Martes, Enero 31, 2023

Tulang bakal

TULANG BAKAL

"Poetry should also contain steel and poets should know how to attack." ~ Ho Chi Minh, lider-rebolusyonaryo ng Vietnam

isa iyong magandang payo sa mga makata
dapat may bakal at sintigas ng bakal ang tula
makata'y batid din kung paano ba sumagupa
sa mga kalabang mapagsamantala't kuhila

isa iyong magandang payo sa mga tulad ko
upang tanganan habambuhay ang diwa't prinsipyo
kasangga ang mga maralita't uring obrero
upang itayo ang isang lipunang makatao

magandang payo iyong aakma sa minimithi
laban sa ugat ng kahirapa't mapang-aglahi
laban sa pag-aangkin ng pribadong pag-aari
ng kasangkapan sa produksyon at ng naghahari

magandang payo ng rebolusyonaryong Ho Chi Minh
na sa araw at gabi'y tatanganan at tutupdin
isa sa umuugit sa diwa ko't saloobin
upang ipagtagumpay ang misyon at adhikain

- gregoriovbituinjr.
02.01.2023

Pagkilos

PAGKILOS

ako'y makatang laban sa pribadong pag-aari
ng kagamitan sa produksyon ng mapang-aglahi
sa sistemang kapitalismo't masasamang budhi
kumilos upang madurog ang naghaharing uri

pribadong pag-aari ang ugat ng kahirapan
at sanhi rin ng pagsasamantala't kaapihan
dapat nang tanggalin iyan sa kamay ng iilan
nang maging pag-aari iyan ng buong lipunan

pagkakapantay sa lipunan ang panawagan ko
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
adhika'y pakikipagkapwa't pagpapakatao
at ilagay sa tuktok ang dukha't uring obrero

sinasabuhay ko ang prinsipyong iyan at mithi
ayokong maging kaisa ng mapang-aping uri
pag ako'y nagkaroon ng pribadong pag-aari
lagyan ako ng tingga sa ulo, kung maaari

di iyan pakiusap, iyan ay katalagahan
dahil lumaban sa mapagsamantala't gahaman
iyan ako, ako'y iyan, para sa uri't bayan
taasnoo akong kikilos hanggang kamatayan

- gregoriovbituinjr.
01.31.2023

Lunes, Enero 30, 2023

Salamat, nakabigkas din ng tula

SALAMAT, NAKABIGKAS DIN NG TULA

mabuti't sa solidarity night ng manggagawa
ay nabigyang pagkakataong bumigkas ng tula
sa pagitan ng pulutan at alak nakakatha
wala mang binabasa'y agad akong nakatula

marahil dahil kabisado ko ang mga isyu
ng mga kauri kaya isip ay di nablangko
di ko man naisulat ang nasa diwa't loob ko
ay may tugma't sukat pa ring bumigkas nang totoo

kaysaya ng buong gabi't punong-puno ng awit
nakabigkas lang ng tula nang makata'y mangulit
nagkakatagayan na kasi kaya nakahirit
at nasabi rin ang sa kapitalismo'y parunggit

masaya nang nakatula sa kanilang harapan
kaya pinagbuti ang pagbigkas nang may tugmaan
sa pumalakpak, nais ko kayong pasalamatan
makata'y di binalewala't inyong pinakinggan

- gregoriovbituinjr.
01.30.2023

* ang makatang gala ay nakatula sa solidarity night ng ika-9 na Pambansang Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Baguio City, 01.28.2023

Sabado, Enero 28, 2023

Diwang hatid

DIWANG HATID

nakagagalit ang awit at talumpati
lalo't tinatalakay ay isyu ng uri
patuloy na yumayaman ang naghahari
bulok na sistema'y sadyang kamuhi-muhi

makinig sa kanila'y nakapanginginig
dama mong napakainit kahit malamig
ibang-iba ang hagod ng kanilang tinig
talagang sa mga buktot na'y nang-uusig

pasasalamat sa pahatid ninyong diwa
talagang dama ito naming mga dukha
dapat nang itayo ng uring manggagawa
ang lipunang makataong tunay na pita

aming napakinggan ay isinasapuso
kahit sa mahabang paglalakbay ay hapo
tuloy pa rin ang pakikibaka't pagsuyo
kamtin ang pangarap na di dapat maglaho

- gregoriovbituinjr.
01.29.2023

* kinatha sa ikalawang araw ng ika-9 na Pambansang Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Baguio City, Enero 28-29, 2023

Biyernes, Enero 27, 2023

Kauri

KAURI

isa akong manggagawa noon, inyong kauri
na tagagawa ng floppy disc, Hapon ang may-ari
sa kumpanyang PECCO ang pinag-ugatan ng binhi
sa pagkamanggagawa'y doon nagmula ang mithi

ngala'y Precision Engineered Components Corporation
sa Alabang, at machine operator ako roon
unang trabaho, talubata pa lang ako noong
taon nang isinabatas ang kontraktwalisasyon

tatlong taon doon, nag-resign, umalis, nag-aral
sa kolehiyo ay naging aktibistang marangal
kalahati ng buhay sa aktibismo nagtagal
tatlong dekada nang ang kauri'y itinatanghal

niyakap ko ang prinsipyo ng pagpapakatao
ang Kartilya ng Katipunan ay sinusunod ko
niyakap ang makauri't sosyalistang prinsipyo
nang lipunang makatao'y itayo ng obrero

sulong, kauri, kamanggagawa, tuloy ang laban
bakahin ang mga mapagsamantala't gahaman
upang kamtin ng bayan ang hustisyang panlipunan
at itayo ang asam na makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.
01.28.2023

* isinulat sa unang araw ng ika-9 na Pambansang Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa Lungsod ng Baguio, Enero 28-29, 2023

Miyerkules, Enero 25, 2023

Pagpapakatao

PAGPAPAKATAO

pawiin natin ang sistemang di makatao
pagkat iyan ang dahilan ng maraming gulo
hindi na ba iiral ang pagpapakatao?
aanhin ba natin ang kayamanan sa mundo?

manghihiram lang ba lagi tayo ng respeto
sa kayamanan kaya nang-aangkin ng todo?
wala na bang puwang ang pagiging makatao
kaya nais lagi'y may pag-aaring pribado?

dinadaan lagi sa digmaa't kayamanan
ang mga usapin, tingnan mo ang kasaysayan
na dulot, imbes kaunlaran, ay kamatayan
imbes magpakatao'y nakikipagdigmaan

di na makuntento sa kung ano ang mayroon
aanhin mo ang yaman? para maghari ngayon?
para lamang tawagin kang isang panginoon?
at mamamatay ka lang pagdating ng panahon!

- gregoriovbituinjr 
01.26.2023

Huwag ninyong hanapin sa akin ang hindi ako

HUWAG NINYONG HANAPIN SA AKIN ANG HINDI AKO

huwag ninyong hanapin sa akin ang hindi ako
at ako'y hubugin sa kung anong kagustuhan n'yo
hinahanap ninyo sa aki'y ibang pagkatao
ang matagumpay na negosyante o asendero

nagpapatakbo ng kumpanyang limpak kung kumubra
na tingin sa obrero'y hanggang kontraktwal lang sila
masipag na kalabaw ang tingin sa magsasaka
na bigay ninyong sahod ay mumo lang, barya-barya

na ang trato sa mga maralita ay alipin
na ang tingin sa mga dukha'y pawang palamunin
di kaya nitong budhi ang inyong mga pagtingin
ang hindi ako'y huwag ninyong hanapin sa akin

tanggap kong isa lang akong hamak na mamamayan
ngunit prinsipyado't may taglay na paninindigan
nahanap ko na ang aking lugar sa ating bayan
landas kong pinili sa harap man ni Kamatayan

kumikilos akong tibak ng uring manggagawa
at isang mandirigma ng hukbong mapagpalaya
ito ako, iyan ako, sana'y inyong unawa
di n'yo mababago ang pagkatao ko't adhika

- gregoriovbituinjr.
01.25.2023

Martes, Enero 24, 2023

Dalawang aklat

DALAWANG AKLAT

dalawang aklat itong pambihira
hinggil sa isang lider-manggagawa
na naitago ko pala sa takba
nakita ang akala'y nawawala

oo, noon nga siya'y naabutan
ako pa'y nasa grupong Kamalayan
at napuntang Sanlakas at Bukluran
at sa mga pagkilos sa lansangan

sulatin niya'y pag-ukulang pansin
upang ilapat sa panahon natin
o marahil ito pa'y paunlarin
nang muling maipalaganap man din

basahin muli yaong counter-thesis
at namnamin ang anghang nito't tamis
nang manggagawa'y magkabigkis-bigkis
nang maralita'y di na nagtitiis

- gregoriovbituinjr.
01.24.2023

* Ang una'y nabili ko noong Agosto 11, 2006 sa pambansang opisina ng Partido ng Manggagawa (PM), 300 pahina.

* Ang ikalawa'y aking sinaliksik, tinipon at isinaaklat noong 2009, at muling nilathala noong 2017, 112 pahina. Inilunsad sa UP Bahay ng Alumni noong Pebrero 6, 2009, sa ikawalong anibersaryo ng pagpaslang kay Ka Popoy.

Biyernes, Enero 20, 2023

Pinangarap ko 'to

PINANGARAP KO 'TO

ang pinangarap ko'y di materyal na bagay
tulad ng kotseng ipagyayabang na tunay
kundi kalagaya't sistemang pantay-pantay
kaya nakikibaka'y iyan yaring pakay

ang pinangarap ko'y di pawang mga seksi
sa akin ay sapat na ang isang babae
na laging kasama, kasangga, kabiyahe
sa mundong itong sa hirap at dusa'y saksi

ang pinangarap ko'y di mag-ari ng yaman
upang kilalanin at maghari-harian
maikli lang ang buhay kaya bakit iyan
sayang lang ang buhay kung pulos kasiyahan

ang pinangarap ko'y ginhawa ng marami
na walang nagsasamantalang tuso't imbi
ang nais ko'y nagsisilbi sa uring api
sa pakikibakang ito'y di magsisisi

ang pinangarap ko'y ang esensya ng buhay
na kahulugan nito'y nadama mong tunay
na may nagawa ka pala kahit mamatay
para sa iyong kapwa sa saya ma't lumbay

- gregoriovbituinjr.
01.20.2023

Martes, Enero 17, 2023

Dalawang larangan

DALAWANG LARANGAN

kayraming gawain sa kilusan at panitikan
tungkulin sa dalawang pinagkakaabalahan
na sa iwing buhay ko'y mga piniling larangan
na talagang niyakap at tutupdin ng lubusan

mga larangang wala mang matanggap na salapi
ay masayang nagsisilbi sa bayan at sa uri
hanap kong esensya ng buhay, naritong masidhi
para sa daigdigan, tutupdin ang minimithi

inaalay ang mga tula sa pakikibaka
upang lipunang makatao'y itayo ng masa
kwento't sanaysay ay pinagbubutihang talaga
upang kamtin ang asam na panlipunang hustisya

ninais kong magkaroon ng sariling El Fili
nobela ng buhay ng higit na nakararami
kung saan sa dulo, manggagawang di mapakali
ang dudurog sa sistemang bulok at pang-aapi

kanilang itatayo ang lipunang makatao
na walang pagsasamantala ng tao sa tao
na ang pribadong pag-aari't anumang perwisyo
ay tuluyan nang kakalusin ng uring obrero

bata pa'y pinaglimian hanggang aking magagap
pinag-aralan ang lipunan, ngayo'y nagsisikap
upang abutin ng uri't ng bayan ang pangarap
na sosyalismo't panlipunang hustisya nang ganap

- gregoriovbituinjr.
01.18.2023

Lunes, Enero 16, 2023

Tarang magtanim ng sibuyas

 

TARANG MAGTANIM NG SIBUYAS

buti pa'y magtanim ng sibuyas
kaysa bumili na lamang nito
baka ito na ang tamang landas
nang di hirap sa taas ng presyo

animo ang bulsa na'y nabutas
nandaya ba ang mangangalakal?
sibuyas na'y ginawang alahas
ang dating mura'y ano't nagmahal?

talagang nais ko nang magmura
ang sibuyas na nagpresyong ginto
paano malutas ang problema
upang di naman tayo manlumo

ah, mabuti pang tayo'y magtanim
ng sibuyas, di man magsasaka
upang malutas na ang panimdim
at baka ito na'y mapamura

- gregoriovbituinjr.
01.16.2023

Linggo, Enero 15, 2023

Nais ko nang umuwi

NAIS KO NANG UMUWI

nais ko nang umuwi sa bayan kong tinubuan
na kaytagal na panahon ding di ko nagigisnan
upang madalaw ang mga kapatid ko't magulang
kumustahin sila't kina ina'y magbigay-galang

kaytagal kong asam ang muli naming pagkikita
lalo ang pagpapalitang-kuro namin ni ama
kapwa retiradong empleyado sila ni ina
habang ako'y isang mapagpalayang aktibista

nahasa ako noon sa mga sermon ni inay
at sa pangaral ni itay na aking naging gabay
bilin nilang kung anong gusto ko'y magpakahusay
dahil ako ang pipili nitong ikabubuhay

pinili kong magpakahusay bilang manunulat
maging makata't sa maraming isyu'y nag-uulat
maging aktibistang sa mga api'y nagmumulat
nang lipunang makatao'y itayo nilang sukat

nais kong umuwi, tulad ni Rizal sa Calamba
tulad ni Bonifacio, na pinaslang ng kuhila
nais kong umuwing kasama'y manggagawa't dukha
nais ko nang umuwi sa kamay na mapagpala

- gregoriovbituinjr.
01.15.2023

Pagmumuni

  

PAGMUMUNI

di ko hintay na magnaknak ang sugat ng salita
habang iniinda ang sariling galos at iwa
di ko hintay magdugo muna ang noo ko't diwa
upang mapiga't kumatas ang asam na kataga

di tahimik gayong ang hanap ko'y katahimikan
sa kapaligirang punong-puno ng sigalutan
di payapa gayong ang hanap ko'y kapayapaan
ng puso't diwang umaasam ng kaginhawahan

ninanais kong madalumat ang ibig sabihin
ng karanasan sa mga madawag na landasin
ng karahasan sa mundong ginagalawan natin
ng karaingan ng maraming naghihirap pa rin

anong kawastuhan sa gawang pagsasamantala?
upang bumundat pang lalo ang tiyan nila't bulsa
ang mga api ba'y may aasahang santo't bida?
gayong may magagawa kung sila'y magsama-sama

nadarama rin ba natin ang sugat ng daigdig?
dahil tila ba ito'y halos mawalan ng pintig?
sapat ba ang salita sa tula upang mang-usig?
o mga api'y magsikilos na't magkapitbisig?

- gregoriovbituinjr.
01.15.2023

Huwebes, Enero 5, 2023

Tuloy ang laban


TULOY ANG LABAN

wala mang malay yaring isipan
ay dama anong dapat ilaban:
itong angkin nating karapatan
na taal sa bawat mamamayan

maging sa larangan ng panitik
ay hinihiyaw ang bawat hibik
ng mamamayang di man umimik
ay dapat ilabang walang tumpik

salamat sa mga aktibista
kabayanihan ang gawa nila
mapawi ang pagsasamantala
tungong lipunang para sa masa

sa kabuluka'y di mapakali
sa nagbubulag-bulaga't bingi
sa pagsasamantalang kaytindi
tuloy ang laban hangga't may api

ito na ang prinsipyong niyakap
upang wakasan ang paghihirap
ng uri't bayang ang pinangarap
na lipunang patas ay maganap

- gregoriovbituinjr.
01.06.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa MET, sa pagdiriwang ng unang National Poetry Day, at ika-128 kaarawan ng makatang Jose Corazon De Hesus, aka Huseng Batute, 11.22.2022

Miyerkules, Enero 4, 2023

Sibuyas


SIBUYAS

tila baga alahas
ang presyo ng sibuyas
sino kayang nagbasbas
sa presyong lampas-lampas
talagang lumalabas
na di sila parehas
gaano ba katigas
iyang mukha ng hudas
ito ba'y bagong landas
sa lupang dinarahas
aba'y di ito patas
sa madlang dusa'y wagas
di ba nila nawatas
baka masa'y mag-aklas

- gregoriovbituinjr.
01.05.2022

* litrato't ulat mula sa Abante, 12.28.2022, p.2 

Lunes, Enero 2, 2023

Ugat

UGAT

di lang mula sa nagnaknak kong sugat namulaklak
ang mga tulang sa nagdugong puso'y nagsipatak
mas pa'y mula sa paglaban ng mga hinahamak
upang dignidad bilang tao'y kilalaning tiyak

kadalasang nag-ugat diyan yaring iwa't katha
na kung gumaling man ay balantukan pa ring sadya
bakit karapatan ay laging binabalewala?
habang may inaapi, sugat ay nananariwa

at pag narinig ko yaong mga impit at hibik
ng pinagsasamantalahan ng kuhila't lintik
ay agad sasaklolo gamit ang angking panitik
upang ilantad ang kanilang sugat na dinikdik

sa katampalasanan karaniwang nag-uugat
kaya nakakakatha't layon ay makapagmulat

- gregoriovbituinjr.
01.03.2023

Igalang ang karapatang mag-unyon

IGALANG ANG KARAPATANG MAG-UNYON

igalang ang karapatang mag-unyon
ito'y nasusulat sa Konstitusyon
karapatang niyurak hanggang ngayon
ng mga dorobo't bundat na leyon

ito'y taal na karapatan natin
bilang obrero't sahurang alipin
bakit ipinagkakait sa atin?
ang karapatang dapat nating angkin?

bakit kailangan pang ipaglaban?
kung ito'y sadya nating karapatan?
di lamang may-ari ng pagawaan
at negosyante ang may karapatan

na pulos tubo lang ang nasa diwa
ngunit walang puso sa manggagawa
yaman lang nila ang dinadakila
habang obrero nila'y dusa't luha

ah, panahon nang sistema'y makalos
ng obrerong sama-samang kikilos
pagkat sila lang ang tanging tutubos
sa kanilang kalagayang hikahos

- gregoriovbituinjr.
01.03.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa harap ng DOLE, 11.21.2022

Linggo, Enero 1, 2023

Bagong Taon, Lumang Sistema

BAGONG TAON, LUMANG SISTEMA

may nagbago ba sa Bagong Taon
o petsa lang ang nabago roon
na kung dati'y nasa barungbarong
ay nakatira ka na sa mansyon

kung naturingan kang hampaslupa
kaya ka palaging tinutuya
ngayon ika'y nagkakawanggawa
at tumutulong sa maralita

kung dati'y manggagawang kontraktwal
ngayon ay obrero kang regular
kung dati sa lakad napapagal
ngayon may awtong pinaaandar

kung dati, Bagong Taon mo'y tuyo
na umaasa lang sa pangako
ng mga pulitikong hunyango
ngayon, sa hirap mo na'y nahango

kung dati, sa isyu'y walang alam
ngayon, nais mo nang pag-usapan
kung walang paki sa kalikasan
ngayon ito'y inaalagaan

kung sa iyo'y may nagsamantala
ay dahil luma pa ang sistema
ang nagbago lang naman ay petsa
kaya tuloy ang pakikibaka

- gregoriovbituinjr.
01.02.2023