Halaw sa:
SOSYALISMO: UTOPYANO AT SYENTIPIKO
ni Friedrich Engels
Noong 1831, ang unang pag-aaklas ng mga manggagawa ay naganap sa Lyons, Pransya; sa pagitan ng 1838 at 1842, inabot ng unang pambansang kilusang manggagawa, ang kilusang Chartista ng mga Ingles, ang rurok nito. Ang tunggaliang makauri sa pagitan ng proletaryado at burgesya ay sumulpot sa kasaysayan ng pinakaabanteng mga bansa sa Europa, sa katumbas na antas ng modernong industriya sa isang banda, at ng bagong kamit na pampulitikang kapangyarihan ng burgesya, sa kabila. Higit na pinalalakas ng mga kaganapan ang pagpapasinungaling sa mga turo ng ekonomyang burges hinggil sa pagkakapareho ng mga interes ng kapital at paggawa, sa unibersal na pagkakasundo at pangkalahatang kasaganaan na siyang iluluwal ng di-sinasagkaang kumpetisyon. Lahat ng bagay na ito'y hindi na maaaring isantabi, gaya ng sosyalismong Pranses at Ingles, na siyang teyoretikal bagamat di-perpektong ekspresyon nito. Ngunit ang lumang ideyalistang pananaw sa kasaysayan, na hindi pa rin natatanggal, ay walang nalalaman sa makauring tunggaliang nakabatay sa mga pang-ekonomyang interes; sumulpot lamang dito ang produksyon at lahat ng pang-ekonomyang relasyon bilang mga elementong nakapailalim at insidental sa "kasaysayan ng sibilisasyon".
Inobliga ng mga bagong kaganapang ito ang isang bagong pagsusuri sa lahat ng nakaraang kasaysayan. At dito'y nasaksihang lahat ng nakaraang kasaysayan, maliban sa mga primitibong yugto nito, ay kasaysayan ng makauring tunggalian; ang mga naglalabanang uri sa lipunan ay laging produkto ng sistema sa produksyon at ng palitan - sa ibang salita, ng pang-ekonomyang kalagayan ng kanilang panahon; ang pang-ekonomyang istraktura ng lipunan ay laging nagbibigay ng tunay na batayan, at mula dito'y makakatas natin ang ultimong paliwanag sa kabuuang suprastraktura ng mga institusyong panghustisya at pampulitika gayundin ang mga pang-relihiyon, pilosopiko at iba pang mga ideya sa isang takdang istorikong yugto. Pinalaya ni Hegel ang kasaysayan mula sa metapisika - ginawa niya itong diyalektiko; ngunit ang kanyang pananaw sa kasaysayan sa saligan ay ideyalista. Subalit pinalayas ang ideyalismo mula sa huling kanlungan nito, ang pilosopya ng kasaysayan; ngayon inihaharap ang isang materyalistang pagtrato sa kasaysayan, at natuklasan ang isang paraan ng pagpapaliwanag sa "kaalaman" ng tao sa pamamagitan ng kanyang "pag-iral", sa halip ng dating ang kanyang "pag-iral" sa pamamagitan ng kanyang "kaalaman".
Magmula noon, ang sosyalismo'y hindi na lamang isang kaisipang aksidenteng natuklasan ng maimbentong utak ng sinuman, kundi ang inaasahang ibubunga ng tunggalian sa pagitan ng dalawang uring may istorikong gulang - ang proletaryado at ang burgesya. Ang tungkulin nito'y hindi na ang lumikha ng isang perpektong sistema ng lipunan kundi ang suriin ang istoriko-ekonomikong pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari kung saan ang mga uri at ang kanilang antagonismo'y obligadong sumulpot, at tuklasin sa mga iniluwal na kalagayang pang-ekonomya ang paraan ng pagpawi ng tunggalian. Subalit ang sosyalismo ng mga sinaunang panahon ay hindi rin angkop sa materyalistang pananaw na ito gaya ng hindi naging tugma ang pananaw sa Kalikasan ng mga materyalistang Pranses sa diyalektika at makabagong syensang pangkalikasan. Totoong binatikos ng sosyalismo ng mga sinaunang panahon ang umiiral na kapitalistang sistema ng produksyon at ang mga resulta nito. Ngunit ang mga ito'y hindi nito maipaliwanag, at kung gayo'y hindi kayang gamayin ang mga ito. Ang tanging kaya nitong gawin ay simpleng tutulan ang mga ito dahil tiwali. Habang pinatitindi ng mas naunang sosyalismong ito ang pagbatikos sa pagsasamantala sa uring manggagawa, na hindi maiiwasan sa ilalim ng kapitalismo, mas humihina ang kakayahan nitong ipakita nang malinaw kung ano ang nilalaman ng pagsasamantalang ito at kung paano ito lumitaw. Ngunit dahil dito'y kinailangang - (1) ipakita ang istorikong koneksyon ng kapitalistang pamamaraan ng produksyon at ang pagiging di-maiiwasang pag-iral nito sa isang partikular na istorikong panahon, at ipakitang hindi rin mapipigilan kung gayon ang pagbagsak nito; at (2) ilantad ang saligang katangian nito, na nananatiling isang sikreto. Nagawa ito sa pagkakatuklas sa sobrang halaga. Naipakita na ang pag-angkin sa di-bayad na paggawa ang batayan ng kapitalistang sistema ng produksyon at ng pagsasamantala sa manggagawa ang nagaganap dito; na kahit bilhin ng kapitalista ang lakas-paggawa ng kanyang manggagawa sa hustong halaga nito bilang kalakal sa pamilihan, nakakapiga pa rin siya mula dito ng halagang labis sa kanyang binayaran; na sa huling pagsusuri'y ang sobrang halagang ito ang bumubuo sa mga natipong halagang pinagmumulan ng pinagpapatung-patong na papalaki nang papalaking bulto ng kapital na nasa kamay ng mga uring nagmamay-ari. Ang pinagmulan ng kapitalistang produksyon at ang produksyon ng kapital ay parehong naipaliwanag.
Ang dalawang malaking pagkakatuklas na ito, ang materyalistikong pagtanaw sa kasaysayan at ang pagkakahayag sa sikreto ng kapitalistang produksyon sa pamamagitan ng sobrang halaga, ay utang natin kay Marx. Sa mga pagkakadiskubreng ito, ang sosyalismo ay naging syensya. Ang susunod ay ang pagbaybay sa lahat ng mga detalye nito't mga relasyon.
III
Ang materyalistang pananaw sa kasaysayan ay nagsisimula sa panukalang ang paglikha sa mga pangangailangan ng tao para mabuhay, at kasunod ng produksyon, ang palitan ng mga nalikhang bagay, ay ang batayan ng lahat ng panlipunang istruktura; na sa bawat lipunang sumulpot sa kasaysayan, ang pamamaraan ng pagkakahati ng yaman at kung paano nahahati ang lipunan sa mga uri o ranggo ay nakadepende sa kung ano ang nalilikha, paano ito nililikha, at paano ang palitan ng mga produkto. Mula sa punto-de-bistang ito, ang pinakadahilan ng lahat ng mga panlipunang pagbabago at mga pampulitikang rebolusyon ay matatagpuan hindi sa mga utak ng tao, hindi sa mas mabuting pagkaunawa ng tao sa walang hanggang katotohanan at hustisya, kundi sa mga pagbabago sa mga sistema ng produksyon at palitan. Hindi sa pilosopiya mahahanap ang mga ito, kundi sa ekonomya ng bawat partikular na panahon. Ang lumalawak na pagtinging ang umiiral na mga panlipunang institusyon ay hindi makatwiran at hindi makatarungan, na ang katwiran ay hindi matuwid at ang tama'y tiwali, ay nagpapatunay lamang na sa loob ng mga sistema ng produksyon at palitan ay nagkakaroon ng di-namamalayang mga pagbabagong nagiging dahilan upang ang panlipunang kaayusan, na pinipilit na iangkop sa mga naunang pang-ekonomyang kalagayan, ay hindi na maaaring panatilihin pa. Mula dito, sumusunod din na ang paraan upang pawiin ang mga lumitaw na hindi magkatugma ay dapat ding umiral, na humigit-kumulang ay nasa hinog na kalagayan, sa loob mismo ng nagbagong sistema ng produksyon. Ang mga paraang ito ay hindi iimbentuhin sa pamamagitan ng paghinuha mula sa mga pundamental na prinsipyo, kundi tutuklasin sa mga sala-salabat na kaganapan sa umiiral na sistema ng produksyon.
Ano, kung gayon, ang posisyon ng modernong sosyalismo kaugnay nito?
Ang kasalukuyang istruktura ng lipunan - ito ngayo'y ipinapalagay sa pangkalahatan - ay nilikha ng naghaharing uri sa ngayon, ng burgesya. Ang sistema ng produksyong natatangi sa burgesya, na nakilala, mula sa panahon ni Marx, na kapitalistang sistema ng produksyon, ay hindi tumutugma sa pyudal na sistema, sa mga pribilehiyong ipinagkaloob nito sa mga indibidwal, buu-buong panlipunang ranggo at mga lokal na korporasyon, gayundin sa mga namamanang kadena ng pagpapailalim na siyang balangkas ng panlipunang pagkakaorganisa nito. Ibinagsak ng burgesya ang pyudal na sistema at mula sa mga guho nito'y itinayo ang kapitalistang kaayusan ng lipunan, ang kaharian ng malayang kumpetisyon, ng kalayaang personal, ng pagkakapantay-pantay, sa ilalim ng batas ng lahat ng nagmamay-ari ng kalakal, ng lahat ng iba pang kapitalistang biyaya. Magbuhat noon, ang kapitalistang sistema ng produksyon ay uunlad sa kalayaan. Dahil trinansporma ng singaw, makinarya, at ang pagyari ng makina sa pamamagitan ng makinarya ang lumang manupaktura sa modernong industriya, ang mga produktibong pwersang umusbong sa gabay ng burgesya ay umunlad ng buong bilis sa antas na hindi dating nagaganap. Subalit gaya ng lumang manupaktura, noong panahon nito, at ang pagyayaring-kamay, na paunlad nang paunlad sa ilalim ng kanyang impluwensya, ay bumangga sa mga pyudal na panangga ng mga gremyo (guilds), gayundin ngayon ang modernong industriya, sa mas kumpletong pag-unlad nito, ay bumabangga na sa takdang hangganan ng kapitalistang sistema ng produksyon. Napaglumaan na ng mga bagong produktibong pwersa ang kapitalistang paggamit sa mga ito. At ang banggaang ito sa pagitan ng mga produktibong pwersa at mga sistema ng produksyon ay hindi isang banggaang nabuo sa isipan ng tao, katulad ng unang pagkakasala at hustisya ng langit. Umiiral ito, sa katunayan, nang obhetibo, nang labas sa atin, nang hiwalay sa kagustuhan at pagkilos kahit ng mga taong nagpasimula nito. Ang modernong sosyalismo ay walang iba kundi ang kusang tugon, sa isipan, sa banggaang nagaganap sa katunayan; ang ideyal na repleksyon sa isipan, una, ng uring direktang nagdurusa sa ilalim nito, ang uring manggagawa.
Ngayon, anu-ano ang bumubuo sa banggaang ito?
Bago ang kapitalistang produksyon, i.e., sa Edad Medya (sa mga taon mula 1100-1500), ang sistema ng maliit na industriya ay umiral sa pangkalahatan, batay sa pribadong pag-aari ng mga tagayari sa kanilang kagamitan sa produksyon; sa kanayunan, ang pagsasaka ng maliit na pesante, timawa o alipin; sa mga kabayanan, ang pagyayaring-kamay na organisado sa mga gremyo. Ang mga kagamitan sa paggawa - lupa, kagamitang pansaka, ang talyer, ang kasangkapan - ay ang mga kagamitan sa paggawa ng mga solong indibidwal, akma lamang para gamitin ng isang manggagawa, at, samakatwid, ay kinakailangang maliit, mababa at limitado. Subalit, sa mismong kadahilanang ito, sa kalakaran, ay pag-aari ng mismong tagayari. Ang tipunin ang mga hiwa-hiwalay, limitadong kagamitan sa produksyon na ito, ang palakihin ang mga ito, ang gawin ang mga ito bilang mga makapangyarihang kasangkapan sa produksyon ng kasalukuyang panahon - ito mismo ang istorikong papel ng kapitalistang produksyon at ng tagapagtaguyod nito, ang burgesya. Sa ikaapat na seksyon ng Kapital* ipinaliwanag nang detalye ni Marx kung paano makasaysayang naganap magmula noong ika-15 siglo sa tatlong yugto ang simpleng pagtutulungan, manupaktura at modernong industriya. Ngunit hindi kaya ng burgesya, na ipinakita rin doon, na itransporma ang mga maliliit na kagamitan sa produksyong ito bilang mga makapangyarihang produktibong pwersa nang kasabay nito'y hindi rin binabago ang mga ito mula sa pagiging kagamitan sa produksyon ng indibidwal sa pagiging panlipunang kagamitan sa produksyong maaari lamang gumana sa pamamagitan ng kolektibong paggawa ng mga tao. Ang ruwedang suliran, ang habihang de-mano at ang maso ng panday ay pinalitan ng sulirang de-motor, ng makinang panghabu at de-makinang pamukpok; ang indibidwal na talyer, ng pabrikang nangangailangan ng pagtutulungan ng daan-daan at libu-libong mga manggagawa. Sa gayunding paraan, ang produksyon mismo ay nagbago mula sa magkakasunod na indibidwal sa sunud-sunod na gawang panlipunan, at ang mga produkto, mula indibidwal sa produktong panlipunan. Ang sinulid, ang tela, at ang metal na ngayo'y lumalabas sa pabrika ay mga magkasanib na produkto ng maraming manggagawa, na bago magawa'y kailangang magdaan sa kanilang mga kamay. Walang isa mang makapagsasabi sa mga ito: "Gawa ko 'yan; ito ang aking produkto."
Ngunit saan matatagpuan, sa isang takdang lipunan, ang saligang porma ng produksyon ay ang ispontanyong dibisyon ng paggawa na umuusad nang paunti-unti at hindi ayon sa isang buo nang plano, dito ang mga produkto'y nasa anyo ng kalakal, na ang palitan ng bawat isa, pagbibenta at pamimili, ay nagbibigay sa indibidwal na tagayari ng katugunan sa kanyang mga sari-saring pangangailangan. At ito ang naganap noong Edad Medya. Ang pesante, halimbawa, ay nagbenta sa artisano ng mga produktong mula sa pagsasaka at bumili sa kanya ng mga produktong yaring-kamay. Sa lipunang ito ng mga indibidwal na tagayari, ng mga tagalikha ng kalakal, isinaksak ng bagong sistema ng produksyon ang sarili nito. Sa gitna ng lumang dibisyon ng paggawang ispontanyong umunlad at hindi ayon sa isang depinidong plano, na siyang naghari sa kabuuan ng lipunan, ngayo'y umusbong ang dibisyon ng paggawang ayon sa isang depinidong plano, na organisado sa pabrika; katambal ng indibidwal na produksyon ay lumitaw ang panlipunang produksyon. Ang mga produkto ng dalawa ay sa parehong pamilihan ibinebenta, at, samakatwid, sa presyong humigit-kumulang ay pareho rin. Ngunit ang pagkakaorganisa ayon sa isang depinidong plano ay mas nangingibabaw kaysa sa ispontanyong dibisyon ng paggawa. Ang mga pabrikang tumatakbo sa pamamagitan ng pinagkumbinang panlipunang pwersa ng isang pagsasama-sama ng mga indibidwal ay lumilikha ng mga kalakal nang mas mura kaysa sa mga indibidwal na maliit na tagayari. Nalugmok ang indibidwal na produksyon sa bawat departamento. Nirebolusyonisa ng sosyalisadong produksyon ang lahat ng lumang pamamaraan sa produksyon. Subalit kasabay nito, ang rebolusyonaryong katangian nito'y hindi gaanong napansing, salungat dito, ito'y tinatanaw bilang pamamaraan sa pagpapalaki at pagpapaunlad ng produksyon ng kalakal. Nang umusbong ito, natagpuan nitong yari na, at ginamit nang husto, ang ilang makinarya para sa produksyon at palitan ng kalakal; kapital ng mga komersyante, pagyayaring-kamay, sahurang paggawa. Sa gayon, ipinakikilala ng sosyalisadong produksyon ang sarili bilang isang bagong porma ng produksyon ng kalakal, naaayon lamang na sa ilalim nito, ang mga lumang porma ng pag-angkin ang siya pa ring nasunod, at ipinatupad din sa mga produkto nito.
Sa Edad Medyang yugto ng pag-unlad ng produksyon ng mga kalakal, hindi maaaring sumulpot ang usapin hinggil sa pagmamay-ari sa produkto ng paggawa. Ang indibidwal na tagayari, sa kalakaran, ay lumilikha ng produkto, mula sa hilaw na materyales na kanyang pag-aari at kanya ring nilikha, sa pamamagitan ng kanyang sariling kasangkapan, ng paggawa ng kanyang sariling mga kamay o ng kanyang pamilya. Hindi na niya kailangang angkinin pa ang bagong produkto. Ito'y tanging sa kanya, ayon sa kalakaran. Ang pag-aari niya sa produktong iyon, samakatwid, ay batay sa kanyang sariling paggawa. Kahit kapag ginamitan ng tulong ng iba, sa kalakaran, ito'y hindi gaanong mahalaga at sa pangkalahata'y binabayaran ng ibang bagay kaysa sahod. Mas maikli ang ginugugol sa trabaho ng mga aprentis at manlalakbay sa mga gremyo para sa pagtira at sahod kaysa sa ginugugol para sa pagsasanay, upang sila ri'y maging mga kapatas ng mga tagayaring-kamay.
Pagkatapos ay dumating ang konsentrasyon ng mga kagamitan sa produksyon at mga tagayari sa mga malalaking talyer at pabrika, ang transpormasyon ng mga ito bilang mga aktwal na sosyalisadong kagamitan sa produksyon at sosyalisadong tagalikha. Subalit ang mga sosyalisadong tagalikha at kagamitan sa produksyon at ang kanilang mga produkto ay itinuturing pa rin, pagkatapos ng mga pagbabagong ito, na tulad ng dati, i.e., bilang mga kagamitan sa produksyon at mga produkto ng indibidwal. Hanggang ngayon, ang nagmamay-ari ng mga kasangkapan ng paggawa ang siyang umaangkin sa produkto, dahil, sa kalarakaran, ito'y sarili niyang produkto at ang pagtulong ng iba ay hindi karaniwan. Ngayon, ang nagmamay-ari ng mga kasangkapan ng paggawa ang siyang laging umaangkin sa produkto, kahit na ito'y hindi na kanyang produkto kundi tanging produkto ng paggawa ng iba. Kaya ang mga produkto na ngayo'y likhang-sosyal ay hindi inaangkin ng mga taong siyang aktwal na nagpaandar sa mga kagamitan sa produksyon at aktwal na lumikha sa mga kalakal, kundi ng mga kapitalista. Ang mga kagamitan sa produksyon at ang mismong produksyon, sa esensya, ay naging sosyalisado. Subalit ang mga ito'y ipinaiilalim sa porma ng pag-angkin na nagpapalagay sa pag-iral ng pribadong produksyon ng mga indibidwal, kung saan ang bawat tao'y nagmamay-ari sa kanyang produkto at kanyang dinadala sa pamilihan. Ang sistema ng produksyon ay ipinaiilalim sa ganitong porma ng pag-angkin, gayong pinapawi nito ang mga kondisyong iniiralan ng huli.*
Ang kontradiksyong ito, na nagbibigay sa bagong sistema ng produksyon ng kapitalistang katangian nito, ay naglalaman ng mga binhi ng kabuuan ng mga antagonismong panlipunan ng kasalukuyang panahon. Habang mas lumalawak ang saklaw ng bagong sistema ng produksyon sa lahat ng mga importanteng larangan ng produksyon at sa lahat ng mga bansang nagmamanupaktura, lalo nitong pinaliliit ang indibidwal na produksyon sa di-mapansing alikabok, lalong lumilinaw ang paglitaw ng di-kaangkupan ng sosyalisadong produksyong may kapitalistang paraan ng pag-angkin.
Natagpuan ng mga unang kapitalista, gaya ng sinabi na natin, katambal ng iba pang porma ng paggawa, ang sahurang-paggawang handa na sa kanila sa pamilihan. Ngunit ito'y di karaniwan, pampuno, pantulong, pansamantalang sahurang-paggawa. Ang manggagawang bukid, gayong nagpapaupa ng kanyang paggawa sa araw, ay may sariling ilang pitak ng lupaing maaari niyang pagkunan ng kahit isang kurot na ikinabubuhay sa anumang pagkakataon. Ang mga gremyo'y napakaorganisado na ang mga manlalakbay ngayon ang naging kapatas kinabukasan. Ngunit nagbago ang lahat ng ito, magmula nang maging sosyalisado ang mga kagamitan sa produksyon at nakonsentra sa kamay ng mga kapitalista. Ang mga kagamitan sa produksyon, gayundin ang produkto, ng indibidwal na tagalikha ay lalong mawawalan ng kabuluhan; wala nang natira sa kanya kundi ang maging sahurang-manggagawa sa ilalim ng kapitalista. Ang sahurang paggawang hindi karaniwan at pantulong lamang noong una ay siya ngayong kalakaran at batayan ng lahat ng produksyon; pampuno lamang noong una, ngayo'y siyang tanging natirang papel ng manggagawa. Ang pansamantalang sahurang-manggagawa ay naging sahurang-manggagawang panghabambuhay. Ang bilang ng mga permanenteng sahurang-manggagawa ay lalo pang lumobo sa pagkadurog ng pyudal na sistema na naganap nang sabay sa pagkalansag ng mga tagapagtaguyod ng panginoong pyudal, ang paghugot sa mga pesante mula sa mga sakahan, at iba pa. Nalubos ang paghihiwalay ng kagamitan sa produksyong konsentrado sa kamay ng mga kapitalista, sa isang banda, at ang mga tagalikhang walang pag-aari maliban sa kanilang lakas-paggawa, sa kabila. Ang kontradiksyon sa pagitan ng sosyalisadong produksyon at kapitalistang pag-angkin ay nagkaanyo sa antagonismo ng manggagawa at burgesya.
Nasaksihan natin ang sapilitang pagpasok ng kapitalistang sistema ng produksyon sa lipunan ng mga tagalikha ng kalakal, ng mga indibidwal na tagalikhang ang kapalit ng kanilang produkto ay ang kanilang panlipunang pagsasama-sama. Ngunit ang bawat lipunang nakabatay sa produksyon ng kalakal ay may ganitong pekulyaridad: na napawi sa mga tagalikha ang kontrol sa kanilang sariling mga panlipunang pag-uugnayan. Bawat tao'y lumilikha para sa kanyang sarili sa pamamagitan ng anumang kagamitan sa produksyong nagkataong mayroon siya, at para sa palitang kanyang itatakda para sa katugunan ng kanyang mga pangangailangan. Walang nakakaalam kung anong bahagi ng partikular na bagay na ito ay maaaring ibenta sa pamilihan, o kung anong bahagi nito ang maaaring bilhin. Walang nakakaalam kung ang kanyang indibidwal na produkto ay makatutugon sa aktwal na pangangailangan, kung masusulit niya ang kanyang gastos sa produksyon o maibenta man lang ang kanyang kalakal. Anarkiya ang naghahari sa sosyalisadong produksyon.
Subalit ang produksyon ng kalakal, gaya ng lahat ng iba pang porma ng produksyon, ay mayroong natatangi, likas na mga batas na di-maihihiwalay dito; at ang mga batas na ito ay gumagana, sa kabila ng anarkiya, sa pamamagitan ng, at sa mismong anarkiya. Lumilitaw ang mga ito sa tanging paulit-ulit na porma ng panlipunang pag-uugnayan, i.e., sa palitan, at dito'y umaapekto sa mga indibidwal na tagalikha bilang obligadong batas ng kumpetisyon. Sa una'y hindi ito nalalaman ng mismong mga tagalikha at matutuklasan lamang nila nang dahan-dahan at bilang resulta ng karanasan. Ang mga batas na ito'y gumagana nang hiwalay sa mga tagalikha, at laban sa kanila, bilang di-matitinag na mga likas na batas ng kanilang partikular na porma ng produksyon. Ang produkto ang naghahari sa mga tagalikha.
Sa Edad Medyang lipunan, laluna sa mga mas maagang siglo, ang produksyon ay pangunahing nakatuon sa pagtugon sa mga pangangailangan ng indibidwal. Tinutugunan nito, pangunahin, yaon lamang mga pangangailangan ng tagalikha at ng kanyang pamilya. Kung saan umiiral ang relasyon ng personal na pagkakatali, tulad sa kanayunan, tumutugon din ito sa mga pangangailangan ng panginoong pyudal. Sa lahat ng ito'y hindi umiiral ang palitan; dahil dito, ang mga produkto'y walang katangiang kalakal. Nililikha ng pamilya ng pesante halos lahat ng kanilang kailangan; damit at mwebles, gayundin ang ikabubuhay. Noon lamang magsimulang lumikha ito ng labis sa kanyang sariling pangangailangan at sa mga produktong pambayad niyang sa panginoong pyudal, saka lamang ito lumikha ng mga kalakal. Ang mga labis na produktong ito, na ipinaloob sa sosyalisadong palitan at inilaan para ibenta, ang naging kalakal.
Totoong ang mga artisano ng kabayanan ang kaunahang lumikha para sa palitan. Ngunit tinutugunan din nila ang kalakhan ng kanilang sariling mga pangangailangan. Mayroon silang mga taniman at mga pinitak. Pinapastol ang kanilang mga baka sa mga kagubatang nagbibigay din ng tabla't panggatong. Ang mga kababaiha'y nagsusulid ng lino, lana, at iba pa. Ang produksyong ang layunin ay para sa palitan, ang produksyonb ng mga kalakal, ay nasa kasibulan pa lamang. samakatwid, limitado ang palitan, maliit ang pamilihan, istableng mga pamamaraan sa produksyon; may lokal na pagkaeksklusibo sa labas, may lokal na pagkakaisa sa loob; ang Marka* sa kanayunan, ang gremyo sa kabayanan.
Subalit sa paglawak ng produksyon ng mga kalakal, at laluna sa pagpasok ng kapitalistang sistema ng produksyon, ang mga batas ng produksyong pangkalakal, na hanggang ngayo'y nakakubli, ay palantad ng palantad ang paggalaw at papalakas nang papalakas ang pwersa. Ang mga dating pagkakabuklod ay lumuwag, ang mga dating eksklusibong hangganan ay nabasag, ang mga tagalikha lalong nagiging makasarili, nakahiwalay na tagalikha ng mga kalakal. Lumilitaw na naghahari ang kawalan ng plano sa produksyon ng lipunan sa pangkalahatan, nang aksidente, na may anarkiya; at ang anarkiyang ito ay tumindi ng tumindi. Subalit ang pangunahing paraan ng kapitalistang sistema ng produksyon ay papatindi ng husto sa anarkiyang ito na eksaktong kabaligtaran ng anarkiya. Ito ang papasinsing pagkakaorganisa ng produksyon, ayon sa batayang sosyal, sa bawat indibidwal na produktibong istablisimento. Sa pamamagitan nito, nawakasan ang luma, payapa, istableng kalagayan ng mga bagay-bagay. Saanmang sangay ng industriya pumasok ang pagkakaorganisang ito ng produksyon, pinapawi nito ang iba pang mga pamamaraan ng produksyon. Ang paggawa ang naging larangan ng labanan. Ang mga dakilang pagkakatuklas ng mga lupain sa ibayong dagat, at ang sumunod na pagsakop sa mga ito, ay nagpalawak nang ilang ulit sa mga pamilihan at nagpabilis sa transpormasyon ng pagyayaring-kamay sa manupaktura. Ang labanan ay hindi simpleng sumiklab sa pagitan ng mga indibidwal na tagalikha ng mga partikular na lokalidad. Ang mga lokal na tunggalian ay tumungo sa mga pambansang digmaan, ang mga digmaang komersyo ng ika-17 at ika-18 siglo.
Panghuli, ginawang unibersal ng modernong industriya at ang pagbubukas ng pandaigdigang pamilihan ang tunggalian, at kasabay nito'y binigyan ng nakakahawang kamandag na hindi dating napapakinggan. Ang bentahe sa likas o artipisyal na kondisyon ng produksyon ang mapagpasya sa pag-iral o di-pag-iral ng mga indibidwal na kapitalista, gayundin sa mga buu-buong mga industriya at mga bansa. Siyang nalugmok ay walang pagsisising isinasaisantabi. Ito ang maka-Darwin na pakikibaka ng indibidwal para mapanatili ang sarili na naisalin mula sa Kalikasan tungo sa lipunan nang may matinding karahasan. Ang mga kondisyon sa pag-iral na likas sa hayop ay lumitaw na siyang huling kondisyon ng pag-unlad ng tao. Ang kontradiksyon sa pagitan ng sosyalisadong produksyon at kapitalistang pag-angkin ay lumalabas ngayon bilang antagonismo sa pagitan ng pagkakaorganisa ng produksyon sa indibidwal na pagawaan at ng anarkiya sa produksyon sa lipunan sa pangkalahatan.
Ang kapitalistang sistema ng produksyon ay gumagalaw sa dalawang pormang ito ng antagonismong kakambal nito sa simula't simula. Hindi ito kailanman makakaalpas sa "vicious circle" (isang problemadong kalagayang paulit-ulit) na natuklasan na ni Fourier. Ang hindi makita ni Fourier noong kanyang panahon ay ang unti-unting pagsikip ng bilog; na ang paggalaw nito ay unti-unting nagiging paikid, at kailangang magwakas, katulad ng paggalaw ng mga planeta, sa pamamagitan ng pagbangga sa sentro. Ang mapang-obligang pwersa ng anarkiya sa produksyon ng lipunan sa pangkalahatan ang siyang lubusang nagtutulak sa napakalaking kalakhan ng tao upang maging mga proletaryo; at ang masa ng proletaryado ang sa huli'y siya muling magbibigay ng wakas sa anarkiya sa produksyon. Ang mapang-obligang pwersa ng anarkiya sa panlipunang produksyon ang nagtutulak sa walang-hangganang pagperpekto sa makinarya sa ilalim ng modernong industriya sa isang obligadong batas na kung saan ay kinakailangang patuloy na perpektuhin ng bawat indibidwal na kapitalistang industriyal ang kanyang makinarya na kung hindi ay kanyang ikapapariwara.
Subalit ginawang sobra-sobra ng pagpiperpekto sa makinarya ang paggawa ng tao. Kung ang pagpasok at pagpapaunlad ng makinarya ay nangangahulugan ng pagpapalit sa milyun-milyong manwal na manggagawa ng iilang tagapagpatakbo ng makina, ang pagpapaunlad ng makinarya ay nangangahulugan ng dislokasyon ng parami nang paparaming manggagawang pangmakina. Sa huling pagsusuri, nangangahulugan ito ng produksyon ng malaking bilang ng mga libre-sa-panahong manggagawang sobra-sobra sa karaniwang pangangailangan ng kapital, ang pormasyon ng isang ganap na reserbang hukbong industriyal, na siya kong itinawag dito noong 1845, maaaring gumawa sa panahong ang industriya ay umaandar nang todo, at itinatapon sa kalsada kapag dumarating ang di-maiiwasang pagbagsak, isang palagiang pabigat sa binti ng uring manggagawa sa pakikibaka nito sa kapital para sa patuloy na pag-iral, ang tagapagpanatili ng mababang antas ng sahod na naaayon sa interes ng kapital. Kaya't nagkatotoo, kung sisipiin si Marx, na ang makinarya ang naging pinakamakapangyarihang sandata ng kapital sa pakikidigma sa uring manggagawa; na ang mga kasangkapan ng paggawa ang palagiang nag-aalis sa mga kamay ng manggagawa ng kanyang ikabubuhay; na ang mismong produkto ng manggagawa ay ginawang instrumento para sa kanyang pagkaalipin. Kaya't nagkatotoo na ang pagtitipid sa mga kasangkapan ng paggawa ay siya ring sa simula't simula'y naging pinakawalang-ingat na pag-aaksaya ng lakas-paggawa, at pagnanakaw batay sa normal na kalagayan ng paggana ng paggawa; na ang makinarya "ang pinakamakapangyarihang instrumento sa pagpapaigsi ng oras ng paggawa, ang naging pinaka-walang-sablay na paraan ng pagpapailalim sa bawat sandali ng oras ng manggagawa at ng kanyang pamilya sa kagustuhan ng kapitalista para sa layuning palakihin ang halaga ng kanyang kapital." (Capital, English edition, p. 406.) Kaya't nagkatotoong ang labis na pagtatrabaho ng ilan ay naging paunang kondisyon sa kawalan ng trabaho ng iba, na ang modernong industriya, na naghahanap ng mga bagong mamimili sa iba't ibang bahagi ng buong mundo, ay sapilitang naglalagay sa pagkonsumo ng masa sa sariling bayan sa antas ng kagutuman, at sa gayo'y sinisira ang kanyang sariling pamilihan. "Ang batas na laging naglalagay sa relatibong sobrang populasyon, o reserbang hukbong industriyal, sa parehong antas ng tindi at lakas ng akumulasyon, nirematse ng batas na ito ang manggagawa sa kapital nang mas mahigpit kaysa sa mga sinsil ni Vulcan na nagpako kay Prometheus sa bato. Nagtatatag ito ng akumulasyon ng karukhaan, sa katumbas na antas ng akumulasyon ng kapital. Ang akumulasyon ng yaman sa isang dulo, samakatwid, ay akumulasyon din ng karukhaan, pagdurusa, pagkaalipin, kamangmangan, kalupitan, kababaang-isip sa kabilang dulo, i.e. sa panig ng uring lumilikha ng sarili nitong produkto sa anyo ng kapital." (Capital, p. 661.) At ang umasa ng iba pang hatian ng produkto sa kapitalistang sistema ng produksyon kapareho ng pag-asa sa elektrodo (metal na dinadaluyan ng kuryente) ng baterya ay hindi magiging dahilan ng pagkadurog ng may asidong-tubig, hindi magpapalaya ng oksiheno sa positibong dulo at hidroheno sa negatibong dulo, hangga't sila't konektado sa baterya.
Nasaksihan nating ang walang-tigil na pagtaan ng pagkaperpekto ng modernong makinarya ay, dahil sa anarkiya sa produksyon, nagiging isang obligadong batas na pumupwersa sa indibidwal na kapitalistang industriyal upang laging paunlarin ang kanyang makinarya, laging palakasin ang kanyang produktibong pwersa. Ang simpleng posibilidad ng pagpapalawak sa saklaw ng produksyon ay nauwi bilang obligado ring batas para sa kanya. Ang makapangyarihang mapangsaklaw na pwersa ng modernong industriya, na kung ikukumpara dito ang pagbuga ng hangin sa lobo ng simpleng laro ng bata, ay lumalabas ngayon bilang isang pangangailangan para sa pagpapalawak, kapwa kantitatibo at kalitatibo, na nang-uuyam sa lahat ng balakid. Ang gayong balakid ay gawa ng pagkonsumo, ng bentahan, ng pamilihan ng mga produkto ng modernong industriya. Ngunit ang kapasidad para sa pagpapalawak, masaklaw at matindi, ng pamilihan ay pangunahing itinatakda ng ibang batas na hindi gaanong masigla kung gumana. Ang paglawak ng pamilihan ay hindi makahabol sa paglawak ng produksyon. Hindi mapigilan ang banggaan, at dahil hindi ito makagagawa ng anumang tunay na solusyon nang hindi dinudurog ang kapitalistang sistema ng produksyon, ang mga banggaan ay bumabalik sa pana-panahon. Nagluwal ang kapitalistang produksyon ng isa pang "vicious cycle".
Sa katunayan, mula 1825, nang ang unang pangkalahatang krisis ay sumabog, ang buong mundo ng industriya at komersyo, ang produksyon at palitan sa lahat ng sibilisadong bayan at ang kanilang himigit-kumulang na barbarong alipures, ay nalalansag nang minsan sa bawat sampung taon. Tigil ang komersyo, apaw ang pamilihan, gabundok ang mga produkto, nagtambakan dahil hindi mabenta, nangaglaho ang mga perang pambili, nangawala ang pautang, nangagsarahan ang mga pabrika, ang masa ng mga manggagawa ay walang ikabubuhay; sunud-sunod ang pagkalugi, sunud-sunod ang pagkamatay. Ang kawalang-pag-unlad ay tumatagal ng ilang taon; ang mga produktibong pwersa at mga produkto ay itinatapon at sinisira nang pakyawan, hanggang sa ang nagtambakang mga kalakal ay unti-unting maubos, bumagsak ang halaga, hanggang sa dahan-dahan uling gumalaw ang produksyon at palitan. Paunti-unti ay bumilis ang hakbang. Naging takbong marahan. Ang marahang takbo ng industriya ay yumagyag, ang yagyag ay bumilis at naging pakaskas sa isang karera ng industriya, utang komersyal, at ispekulasyon hanggang sa, pagkatapos ng ilang ubos-lakas na pag-igpaw, ay muling mauuwi kung saan ito nagsimula - sa pagkalugmok sa krisis. At muling mauulit ito nang mauulit. Dumaan na tayo dito, mula noong 1825, nang limang beses, at sa kasalukuyan (1877) papasukin na naman natin ito sa ikaanim na pagkakataon. Ang kalikasan ng mga krisis na ito ay malinaw ang pagkakalarawan na natumbok ni Fourier ang mga ito nang ilarawan niya ang una bilang "crise pletorique", isang krisis mula sa labis na pagkapuno (plethora).
Sa mga krisis na ito, ang kontradiksyon sa pagitan ng sosyalisadong produksyon at kapitalistang pag-angkin ay nauuwi sa isang marahas na pagsambulat. Ang sirkulasyon ng mga kalakal ay pansamantalang nakatigil. Ang salapi, na kasangkapan sa sirkulasyon, ay naging balakid sa sirkulasyon. Ang lahat ng mga batas ng produksyon at sirkulasyon ng kalakal ay tumiwarik. Narating ng pang-ekonomyang banggaan ang kanyang kasukdulan. Ang sistema ng produksyon ay nag-aaklas laban sa sistema ng palitan.
Ang katotohanang ang sosyalisadong pagkakaorganisa ng produksyon sa loob ng pabrika umunlad ng husto na hindi na ito umaangkop sa anarkiya sa produksyon sa lipunan, na kasabay nitong umiiral at nangingibabaw sa kanya, ay iniuwi muli sa mga kapitalista ng marahas na konsentrasyon ng kapital na nagaganap sa panahon ng mga krisis, sa pamamagitan ng pagkawasak ng maraming malalaki at higit na mas maraming maliliit na kapitalista. Ang buong mekanismo ng kapitalistang sistema ng produksyon ay bumagsak sa pagkakadagan ng mga produktibong pwersa, ang sarili nitong mga nilalang. Hindi na nito kayang itransporma ang lahat ng mga kagamitang ito sa produksyon para maging kapital. Nakatiwangwang lamang ang mga ito, at sa ganitong dahilan, ang reserbang hukbong industriyal ay obligado ring nakatiwangwang. Ang mga kagamitan sa produksyon, kabuhayan, mga libre-sa-trabahong manggagawa, lahat ng mga elemento ng produksyon at ng pangkalahatang yaman, ay naririyang sagana sa bilang. Ngunit "ang kasaganaan ay nagiging dahilan ng pagdurusa at kawalan" (Fourier), sapagkat ang bagay na ito mismo ang pumipigil sa transpormasyon ng kagamitan sa produksyon at ikabubuhay bilang kapital. Dahil sa kapitalistang lipunan ang mga kagamitan sa produksyon ay maaari lamang gumana kapag sumasailalim ang mga ito sa panimulang transpormasyon bilang kapital, bilang instrumento ng pagsasamantala sa lakas-paggawa ng tao. Ang pangangailangan sa transpormasyong ito sa kapital ng mga kagamitan sa produksyon at ikabubuhay ay tumatayong parang multo sa pagitan ng mga ito at ng mga manggagawa. Tanging ito ang pumipigil sa pagsasama ng materyal at personal na gamit sa produksyon; tanging ito ang sumasagka sa mga kagamitan sa produksyon para gumana, sa mga manggagawa para magtrabaho at mabuhay. Sa isang banda, ang kapitalistang sistema ng produksyon samakatwid ay nagkasala sa sarili nitong kawalang-kakayahang paandarin pasulong ang mga produktibong pwersa. Sa kabilang banda, ang mga produktibong pwersang ito mismo, na lalong lumalakas, ay gumigiit pasulong sa pagpalis sa mga umiiral na kontradiksyon sa pagpawi sa kanilang kalidad bilang kapital, sa praktikal na pagkilala sa kanilang katangian bilang mga panlipunang produktibong pwersa.
Ang rebelyong ito ng mga reproduktibong pwersa, habang higit na lumalakas ang kanilang kapangyarihan, laban sa kanilang kalidad bilang kapital, ang palakas nang palakas na paggigiit na kailangang kilalanin ang kanilang katangiang panlipunan, ay pumupwersa sa uring kapitalista upang higit na tratuhin ang mga ito bilang mga produktibong pwersang panlipunan, hangga't ito'y posible sa ilalim ng mga kondisyong kapitalista. Ang panahon ng industriyal na katindihan, sa walang-hangganang paglaki ng pautang, katulad ng krisis mismo, ng pagbagsak ng malalaking istablisimentong kapitalista, ay may tunguhing magdala ng porma ng sosyalisasyon ng malaking masa ng mga kagamitan sa produksyon na nakakasalamuha natin sa loob ng iba't ibang klase ng mga joint-stock companies. Marami sa mga kagamitang ito sa produksyon at distribusyon ay, sa simula't simula, lubhang napakalaki na, gaya ng daang-bakal, inaalis dito ang lahat ng iba pang porma ng kapitalistang pagsasamantala. Sa mas malayo pang yugto ng pag-unlad ang pormang ito ay magiging di-sapat. Ang mga tagalikha ng malakihang saklaw sa isang partikular na sangay ng industriya sa isang partikular na bayan ay nagsasama-sama sa isang tiwalaan (trust), isang pagbubuklod para sa layuning rendahan ang produksyon. Itinatakda nila ang kabuuang bilang na lilikhain, kanilang paparte-partehin ang mga ito, at ipatutupad ang presyong bago pa ma'y naitakda na. Ngunit ang ganitong uri ng tiwalaan, kapag sumama ang negosyo, ay karaniwang nauuwi sa pagsabog, at sa batayang ito'y maoobligang magkaroon ng mas malaking konsentrasyon ng pagsasamahan. Ang kabuuan niyaong partikular na industriya ay ginawang isang dambuhalang joint-stock company; ang panloob na kompetisyon ay nagbigay-daan para sa panloob na monopolyo ng kompanyang ito. Ito ang naganap noong 1890 sa Inglatera sa produksyon ng alkalino, na pagkatapos ng pagsasanib ng 48 na malalaking pagawaan sa kamay ng iisang kompanya, na ngayo'y isinasagawa ayon sa isang plano, at may kapital na £600,000.
Sa mga trust, ang malayang kompetisyon ay nabaligtad - naging monopolyo; at ang walang depinidong planong produksyon ng kapitalistang lipunan ay nasasapawan ng produksyong ayon sa depinidong plano ng nanghihimasok na sosyalistikong lipunan. Tiyak na ito'y sa kapakinabangan at bentahe pa rin ng mga kapitalista. Ngunit dito ang pagsasamantala ay napakakongkreto na dapat na itong malansag. Walang bansang magtatayo sa produksyong ipinatutupad ng mga trust, sa kapal-mukhang pagsasamantala sa pamayanan ng maliit na pangkat ng mga nangangalakal ng dibidendo.
Anu't anuman, may trust o wala, ang opisyal na kinatawan ng kapitalistang lipunan - ang estado - ay kinakailangang siyang umako sa pagdidirihe ng produksyon.* Ang pangangailangang ito para maging pag-aaring estado ay unang naramdaman sa malalaking institusyon para sa pag-uugnayan at komunikasyon - ang koreyo, ang mga telegrapo, ang mga daang-bakal.
Kung ipinapakita ng mga krisis ang kawalang-kakayahan ng burgesya na pamahalaan pa ang mga modernong produktibong pwersa, ang transpormasyon ng mga higanteng istablisimento sa produksyon at distribusyon bilang mga joint-stock companies, trust at pag-aaring estado ay nagpapatunay sa kawalang-silbi ng burgesya sa gayong layunin. Ang lahat ng panlipunang tungkulin ng kapitalista ay ginagampanan ngayon ng mga sahurang empleyado. Wala nang ibang silbi pa ang kapitalista kundi ang magbulsa ng dibidendo, magpunit ng mga kupon, at magsugal sa Stock Exchange, kung saan inaagawan ng mga kapitalista ang bawat isa sa kanila ng kanilang kapital. Itinutulak nito ngayon ang mga kapitalista, at ibinababa ang antas nila, katulad ng pagsipa sa mga manggagawa, sa hanay ng sobrang populasyon, gayunma'y hindi kagyat na sa hanay ng reserbang hukbo ng industriya.
Subalit ang transpormasyon, sa joint-stock companies at trust man o bilang pag-aaring estado, ay hindi pumapawi sa kapitalistang kalikasan ng mga produktibong pwersa. Kitang-kita ito sa mga joint-stock companies at mga trust. At muli, ang modernong estado ay ang organisasyong ginagamit lamang ng burgesya upang suportahan ang mga panlabas na kondisyon ng kapitalistang sistema ng produksyon laban sa mga panghihimasok ng mga manggagawa gayundin ng mga indibidwal na kapitalista. Ang modernong estado, anuman ang porma nito, sa esensya ay isang kapitalistang makina, ang estado ng mga kapitalista, ang ideyal na larawan ng kabuuang pambansang kapital. Habang higit nitong ipinatutupad ang pag-aari sa mga produktibong pwersa, higit naman itong nagiging pambansang kapitalista, mas maraming mamamayan itong pinagsasamantalahan. Ang mga manggagawa'y nananatiling mga sahurang-manggagawa - mga proletaryo. Ang kapitalistang relasyon ay hindi napawi. Bagkus ay inabot nito ang kanyang rurok. Ngunit pagdating sa rurok, ito'y bumagsak. Ang estadong pag-aari sa mga produktibong pwersa ay hindi ang solusyon sa tunggalian, ngunit nakatago dito ang mga teknikal na kondisyong bumubuo sa mga sangkap ng solusyong iyon.
Ang tanging bumubuo sa solusyong ito ay ang praktikal na pagkilala sa panlipunang kalikasan ng mga modernong pwersa ng produksyon, at samakatwid sa pagkakasundo ng mga sistema ng produksyon, pag-angkin, at palitan sa sosyalisadong katangian ng mga kagamitan sa produksyon. At ito'y maaari lamang mangyari sa pamamagitan ng hayagan at direktang pag-ari ng lipunan sa mga produktibong pwersa na napaglakihan na ang lahat ng kontrol maliban sa kontrol ng lipunan sa kabuuan. Ang panlipunang katangian ng mga kagamitan sa produksyon at ng mga produkto ngayon ay umaalma na laban sa mga tagalikha; pana-panahong pinuputol ang lahat ng produksyon at palitan, umaaktong katulad lamang ng batas ng kalikasan na gumagana ng walang katiyakan, ng sapilitang nakakapanalanta. Subalit sa pag-ari ng lipunan sa mga produktibong pwersa, ang panlipunang katangian ng mga kagamitan sa produksyon at ng mga produkto ay gagamitin ng mga tagalikha nang may ganap na pagkaunawa sa kalikasan nito, at sa halip na pagmumulan ng paghinto at pana-panahong pagbagsak, ay magiging siyang pinakamakapangyarihang instrumento ng produksyon mismo.
Ang mga aktibong pwersang panlipunan ay umaakto ng eksaktong katulad ng mga pwersang pangkalikasan: walang katiyakan, namimilit, mapangwasak, hangga't hindi natin nauunawaan, at isinasaalang-alang ang mga ito. Ngunit kapag naunawaan natin ang mga ito, kapag nakabisado natin ang kanilang paggalaw, ang kanilang direksyon, ang kanilang epekto, nasasa atin na kung pasusunurin natin ang mga ito sa ating kagustuhan, at sa pamamagitan ng mga ito'y maabot natin ang ating mga mithiin. At higit na totoo ito sa mga dambuhalang produktibong pwersa sa ngayon. Hangga't matigas ang ulo natin sa pagtangging unawain ang kalikasan at katangian ng mga panlipunang pamamaraan ng pagkilos - at ang pag-unawang ito'y salungat sa kapitalistang sistema ng produksyon at sa mga tagapagtanggol nito - hangga't ang mga pwersang ito ay kumikilos nang walang konsiderasyon sa atin, nang salungat sa atin, kayang-kaya nila tayong pangibabawan, gaya nang ipinakita natin ng detalye sa itaas.
Subalit sa sandaling maunawaan ang kalikasan ng mga ito, magagawang itransporma ang mga ito, sa kamay ng mga tagalikhang magkakasama sa paggawa, mula sa pagiging mga demonyong amo sa pagiging mga masunuring alila. Ang kaibhan ay gaya ng sa pagitan ng mapanalantang pwersa ng elektrisidad ng kidlat sa isang unos, at ng elektrisidad na kontrolado sa telegrapo at sa volatic arc; ang pagkakaiba sa pagitan ng sunog, at ng apoy na nagsisilbi sa tao. Sa pagkilalang ito, sa wakas, sa tunay na kalikasan ng kasalukuyang mga produktibong pwersa, ang panlipunang anarkiya sa produksyon ay hinahalinhan ng panlipunang kontrol sa produksyon alinsunod sa isang depinidong plano, ayon sa mga pangangailangan ng pamayanan at ng bawat indibidwal. Matapos nito, ang kapitalistang sistema ng pag-angkin, kung saan ang produkto ang umaalipin una sa tagalikha at pagkatapos sa umaangkin, ay pinapalitan ng sistema ng pag-angkin sa mga produkto na nakabatay sa kalikasan ng modernong mga kagamitan sa produksyon; sa isang banda, ang direktang panlipunang pag-angkin, bilang pamamaraan ng pagpapanatili, at bilang pamamaraan ng pananatili at ekstensyon ng produksyon - sa kabilang banda, ang direktang indibidwal na pag-angkin, bilang paraan ng kabuhayan at kasiyahan.
Habang higit na nilulubos ng kapitalistang sistema ng produksyon ang transpormasyon ng malaking mayorya ng populasyon bilang mga proletaryo, nililikha rin nito ang pwersang magiging dahilan ng sarili nitong pagkadurog, pwersadong tuparin ang rebolusyong ito. Habang higit nitong itinutulak ang transpormasyon ng napakalaking mga kagamitan sa produksyon, na sosyalisado na, bilang pag-aaring estado, ipinakikita nito ang daan sa katuparan ng rebolusyong ito. Inaagaw ng proletaryado ang pampulitikang kapangyarihan at tinatransporma ang mga kagamitan sa produksyon bilang pag-aari ng estado.
Subalit sa pagpapatupad nito, pinapawi nito ang sarili bilang proletaryado, winawakasan din nito ang estado bilang estado. Sa pinakamalayong narating nito, kinailangan ng lipunang nakabatay sa tunggalian ang estado. Ito'y ang organisasyon ng partikular na uring siyang pro tempore (pangkasalukuyan) na nagsasamantalang uri, isang organisasyon para sa layuning pigilan ang anumang panghihimasok sa mga umiiral na kondisyon ng produksyon mula sa labas, at samakatwid, higit sa lahat, para sa layuning sapilitang panatilihin ang mga pinagsasamantalahang uri sa kondisyon ng pagsasamantalang umaangkop sa sistema ng produksyon (alipin, pyudal, sahurang-paggawa). Ang estado ang opisyal na kinatawan ng lipunan sa kabuuan; ang pagkakatipon nito sa isang kongkretong katipunan. Ngunit ito'y totoo lamang hangga't ito ang estado ng uring siyang kumakatawan sa buong lipunan sa mga panahong iyon: sa mga sinaunang panahon, ang estado ng mga panginoong may-alipin; sa Edad Medya, ng mga panginoong pyudal; sa panahon natin ngayon, ng burgesya. Nang sa wakas ito'y naging tunay na kinatawan ng lipunan sa kabuuan, winakasan nito ang pangangailangan para sa estado. Kapag wala nang uring pangingibabawan; kapag ang makauring paghahari at indibidwal na pakikibaka para mabuhay batay sa kasalukuyang anarkiya sa produksyon, kasama ng mga banggaan at mga kalabisang nagmumula sa mga ito, ay napawi na, wala nang matitira pa para supilin, ang isang natatanging pwersa, ang estado, ay hindi na kinakailangan pa. Ang unang hakbangin ng estado kung saan sa pamamagitan nito'y itinatatag nito ang sarili bilang tunay na kinatawan ng kabuuan ng lipunan - ito ang siya ring pinakahuling independyenteng hakbangin ng estado. Ang panghihimasok ng estado sa mga ugnayang panlipunan ay isa-isang nawawalan ng saysay, at pagkatapos ay kusang mamamatay sa sarili nito; ang pamamahala sa mga tao ay napalitan ng pangangasiwa sa mga bagay, at ng pagsasakatuparan ng mga proseso ng produksyon. Ang estado ay hindi "pinapawi". Ito ay kusang namamatay. Sa ganito lang magkakaroon ng kabuluhan ang pariralang "isang malayang estado", kapwa sa makatwirang paggamit kung minsan ng mga ahitador, at sa ultimong syentipikong limitasyon nito; at gayundin ang mga kahilingan ng mga tinatawag na anarkista sa pagpawi sa kasalukuyang estado.
Magmula nang istorikong sumulpot ang kapitalistang sistema ng produksyon, ang pag-angkin ng lipunan sa lahat ng mga kagamitan sa produksyon ay malimit pangarapin... ng mga indibidwal, gayundin ng mga sekta bilang ideyal para sa hinaharap. Subalit magiging posible lamang ito, magiging isang istorikong pangangailangan lamang, tanging kapag ang aktwal na mga kondisyon sa kaganapan nito ay umiiral. Gaya ng bawat panlipunang pagsulong, ito'y maisasakatuparan hindi sa pagkaunawa ng tao na ang pag-iral ng mga uri ay salungat sa katarungan, pagkapantay-pantay, atbp., hindi sa simpleng kagustuhang pawiin ang mga uring ito, kundi sa pamamagitan ng mga kalagayang pang-ekonomya. Ang pagkakahati ng lipunan sa nagsasamantala at pinagsasamantalahang uri, ay natural lamang na resulta ng di-sapat at limitadong pag-unlad ng produksyon ng mga unang panahon. Hangga't ang kabuuang paggawang panlipunan ay lumilikha lamang ng produktong labis lamang ng bahagya sa mga pinakabatayang pangangailangan para mabuhay ang lahat; hangga't ang paggawa'y nangangailangan ng paglahok ng lahat o sa halos lahat ng pagkakataon ay ng napakalaking mayorya ng myembro ng lipunan, ang lipunang ito, kung gayon, dahil sa kahingian ng kalagayan, ay nahahati sa mga uri. Kasabay ng malaking mayoryang ito na ekslusibong nakataling alipin sa paggawa, ay ang pagsulpot ng isang uring malaya sa direktang produktibong paggawa, na siyang nangangasiwa sa mga pangkalahatang aktibidad ng lipunan: ang pagdidirihe sa paggawa, pang-estadong asikasuhin, batas, agham, sining, atbp. Ang batas ng dibisyon ng paggawa, samakatwid, ang siyang batayan ng pagkakahati sa mga uri. Ngunit ang pagkakahating ito sa mga uri ay hindi nito mapipigilang maganap sa pamamagitan ng karahasan at pagnanakaw, panlilinlang at panlalamang. Hindi nito mapipigilan ang naghaharing uri, sa sandaling magkaroon ng pagkakataon, na konsolidahin ang kapangyarihan nito sa kapinsalaan ng uring manggagawa, na gamitin ang panlipunang pamumuno nito sa pagpapatindi sa pagsasamantala sa masa.
Subalit kung, sa ganitong pagsasalarawan, ang pagkakahati sa mga uri ay may tiyak mang istorikong batayan, ito'y sa loob ng isang takdang panahon lamang, tanging sa ilalim ng takdang panlipunang kalagayan. Nakabatay ito sa kawalan ng sapat na produksyon. Papalisin ito ng ganap na pag-unlad ng mga modernong produktibong pwersa. At, sa katunayang ang pagpawi sa mga uri sa lipunan ay nangangailangan ng isang antas ng istorikong ebolusyon kung saan ang pag-iral, hindi lamang ng simpleng ito o iyang partikular na naghaharing uri, kundi ng alinpamang naghaharing uri, at, samakatwid, ng pag-iral ng pagkakahati ng mga uri ay naging isa nang lipas na bagay na hindi angkop sa panahon. Nangangailangan ito kung gayon ng pag-unlad ng produksyong ipinatutupad sa isang antas kung saan ang pag-angkin sa mga kagamitan sa produksyon at sa mga produkto, at gayundin sa pampulitikang dominasyon, sa monopolyo ng kultura, at sa intelektwal na pangunguna ng isang partikular na uri sa lipunan, ay hindi na lamang naging kalabisan kundi isa nang pang-ekonomya, pampulitika at intelektwal na sagabal sa pag-unlad.
Ang puntong ito'y sumapit na. Ang pampulitika at intelektwal na pagkabangkarote ng burgesya ay halos hindi na isang lihim sa mismong hanay nila. Ang kanilang pang-ekonomyang pagkabangkarote ay regular na dumarating sa bawat sampung taon. Sa tuwing sumasapit ang krisis, ang lipunan ay nasasakal sa pagkakadagan ng mismong produktibong pwersa at mga produkto nito, na hindi nito magamit, at walang magawa sa pagharap sa balighong kontradiksyong walang makain ang mga tagalikha, sapagkat ang mga konsyumer ay naghihikahos. Pinasabog ng mapagpalawak na pwersa ng mga kagamitan sa produksyon ang tanikalang iginapos sa kanila ng kapitalistang sistema ng produksyon. Ang paglaya nila mula sa pagkakagapos na ito ay isang pangangailangan para sa isang walang-patid, tuluy-tuloy na pinabibilis na pag-unlad ng mga produktibong pwersa, at dahil dito, para sa walang limitasyong paglaki ng mismong produksyon. Hindi lamang ito. Itinatapon ng sosyalistang pag-angkin sa mga kagamitan sa produksyon ang kasalukuyang artipisyal na restriksyon sa produksyon, kundi maging ang tiyak na pagkaaksaya at pagkawasak ng mga produktibong pwersa at mga produkto na sa ngayo'y hindi maiiwasang kaakibat ng produksyon, na umaabot sa katindihan sa panahon ng mga krisis. Dagdag pa, pinalalaya nito para sa sangkatauhan ang napakaraming kagamitan sa produksyon at mga produkto, sa pamamagitan ng pagbasura sa di-makabuluhang pag-aaksaya ng kasalukuyang mga naghaharing uri at ng kanilang mga pampulitikang kinatawan. Ang posibilidad ng pagbibigay ng kaseguruhan sa bawat myembro ng lipunan sa pamamagitan ng sosyalisadong produksyon, ng isang pamumuhay na hindi lamang may lubusang kasapatan sa mga materyal na bagay at higit na nagiging lubos sa araw-araw, kundi ng isang pamumuhay na naggagarantiya sa lahat ng malayang pag-unlad at paggamit ng kanilang mga pisikal at mental na kakayahan - ang posibilidad na ito sa unang pagkakataon ay naririto na, pero nandito na.*
Sa pag-agaw ng lipunan sa mga kagamitan sa produksyon, winawakasan ang produksyon ng mga kalakal, at kasabay nito, ang pangingibabaw ng produkto sa tagalikha. Ang anarkiya sa panlipunang produksyon ay pinapalitan ng sistematiko, depinidong pagkakaorganisa. Ang pakikibaka para sa indibidwal na pamumuhay ay naglaho na. Saka pa lamang sa unang pagkakataon, sa isang pakahulugan, ang tao ay hindi na nabibilang sa kahariang panghayop (animal kingdom), at nahubog mula sa simpleng mga panghayop na kondisyon ng pamumuhay tungo sa tunay na pantaong pamumuhay. Ang kabuuang saklaw ng kondisyon ng buhay na kinapapalooban ng tao, at dating naghari sa tao, ngayo'y nasa ilalim ng kapangyarihan at kontrol ng tao na sa unang pagkakataon ay naging tunay, mulat na panginoon ng kalikasan, sapagkat siya na ngayon ang tagapamahala ng kanyang sariling panlipunang organisasyon. Ang mga batas ng kanyang sariling gawaing panlipunan na dati'y kinakaharap niya bilang batas ng kalikasan na banyaga sa kanya at naghahari sa kanya, ay gagamitin na ngayon nang may ganap siyang pagkaunawa at kontrol. Ang panlipunang organisasyon ng tao, na dating kumukumpronta sa kanya bilang pangangailangang itinakda ng kalikasan at kasaysayan, ngayo'y resulta na lamang ng kanyang sariling gawaing panlipunan. Ang mga panlabas na obhetibong pwersa na siya dating nakakapangyari sa kasaysayan ay dumaraan ngayon sa kontrol ng tao mismo. Tanging mula sa panahong iyon lamang magagawa ng tao, nang higit sa nagiging mulat, na itadhana ang kanyang sariling kasaysayan - tanging mula sa panahong iyon lamang magaganap na ang mga panlipunang adhikaing kanyang ipinatutupad ang, sa pangunahin at sa papalaki ng papalaking hakbang, siyang magiging resultang kanyang binalak. Ito ang pag-angat ng tao mula sa kaharian ng pangangailangan sa kaharian ng kalayaan.
Mga Tala
1 Chartism (Kartilyismo) - ang unang kilusang masa ng uring manggagawa, na naganap sa Britanya noong mga dekada ng 1830-1840. Nagbalangkas ang mga Chartist (Kartilyista) ng isang petisyong isusumite sa Parlamento (People's Charter o Kartilya ng Bayan) na humihingi ng pangkalahatang karapatan sa pagboto, ng pag-alis sa pagmamay-ari ng lupa bilang kwalipikasyon sa pag-upo sa parlamento, atbp., at kanilang ipinakipaglaban ang mga ito. Ang mga rali't demonstrasyon na nilalahukan ng milyun-milyong mga manggagawa at artisano ay tuluy-tuloy na isinagawa sa loob ng maraming taon sa iba't ibang lugar sa Britanya. Ibinasura ng Parlamento ang Kartilya ng Bayan at lahat ng petisyon ng mga Kartilyista. Naglunsad ang gobyerno ng isang kampanya ng brutal na panunupil laban sa mga Kartilyista at inaresto ang mga pinuno nito.
Bagamat nasupil ang kilusan, nagbigay ito ng malaking impluwensya sa pag-unlad ng pandaigdigang kilusang manggagawa.
* K. Marx, Capital, Vol. I. Moscow, 1965, pp. 312-507.
* Hindi gaanong kailangan kaugnay nito na puntuhing kahit na kung ang porma ng pag-angkin ay pareho, ang katangian ng pag-angkin ay nirebolusyonisa ring tulad ng produksyon ng mga pagbabagong inilarawan sa itaas. Ibang bagay syempre kung ang inangkin ko ay ang sarili kong produkto o ang produkto ng iba. Pansinin na ang sahurang-paggawa, na naglalaman sa buong kapitalistang sistema ng produksyon sa pagsibol nito, ay umiiral na noon pang sinauna; sa kalat-kalat, hiwa-hiwalay na porma, umiral ito sa loob ng ilang siglo kasabay ng paggawang alipin. Subalit ang sibol na ito'y maaari lamang yumabong bilang kapitalistang sistema ng produksyon tanging kapag umiral ang mga kinakailangang istorikal na kondisyon. [Tala ni Engels]
* Ang pinatutungkulan ni Engels dito ay ang kanyang akdang The Mark.
2 Ang tinutukoy dito ay ang mga digmaan ng ika-17 at ika-18 siglo sa pagitan ng pinakamalalaking bansang Europeo para sa paghahari sa kalakalan sa Indiya at Amerika para sa mga kolonyal na pamilihan. Una, ang mga pangunahing magkalaban ay Britanya at Olandya, at ang mga digmaang Anglo-Dutch noong 1652-54, 1664-67 at 1672-74 ay mga tipo ng digmaang komersyo; kasunod nito, isang mapagpasyang labanan ang nabuo sa pagitan ng Britanya at Pransya, na napagwagian ng Britanya. Sa pagtatapos ng ika-18 siglo, siya ang naghari sa halos kabuuan ng pandaigdigang kalakalan.
* Ang sabi ko'y "kinakailangan". Sapagkat tanging kapag aktwal na napaglumaan na ng mga kagamitan sa produksyon at distribusyon ang porma ng pamamahala ng mga joint-stock companies, at kapag, samakatwid, ang pag-ari dito ng estado ay hindi na maiiwasan sa ekonomya, doon lamang - kahit na ang estado sa ngayon ang magsagawa nito - magkakaroon ng pang-ekonomyang pagsulong, ang pagkakamit ng isa pang hakbang bago ang pag-ari ng mismong lipunan sa lahat ng mga produktibong pwersa. Subalit nitong huli, mula nang ipatupad ni Bismarck ang pag-ari ng estado sa mga istablisimentong industriyal, isang tipo ng huwad na sosyalismo ang umiral, na maya't maya'y umurong sa isang parang sistema ng mga tuta, walang abug-abog na nagdeklarang lahat ng pag-aaring estado, kahit ang tipo ng kay Bismarck, bilang sosyalistiko. Tunay na kapag ang pag-ari ng estado sa industriya ng tabako ay sosyalistiko, kung gayon sina Napoleon at Metternich ay nararapat na ibilang sa hanay ng mga tagapagtatag ng sosyalismo. Kung ang estadong Belhiko, nang dahil sa mga karaniwang pampulitika at pampinansyang dahilan, ay nagtayo ng pangunahing daangbakal nito; kung si Bismarck, nang hindi dahil sa anumang pang-ekonomyang pangangailangan, ay nagpatupad na ariin ng estado ang pangunahing daangbakal ng Prusya, simpleng para mabilis na magamit ito sakaling magkaroon ng digmaan, gawing isang tambak na botante para sa gobyerno ang mga empleyado ng daangbakal, at higit sa lahat ay lumikha para sa kanyang sarili ng isang bagong pagkukunan ng kita na hiwalay pa sa boto ng parlamento - ito'y isang walang kwentang sosyalistikong hakbang, tuwiran man o di-tuwiran, batid man o di-batid. Kung hindi, ang Royal Maritime Company, ang Royal porcelaine manufacture, at kahit ang patahian ng kasuutang pansundalo ng Hukbo ay ibibilang mga sosyalistikong institusyon, o kahit ang pag-aari ng estado sa mga putahan, na seryosong ipinanukala ng isang tusong aso sa paghahari ni Frederick William III. [Tala ni Engels.]
* Maaring magsilbi para magbigay ng malapit-lapit na ideya ang ilang pigura sa ga-higanteng mapagpalawak na pwersa ng mga modernong kagamitan sa produksyon, kahit sa ilalim ng kapitalistang presyur. Ayon kay G. Giffen, ang kabuuang yaman ng Gran Britanya at Ireland ay nagkakahalaga in round numbers noong
1814 sa £2,200,000,000.
1665 sa £6,100,000,000.
1875 sa £8,500,000,000.
Ang isang pagkakataon ng paglustay ng mga kagamitan sa produksyon at ng mga produkto sa panahon ng krisis, ang kabuuang lugi ng industriya ng bakal pa lang ng Alemanya sa krisis ng 1873-78 ay tinataya ng ikalawang German Industrial Congress (Berlin, Pebrero 21, 1878) na umabot sa £22,750,000. [Tala ni Engels.]