Sabado, Nobyembre 20, 2021

Kapit

KAPIT

kapitbisig, kapitpuso, kapitdiwa, kapit lang
sa pagkilos para sa bayan ay huwag magkulang
kapamilya, kapatid, kauri'y ipagsanggalang
sa mga kapit tuko sa pwesto'y huwag palinlang

maraming kapit sa patalim upang makaraos
upang sa gatas ng sintang anak ay may panggastos
upang kahirapan ay bakasakaling matapos
umaasang di na sila mabuhay nang hikahos

ang kapitalismo'y sistemang mapagsamantala
sa tao't sa kalikasan, baguhin ang sistema
pinopondohan ang mapanira sa mundo't klima
tulad ng plastik, fossil fuel, coal plants, at kapara

kumapit sa wasto, iwaksi ang anumang mali
kumapit sa pag-asa, prinsipyong tangan at mithi
kapit lang, mga kapuso, kapatid, at kauri
magkapitbisig tayo't itaboy ang mga imbi

sa tagdan ng hagdanan ay maaaring kumapit
kung ayaw mahulog, matumba, o kaya'y mabingit
basta kumapit sa pag-asa, huwag palalait
sa sinuman, mahalaga pag-asa'y laging bitbit

kapit lang, huwag patangay sa problemang nariyan
kundi asahang iyan ay mareresolba naman
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan
at maaapuhap din ang ganap na kalutasan

- gregoriovbituinjr.
11.20.2021

Lunes, Nobyembre 8, 2021

Climate Justice Now!

CLIMATE JUSTICE NOW!

sa pangwalong anibersaryo ng bagyong Yolanda
sa panawagang Climate Justice ay nakikiisa
lalo't COP26 sa Glasgow ay nagaganap pa
kayraming delegadong tinatalakay ang klima

bakit nakiisa ako sa gayong panawagan
isa ako sa nakapunta noon sa Tacloban
nang sumamang magbigay ng relief goods ang samahan
sa mga nasalanta ng Yolanda't namatayan

at isang taon matapos iyon, ako'y nagpasya
sa mahabang lakaran, ang Climate Walk, ay sumama
tutungo kami sa Tacloban mula sa Luneta
naglakad mula Oktubre Dos, at lakad talaga

ilang lalawigan at bayan-bayan ang tinawid
upang mensaheng Climate Justice ay aming ihatid
bakit klima'y nagkaganyan, anong dapat mabatid
anong magagawa ng mga gobyerno't kapatid

nakapaang nilakad ang tulay ng San Juanico
at nakarating sa mismong unang anibersaryo
ng bagyong Yolanda sa Tacloban, Nobyembre Otso
kita'y barko sa lupa't puntod ng mga yumao

makalipas ang isang taon ay naglakad naman
sa ibang bansa, kasama'y naglakad sa Tacloban
ang Pransya'y narating at naglakad sa kalamigan
at pagpasa ng Paris Agreement ay nasaksihan

sa mga nakasama, taospusong pasalamat
sa bawat paglalakbay na tunay na mapagmulat
kaya sa isyu ng klima'y sinusulat ang dapat
tuloy sa hangaring Climate Justice para sa lahat

kaya kumikilos pa ako sa usaping klima
bilang isang manunulat, makatâ, aktibista
panawagang "Climate Justice Now!" ay sinisigaw pa
nang dinggin at kumilos ang mga gobyerno't masa

- gregoriovbituinjr.
11.08.2021

litrato kuha sa Luneta, Oktubre 2, 2014, tangan ng makatâ ang pulang banner

Linggo, Nobyembre 7, 2021

Kartilya

KARTILYA

dinaraos tuwing ikapito ng bawat buwan,
ikapito ng gabi, pulong na makasaysayan
doon binabasa ang Kartilya ng Katipunan
sa isang seremonyang talaga namang dibdiban

tulad ng petsa ngayon, ikapito ng Nobyembre
na dinaraos kahit nasa malayo man kami
sumabay man sa Dakilang Rebolusyong Oktubre 
ikasandaang apat na anibersaryo nire

maraming salamat sa pangkat ng Kamalaysayan
o Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
na tuwing sumasapit ang ikapito ng buwan
ay sinasariwa ang Kartilya ng Katipunan

ito'y Kartilyang patnubay sa pagpapakatao
pawang inaaral bago maging Katipunero
sinulat, pinagtibay, pinalaganap sa tao
nina Gat Andres Bonifacio't Emilio Jacinto

higit dalawang dekada ko nang sinasabuhay
ang Kartilyang itong sadyang isinapusong tunay
nakikibaka, maralita't obrero'y karamay
halina't itaguyod sa madla ang gintong gabay

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021

Sahod

SAHOD

isinusulat kong pataludtod
ang nakakaawa nilang sahod
parang hinihintay sa alulod
patak ng kanilang paglilingkod

pag paksa'y ganyang nakakaluhâ
pagtula'y di na nakakatuwâ
ngunit may tungkulin ang makatâ
na masa'y ipagtanggol sa tulâ

kahit makata'y di mapalagay
bawat isyu'y unawaing tunay
kalutasang dapat matalakay
sahod at lakas-paggawa'y pantay

paano ang dapat nilang gawin
upang mga ito'y pagpantayin
pagkat iyon ang dapat tanggapin
nilang mga sahurang alipin

dapat ay makatarungang sahod
para sa obrerong naglilingkod
makatarungan, pantay na sahod
upang di na sila manikluhod

sa produktong kanilang nalikha
may kapantay na lakas-paggawa
subalit di mabayarang tama
bigay lang ay sahod na kaybaba

negosyo raw kasi ay babagsak
kahit sila'y tumubo ng limpak
obrero'y gumapang man sa lusak
di ibibigay ang sweldong tumpak

anang isang namimilosopo
subukan mo kayang magnegosyo
upang ang ganito'y malaman mo
bakit dapat baratin ang sweldo

at di dapat bayaran ng tama
iyang kanilang lakas-paggawa
baka malaking kita'y mawala
kung ibibigay sa manggagawa

ganyan pag nabisto ang mahika
nitong sistemang kapitalista
kaya manggagawa, magkaisa
baguhin ang bulok na sistema

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021
(Kinatha kasabay ng ika-104 anibersaryo ng Dakilang Rebolusyong Oktubre)

Biyernes, Nobyembre 5, 2021

Bayani

BAYANI

patay na ang samahan ngunit walang kamatayan
nariyang sinasambit ang samahang Katipunan
at mga nagawa sa kapwa't buong kapuluan
upang lumaya ang bayan sa pangil ng dayuhan

sa mga aping kababayan ay nagmalasakit
sa pagkilos tungo sa paglaya'y nagpakasakit
dangal ng mga ninuno sa balikat ay bitbit
diwa ng Kartilya sa buhay nila'y nakakabit

sila'y totoong bayani nitong Lupang Hinirang
na dapat dakilain dahil tayo'y nakinabang
kaya mga aral nila'y inaral kong matimbang
sinasabuhay ang Kartilyang kanilang nilinang

gagawin ko ang marapat, di man maging bayani
upang sa kapwa'y makatulong, wala mang sinabi
madama ng loob na may naibahaging buti
sa kapwa, sa bayan, sa uri, sa mundo'y nagsilbi

- gregoriovbituinjr.
11.06.2021

Taumbayan ang bida

TAUMBAYAN ANG BIDA

tinatangka kong magsulat ng kwento at nobela
kung saan nais kong banghay ay akdang walang bida
walang iisang taong ang lahat na'y nasa kanya
kumbaga walang Prince Charming sa tulog na prinsesa

saksi ako sa papel ng madla sa kasaysayan
nakita ko'y mahalagang papel ng taumbayan
na siyang umugit sa kasaysayan nitong bayan
tulad ng Unang Edsang akin noong nasaksihan

bida ang taumbayan, silang totoong bayani
kung wala sila, wala iyang Ramos at Enrile
bayan ang bayani, ang nagpakasakit, nagsilbi
bayani ang bayan, patotoo ko't ako'y saksi

kaya sa pagsulat ko ng kwento o nobela man
walang iisang bida, walang Batman o Superman
walang iisang tagapagligtas ng sambayanan
kundi ang sama-samang pagkilos ng taumbayan

huwag nang asahang may bathala o manunubos
kundi ay pagsikapan ang sama-samang pagkilos
palitan ang sistemang sanhi ng paghihikahos
ganito ang kwento't nobelang nais kong matapos

- gregoriovbituinjr.
11.05.2021

Huwebes, Nobyembre 4, 2021

Di man matularan

DI MAN MATULARAN

di ko man matularan ang mga obra maestra
nina Balagtas, Amado Hernandez, Abadilla,
Huseng Batute, Francisco Collantes, Rio Alma,
Huseng Sisiw, Benigno Ramos, at Eman Lacaba,
ay patuloy kong tutulain ang buhay ng masa

naging akin ngang inspirasyon ang kanilang tula
upang makalikha rin ng mga tula sa madla
inilalarawan ang buhay ng anak-dalita
pakikibaka't prinsipyo ng uring manggagawa
habang tinutuligsa ang mga trapo't kuhila

lalo't layon at tungkulin ng makata'y manggising
ng mga nagbubulag-bulagan, manhid at himbing
ng mga walang pakialam, ng trapo't balimbing
ng mga walang pakiramdam, mga tuso't praning
ng humahalakhak sa gabi ng tokhang at lagim

patuloy lamang sa pagkatha ang abang makatâ
habang isyu ng masa'y batid, saliksik ang paksâ
habang nagpapaliwanag hinggil sa klima't bahâ
lagi pang kasangga ng pesante, obrero't dukhâ
at kasamang umugit ng kasaysayan ng bansâ

- gregoriovbituinjr.
11.04.2021

Lunes, Nobyembre 1, 2021

Pagkatao

PAGKATAO

payo sa akin nga'y huwag laging nakatunganga
sa kawalan kahit isang masipag na makata
makihalubilo pa rin sa mga maralita
at makipagkapitbisig pa rin sa manggagawa

dapat nang asikasuhan ang anumang naiwang
tungkulin at gawaing sa balikat nakaatang
di dapat kalimutang isang tibak na Spartan
at organisador ng makauring tunggalian

magpalakas ng katawan, muling magbalik-aral
upang sa sagupaan ay di agad matigagal
lalo't buhay ay dedikado sa pagiging kawal
ng kilusang paggawa, kaya huwag hinihingal

di dapat mawala ang ugnay sa sariling uri
bilang proletaryadong may adhikain at mithi
bilang makata'y isulat bawat isyu't tunggali
hanggang mithing lipunang makatao'y ipagwagi

- gregoriovbituinjr.
11.01.2021