially-sanctioned na institusyon ng pag-aasawa. Ang pag-ibig ayon sa tagabandila ng bagong ideolohiyang ito, ay kadalasang nasa anyo ng pakikiapid (adultery).

Ang 'romantikong pag-ibig' (o 'courtly love') ay unang naisalarawan bilang bahagi ng aristokratang daigdig ng kasayahan, intelektwal na kaalaman at 'karangalan' na walang kinalaman sa pangkaraniwang tao. Pero umalingawngaw din ito sa iba pang bahagi ng lipunang pyudal.

Ang pag-unlad ng kapitalismo ay nagdulot ng mayor na mga pagbabago sa buhay pamilya. Mula ika-16 na siglo ng Rebolusyong Dutch hanggang ika-17 siglo ng Rebolusyong Ingles at ika-18 siglo ng Rebolusyong Pranses at Amerikano - nilusaw ng sunud-sunod na mga rebolusyong ito ang pyudal na relasyon na naging batayan ng ekonomiko, kultural at sekswal na ekspresyon ng Europa. Mula sa mga grupong gaya ng Quakers na orihinal na bumubuo ng kaliwang bahagi (left-wing) ng rebolusyong Ingles, nagsimulang kwestyunin ng mga tao sa panahong ito ang dati'y di-matatawarang otoridad ng mga asawang lalaki.

Lumaganap din ang konsepto ng pagbibigayan at pagmamahalan bilang esensyal na sangkap ng pag-aasawa at pagtatalik. Ang ideya ng pag-ibig batay sa pagnanasa at sa malayang pagpili - na sa pyudalismo ay limitado sa nobilidad o matatagpuan lamang sa pakikiapid - ay umiral bilang ideyal na layunin ng burgis na pag-aasawa sa ilalim ng kapitalismo.

Sa paglago ng industriyal na kapitalismo at paglaganap ng sahurang paggawa, ang sistema ng produksyong nakabatay sa pamilya ay unti-unting naglaho. Ang pamilya ay hindi na lamang nagsasariling yunit ng produksyon para sa iba't ibang seksyon ng uring anakpawis.

Gayunman, sa maagang yugto ng industriyal na kapitalismo, kung saan hindi pa nasasaklawan ng kapitalismo ang maraming tipo ng produksyon ng pangangailangan ng tao, ang kababaihan ay nanatiling gumagampan ng produktibong tungkulin sa tahanan - pagluluto ng tinapay at paghahabi ng tela, halimbawa. Ang transisyon mula produksyong-bahay ng pamilya tungong malawakang produksyon na batay sa sahurang paggawa ay nagpatuloy tungong ika-20 siglo at nagpapatuloy hanggang ngayon sa maraming bansa sa Third World.

Ngunit habang nagaganap ang transisyong ito sa produksyon, nagkaroon din ng higit na papel ang pamilya bilang lugar kung saan ang emosyonal na suporta, kapayapaan at kasiyahan ay inaasahang matagpuan ng indibidwal. Sa hanay ng nagmamay-aring uri sa mga kapitalistang bayan noong unang bahagi ng ika-20 siglo, ang pamilya ay itinuring ng naghaharing ideolohiya bilang lugar kung saan ang babae at lalaki ay magkakaroon ng kaaya-aya at nagtutulungang relasyon, at isang lugar na napagyayaman ang katayuan ng mga bata. Ang pamilya, samakatwid, ay naging lugar para sa 'personal na buhay', o buhay na ganap na naiiba at nakahiwalay sa pampublikong mundo ng paggawa.

Kasabay ng transisyong ito ay nagkaroon din ng pagbaling mula sa sekswalidad na nakatuon lamang sa pagpapalahi (procreation). Nagsimula noong magkaroon ng kalayaan ang mga tao sa pagpili ng kanilang mapapangasawa, sa halip na itinatakda lamang ito sa kanila. Lumawak ang sexual choices at ang sekswalidad ay naging paraan para kamtin ang intimacy, kasiyahan, at kasukdulan sa pagtatalik.

Ang burgis na pamilya ay nananatiling batayan sa pagpapasa ng pribadong pag-aari nang henerasyon mula henerasyon. Pero para sa mga klasikal na seksyon ng petiburgesya - magsasaka, may-ari ng maliit na shops, at iba pa - ang pamilya ay nananatiling isang yunit ng produksyong batay sa kolektibong paggawa ng pamilya.

Sa manggagawa, ang mga kontradiksyong kaugnay ng pamilya ay pinakamatalas. Sa lipunang makauri, ang pamilya ang tanging institusyon kung saan matutugunan ang ilang batayang pangangailangan ng tao, kabilang ang pagmamahal at pagsasama (companionship). Gayunman, ang pangunahing layunin ng pamilya ay hindi para ibigay ang naturang mga pangangailangan. Ito ay pang-ekonomiko at panlipunang institusyon na ang mga tungkulin ay maaaring isalarawan sa sumusunod:

(a) Ang pamilya ang batayang mekanismo kung saan tinatalikdan ng naghaharing uri ang panlipunang responsibilidad nito sa mga taong ang lakas paggawa ay kanyang pinagsasamantalahan. Tinatangka ng naghaharing uri, sa abot ng kanyang makakaya, na pwersahin ang bawat miyembro ng pamilya na maging responsable sa sariling pangangailangan nito, sa gayo'y panatilihin ang di-pantay na hatian sa kita, katayuan at kayamanan sa lipunan.

(b) Ipinagkakaloob ng sistemang pamilya ang paraan sa pagpapasa ng pribadong pag-aari mula sa isang henerasyon tungo sa susunod. Ito ang batayang mekanismo sa lipunan na nagpapanatili ng pagkakahati ng lipunan sa mga uri.

(c) Para sa naghaharing uri, ipinagkakaloob ng sistemang pamilya ang pinakamura at katanggap-tanggap na mekanismong ideolohikal para sa reproduksyon ng lakas-paggawa. Ang pagbibigay ng responsibilidad sa pamilya para alagaan ang mga bata ay nangangahulugan na ang isang bahagi ng kabuuang yaman ng lipunan (na nasa ilalim pa rin ng pribadong pag-aari) na ginagamit para sa reproduksyon ng uring anakpawis ay nababawasan. At dahil ang bawat pamilya ay hiwa-hiwalay na yunit, at sa bawat isa ay nakikibaka para mabuhay, nagiging sagabal ito sa pagkakaisa ng lahat ng inaapi at pinagsasamantalahang uri.

(d) Ipinatutupad ng sistemang pamilya ang panlipunang hatian sa paggawa kung saan ang kababaihan ay inilalagay sa papel ng pag-aanak lamang at binibigyan ng mga tungkuling kaugnay ng papel na ito - pangangalaga sa iba pang miyembro ng pamilya. Kaya sinusuhayan ng sistemang pamilya ang panlipunang dibisyon sa paggawa ng kumakatawan sa domestikong pang-aalipin at economic dependence ng mga babae. Nagsisilbi itong konserbatibong impluwensya na may tunguhing panatilihin ang relasyong hirarkikal at otoritaryan na kailangan sa pagpapanatili ng uri.

Kung gayon, para sa uring manggagawa, ang pamilya - sa panlipunan at pang-ekonomikong katangian nito - ay isang institusyong makauri na estranghero sa kanyang interes.

Sa ilalim ng kapitalismo, tatanggalin ang mga pang-ekonomiko't panlipunang salik na nagtutulak sa nakararami tungo sa sistemang pamilya, at bibigyan ang bawat indibidwal ng mas malawak at mas malayang hanay ng pagpipiliang sistema para mabuhay. Sa sosyalismo, ang papel ng pamilya ay maglalaho habang inaako ng buong lipunan ang mas malaking responsibilidad sa pangangailangan ng tao.

Ang Rebolusyong Ruso

Matapos ang Rebolusyong Bolshevik sa Rusya noong 1917, ang bagong tatag na Marxistang pamahalaan ay nagkaloob ng kompletong karapatan sa kababaihan para sa pagkakapantay-pantay.

Ang aborsyon ay ginawang ligal at libre na maaaring hilingin sa anumang yugto ng pagbubuntis, at ang mga batas na nagbibigay ng karapatang pantao sa mga fetus ay pinawalang bisa. Ang homosexuality ay ginawa ring ligal. Ang diskriminasyong batay sa kasarian sa pag-empleyo at pagtanggal ng manggagawa ay ipinagbawal, at maging ang prostitusyon ay hindi na itinuring na krimen para proteksyunan ang mga babaeng nasa ganitong uri ng 'hanapbuhay'.

Bilang atake sa pinakapuso ng pang-aapi sa kababaihan, isinabatas ang 1918 Code on Marriage, the Family and Guardianship. Ito na marahil ang pinakaprogresibong lehislasyon ukol sa pamilya sa kasaysayan ng mundo. Tinatanggap lamang nito ang civil marriage at pinapayagan ang diborsyo sa simpleng kahilingan ng sinuman sa mag-asawa. Noong 1926, ang mga relasyong walang matrimonya o de facto relationship ay binigyan din ng kapantay na legalidad. Winasak ng Family Code ang konsepto ng illegitimacy ng mga relasyon at pinagtibay ang mga relasyong pamilya kahit labas ng matrimonya. Pinaghiwalay din nito sa matrimonya ang mga usapin ng pribadong pag-aari at pagpapamana.

Binigyan din nito ng karapatan ang lahat ng mga bata na tumanggap ng suportang pinansyal mula sa magulang kahit na ang mga ito'y naghiwalay na. Ang kababaihang may mga anak ang kadalasang pinapaboran ng mga korte para tumanggap ng substansyal na alimonya. Sa mga anak ng single kadalasang inoobliga ng korte ang lahat ng lalaking itinuro ng babae na posibleng ama na magbigay ng suporta.

Kahit sa napakalawak na progresong ito, nauunawaan ng mga Bolshevik ang angking limitasyon ng pormal na pagkakapantay-pantay (formal equality). Isinulat ni Lenin noong 1919:

"Kahit maraming mga batas na nagpapalaya sa kababaihan, nananatili pa rin siyang domestikong alipin, dahil ang maliliit na gawaing-bahay na dumudurog, sumasakal, bumabansot at nang-iinsulto sa kanyang pagkatao, nagtatali sa kanya sa kusina at sa pag-aalaga ng bata, at nag-aaksaya ng kanyang lakas-paggawa sa mga di-produktibo, petty, nakakanerbiyos, nakababansot at nakadudurog na trabahong paulit-ulit lamang (drudgery). Ang tunay na paglaya ng kababaihan, ang tunay na komunismo, ay magsisimula lamang kung saan at kung kailan ang lahatang pakikibaka ay mapasimulan na (sa pangunguna ng proletaryado na may tangan ng kapangyarihan) laban sa petty housekeeping, o di kaya'y sa puspusang transpormasyon ng lipunan tungo sa malawakang saklaw na sosyalistang ekonomya."

Iginiit din ng Bolsheviks na ang mga babae ay dapat mapaloob bilang kapantay ng lalaki sa lahat ng larangan ng pagpapatakbo ng lipunan. Sa talumpati ni Lenin sa Fourth Moscow City Conference of Non-Party Working Women noong ika-23 ng Setyembre 1919, sinabi niya:

"Upang maging aktibo sa pulitika sa ilalim ng lumang kapitalistang rehimen, kailangan ng espesyal na pagsasanay ang kababaihan para lamang sa katiting o walang saysay na papel nila sa pulitika, kahit doon sa pinakaabante at malayang kapitalistang bayan. Ang ating tungkulin ay gumawa ng pulitikang kabahagi ang bawat manggagawang babae... Ang partisipasyon ng manggagawang babae ay esensyal - hindi lang para sa mga kasapi ng Partido o mga mulat-sa-uring-kababaihan, kundi pati mga babaeng di kasapi ng Partido at yaong may mababang antas pa ng kamalayan sa pulitika... Ang gawaing sinimulan ng gobyernong Sobyet ay susulong lamang kung, sa halip na daan-daan, milyun-milyong babae sa buong Rusya ang lalahok dito. Dito matitiyak na susulong ang adhikain ng sosyalistang pag-unlad."

Ang mga unang aksyon ng Bolsheviks sa pagpapalaya ng kababaihan ay lubhang pinapahirapan ng underdevelopment ng Rusya, ng kakulangan ng rekurso ng estado at ng mga limitasyong dulot ng atrasadong pesanteng ekonomya, lipunan at tradisyon. Ang pagkawasak ng ekonomya ng bansa sa panahon ng gyera ay lalong nagpahirap sa unang sosyalistang bisyon sa paglaya ng kababaihan.

Gayunman, kahit ikumpara ngayon ang katayuan ng kababaihan sa mga abanteng kapitalistang bayan - halimbawa sa ilang bahagi ng Estados Unidos, kung saan ang mga babae ay maaari pang kasuhan ng krimen dahil sa aborsyon; kung saan ang manggagawang kalalakihan ay ginagantimpalaan ng tax discounts kung ang mga asawa ay naiiwan lamang sa bahay para mag-alaga ng pamilya; kung saan ang mga single mothers ay pinaparusahan dahil 'nakahiwalay' sila sa ama ng kanilang mga anak; at kung saan ang pagbabawas sa social services at nagpapalaki ng responsibilidad ng pamilya at ng di binabayarang paggawa ng mga babae sa tahanan - ang progreso sa pagpapalaya ng kababaihan na ipinatupad ng Rebolusyong Ruso ay sadyang makasaysayan at monumental.

At ang progresong ito ay naging makatotohanan, hindi dahil ito ay plinano at ipinatupad ng kababaihan. Katunayan, kalakhan sa nagpatupad nito ay mga lalaki, bilang resulta ng panlipunang kalagayan sa Rusya noon kung saan kalakhan ng kababaihan ay hindi kabilang sa mga politikal na aktibidad. Hindi rin dahil pinuwersa lamang ng masa ang mga Bolsheviks. Sa halip, ang mga rebolusyonaryong Ruso pa nga ang mulat na nakitunggali sa atrasadong mga kaugalian ng masa, kabilang ang masang kababaihan, sa relasyon ng kasarian.

Nakamit ang mga ganansyang ito dahil ang rebolusyong Bolshevik ay isang ganap na mulat na rebolusyong pinangunahan ng mga Marxista na may lahatang pang-unawa sa pundasyon at karakter ng makauring pagsasamantala sa lahat ng anyo nito, at kung paano ito wawasakin sa pamamagitan ng pagpapakilos ng lahat ng inaapi para sa sarili nilang kapakanan.

Pero ang mga ganansyang nakamit ng mga kababaihan sa unang yugto ng rebolusyong Ruso sa ilalim ng pamumuno ng partidong Bolshevik ni Lenin ay tuluyang nabaligtad sa ilalim ng burukrasya ni Stalin. Sa ilalim ng patakaran ni Stalin noong 1936, isang bagong batas ang ipinasa nang walang diskusyong publiko. Sa nasabing batas, higit na pinahirap ang pagkuha ng diborsyo, ginawang krimen ang aborsyon, at muling naging krimen ang prostitusyon at homosexuality. Sa ngalan ng 'panlipunang katatagan', ang kahalagahan ng indibidwal na pamilya ay muling idiniin at 'ang kaligayahan ng pagiging ina' (joys of motherhood) ay mulig inilagay sa trono. Noong 1944, ang kategorya ng 'illegitimacy' (sa relasyon ng mga tao o mga anak na ibinunga nito) ay muling ibinalik. Ang pangunahing may-akda ng rebolusyonaryong Family Code ng 1918 ay ipinakulong sa mental na institusyon noong 1937, at marami sa pinakamasigasig na tagabandila ng programa ng Bolsheviks sa pagpapalaya sa kababaihan ay pinatay at ikinulong sa mga labor camps.

Sa kasalukuyan, sa proseso ng pagbabalik ng kapitalistang kaayusan sa Rusya, ang bilang ng walang trabaho at nabulid sa prostitusyon ay lumolobo. Para sa kababaihan ng dating mga sosyalistang estado ang sinasabing "katapusan ng kasaysayan" ay patunay lamang ng lalo pang pagkalugmok sa kahirapan at pagdurusa.

Gawain ng Partido

Maaari tayong humalaw ng aral sa mga karanasan ng mga rebolusyonaryong Ruso at iba pang mga Marxista ng kanilang panahon bilang giya sa ating gawaing partido sa hanay ng kababaihan.

Walang tigil na nangangampanya ang mga Marxista para sa karapatan dahil alam natin na ang pakikibaka ng kababaihan para sa paglaya ay sentral na usapin sa pakikibaka para sa sosyalismo. Ayon kay Lenin, "Hindi makakamit ng proletaryado ang ganap na kalayaan hanggat hindi nito naipapanalo ang lubusang kalayaan para sa kababaihan."

Una sa lahat, ang mga sosyalistang kababaihan ay dapat na pumaloob sa isang sosyalistang partido at hindi sa mga organisasyong nagsasarili o nakahiwalay sa partido.

"Lahat ng babaeng nakikibaka para sa kalayaan ng kababaihan at sa pahkilala ng kanilang mga karapatan ay dapat maglayon ng pagtatatag ng isang komunistang lipunan. Pero komunismo ang ultimo ring layon ng mga proletaryado sa kabuuan, kaya sa interes ng dalawang panig, ang dalawang pakikibakang ito ay dapat ipaglaban bilang "iisa at di mapaghihiwalay na pakikibaka". (Methods and Forms of Work Among Communist Party Women: Theses; Third Congress, Communist International)

Sa ganitong balangkas, dapat masigasig na magkampanya ang partido para irekrut ang mga aktibistang kababaihan sa organisasyon at magpaunlad ng mga lider-kababaihan.

Pangalawa, idinidiin ng mga Marxista ang pangangailangan ng espesyal na seksyon sa lahat ng rebolusyonaryong partido na mag-organisa ng kababaihan mula sa lahat ng panlipunang saray tungo sa kilusang masa, kakabig sa liderato nito at kukumbinsi sa kababaihan na tanging sa pagtatayo lamang ng sosyalismo makakamit ang kanilang kalayaan.

"Ang babaeng komunista ay nakapaloob bilang kasapi ng partido, gaya rin ng mga lalaking komunista... Gayunman, hindi dapat magsara ng mga mata sa katotohanan. Ang Partido ay dapat may mga organo - mga grupo, komisyon, komite, seksyon o kung ano pa ang maitatawag dito - na may partikular na layuning pukawin ang malawak na masa ng kababaihan, kabigin sila sa partido at panatilihin silang nasa ilalim ng impluwensya nito. Natural na kailangan nito ng sistematikong gawain sa hanay ng kababaihan. Dapat turuan natin ang namumulat na kababaihan, hikayatin sila sa makauring pakikibakang proletaryo sa ilalim ng liderato ng Partido Komunista, at sanayin sila para rito. Sa pagsasabi nito, ang nasa isip ko ay di lamang mga proletaryong kababaihan... kundi pati kababaihang magsasaka at kababaihan sa nakabababang seksyon ng panggitnang uri. Sila'y biktima rin ng kapitalismo... Dapat mayroon tayong sariling mga grupo na kumikilos sa hanay nila, may espesyal na pamamaraan at ahitasyon, at espesyal na mga porma ng organisasyon. Hindi ito isang burgis na "feminismo". Ito ay praktikal na rebolusyonaryong pangangailangan." (Lenin, ayon kay Clara Zetkin, Lenin on the Emancipation of Women).

Inaatasan ang mga partido komunista na gamitin ang anumang rekurso para sa pagtatayo ng mga departamento na kailangan sa gawaing ito, na isinalarawan bilang "ahitasyon at propaganda sa pamamagitan ng aksyon". Ito ay nangangahulugang:

"... higit sa lahat ay paghimok sa manggagawang kababaihan para sa sariling pagkilos, pagwaksi sa mga pag-aalinlangan sa sarili nilang kakayahan at paghimok sa kanila sa praktikal na gawain... pagtuturo sa kanila mula sa karanasan na ang bawat aksyon... na nakatuon laban sa pagsasamantala ng kapital ay isang hakbang sa pag-unlad ng katayuan ng kababaihan." (Theses)

Tinutulan ng Communist International sa panahon ni Lenin ang ispesyal na kurso o mga paaralang pambabae lamang. Idiniin nito na lahat ng paaralan ng partido ay dapat "walang palya na maglagay ng mga kurso sa pamamaraan ng paggawa ng partido sa hanay ng kababaihan" at dapat daluhan ito ng mga kinatawang pinili ng departamento sa kababaihan.

Ikatlo, isang kaisahan ang nabuo na ang pagkabig ng kababaihan sa partido ay dapat ituring na gawain ng buong partido, hindi lamang ng mga babae sa loob nito. Walang "isyung pangkababaihan" na hindi mahalaga sa kabuuang pakikibaka para sa rebolusyon. Kinailangan pang makipaglaban ni Lenin para sa ganitong anti-separatist na ideya sa loob ng Third International:

"ituring ang ahitasyon at propaganda sa hanay ng kababaihan at ang tungkulin ng pagpukaw at pagpapakilos sa kanila bilang sekondaryong gawain lamang, o gawaing nauukol lamang para sa mga babaeng Komunista. Walang ibang sinisisi kundi ang huli kapag ang mga bagay na ito ay hindi mabilis at mahusay na nagpatutupad. Ito ay isang kamalian, isang pundamental na kamalian! Ito ay direktang separatismo! Ito ay pagkakapantay-pantay para sa kababaihan... na binaligtad... Sa huling pagsusuri, ito ay pagmamaliit sa kababaihan sa kanilang mga tagumpay.

Komitment ng mga Marxista sa Pagpapalaya ng Kababaihan

Bilang mga Marxista, ang ating komitment sa paglaya ng kababaihan ay nakabatay sa sumusunod na pag-unawa:

1. Ang pang-aapi sa kababaihan ay sumulpot kasabay ng transisyon mula lipunang walang uri tungo sa lipunang may-uri. Di mahihiwalay na sangkap ito sa pagpapanatili ng lipunang makauri sa kabuuan at ng kapitalismo sa partikular. Kaya ang pakikibaka ng masang kababaihan laban sa kanilang kaapihan at isang anyo ng pakikibaka laban sa paghaharing kapitalista.

2. Ang mga babae ay importanteng bahagi ng uring manggagawa, at isang potensyal na makapangyarihang alyado ng uring manggagawa sa pagpapabagsak ng kapitalismo. Kung walang sosyalistang rebolusyon, hindi maitatag ang mga kondisyong kailangan para sa kanilang paglaya. Kung wala ang mobilisasyon ng kababaihan para sa kanilang paglaya, hindi maipagtatagumpay ng uring manggagawa ang makasaysayan nitong misyon. Walang sosyalismo kung walang paglaya ng kababaihan; walang paglaya ng kababaihan kung walang sosyalismo!

3. Lahat ng babae ay inaapi bilang mga babae. Ang pakikibaka sa mga partikular na anyo ng pang-aaping ito ay sumasaklaw sa mga babae mula sa iba't ibang uri.

4. Habang lahat ng babae ay inaapi bilang babae, ang epekto at tindi ng pang-aaping ito ay magkakaiba sa mga babae sa iba't ibang uri. Silang nandarahas ng pinakamatinding pagsasamantalang ekonomiko ay kadalasang sila ring nagdaranas ng higit na kaapihan bilang mga babae.

5. Ang kilusang kababaihan na tinatangka nating itayo ay dapat nakabatay sa uring manggagawa sa usapin ng komposisyon, oryentasyon at liderato. Tanging ang ganitong kilusan lamang ang makapagpakilos ng mayorya ng kababaihan at lalaban sa kapitalismo nang walang kompromiso para sa interes ng lahat ng babae.

6. Ang pakikibaka ng kababaihan laban sa kaapihan bilang isang kasarian ay kaugnay sa pakikibaka ng manggagawa bilang uri. Pero hindi ito nakaasa o kaparehas lamang ng pakikibaka ng mga manggagawa. Makakmit lamang ng kababaihan ang kanilang kalayaan sa pamamagitan ng rebolusyonaryong alyansa sa uring manggagawa. Pero ang makasaysayang tungkuling ito ay hindi nangangahulugan na dapat munang ipagpaliban ng kababaihan ang kanilang pakikibaka kapag itinaas na ng liderato ng uring manggagawa ang bandila ng pagpapalaya ng kababaiahn o nagtagumpay na ang sosyalistang rebolusyon.

Ang mga babaeng nakikibaka para sa kanilang paglaya ay dapat manguna sa pagsusulong ng kanilang sariling laban. Sa pamamagitan nito, magiging bahagi at gagampan sila ng nangungunang papel sa kilusang manggagawa sa kabuuan, at makatutulong sa paglikha ng lideratong kailangan para maisulong ang laban sa lahat ng larangan.

7. Ang sexismo ay isang sandatang ginagamit ng naghaharing uri para hatiin at pahinain ang hanay ng uring manggagawa. Ang konserbatibong impluwensya nito ay nakaaapekto hindi lamang sa mga lalaki, kundi sa lalaki't babae rin. Ang sexismo ay nakaugat sa makauring karakter ng lipunan at ang paglaganap nito ay pangunahing dahil sa impluwensya ng kapitalistang ideolohiya sa bawat indibidwal. Pinag-aaway ng mga kapitalista ang iba't ibang seksyon ng manggagawa sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ideyang ang pagkakapantay ng mga babae ay makakamit lamang kung tatapyasin ang sariling karapatan ng mga lalaki.

Dahil dito, ang pagmumulat sa masa, lalaki man o babae, sa pamamagitan ng propaganda, ahitasyon at pagkilos para sa karapatan ng kababaihan ay esensyal na bahagi ng pagdurog sa impluwensya ng kapitalistang ideolohiya sa uring manggagawa. Esensyal na bahagi rin ito ng pagtataas ng kamalayang politikal at pagpapakilos ng uring manggagawa para sa rebolusyon.

8. Ang mga kapitalista lamang ang makikinabang sa diskriminasyon ng kasarian sa hanay ng uring manggagawa. Ang makauring interes ng mga manggagawa ay katambal ng mga pangangailangan at kahilingan ng lahat ng uring inaapi at pinagsasamantalahan - kasama dito ang sa kababaihan.

9. Ang makabig ang organisadong paggawa at kilusang unyon sa pakikibaka para sa kahilingan ng kababaihan ay bahagi ng pagmumulat sa uring manggagawa na mag-isip at kumilos sang-ayon sa pangangailangan ng kanyang pulitika at ng lipunan - mula sa pagiging 'class in itself' ay dapat itong mag-isip at kumilos bilang 'class for itself'.

10. Ang pakikibaka laban sa pang-aapi sa kababaihan ay hindi isang sekondaryo o peripheral na isyu. Mapakikilos ang mga babae bilang isang pwersa sa mga panahon ng matitinding krisis pampulitika. Pero mapakikilos at makakabig sila ng alinman sa dalawang pwersa - rebolusyonaryo o reaksyonaryong pwersa.

Kung mabibigo ang kilusang manggagawa na isulong ang pakikibaka at programa na magpapakilos sa kababaihan, maraming babae sa panggitnang uri at kahit sa hanay ng proletaryado ang maaaring mahakot ng mga reaksyonaryo o di kaya'y maneutralisa bilang mga potensyal na alyado [halimbawa, sa Chile noong 1973]. Sa mga panahon ng matitinding kaugalian ng uri, ito ay may potensyal na maging win-or-die issue para sa kilusang rebolusyonaryo.

11. Ang tagumpay ng sosyalistang rebolusyon ay lilikha ng mga kondisyon at materyal na batayan para sa paglaya ng kababaihan. Pero ang sosyalistang konstruksyon ay di kayang ipatupad ng magdamagan. Sa ultimo, ang panlipunang hatian sa paggawa sa pagitan ng mga panlalaki at pambabaeng gawain ay kailangang wasakin. Kailangang magdesisyon tungkol sa alokasyon ng limitadong rekurso at magtatag ng isang planong ekonomiko na sasalamin sa mga pangangailangan ng kababaihan. Nangangailangan ito ng pagtuloy ng pag-oorganisa ng kababaihan kahit sa yugto ng sosyalistang konstruksyon.

At lahat ito'y para tiyakin na maisusulong ng mayorya ng sangkatauhan - babae man o lalaki - ang kabuuang proseso ng sosyalismo at komunismo tungo sa matagumpay nitong kongklusyon.

Mga Pinaghalawan

Brewer, Pat, The Dispossession of Women (New Course Publications, 2000).

Darwin, Charles, On the Origin of the Species by Means of Natural Selection (John Murray, 1859).

Ehrenberg, Margaret, Women in Prehistory (British Museum Publications, 1989).

Engels, Frederick, Origins of the Family, Private Property and the State (Progress Publishers, 1970).

Gould, Stephen Jay, Ever Since Darwin: Reflections in Natural History (Penguin, 1977).

Lenin, Collected works (Progress Publishers, 1977).

Mann, Scott, The Heart of a Heartless World: Religion as Ideology (Brandl & Schlesinger, 1996).

Feminism and Socialism - Putting the Pieces Together (New Course Publications, 1977).

Reed, Evelyn, Anthropology and Women's Liberation (International Socialist Review, 1957).

Reed, Evelyn, Sexism and Science (Pathfinder Press, 1978).

Reed, Evelyn, Women's Evolution for Matriarchal Clan to Patriarchal Family (Pathfinder Press, 1974).

Theses, Resolutions and Manifestos of the First Congresses of the Third International (Pluto Press, 1983).

Zetkin, Clara, Lenin on the Emancipation of Women (Progress Publishers, 1965).