Lunes, Mayo 29, 2023

Bente pesos na bigas, trenta pesos na kanin

BENTE PESOS NA BIGAS, TRENTA PESOS NA KANIN

bente pesos na bigas / ang pangako sa atin
pangako sa eleksyon / ay di na ba kakamtin?
boladas lang ba iyon / na pang-uto sa atin?
habang trenta pesos na / ang isang tasang kanin

ito ba'y isang aral / sa dukhang mamamayan?
mga trapo'y nangako / sa turing na basahan?
upang manalo lamang / sa nangyaring halalan
nabulag sa pangako / ng trapo't mayayaman?

ay, ano nang nangyari? / nagpabola't nabola?
matagal nang pag-iral / ng trapong pulitika?
kung dati limangdaang / piso raw bawat isa
ngayon naman ay naging / libo na, totoo ba?

trenta pesos ang kanin, / bente pesos na bigas
ang pangako sa masa, / pangako ba ng hudas?
na sadyang ipinako? / kamay kaya'y maghugas?
masabunan pa kaya? / at sa puwet ipunas?

- gregoriovbituinjr.
05.29.2023

Lunes, Mayo 22, 2023

Thesis ng dukha sa Taliba ng Maralita

THESIS NG DUKHA SA TALIBA NG MARALITA

wala tayo sa akademya ngunit nag-aakda
ng samutsaring sanaysay, balita, kwento't tula
thesis sa mahalagang paksa'y pilit ginagawa
kaya nga meron tayong Taliba ng Maralita

na pahayagan ng dukha sa ilang komunidad
upang kahit mahirap, ipakitang may dignidad
ang thesis o pagsusuri ng dukha'y mailantad
kung bakit ba buhay nila sa mundo'y di umusad

hangga't may Taliba ng Maralita'y magpatuloy
sa pakikibaka, ang duyan man ay di maugoy
nagtitiyaga upang di malubog sa kumunoy
ng hirap na dulot ng tusong pakuya-kuyakoy

Taliba'y saksi sa bawat patak ng dugo't pawis
ng manggagawa't dukhang patuloy na nagtitiis
dito nilalathala ang kasaysayan at thesis
kung paanong manggagawa't dukha'y magbigkis-bigkis

- gregoriovbituinjr.
05.22.2023

* ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) na nalalathala ng dalawang beses kada buwan

Lunes, Mayo 15, 2023

Paghahanap sa libro ni Pilosopo Tasyo, si VS Almario, at ang nobelang Tasyo ni EA Reyes

PAGHAHANAP SA LIBRO NI PILOSOPO TASYO, SI VIRGILIO ALMARIO, AT ANG NOBELANG TASYO NI ED AURELIO C. REYES
Maikling saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang panibagong dakilang layon na naman ang nadagdag sa aking balikat: ang ipalaganap ang nobelang Tasyo ng namayapang awtor Ed Aurelio "Sir Ding" C. Reyes.

Bunsod ito ng sinulat ni national artist for literature Virgilio S. Almario sa kanyang kolum na Sarì-Sámot sa Filipino Ngayon sa pesbuk, na pinamagatang Ang Libro ni Pilosopo Tasyo. Ito'y nasa kawing na: https://www.facebook.com/photo/?fbid=698097328988568&set=a.503294381802198

Ayon sa kanya, "Mabuti pa ang mga hiyas ni Simoun at pinakinabangan ng panitikan. Noong 1941, sumulat si Iñigo Ed. Regalado ng isang mahabàng tulang pasalaysay, ang Ibong Walang Pugad, at dinugtungan niya ang mga nobela ni Rizal. Pinalitaw niyang may anak si Elias, at sinisid nitó ang kayamanan ni Simoun, at ginámit sa kawanggawa para tulungan ang mga dukha. Nitong 1969 inilathala naman ni NA Amado V. Hernandez ang nobelang Mga Ibong Mandaragit, at isang gerilya ang sumisid sa kayamanan ni Simoun para gamítin sa kampanya laban sa mga gahaman ng lipunan. Ngunit walâng nagkainspirasyong kupkupin ang mga libro ni Pilosopo Tasio."

Mayroon. May nobelang Tasyo si Sir Ed Aurelio C. Reyes na nalathala pa noong 2009. Mababasa ninyo ang buong nobela, na may labimpitong kabanata sa kawing na: http://bookmakers-phils.8m.net/tasyo-opening.htm

Hindi sapat ang karampot kong salapi dahil pultaym na tibak upang matustusan ang pagpapalathala ng aklat na Tasyo. Subalit bakit ko tutustusan?

Matagal ko nang kakilala si Sir Ding Reyes, mula pa noong 1995 sa Kamayan para sa Kalikasan Forum sa EDSA, at sa paglulunsad ng Seremonya ng Kartilya ng Katipunan na sinamahan ko sa Titus Brandsma sa QC. Nakasama ko siya bilang associate editor ng pitong isyu ng magasing Tambuli ng Dakilang Lahi noong 2006. Magkasama rin kami sa Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan). Namayapa siya noong 2015

Kaya nang mabatid ko ang sinabing iyon ni Sir Virgilio S. Almario, na guro ko sa Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) mula Setyembre 2001 hanggang Marso 2002, hinggil sa walang nagpatuloy o nag-usisa man lang hinggil sa librong naiwan ni Pilosopo Tasyo, agad akong dapat magsalita. Dahil ang pananahimik ay pagiging walang pakialam sa kabila ng may alam.

Kung may mga awtor na nagdugtong sa nobela ni Rizal, may awtor ding gumawa ng nobela hinggil sa naiwang sulatin ni Pilosopo Tasyo - si Sir Ed Aurelio C. Reyes, kung saan ang kanyang nobela ay pinamagatang TASYO: Ngayon na ba ang Bukas sa Habilin ng Pantas?

Marahil, dahil ang kanyang nobelang Tasyo na nakalathala bilang aklat ay kumalat o naibenta lamang sa loob ng kanyang sirkulo, o sa mga kaibigan, o sa kanyang mga estudyante, hindi iyon talaga lumaganap. Hindi iyon talaga nailagay sa mga kilalang tindahan ng aklat. Nakita ko rin ang kopyang ito noong nabubuhay pa siya subalit hindi ako nakabili. Makikita pa sa pabalat ng aklat ang nakasulat sa baybayin. Kilala ko rin si Sir Ding kung saan sa kanya rin ako natuto ng pagbu-bookbinding ng kanyang mga aklat.

Marahil, kung nailathala ito ng mga kilalang publishing house sa bansa, baka nagkaroon ito ng mga book review, dinaluhan ng mahilig sa panitikan at kasaysayan ang paglulunsad nito, at nabatid ito ni Sir Almario.

Ngayong patay na ang may-akda ng Tasyo, marapat naman nating itaguyod ang kanyang nobela sa mga hindi pa nakakaalam, upang maisama rin ito sa mga book review at sa kasaysayan ng mga nobela sa Pilipinas. Sa ngayon, iyan ang aking magagawa sa nobela ng isang mabuting kaibigan - ang itaguyod ang kanyang nobelang Tasyo sa mas nakararaming tao. Hindi man natin ito nailathala bilang aklat ay nakapag-iwan naman siya ng kopya ng buong nobela sa internet. 

Tara, basahin natin ang online version ng labimpitong kabanatang nobelang Tasyo sa kawing na: http://bookmakers-phils.8m.net/tasyo-opening.htmMaraming salamat.

Linggo, Mayo 14, 2023

Boto

BOTO

higit isang taon na rin makaraang bumoto
ng isang lider-manggagawa sa pagka-Pangulo
bagamat anak ng diktador sa kanya'y tumalo
subalit makasaysayan na ang nangyaring ito

dahil pinatunayan ng ating lider-obrero
kaya pala niyang makipagsabayan sa trapo
at ibang kinatawan ng kapitalista rito
sa entablado ng mga nais maging pangulo

nakita ng masang kayang sumabay sa debate
ng lider-manggagawa sa mga representante
ng trapo, dinastiya, burgesya, na ang mensahe
lider-manggagawa naman sa bayan magsisilbi

tapos na ang panahon ng pambobola ng trapo
bagamat makapangyarihan pa ang mga ito
kaya pa ring gawing Buy One Take One ang mga BOTO
ah, dapat nang wakasan ang ganyan nilang estilo

- gregoriovbituinjr.
05.14.2023

Biyernes, Mayo 12, 2023

Tugon ko sa tanong ni Doc Ben

TUGON KO SA TANONG NI DOC BEN

"Anong karapatan mong magretiro't magpahinga
sa bawat laban para sa kagalingan ng masa
na para kumain, nangangalakal ng basura
pang-almusal, tanghalian, hapunan ng pamilya?"

napaisip agad ako sa kanyang simpleng tanong
at nais kong magbigay ng napag-isipang tugon
magretiro sa laban ay wala sa isip ngayon
pagkat retiro ko'y pag sa lupa na nakabaon

dahil ang paglilingkod sa masa'y hindi karera
na pagdating ng edad sisenta'y retirado na
baka magretiro lang pag nabago ang sistema
at nakuha ang kapangyarihang pampulitika

hangga't may mga uri at pribadong pag-aari
na sa laksang kahirapan sa mundo'y siyang sanhi
asahan mong sa pakikibaka'y mananatili
aktibistang Spartan tulad ko'y nais magwagi

ipanalo ang asam na lipunang makatao
lipunang patas, bawat isa'y nagpapakatao
kung ang rebolusyon natin ay di pa nananalo
asahang retiro ay wala sa bokabularyo

- gregoriovbituinjr.
05.13.2023

Huwebes, Mayo 11, 2023

Ang protesta ni Chess Int'l Master Sara Khadem


ANG PROTESTA NI CHESS INT'L MASTER SARA KHADEM

balita'y ipinaaaresto siya ng Iran
nang magpasya si Sara Khadem na mangibang bayan
lumipat ng Spain upang doon na manirahan
nito lamang Enero ng taong kasalukuyan

lumaban siya sa pandaigdigang kampyonato
nang walang suot na hijab o ng belo sa ulo
siya'y atletang Iranian at batas nila ito
kay Mahsa Amini ay pakikiisa rin nito

nang mamatay ang babaeng ngala'y Mahsa Amini
na diumano'y resulta ng police brutality
dahil di siya nagsuot ng hijab ay hinuli
dahil dito, protesta sa Iran ay tumitindi

para kay Sara Khadem ay defense of women's freedom
kaya paglayas sa Iran ay di niya dinamdam
sa pagkamatay ni Amini, siya'y nasusuklam
bilang chess master ay pinakitang may pakialam

mabuhay ka, Sara Khadem, at ikaw ay mapalad
nawa'y di ka madakip at basta lang makaladkad
chess master kang ang mali'y talagang inilalantad
kaligtasan mo at ng pamilya mo'y aming hangad

- gregoriovbituinjr.
05.11.2023

Ayon sa World Chess page na https://www.facebook.com/theworldchess:

Iranian IM Sara Khadem joins the lineup for the World Chess Armageddon Championship Series: Women's Week!

After being introduced to chess by one of her classmates at eight years old, Sara had her parents put her in a chess class. At the age of 12 she had her first successes by winning the Asian Under-12 Girls Championship and the World Under-12 Girls Championship. In 2018 Sara was the runner up in both Women's World Rapid and Blitz Championships, held in Saint Petersburg.

In 2022 at the World Rapid Championship in Almaty, Kazakhstan, Sara decided to compete without a veil, in defense of women's freedom and in solidarity with the protests that began after the death of the young Mahsa Zhina Amini in Iran. This decision completely changed her and her family's life, who are now living in the south of Spain.

Iba pang kaugnay na balita:

McClain, Dylan Loeb (30 December 2022). "After Competing Without a Hijab, a Top Iranian Chess Player Won't Return Home". The New York Times. Retrieved 2 January 2023.

"After playing without a hijab in a world championship, Iranian chess star defects to Spain". El Pais. 28 December 2022. Retrieved 4 January 2022.

"Iranian chess player 'moving to Spain' after competing without headscarf". The Guardian. 2022-12-29. Retrieved 2022-12-31.

Rodriguez, Elena (15 February 2023). "Iranian chess player in exile has no regrets about removing hijab". Reuters.

"Chess: On the day Sara Khadem met Spanish Prime Minister, an arrest warrant was issued against her in Iran". The Indian Express. 15 February 2023.

Miyerkules, Mayo 10, 2023

Mayo 10, 1897

 

MAYO 10, 1897

isang araw matapos ang kaarawan ni Oriang
ang kanyang mister naman ay walang awang pinaslang
ng alagad ng diktador, tila bituka'y halang
ang posisyon ng Supremo'y di man lang iginalang

kaya wala ang asawa sa kaarawan niya

marahil nasa isip niyang baka napahamak
na kung mababatid niya'y sadyang nakasisindak
ang Supremo, ayon sa ulat, ay pinagsasaksak
at marahil si Oriang ay walang tigil sa iyak

kaya wala ang asawa sa kaarawan niya

anong lungkot na salaysay para sa Lakambini
kasama sa kilusan ang sa Supremo'y humuli
kapwa Katipunero pa ang pumaslang, ang sabi
at kasangga pa sa paglaya ng bayan ang imbi

- gregoriovbituinjr.
05.10.2023

* litrato mula sa google

Si Datu Amai Pakpak, Bayani ng Mindanao

SI DATU AMAI PAKPAK, BAYANI NG MINDANAO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong Disyembre 30, 2022, araw ng kamatayan ng bayaning si Gat Jose Rizal, ay mag-isa akong nagtungo sa Luneta upang masaksihan kung anuman ang pagdiriwang na ginagawa roon. Maraming tao sa monumento ni Rizal noong panahon iyon, at nanood ako ng isinagawang programa roon.

Matapos iyon ay nilibot ko ang Luneta hanggang mapatapat ako sa Open Air Auditorium katapat ng malaking tubigan na may fountain na nag-iilaw sa gabi. Sa palibot niyon ay may dalawampung busto, o eskultura ng ulo, balikat at dibdib, ng mga kinikilalang bayani ng Pilipinas. Sa unang hilera ay sampung busto, ganoon din sa ikalawa na nasa kabila, kung saan nasa gitna ng dalawang hilera ng nasabing tubigan at fountain. Lahat ng naroong busto ay inikot ko at nilitratuhan. At inilagay sa facebook page na Brown History na nasa link o kawing na https://www.facebook.com/brownhistoryph at sa blog na Mga Bayani ng Lahi na nasa kawing na https://mgabayaninglahi.blogspot.com/.

Naroon ang busto ng mga bayaning sina Lapu-lapu, Graciano Lopez-Jaena, Marcelo H. Del Pilar, Jose Ma. Panganiban, Apolinario Mabini, Apolinario Dela Cruz o Hermano Pule, Francisco Maniago ng Pampanga, Juan Sumuroy ng Samar, Aman Dangat ng Batanes, Diego Silang ng Ilocos, Mateo Cariño ng Cordillera, Gregorio Aglipay, Francisco Dagohoy ng Bohol, Vicente Alvarez ng Zamboanga, Pantaleon Villegas o Leon Kilat ng Cebu, Sultan Dipatuan Kudarat ng Cotabato, Datu Taupan ng Balanguigui, Datu Ache ng Sulu, at Datu Amai Pakpak ng Lanao. Labinsiyam sapagkat ang isang rebulto ay natanggal ang nakasulat na marker.

Doon ko unang nakita ang rebulto ni Datu Amai Pakpak, isa sa mga martir at bayani sa kasaysayan ng ating bansa. Sino ba siya at ano ang inambag niya sa himagsikan? Bakit libo-libong Kastila ang ipinadala sa Mindanao upang durugin siya, at ang pinamumunuan niyang Kuta ng Marawi?

Basahin natin ang nakasulat sa kanyang marker:

DATU AMAI PAKPAK
(Lanao, d. 1895)

The Chief of Marahui (Marawi), Datu Amai Pakpak was also known as Datu Akadir who bravely resisted the Spanish campaigns to subjugate Lanao. He was killed while defending his cotta during the Blanco campaign in 1895.

Naka-upload ang litratong ito sa blog na Mga Bayani ng Lahi sa kawing na: https://mgabayaninglahi.blogspot.com/2023/01/datu-amai-pakpak.html, at sa fb page ng Brown History na nasa https://www.facebook.com/photo.php?fbid=129110663357375&set=pb.100087753241695.-2207520000.&type=3

Kamakailan ay nahalungkat ko sa aking munting aklatan ang aklat na "Kabayanihan ng Moro at Katutubo" ni Roland G. Simbulan. Nabili ko ang aklat sa Popular Bookstore noong Disyembre 29, 2021. Binabasa-basa ko ito nang mapadako ako sa pahina 32 kung saan naroon ang pagtalakay na pinamagatang "Datu Amai Pakpak ng Marahui, Lanao". Ang talakay hinggil sa kanya ay umaabot ng apat na pahina, mula pahina 32 hanggang 35.

Sipiin natin ang ilang bahagi:

"Nang pumanaw si Sultan Desarip, iniwan niya sa kanyang bayaw na si Datu Akadir Akobar, na mas kilala sa pangalang Amai Pakpak, ang pamumuno ng mga mandirigma ng Rapitan sa mga makasaysayan ngunit pinakamadugong labanan ng Moro-Kastila sa Mindanao. Tampok dito ang pagdepensa ni Amai Pakpak sa Cotta Marahui. Ang nasabing cotta ay armado ng 19 na mga kanyon na nakapaligid sa mga makakapal na batong pader nito. Ang apat na pinakamalaking kanyon ay binigyan pa ng mga Moro ng pangalang Marawi, Balo, Diatris, at Barakat. (Saber, 1986)"

"Noong Agosto 1891, tinangka ni Valeriano Weyler, ang Gobernador-Heneral ng Pilipinas, nagplano ng mga kampanya sa Mindanao sa pamamagitan ng pagtatayo ng kawing sa mga kutang militar sa mga dalampasigan. Ang kanyang estratehiya ay hawig sa mga "Fortress" ng mga Krusada sa Mediterranean at Gitnang Silangan laban sa Moors."

"Nagmobilisa si Weyler ng 1,242 tropa na dinala sa apat na barkong may pangalang S.S. Manila, S.S. Cebu, S.S. San Quintin at S.S. Marquez de Duero upang kubkubin ang Cotta Marahui ni Amai Pakpak. Kahit may panimulanhg tagumpay ang mga Kastila, di nagtagal ay napaatras ng mga Moro ang malaking operasyong ito at giniba ang mga itinayong kuta-militar ng Espanya."

"Pagsapit ng 1904, ang bagong upong Gobernador Heneral Ramon Blanco naman ang personal na namuno ng kampanya militar sa Lanao. Gumamit siya ng mga bakal na bapor pandigma na inorder pa sa mga British sa Hong Kong. Ang mga barkong pandigma sa mga operasyong ito ay ang S.S. Heneral Blanco, S.S. Corcuera, S.S. Heneral Almonte at S.S. Lanao na may dalang mga awtomatik na masinggan na gawa rin sa Inglatera."

"Sa operasyong militar ni Gobernador Heneral Blanco noong Marso 10, 1895, lumusob ang malaking pwersa ng Kastila na 5,000 sundalo laban kay Amai Pakpak at sa kanyang mga mandirigma sa Cotta Marahui. Dalawang beses ginawa ang paglusob. Ayon sa historyador na si Mamitua Saber, ang 5,000 nasa Sandatahang Dibisyon ng Kastila ay nanggaling sa 68th, 69th, 70th, 71st, 72nd, 73rd at 74th Infantry Units ng Espanya sa Maynila. Dagdag pa rito ang 2 kumpanya ng Disciplinary Batallion, 3 unit galing sa Peninsular Artillery Regiments, 2 Mountain Batteries (artillery), 1 mortar battery, isang kumpanya mula Cristina yunit, 2 unit mula sa Veterans Civil Guards, mga sundalo galing sa Halberdiers, at mga boluntaryong "indio" galing Zamboanga (Saber, 1986). Armado pa ang Spanish Infantry ng mga ripleng Mauser na may mga bayoneta."

"Samantala, ang mga panlabang sandata ng mga Moro ay kris, kampilan, sibat at ilang mga nasamsam na riple. Ayon pa rin kay Saber, makikita sa mga kanyon, lantaka at iba pang armas sa loob ng Cotta Marahui ang talino ng Moro sa paglikha."

"Sa buong araw ng Marso 10, 1895, kinubkob ng mga barkong pandigma at Sandatahang Dibisyon ni Blanco ang mga mandirigma ni Amai Pakpak sa Cotta Marahui sa Lanao. Naging martir sa makasaysayang labanang ito si Amai Pakpak (Datu Akadir) at ilang mga kasama niya, katulad nina Bai Ataok Inai Pakpak, Pakpak Akadir, Palang Amai Mering, Ali Amai Admain, Amai Porna, Diamla sa Wato, Amai Domrang, Amai Dimaren, Amai Pangompig, atbp. Bagamat marami sa kanyang mga natirang Datu at mandirigma ang umatras ng cotta, patuloy silang lumaban sa mga dayuhang mananakop sa iba't ibang bahagi ng Mindanao. (Saber, 1979)"

"Ito na marahil ang pinakamalaking armadong operasyong militar ng Espanya sa buong Pilipinas. Mula 1891-1895, napako sa Mindanao ang malaking porsyento ng puwersang militar ng Espanya at nagbigay ng puwang sa mga Katipunero na mag-organisa at magpalawak ng organisasyon sa Luzon at Bisayas."

May maikling pagtalakay naman sa WikiFilipino hinggil sa talambuhay ni Datu Amai Pakpak, na matatagpuan sa kawing na: https://fil.wikipilipinas.org/view/Datu_Amai_Pakpak

Datu Amai Pakpak

Si Datu Akadir Akobar, o mas kilala bilang Amai Pakpak, ay isang pinunong Maranao na kilala sa pamumuno sa pagtutol ng mga Maranao sa pagsakop ng mga Espanyol sa rehiyon ng Lanao noong 1890.

Tubong Marawi, ipinagtanggol ni Amai Pakpak ang rehiyon sa pamamagitan ng Fort Marawi, isang kuta na kaniyang itinatag sa lugar.

Bagama't maraming iba pang mga naging labanan sa pagitan ng mga Maranao at ng mga Espanyol, tanging ang mga labanang pinamunuan ni Amai Pakpak ang naitala, kabilang na ang labanan noong 1891 sa pagitan ng mga Espanyol na ipinadala ni Gobernador-Heneral Valeriano Weyler at noong 1895 laban sa hukbong ipinadala ni Gobernador-Heneral Ramon Blanco.

Sa labanan noong 1891, nagtagumpay si Amai Pakpak at ang kaniyang hukbo na pigilan ang pag-atake ng mga Espanyol sa Lanao. Umatras ang mga Espanyol patungong Iligan matapos dumating ang karagdagang hukbo mula sa mga lugar sa paligid ng Lake Lanao.

Noong 1895, napatay si Amai Pakpak kasama ang kaniyang pamilya at iba pang hukbo nang dumating ang isang eskuwadron ng mga barkong ipinadala ni Gobernador-Heneral Blanco sa Lake Lanao para tapusin ang pagsakop sa rehiyon ng Lanao.

Umatras din kinalaunan ang mga Espanyol mula sa lugar nang magsimula ang Digmaang Espanyol-Amerikano noong 1898.

Kilala bilang isang bayaning Maranao si Amai Pakpak. Noong 1970, ipinangalan kay Amai Pakpak ang dating Lanao General Hospital bilang pagkilala sa kaniyang kagitingan sa pakikipaglaban sa mga Espanyol sa Labanan sa Marawi noong 1895.

Martes, Mayo 9, 2023

Tanagà sa aklasan

TANAGÀ SA AKLASAN

may reklamong pabulong
ang mga nasa unyon
tanabutob ngang iyon
pag-usapan na ngayon

- gregoriovbituinjr.
05.10.2023

Lunes, Mayo 8, 2023

Sa ika-148 kaarawan ni Lakambini Oriang

SA IKA-148 KAARAWAN NI LAKAMBINI ORIANG
(Mayo 9, 1875 - Marso 15, 1943)

maligayang kaarawan sa Lakambini
ng Katipunan at magiting na bayani
asawa ng Supremong tunay ding bagani
inspirasyon ka na sa kapwa mo babae

pagpupugay sa iyo, O, Dakilang Oriang!
na kasama noon sa buong himagsikan
laban sa mga mananakop na dayuhan
laban din sa mga taksil na kababayan

kay Andres ay namatayan kayo ng anak
si Gat Andres pa'y pinaslang at napahamak
subalit babae kang di nagpapasindak
ang kapara mo'y gintong uhay sa pinitak

sa kababaiha'y inspirasyong totoo
kilusang Oriang nga'y itinatag na rito
samahan itong ipinangalan sa iyo
at si Tita Flor Santos ang unang pangulo

maligayang kaarawan ang aming bati
bayani ka ng kababaihan at lahi
pagkat kalaban ka ng mapang-aping uri
sa aming puso'y mananatili kang lagi

- gregoriovbituinjr.
05.09.2023

Linggo, Mayo 7, 2023

Mayo 7, araw ng mga health worker

MAYO 7, ARAW NG MGA HEALTH WORKER

ang ikapito ng Mayo ay Health Workers' Day pala
sa mga health worker, salamat sa inyo talaga
dahil sa sakripisyo't ambag n'yo para sa masa
sa inyong araw, kayo po'y aming inaalala

noong pandemya, kayo'y pawang nagsilbing frontliner
nag-alaga sa maysakit naming father at mother
talagang malaki ang tinulong ninyong health worker
upang pandemya'y malusutan ng brother at sister

bilang one sero sero six nine, Batas Republika
ikapito ng Mayo bawat taon dineklara
na Health Workers' Day, at ganap kayong kinikilala
special working day ang sa inyo'y itinalaga

sana sa kabila ng inyong mga sakripisyo
ay tapatan ito ng nakabubuhay na sweldo
at matanggap ninyo'y nararapat na benepisyo
dahil inyong buhay na'y inilaan sa serbisyo

kaya lahat sa inyo'y taospusong pagpupugay!
nawa'y magpatuloy pa kayo sa serbisyong tunay
para sa mga mamamayang may sakit na taglay
tangi kong masasabi'y mabuhay kayo! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
05.07.2023

* ang litrato ay mula sa editorial ng dyaryong The Philippine Star, May 7, 2023, p.4    

Sa ulilang pader man

SA ULILANG PADER MAN

sa ulilang pader man, may tumutubong halaman
tila ba ito'y salawikaing alay sa bayan
marahil ay hinggil sa buhay ng mga iniwan
o naulila sa sakuna, sigwa o digmaan

kayang mabuhay, wala man sa madawag na gubat
basta kumilos ka lang, magbubunga rin ang lahat
di man maging ganap na puno dahil lupa'y salat
ay pinili pa ring damhin ang araw sa pagsikat

ihip ng hangin sa kanyang dahon ay humahawi
maging ang patak ng ulan sa dumi'y pumapawi
maging ang araw sa umaga, sila'y binabati
habang mga taong nagdaraa'y napapangiti

sige, halaman, mabuhay ka, kahit nag-iisa
pagkain ng mga ibong binigyan mong halaga
baka sa kanila'y may alay kang binhi o bunga
ah, sa kalikasan ng lungsod, isa kang biyaya

- gregoriovbituinjr.
05.07.2023 

Sabado, Mayo 6, 2023

Ayon kay Bishop Helder Camara

AYON KAY BISHOP HELDER CAMARA

banal ka pag pinakain mo yaong mahihirap
komunista pag nagtanong bakit sila mahirap
banal ka pag nilimusan mo lang sila nang ganap
para may puntos ka sa langit ngunit mapagpanggap

nagbigay ka ng pagkain sa dukha? banal ka na!
isa kang tunay na lingkod! dakila ka talaga!
nang magtanong ka na bakit walang makain sila
ay itinuring ka agad na isang komunista

dahil nagtanong ka? dahil ba ikaw ay nagsuri?
dahil baka tulad mo, dukha'y maging mapanuri?
magtanong bakit ganito ang lipunan at lahi?
at mag-alsa sila laban sa mapang-aping uri?

ang pahayag niya'y kaytagal kong isinaloob
sapagkat talagang matalas, matindi, marubdob
sadyang nahahalungkat lahat ng kaba mo't kutob
nagtanong lang ng bakit, talaga kang isusubsob

ayaw nilang maging mapanuri ang maralita
kabilang kasi sila sa sistemang mapangutya
kaya ang nais nila'y maglimos lamang sa dukha
upang mapanatili ang sistema't di magiba

mabuhay ka, Bishop Camara, sa iyong sinambit
humanga ako sa'yo nang sinabi mo'y mabatid
nagtatanong din ako, ngunit sistema'y kaylupit
nais lang nilang dukha'y patuloy na manlimahid

- gregoriovbituinjr.
05.06.2023

Miyerkules, Mayo 3, 2023

Isama ang karapatang pantao at kalikasan sa Panatang Makabayan

ISAMA ANG KARAPATANG PANTAO AT KALIKASAN SA PANATANG MAKABAYAN
Maikling pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bilang masugid na mambabasa ng magasing Liwayway, nabasa ko sa kolum ni Sir Pat V. Villafuerte sa Liwayway, isyu ng Abril 2023, pahina 35-37, ang hinggil sa pag-amyenda sa Panatang Makabayan. Dahil dito'y agad kong sinaliksik ang mismong DepEd Order No. 004 na kanyang binanggit, kung saan mada-download ang kopyang iyon sa kawing na https://www.deped.gov.ph/wp-content/uploads/DO_s2023_004.pdf.


Nitong Pebrero 14, 2023, kasabay ng Araw ng mga Puso, ay inilabas ng Kagawaran ng Edukasyon ang dalawang pahinang DepEd Order No. 004, hinggil sa pag-amyenda sa Panatang Makabayan. Nilagdaan ito ni VP Sara Z. Duterte, kalihim ng DepEd. 

Ayon sa Talata 1 ng nasabing Order, sa pamamagitan ng Batas Republika Blg, 1266, na kilala ring An Act Making Flag Ceremony Compulsory in All Educational Institutions, binibigyan ng awtorisasyon ang Kalihim ng Edukasyon na mag-isyu ng mga alituntunin at patakaran (rules and regulations) para sa tamang pagsasagawa ng seremonya o pagpupugay sa watawat (flag ceremony). 

Nabanggit naman sa Talata 2 ang Batas Republika Blg, 8491, na kilala ring Flag and Heraldic Code of the Philippines.

Sa Talata 3 ipinaliwanag ang sanhi ng pag-amyenda sa Panatang Makabayan. Sa inisyatiba ng Office of the Undersecretary for Curriculum and Teaching (OUCT), maraming organisasyon ang kinonsulta hinggil sa pagbabago ng terminolohiya o salita sa Panatang Makabayan. Ang pag-amyenda ay batay sa pagpapalit ng nagdarasal sa nananalangin. Dahil mas wikang Filipino raw ang nananalangin kaysa nagdarasal, at hindi nakabatay sa relihiyon, kundi kasama na rin ang paniniwala ng mga katutubo.

Gayunpaman, nakikita kong may kakulangan pa sa Panatang Makabayan, dahil hindi nababanggit ang paggalang sa karapatang pantao, na palagay ko'y dapat ilagay bilang makabayan, at ang pangangalaga sa kalikasan.

Ito ngayon ang buong katitikan ng Panatang Makabayan:

Iniibig ko ang Pilipinas,
aking lupang sinilangan
tahanan ng aking lahi;
kinukupkop ako at tinutulungang
maging malakas, masipag at marangal.
Dahil mahal ko ang Pilipinas,
diringgin ko ang payo
ng aking mga magalang,
susundin ko ang tuntunin ng paaralan,
tutuparin ko ang tungkulin
ng mamamayang makabayan; 
naglilingkod, nag-aaral, at nananalangin
nang buong katapatan.
Iaalay ko ang aking buhay,
pangarap, pagsisikap
sa bansang Pilipinas.

Noong bata pa ako'y iba ang nakatitik, na medyo kabisado pa ng marami kong kapanahon, na binanggit din sa kolum ni Sir Pat Villafuerte:

Panatang Makabayan
Iniibig ko ang Pilipinas.
Ito ang tahanan ng aking lahi.
Ako'y kanyang kinukupkop at tinutulungan
Upang maging malakas, maligaya at kapaki-pakinabang.
Bilang ganti ay diringgin ko ang payo ng aking mga magulang.
Susundin ko ang mga tuntunin ng aking paaralan.
Tutuparin ko ang mga tungkulin ng isang mamamayang
Makabayan at masunurin sa batas.
Paglilingkuran ko ang aking bayan
Nang walang pag-iimbot at ng buong katapatan.
Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino
Sa isip, sa salita at sa gawa.

Sa bagong Panatang Makabayan, maraming nabago, tulad ng nawala ang pagiging tunay na Pilipino, at masunurin sa batas. Subalit nais kong mag-ambag kung sakaling aamyendahan muli ang Panatang Makabayan. Dapat maisama ang paggalang sa karapatang pantao, at ang pangangalaga sa kalikasan, na marahil ay ganito ang kalalabasan:

Panatang Makabayan
Iniibig ko ang Pilipinas,
aking lupang sinilangan
tahanan ng aking lahi;
kinukupkop ako at tinutulungang
maging malakas, masipag at marangal.
Dahil mahal ko ang Pilipinas,
diringgin ko ang payo
ng aking mga magalang,
susundin ko ang tuntunin ng paaralan,
tutuparin ko ang tungkulin
ng mamamayang makabayan
na gumagalang sa karapatang pantao
at nangangalaga sa kalikasan,
naglilingkod, nag-aaral, at nananalangin
nang buong katapatan.
Iaalay ko ang aking buhay,
pangarap, pagsisikap
sa bansang Pilipinas.

Kaya inaanyayahan ko ang iba't ibang pambansang samahan sa karapatang pantao at kalikasan, na magtulong-tulong upang ipasok ang mga salitang "gumagalang sa karapatang pantao at nangangalaga sa kalikasan" sa Panatang Makabayan. Mabuti pang bata pa lang sila ay batid na nila kung ano ang karapatang pantao, at bakit sa nagbabagong klimang nararanasan ng daigdig na hindi na dapat umabot pa sa 1.5 degri Celsius ang pag-iinit pa ng mundo, ay dapat maukit na sa isipan ng mga kabataan ang pangangalaga sa nag-iisa nating mundo, ang Earth. There is no Planet B, ika nga nila.

Maaari nating ihain ang mungkahing ito sa mga kakampi natin sa Kongreso, tulad ni Congressman Edcel Lagman, na isa sa naghain ng panukalang batas na Human Rights Defenders (HRD) Protection Bill, na gawan ng panukalang batas na isama ang "paggalang sa karapatang pantao at pangangalaga sa kalikasan" sa Panatang Makabayan.

Kaya sa mga kilala kong samahan ng karapatang pantao at samahang makakalikasan, nawa ito'y bigyang pansin. Tinatawagan ko ng pansin ang mga samahang kilala ko at di pa kilala, tulad ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), In Defense of Human Rights and Dignity Movement (IDefend), PhilRights, Families of Victims and Involuntary Disappearance (FIND), Green Convergence for Safe Food, Healthy Environment and Sustainable Economy (Green Convergence), Rights of Nature Ph, GreenPeace Philippines, Haribon, Environmental Studies Institute (ESI) ng Miriam College, Saniblakas ng Inang Kalikasan (SALIKA), Makakalikasan Party, Partido Lakas ng Masa (PLM), Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Teacher' Dignity Coalition (TDC), Commission on Human Rights (CHR), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at marami pang iba.

Maaaring sa ngayon ay hindi basta maisingit ang "paggalang sa karapatang pantao" sa Panatang Makabayan, bagamat maaaring mailagay ang "pangangalaga sa kalikasan" dahil ang Kalihim ng DepEd ay anak ng dating Pangulong Duterte, na nagpasimula ng madugong drug war na sanhi ng maraming kamatayan o pagpaslang, tulad ng nangyari sa estudyanteng si Kian Delos Santos, na diumano'y huling sinabi sa mga pulis ay "Huwag po. May exam pa ako bukas..." subalit siya pa rin ay pinaslang. 

Gayunpaman, maganda na itong itanim sa kasalukuyang henerasyon upang dumating ang panahon na mailagay din sa Panatang Makabayan ang mga salitang "paggalang sa karapatang pantao at pangangalaga sa kalikasan".

Panghuli, taospusong pasasalamat sa retiradong guro ng Philippine Normal University (PNU) sa kanyang kolum kaya nabatid natin na may amyenda pala sa Panatang Makabayan. Muli, salamat, Sir Pat! Mabuhay ka!

Mayo 4, 2023, Lungsod Quezon

Taas-kamao

TAAS-KAMAO

mga kasama, mabuhay kayo
sa pagkilos nitong Mayo Uno
kaisa akong taas-kamao
sa Dakilang Araw ng Obrero

mabuhay kayo, mga kapatid
obrero'y tampok, wala sa gilid
diwa ng paggawa'y inyong hatid
lipunang asam ay inyong batid

mabuhay ang lahat ng sumama
pagpupugay sa mga kasama
magpatuloy sa pakikibaka
hanggang mabago na ang sistema

di sa Mayo Uno natatapos
ang ating sama-samang pagkilos
maghanda tayo sa pagtutuos
nang sistemang bulok na'y makalos

- gregoriovbituinjr.
05.04.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa Recto tungong Mendiola, 05.01.2023

Ang aming hiyaw

ANG AMING HIYAW

Uring Manggagawa! Hukbong Mapagpalaya!
ang aming hiyaw noong Araw ng Paggawa
magkakauri'y isang hukbo, talaga nga
tila magbubuwal sa tusong dambuhala

panawagang naukit na sa diwa't puso
sa ilang dekada nang pagkilos patungo
sa landas na walang pang-aapi't siphayo
na pagsasamantala'y pangarap maglaho

kalaban ng salot na kontraktwalisasyon
manpower agencies ay linta hanggang ngayon
dapat ibagsak ang lahat ng panginoon
dapat walang naghaharing uri o poon

aalisin natin lahat ng kasamaan
at lahat ng panunupil sa ating bayan
ipapalit nati'y makataong lipunan
itatayo'y daigdig na makatarungan

kayong manggagawa ang tunay na dakila!
kayong nagpapakain sa lahat ng bansa!
magpatuloy kayo, hukbong mapagpalaya!
muli, pagpupugay sa uring manggagawa!

- gregoriovbituinjr.
05.04.2023

* litratong kuha sa España, Maynila, Mayo Uno, 2023
* maraming salamat po sa kumuha ng litrato, CTTO (credit to the owner)
* BMP - Bukluran ng Manggagawang Pilipino

Kapayapaan, kasarinlan, katarungan

KAPAYAPAAN, KASARINLAN, KATARUNGAN

kapayapaan, kasarinlan, katarungan
ang nais ng mga batang nasa digmaan
silang lumaki na sa gayong kalagayan
na kanilang mga ama'y nagpapatayan

pakinggan natin ang tinig ng mga bata
di lang laruan ang nais upang matuwa
mahalaga sa kanila'y wala nang digma
kundi mabuhay sa isang mundong payapa

nais nilang kasarinlan ng bansa'y kamtin
upang walang mananakop at sasakupin
may bayanihan upang sila'y makakain
bansang tao, di gera, ang aatupagin

pangarap din nilang makamtan ang hustisya
dahil sa digma, napatay ang mga ama
nawalan ng amang gagabay sa kanila
na kung walang digma, ama'y buhay pa sana

kahilingan ng mga batang nangangarap
na kapayapaan sa kanila'y maganap
upang kamtin ang hustisya't laya'y malasap
gera'y itigil na, kanilang pakiusap

- gregoriovbituinjr.
05.03.2023Kapayapaan, kasarinlan, katarungan

Pulang-pula ang Mayo Uno

PULANG-PULA ANG MAYO UNO

anong laki ng mobilisasyon ng manggagawa
noong Mayo Uno, pagmasdan mo't rumaragasa
pulang-pula sila sa kalsada, kapara'y sigwa
parang handang ibagsak ang buwitreng maninila

nasa kanang bahagi pala ako ng litrato
tangan ang pulang tarp at K.P.M.L. ang tshirt ko
patunay na sa laban ng uri'y kaisa ako
at kumikilos para sa dignidad ng obrero

isang lipunang makatao ang pinapangarap
kung saan walang pagsasamantala't pagpapanggap
na ang dignidad ng kapwa'y kinikilalang ganap
isang lipunang walang mayaman, walang mahirap

O, manggagawa, taaskamao pong pagpupugay!
sa Araw ng Paggawa, mabuhay kayo! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
05.03.2023

* kuha ang litrato sa España, Maynila, 05.01.2023
* maraming salamat po sa kumuha ng litrato, CTTO (credit to the owner)
* KPML - Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod

Martes, Mayo 2, 2023

P750 minimum wage, ngayon na

P750 MINIMUM WAGE, NGAYON NA

seven hundred fifty pesos minimum wage, ngayon na!
panawagan ng manggagawa habang nagmamartsa
simpleng kahilingan sa gobyerno't kapitalista
ito kaya sa kanila'y maibigay talaga?

seven hundred fifty pesos kasama ang rehiyon
across-the-board, presyo ng lakas-paggawa, minimum
kaya naman iyan ng malalaking korporasyon
ayaw lang ibigay, sa tubo'y kabawasan iyon

ang pinaglalaban nila'y makatarungan lamang
ngunit mga naghaharing uri'y talagang dupang
sa tubo, gayong sa lakas-paggawa'y nakinabang
ayaw lang ibigay pagkat sa tubo nga'y suwapang

pakinggan sana ang panawagan ng manggagawa
pagkat sila ang umukit ng daigdig at bansa
nagpalago ng ekonomya ng bansa'y sila nga
pagkat kung walang manggagawa, pag-unlad ay wala

- gregoriovbituinjr.
05.03.2023

* litratong kuha ng makatang gala habang nagmamartsa sa España patungong Mendiola, Mayo Uno, 2023

Gawing pabahay ang lupang gobyerno

GAWING PABAHAY ANG LUPANG GOBYERNO

"Gawing pabahay sa mga mahihirap
ang lupang gobyerno!" anang maralita
panawagan sa gobyernong mapaglingap
dahil ito nga'y paglilingkod sa dukha

sila'y nakasama nitong Mayo Uno
sa lansangan habang patungong Mendiola
panawagang tagos sa puso ko't buto
ay dinggin bilang pagsisilbi sa masa

lupa'y serbisyo, di negosyo ng ilan
huwag hayaang agawin o kamkamin
ng mga negosyante't tusong gahaman
lupa'y gawing serbisyo'y ating layunin

katulad din ng pampublikong pabahay
na dapat serbisyong pamamahalaan
ng gobyerno, na di aariing tunay
kundi gamitin mo bilang mamamayan

anong ganda't di pribadong pag-aari
na siyang ugat ng laksang paghihirap
kundi ito'y pampublikong ating mithi
patungo sa lipunang pinapangarap

- gregoriovbituinjr.
05.03.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa España tungong Mendiola, Mayo Uno 2023

Pagdalo sa Mayo Uno

PAGDALO SA MAYO UNO

taon-taon akong dumadalo
sa pagkilos tuwing Mayo Uno
kasama'y libo-libong obrero
dahil din sa paniwalang ito:
"Hindi bakasyon ang Mayo Uno!"

totoong holiday na tinuring
ng gobyerno, subalit sa amin
ito'y di dapat balewalain
holiday ngunit may pagkilos din
dahil sa historya nitong angkin

sa Dakilang Araw ng Paggawa
lumabas ang mga manggagawa
silang may kamay na mapagpala
na nagpaunlad ng mundo't bansa
bagaman sahod nila'y kaybaba

araw ng obrerong nagpapagal
upang pamilya'y may pang-almusal,
tanghalian, hapunan, minindal
araw itong dapat ikarangal
sa akin, mag-absent dito'y bawal

- gregoriovbituinjr.
05.02.2023

* selfie ng makatang gala sa Recto patungong Mendiola, Mayo Uno, 2023

Lunes, Mayo 1, 2023

Panawagan ng PMCJ sa Mayo Uno

PANAWAGAN NG PMCJ SA MAYO UNO

panawagan ng Philippine Movement for Climate Justice
sa manggagawa sa pagdiriwang ng Mayo Uno
Just Transition ay panguhanan nila't bigyang hugis
ang sistemang makakalikasan at makatao

imbes magpatuloy pa sa fossil fuel, coal, dirty
energy ay magtransisyon o lumipat ang bansa
o magpalit na patungong renewable energy
para sa kinabukasan, O, uring manggagawa!

kayo ang lumikha ng kaunlaran sa daigdig
di lang ng kapitalistang nasa isip ay tubo
saklolohan ang mundong anong lakas na ng pintig
upang mundo sa matinding init ay di maluto

payak na panawagan ngunit napakahalaga
sa kinabukasan ng mundo at ng bawat isa

- gregoriovbituinjr.
05.02.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa Mendiola, Mayo Uno 2023

Mabuhay ang pagkakaisa ng uri


MABUHAY ANG PAGKAKAISA NG URI

mabuhay ang pagsasama-sama ngayon
ng apat na malalaking pederasyon
sa ilalim ng All Philippine Trade Unions

makasaysayang Araw ng Mayo Uno
ng uring manggagawa, taas-kamao
kaming bumabati sa lahat sa inyo

ito nga'y panibagong pagkakaisa
magkauri bagamat magkakaiba
nagkaunawa bilang uri talaga

sana, pagkakaisa'y magtuloy-tuloy
bilang uri, wala nang paligoy-ligoy
parang uhay ng palay na sumusuloy

mabuhay kayo, O, Uring Manggagawa!
pagpupugay sa Hukbong Mapagpalaya!

- gregoriovbituinjr.
05.02.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa Mendiola, Mayo Uno, 2023

Presyo, Ibaba! Sahod, Itaas!

PRESYO, IBABA! SAHOD, ITAAS!

"Presyo, Ibaba! Sahod, Itaas!"
na karaniwan nang kahilingan
sistemang ito'y gawing parehas
di pa masabing "Tubo, Bawasan!"

kapag nagtaasan na ang presyo
ng mga pangunahing bilihin
di naman makasabay ang sweldo
nitong abang manggagawa natin

gayong talagang magkatunggali
ay sahod at tubo sa pabrika
gayunman, laban ay di madali
na dapat baguhin ay sistema

tuwing Mayo Uno'y bukambibig
sa manggagawa'y dapat ibigay
ngunit ito'y tila di marinig
ng namumunong pasuray-suray

na sa kapangyarihan ba'y lasing?
ang mga mata'y mapupungay na?
laging tulog? mata'y nakapiring?
kung ganito'y nahan ang hustisya?

- gregoriovbituinjr.
05.02.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa Mendiola, Mayo Uno 2023

Reserbang delata

RESERBANG DELATA

heto't binili'y sampung delata
na pang-isang linggo nang reserba
sardinas na talagang malasa
mga isdang kinulong sa lata

minsan sa mundo'y ganyan ang buhay
lalo't tulad kong di mapalagay
sa mundong saksi sa dusa't lumbay
bagamat may saya ring nabigay

madalas kung iyong iisipin
ito'y talagang pang-survival din
sa mga nasalanta'y pagkain
sa dukha'y delatang mumurahin

ah, mabuting may reserbang ganyan
na panlaban mo sa kagutuman
pagkat nakikipagsapalaran
pa rin sa di patas na lipunan

- gregoriovbituinjr.
05.02.2023

Tulang alay sa Mayo Uno 2023

TULANG ALAY SA MAYO UNO 2023

ngayong Pandaigdigang Araw ng Paggawa
ang kaarawan ng manggagawang dakila
mula sa kanilang kamay na mapagpala
ay umunlad ang daigdig, bayan at bansa

ako'y dati ring manggagawa sa pabrika
ng floppy disk ng computer, mga piyesa
tatlong taong machine operator ng AIDA
press machine, na una kong trabaho talaga

doon ko naunawa ano ang kapital
bakit mababa ang sahod ng nagpapagal
mabuti mang may sweldo, di ako nagtagal
sapagkat nag-resign upang muling mag-aral

hanggang ngayon, dala ko bawat karanasan
doon sa apat na sulok ng pagawaan
hanggang pinag-aralan na itong lipunan
hanggang maging aktibista ng uri't bayan

Manggagawa! Taas-kamaong pagpupugay!
sa pag-unlad ng bansa'y kayo ang nagpanday!
mula Malakanyang, simbahan, hanggang hukay!
buong daigdig ay inukit ninyong tunay!

- gregoriovbituinjr.
05.01.2023