Lunes, Pebrero 27, 2023

Usapang Wika, Kaliwa Dam, Pagsasalin at KWF

USAPANG WIKA, KALIWA DAM, PAGSASALIN AT KWF 
Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga nakasamang maglakad sa siyam na araw na Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam mula Gen. Nakar, Quezon hanggang Malakanyang noong Pebrero 15-23, 2023. Pebrero 14 pa lang ay nag-date na kami ni misis dahil anibersaryo ng aming civil wedding at hapon ay bumiyahe na ako patungong General Nakar dahil doon ang simula ng lakaran, at Pebrero 24 na kami naghiwa-hiwalay matapos ang Alay-Lakad.

Bukod sa matingkad na isyu ng Kaliwa Dam na wawasak sa 291 ektaryang kagubatan, bukod sa maaapektuhan ang ilang libong pamilya ng katutubong Dumagat-Remontado, bukod sa mawawasak pati Agos River sa Gen. Nakar, isa sa pinakamatingkad na tumatak sa akin ay ang sinabi ni Nanay Conching, na isa sa lider ng mga katutubo, nang sinabi niya noong dumating kami sa Ateneo, Pebrero 22 ng gabi, na ang pinababasa sa kanilang mga dokumento ay pawang nakasulat sa Ingles, kaya hindi nila agad iyon maunawaan, kaya sila naloloko, kaya may ibang pumirma sa dokumento ng MWSS na pumapayag na umano sa Kaliwa Dam, gayong mahigpit nila itong tinututulan.

Matingkad sa akin ang usaping wika. Ako bilang manunulat at makata ay nagsasalin din ng mga akda, subalit paano kung isalin na’y mga dokumento’t batas ng bansa natin? Tayo ang bansang nagsasalita sa sariling wika ngunit mga dokumento’y nasa dayuhang wika. Tayo ang bansang mas iginagalang ang mga Inglisero dahil mataas daw ang pinag-aralan. Tingin ko, Pinoy na Inglisero’y sa Ingles nanghihiram ng respeto.

Matagal ko na itong napapansin at sa aking panawagan ay walang pumapansin. Mayroon tayong ahensya ng wika, subalit wala talagang ahensya ng pagsasalin, bagamat may sinasabing may naitayong Filipino Institute of Translation o FIT. Ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 507, ang Institute ay 1: samahan sa pagtataguyod ng agham, edukasyon, at iba pa; 2: ang tawag sa gusali nito; 3: paaralang nagtuturo ng teknikal o espesipikong larangan ng pag-aaral. Kaya ang FIT ay masasabi nating paaralan at hindi ahensya ng pamahalaan.

Ano nga bang nais kong sabihin? Dapat may ahensyang nagsasalin ng lahat ng batas ng Pilipinas mula sa Ingles tungo sa wikang Filipino, Tagalog man, Ilokano man, Cebuano, Ilonggo, at iba pa, kung saan bawat salin ng batas ay tatatakan na “Opisyal na Salin” at may seal ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Sa ngayon ay walang ganito. Kaya ang mga batas natin ay inuunawa natin sa wikang di agad nauunawaan ng ating mga kababayan, ng simpleng mamamayan, ng mga maralita. Mali ito. Dapat may gawin ang KWF dahil siya ang ahensyang nararapat sa gawaing pagsasalin. Bagamat sa batas na nagtayo sa kanya, ang Republic Act 7194, ay walang ganitong probisyon.

Kung may ahensyang naatasang magsalin ng lahat ng mga batas ng ating bansa at tatatakan na iyon ang Opisyal na Salin, mas makakatulong iyon sa ating bansa. Napakaraming batas na dapat isalin sa sariling wika. Pangunahin na diyan ang IPRA o Indigenous People’s Rights Act, na kung may opisyal na salin ay hindi agad basta maloloko ang mga katutubo. Sa mga dukha o maralitang lungsod naman ay ang RA 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA) sa karapatan nila laban sa demolisyon at ebiksyon. Gumawa kami ng sariling salin niyon upang maunawaan ng maralita ang batas na iyon, subalit hindi iyon opisyal na salin. Baka sa korte ay matalo kami kung hindi angkop ang mga salitang naisalin. Sa manggagawa ay ang Labor Code. Nariyan din ang RA 9003 o National Solid Waste Management Act, ang RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act, ang RA 11313 o Safety Spaces Act upang mas maunawaan kung paano nababastos ang kababaihan sa simpleng paghipo lang ng balakang at may katapat palang parusa, ang Civil Code, ang Family Code, ang Local Government Code, at marami pang batas na dapat isalin sa wika natin.

Maraming naaapi at nagpapaapi dahil akala nila ay matatalino ang mga nag-iinglesan, gayong pinagsasamantalahan na pala sila, inaagaw na pala ang kanilang lupang ninuno ay hindi pa nila nalalaman.

Kaya ang mungkahi ko na dapat maisabatas, at maging tungkulin ng ahensya ng pamahalaan na Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na  maging opisyal na tagasalin ng pamahalaan ng lahat ng batas ng ating bansa. At tatakan ito ng imprimatur na “Opisyal na Salin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)”. Amyendahan ang Republic Act 7194 na nagtayo sa KWF, at isama sa kanilang tungkulin ang pagiging Opisyal na Tagasalin ng lahat ng batas sa bansa. Maaari rin itong gawin sa pamamagitan ng Executive Order ng Pangulo ng Pilipinas. Nawa’y makaabot sa mga kinauukulan ang munting mungkahing ito ng abang makata.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 16-28, 2023, pahina 16-17.

Huwebes, Pebrero 9, 2023

Ang isang kilong sibuyas

ang isang kilong sibuyas
ay para na ring alahas
pagkat ang ipinamalas
ay pagmamahal na wagas

- dalít ni gregoriovbituinjr.
02.09.2023

* ang dalít ay katutubong tulang may apat na taludtod at may sukat na walong pantig bawat taludtod

Martes, Pebrero 7, 2023

Nadalumat

NADALUMAT

para akong nasusunog sa maapoy na dagat
pag nasagkaan ang aking prinsipyo bilang mulat
tila ba iniihaw ang kabuuan ko't balat
pag nababalewala ang diwa kong nadalumat

ako'y makatang laban sa pribadong pag-aari
sapagkat ugat ng kahirapan, nakamumuhi
ah, ayokong ibibilang sa naghaharing uri
sapagkat binabalewala ko ang minimithi

niyakap ko ang pagdaralita't buhay ng masa
simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka
kaming aktibistang Spartan ay iyan talaga
pag ako'y nagtaksil, noo ko'y lagyan na ng bala

dapat magkaroon ng makauring kamalayan
ang maralita, uring manggagawa, sambayanan
upang di iboto ang may dulot ng kaapihan
at pagsasamantala sa kawawa nating bayan

dapat nang magtulungan ang mga magkakauri
upang durugin ang tusong kanan at naghahari
iyang trapo, elitista, burgesya, hari, pari
na kapitalismo'y sinasamba nilang masidhi

makauring kamalayan ay itaguyod natin
dapat lipunang bulok ay palitan at baguhin
kamalayang makauri'y isabuhay, bigkasin
at lagutin ang tanikala ng pagkaalipin

- gregoriovbituinjr.
02.07.2023

Lunes, Pebrero 6, 2023

Pagsasatinig

PAGSASATINIG

nais kong bigyan ng tinig ang mga walang tinig
at ang mga matagal nang ninakawan ng tinig
nais kong isiwalat ang kanilang mga tindig
nang sila'y magkaisa't talagang magkapitbisig

kayraming winalan ng tinig pagkat mga dukha
na minamata ng mga matapobre't kuhila
kayraming nilapastangang turing ay hampaslupa
na pinagsasamantalahan dahil walang-wala

kaya ayokong mayroong pribadong pag-aari
na ugat ng kahirapan at ng mapang-aglahi
nais kong karapatan ay igalang ng masidhi
at kamtin ang hustisyang panlipunang minimithi

sinasatinig ko ang isyu ng nahihirapan
kamkam ng iilan ang kanilang pinaghirapan
na uring manggagawa'y pinagsasamantalahan
na dukha'y tinanggalan ng bahay at karapatan

ito ang gawa ng tulad kong abang manunulat:
isatinig ang buhay at danas ng nagsasalat
na may lipunang makataong dapat ipamulat
na may matinong sistemang dapat kamtin ng lahat 

- gregoriovbituinjr.
02.07.2023    

Cong. Edcel Lagman's message on the 22nd death anniversary of Ka Popoy Lagman

ANG AKING MENSAHE SA IKA-22nd DEATH ANNIVERSARY NI KA POPOY LAGMAN

Ang pamilyang Lagman ay taos pusong nagpapasalamat sa pagpapatuloy ninyo ng mga adhikain ng aming bunsong kapatid na si Ka Popoy.

Ang aming pamilya ay naging second family lang ni Ka Popoy. Ang uring manggagawa ay ang kanyang pangunahing pamilya.

Naalaala ko na 22 years ago ngayong hapon na ito, ako ay tumakbo galing sa Kowloon House sa Matalino St. papunta sa Heart Center. Doon dinala si Ka Popoy matapos siya barilin sa UP Bahay ng Alumni.

Nakita ko kung ilang oras siya lumalaban upang mabuhay—in the same manner that he fought tirelessly and fearlessly for workers, the poor, and marginalized, so that they could have decent lives.

Madalas natin sabihin, at ito ay totoo, na ang mga ’pinaglaban ni Ka Popoy para sa uring manggagawa tulad ng living wage, security of tenure, freedom to organize and engage in concerted activities are the very same causes that we are fighting for today.

Ang matinding inflation rate na 8.1% ay kinain na ang maliliit na pagtaas ng minimum wage at kailangang taasan pa ito. Kailangang tiyakin din ng gobyerno ang food security at pag-unlad ng agrikultura upang bumaba ang presyo ng basic commodities.

Tapusin na ang ENDO at contractualization upang magarantiya ang security of tenure ng mga manggagawa.

Lumikha ang gobyerno ng non-profit Workers Bank para sa mga manggagawa upang makakuha sila ng murang credit for livelihood support, and calamity and crisis survival. Itong Workers Bank ay isa sa mga labor agenda ni Ka Popoy.

Ang Pilipinas, ayon sa World Bank, ang may pinaka masamang income distribution sa buong Asya at di lang sa buong South East Asia.

What Popoy said is a truism that during good times, capital inordinately profits, but during bad times only the workers suffer. Kapag maganda ang ekonomiya ang mga negosyante ang higit na kumikita, ngunit pag masama ang ekonomiya, ang mga manggagawa lamang ang nagdurusa.

Isigaw natin, Ka Popoy, tuloy ang laban!

Linggo, Pebrero 5, 2023

Ka Popoy

KA POPOY

dalawampu't dalawang taon na ang nakararaan
nang bigla kang nawala dahil ikaw ay pinaslang
ng mga salaring kaaway nitong sambayanan
dahil pinalakas mo ang 'yong pinamumunuan

taas-kamaong pagpupugay, lider at kasama
ang mga aral mo'y aming isinasapraktika
upang tuluyang baguhin ang bulok na sistema
at mawala ang pang-aapi't pagsasamantala

sinabi mong dapat class line, di mass line, ang tunguhin
ng uring manggagawang pagkakaisa'y kakamtin
ang pag-oorganisa ng uri ang adhikain
makauring kamalayan ay sadyang patampukin

sa mga aral at karanasan nga'y napapanday
kasama ng manggagawang sosyalismo ang pakay
tanging masasabi ko'y taospusong pagpupugay!
tinutuloy namin ang laban mo, kasamang tunay!

- gregoriovbituinjr.
02.06.2023

Kita

KITA

paano makakita ng kita
kung di matanggap ang aktibista
baka obrero'y maorganisa?
sa unyon ay mapagsama-sama?

ang mag-organisa'y karapatan
bakit hindi pahihintulutan?
ayaw magkaroon ng samahan?
baka ba pabrika'y pagwelgahan?

maging matino na kasing sadya
iyang kapitalistang kuhila
lakas-paggawa'y bayarang tama
huwag mang-api ng manggagawa

subalit dupang sila sa tubo
na limpak-limpak kung mapalago
habang obrero nila'y siphayo
upang buhay lang ay maihango

ang kapitalista'y palamunin
ng manggagawang inaalipin
dapat obrero'y makaalpas din
sa kadena ng pagkaalipin

- gregoriovbituinjr.
02.05.2023

Sabado, Pebrero 4, 2023

Tugon

 

TUGON

di ko masusunog yaring pakpak sa himpapawid
o sa mga lansangan sa aking bawat pagtawid
sapagkat sunog na ang kilay sa pagmamatuwid
ayokong masunog pa't nangitim na ang gilagid

ano kayang mensahe yaong nais pang ihatid
upang makaiwas na sa dilim ay mangabulid
sa ilang sagupaan, litid ko'y muntik mapatid
muntik mamate ng kalabang di agad nabatid

ano bang tugon sa suliraning sala-salabid
ay, di solusyon ang isabit ang leeg sa lubid
magtanong, makipagtalakayan, huwag maumid
makukuha rin ang perlas kung sa laot sisisid

sa madalas na pagninilay, biglang masasamid
tila may ibinubulong ang hangin sa paligid:
makipagkapwa lagi tayo't huwag maging ganid
magpakatao't kapwa'y huwag itaboy sa gilid

- greggoriovbituinjr.
02.04.2023

Biyernes, Pebrero 3, 2023

Tiwakal

TIWAKAL

pag niyurakan ninuman ang aking pagkatao 
na sarili'y di ko na maipagtanggol nang todo
mabuti nang magpatiwakal, tulad ng seppuku
sapagkat karangalan na ang nakasalang dito

ako'y makatang laban sa pribadong pag-aari
ako'y aktibistang laban sa mapang-aping uri
ako'y manunulat na laban sa mapang-aglahi
ako'y sepulturero ng sistemang naghahari

huwag mo lang sasagkaan ang aking paniwala
huwag mo lang yuyurakan ang prinsipyong dakila
tanging hinihiling ko lang ay inyong pang-unawa
na tibak ako't makata ng dukha't manggagawa

handa ako sa rali kahit walang pamasahe
propagandistang sa kalaban ay di pahuhuli
ngunit pag dangal ko na'y niyurakan nang matindi
madarama kong tiyak ako baga'y walang silbi

kaya ipagtatanggol ko ang aking iwing dangal
saanma'y dedepensahan, gaano man katagal
ngunit kung di na kaya, buti nang magpatiwakal
tulad ng makatang sa sariling kamay nabuwal

ang makatang Hapones na si Yukio Mishima
si Mayakovsky, sinasalin ko ang tula niya
Sylvia Plath, Ingrid Jonker, Hai Zi, Edward Stachura 
Lucan, Ernest Hemingway, Hart Crane, Misao Fujimura

ako'y nabubuhay, walang pribadong pag-aari
ugat iyan ng kahirapan, di mo ba mawari?
ako'y magpapatiwakal pag nawasak ang puri
sa prinsipyo'y tapat, di kakampi sa naghahari

- gregoriovbituinjr.
02.04.2023

Wari sa di mawari

WARI SA DI MAWARI

sa may liblib na pook
may haring nakaluklok
na kung umasta'y hayok
tingin sa masa'y ugok

bakit may naghahari?
panginoon ng uri?
at diyos na pinili?
bakit mapang-aglahi?

dapat nang mawakasan
ang ganyang kalagayan:
paghahari ng ilan
sa kapwa't mamamayan

kahit sa bawat tula,
sanaysay, kwento't dula
sila'y burahing sadya
pagkat mga kuhila

bakit may mayayaman?
laksa'y nahihirapan?
bakit kubkob ang yaman
nitong buong lipunan?

kalabisan na ito!
kailan matututo
na ang sistemang ito'y
kakalusing totoo!

- gregoriovbituinjr.
02.03.2023

Huwebes, Pebrero 2, 2023

Pambihirang pagkakataon

PAMBIHIRANG PAGKAKATAON

bihira ang nabibigyang / pagkakataong bumaka
upang tuluyang palitan / iyang bulok na sistema
mabuti't sa akin noon / ay mayroong nag-anyaya
maging kasapi ng unyon, / hanggang maging unyonista

may plano akong tumakbo/ bilang pangulo ng unyon
subalit aking tiyuhin / ay agad napigil iyon
assistant manager siya / sa kawaksing institusyon
nang matunugan ay agad / ang tindi niyang reaksyon

at bago ko maipasa / ang aking pagkandidato
ay sinundo ng kasamang / doon din nagtatrabaho
pinatatawag daw ako / nitong butihin kong tiyo
kinausap, pinakain, / at pinatagay pa ako

ako'y talagang nilasing / hanggang sa kinabukasan
di na naabot ang deadline / noong papel sa pasahan
ng aking kandidaturang / sa aking buhay ay minsan
lang mangyari kaya ako'y / lubos na nanghihinayang

at tatlong taon matapos / sa pinagtatrabahuhan
sa pabrika't katrabaho'y / talaga nang nagpaalam
may separation pay naman / matapos ang isang buwan
at muli akong nag-aral / ng kurso sa pamantasan

at doon ko naramdaman / ang isang bagong simula
sa panulatang pangkampus / ay nag-aambag ng akda
naging kasapi ng dyaryo't / nagsulat ng kwento't tula
naging features literary / editor, kaysayang sadya

hanggang aking makilala / sa pahayagang pangkampus
ilang mga aktibistang / katulad ko rin ay kapos
pinakilala ang grupo / nila't tinanggap kong lubos
niyakap ang aktibismo, / kolehiyo'y di natapos

umalis sa paaralan / at nakiisa sa dukha
nang maging organisador / ay nakibaka ring lubha
at minsan ding naging staff / ng grupo ng manggagawa
nag-sekretaryo heneral / ng samahang maralita

sumulat at nag-layout din / sa pahayagang Obrero,
Taliba ng Maralita, / Ang Masa't iba pang dyaryo
at naging propagandista / ng tinanganang prinsipyo
upang matayo ang asam / na lipunang makatao

nasubok ang katatagan, / maraming isyu'y inaral
minsan ding nakulong dahil / sa gawaing pulitikal
tatlong dekada nang higit, / dito na ako tumagal
hiling ko lang pag namatay, / alayan din ng parangal

- gregoriovbituinjr.
02.03.2023

Miyerkules, Pebrero 1, 2023

Taliba

TALIBA

ako'y propagandista nitong maralita
pinagsusulatan ay ang dyaryong Taliba
ng Maralita, na publikasyon ng dukha
dalawang beses sambuwan nalalathala

doon nilalagay ang mga isyu't tindig
hinggil sa mga usaping dapat marinig
binibigyang-buhay ang mga walang tinig
panawagang bawat dukha'y magkapitbisig

di dapat balewalain ang mahihirap
pagkat sila'y kauri, dapat nililingap
bagamat ang buhay nila'y aandap-andap
kaginhawaa'y nais din nilang malasap

bilang propagandista'y aming adhikain
kapwa dukha'y maging kaisa sa mithiin
isang makataong lipunan ay likhain
makataong mundo'y maging tahanan natin

- gregoriovbituinjr.
02.02.2023

* ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)