Martes, Pebrero 27, 2024

Karumal-dumal

KARUMAL-DUMAL

"Kalunos-lunos ang sinapit ng 8-anyos na batang babae nang matagpuan kamakalawa ng hapon sa Naragusan, Davao de Oro. Basag ang bungo, may sugat sa mukha, at may marka ng sakal sa leeg ang biktima... May indikasyon ding ginahasa ang biktima, ayon sa pulisya." - ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Pebrero 28, 2024, p.9

"Hustisya!" ang tiyak nating sigaw
sa batang ginahasa't pinatay
"Katarungan!" ang tiyak na hiyaw
ng mamamayan, lalo ng nanay

talaga namang karumal-dumal
ang krimeng gawa ng isang hangal
walong anyos na bata'y sinakal
ginahasa't búhay ay pinigtal

nawa salarin ay masakote
bagamat may isa nang nahuli
na itinuro ng mga saksi
na kasama ng batang babae

ay, talagang nakapaninimdim
ang ginawang karima-rimarim
dapat lang managot ang salarin
sa krimen niyang sadyang malagim

- gregoriovbituinjr.
02.28.2024

Ituloy ang pangarap

ITULOY ANG PANGARAP

patuloy pa rin akong nangangarap
na lipunang makatao'y maganap
kaya kumikilos at nagsisikap
bagamat búhay ay aandap-andap

madama man ang hirap sa gawain
ipaglalaban ang prinsipyong angkin
ipagpapatuloy ang adhikain
tutuparin ang atang na tungkulin

nang lipunang pangarap ay maabot
nang mahusay at walang pag-iimbot
nang mapayapa at walang hilakbot
nang taas ang noo at walang takot

pangarap mag-aral sa kolehiyo
pangarap ding maglingkod sa obrero
pangarap magtapos ng isang kurso
upang may ipagmalaking totoo

di ko man hangad marating ang buwan
itong pangarap ay pagsisikapan
kung uring obrero'y magkaisa lang
matatayo ang asam na lipunan

- gregoriovbituinjr.
02.27.2024

Ang karapatan sa paninirahan sa komiks na Bugoy ni Mang Nilo

ANG KARAPATAN SA PANINIRAHAN SA KOMIKS NA BUGOY NI MANG NILO
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi masasabing lagi na lang patawa ang komiks na Bugoy ni Mang Nilo. Sapagkat sa isyung Pebrero 27, 2024 ng pahayagang Pang-Masa, pahina 7, ay hindi siya kumatha ng komiks na ikatatawa ng tao. Bagkus ay katha ng paglalarawan ng paninirahan ng ibon at tao. Kumbaga, isa iyong pabula na pinagsalita niya ang ibon sa ikatlong kahon ng comics strip.

Naglalarawan ng awa sa naganap na kawalan ng tahanan.

Sa unang kahon ay sinabi ng tao sa kanyang sarili, "Kawawang ibon... Walang masisilungang bahay."

Sa ikalawang kahon ay pagkidlat, at pagkakaroon ng malakas na bagyong naging dahilan upang lumubog ang bahay ng tao, na inilarawan sa ikatlong kahon, kung saan ibon naman ang nagsabi, "Kawawang tao... Lumubog ang bahay!"

Walang nakakatawa, subalit ipinakita ng komiks ang kaibahan ng tao at ibon nang mawalan ang mga ito ng bahay. Ipinakita ang isang katotohanan, na bagamat hindi natin nakikitang nagsasalita ang ibon, maliban marahil sa loro, na naaawa sila sa isa't isa pag nawalan ng tahanan.

Ang ibon ay walang punong masilungan, habang ang tao ang lumubog ang bahay dahil sa bagyo't baha.

Anong gagawin sa ganitong kalagayan? May mga taong nawalan ng tahanan dahil dinemolis, habang ang iba'y itinapon sa malalayong relokasyong malayo sa pinagkukunan nila ng ikinabubuhay.

Kung naitapat pa ang nasabing komiks sa petsang Oktubre 10, masasabi nating itinapat ng may-akda sa World Homeless Day ang kanyang comics strip.

Subalit paano ba natin masasabing may sapat na pabahay o masisilungan ang tao. May batayan para sa maayos at sapat na pabahay na binabanggit sa dokumento mismo ng United Nations (UN) Committee on Economic, Social and Cultural Rights (ESCR). Ito'y nakasaad mismo sa General Comment No. 4 (1991) at General Comment No. 7 (1997) ng nasabing komite. Tinalakay din ito sa Fact Sheet 21 na may pamagat na "The Human Right to Adequate Housing" bilang bahagi ng World Campaign for Human Rights. Narito ang pitong sangkap upang tiyakin ang karapatan sa sapat na pabahay.

1. Ligal na Seguridad sa Paninirahan (legal security of tenure) - isa itong legal na anyo ng proteksyon na magtitiyak sa paninirahan ng mamamayan sa kanilang tahanan at komunidad;

2. Matatamong serbisyo, materyales at imprastraktura (availability of services, materials and infrastructure) - madaling maabot ang likas-yaman, ligtas na inuming tubig, gas sa pagluluto, kuryente, sanitasyon at labahan, tinggalan ng pagkain, tapunan ng dumi at mga serbisyong agarang kailangan (emergency services);

3. Kayang-kayang matamong paninirahan (affordable housing) - hindi dapat magamit sa gastusin sa pagpapagawa at pagpapayos ng bahay ang salaping nakalaan na para sa pagkain, edukasyon at pananamit;

4. Bahay na matitirahan (habitable housing) - ang bahay ay may sapat na espasyo. maluwag para sa titira, may bentilasyon, at yari sa matitibay na materyales na magtitiyak na ang mga titira sa bahay na iyon ay madedepensahan laban sa lamig, init, hamog, ulan, hangin, o anumang banta sa kalusugan, mapanganib na istruktura at sakit;

5. Kayang puntahang pabahay (accessible housing) - madaling puntahan ang lugar at unahin sa mga proyektong pabahay ang mga biktima ng kalamidad, mga may kapansanan, at iba pa;

6. Lokasyon (location) - ang pabahay ay dapat malapit sa lugar ng trabaho at mga serbisyong panlipunan tulad ng eskwelahan, palengke, ospital, libangan, libingan, at iba pa;

7. Sapat na pangkulturang pabahay (culturally adequate housing) - ang disenyo ng pabahay ay dapat na may paggalang sa identidad o kultura ng mga naninirahan, halimbawa'y tribung lumad, muslim o kristyano.

Paano naman ang pabahay sa panahon ng nagbabagong klima, tulad ng naganap na Ondoy at Yolanda, na talagang umugit ng kasaysayan ng trahedya sa ating bansa? halina't tunghayan natin ang ulat ng Special Rapporteur na nalathala sa website ng United Nations Human Rights Office of the High Commissioner. 

The right to adequate housing in disaster relief efforts (2011)

The report of the Special Rapporteur on the right to adequate housing assesses human rights standards and guidelines relevant to an approach to disaster response based on the right to adequate housing and discusses some existing limitations. It elaborates upon key challenges relating to the protection and realization of the right in disaster response: inattention to or discrimination against vulnerable and disadvantaged groups; the overemphasis on individual property ownership and the associated difficulty to recognize and address the multiplicity of tenure forms equally in restitution and recovery programmes; the risks of approaching post-disaster reconstruction predominantly as a business or development opportunity that benefits only a few; and limitations in existing frameworks for reconstruction and recovery.

(Ang karapatan sa sapat na pabahay sa mga pagsisikap sa pagtulong sa kalamidad (2011)

Sa ulat ng Espesyal na Rapporteur sa karapatan sa sapat na pabahay, tinatasa ang mga pamantayan ng karapatang pantao at mga alituntunin kaugnay sa paano ang pagtugon sa kalamidad batay sa karapatan sa sapat na pabahay at tinatalakay ang anumang umiiral na limitasyon. Ipinapaliwanag nito ang mga pangunahing hamon na may kaugnayan sa proteksyon at pagsasakatuparan ng karapatan sa pagtugon sa kalamidad: kawalan ng atensyon o diskriminasyon laban sa mga bulnerable at grupong may kahinaan; ang labis na pagbibigay-diin sa pagmamay-ari ng indibidwal na ari-arian at ang kaugnay na kahirapang kilalanin at tugunan ang maramihang mga anyo ng panunungkulan nang pantay-pantay sa mga programa sa restitusyon o pagsasauli at rekoberi o pagbawi; ang mga panganib ng rekonstruksyon matapos ang kalamidad na gawing negosyo o pagkakataon sa pag-unlad na nakikinabang lamang sa iilan; at mga limitasyon sa umiiral na mga balangkas para sa rekonstruksyon at pagbawi.)

Mayroon ding batas hinggil sa animal welfare, kung titingnan nating ang mga ibon ay animal din, at hindi lang ang mga may apat na paa, tulad ng aso, pusa, baboy, kalabaw, baka, leyon, tigre, at iba pa. 

Halina't basahin natin ang Seksyon 1 ng  Batas Republika 8485 ng ating bansa, na mas kilala ring "The Animal Welfare Act of 1998": It is the purpose of this Act to protect and promote the welfare of all animals in the Philippines by supervising and regulating the establishment and operations of all facilities utilized for breeding, maintaining, keeping, treating or training of all animals either as objects of trade or as household pets. For purposes of this Act, pet animal shall include birds."

Salin sa wikang Filipino: Layunin ng Batas na ito na protektahan at itaguyod ang kapakanan ng lahat ng mga hayop sa Pilipinas sa pamamagitan ng pangangasiwa at pagsasaayos sa pagtatatag at pagpapatakbo ng lahat ng pasilidad na ginagamit para sa pagpaparami, pagpapanatili, pag-iingat, paggamot o pagsasanay ng lahat ng mga hayop, ito man ay para sa kalakalan o kaya'y bilang mga alagang hayop sa bahay. Para sa mga layunin ng Batas na ito, dapat isama sa alagang hayop ang mga ibon.

Malinaw na kasama ang mga ibon sa dapat protektahan ng tao. Kaya ang mga karapatang ito sa paninirahan ng tao at ng mga hayop ay dapat nating batid at igalang. Ginawan ko ng tula ang paksang ito:

ANG TAHANAN NG TAO AT NG IBON SA KOMIKS NI MANG NILO

di patawa lang ang komiks na Bugoy ni Mang Nilo
pagkat nagtalakay ng paksang sosyo-politiko
sa kanyang ideya ay mapapahanga kang totoo
pagkat mapapaisip ka sa paksang ikinwento

hinggil ito sa karapatan sa paninirahan
ng mga tao, ng hayop, ng ibon, ng sinuman
ang food, clothing, shelter nga noon ay napag-aralan
sa eskwela na pangunahing pangangailangan

Tao: "Kawawang ibon... walang masilungang bahay."
sa kanyang sinabi'y tila di siya mapalagay
tapos ay bumagyo, baka may bahay pang natangay
anang Ibon: "Kawawang tao... lumubog ang bahay!"

mabuhay si Mang Nilo sa komiks niya't ideya
simple lang subalit nakakapagmulat talaga
bagamat komiks, ito'y may aral, hindi patawa
pagpupugay po, Mang Nilo, at sa dyaryong Pang-Masa!

02.27.2024

Pinaghalawan:
pahayagang Pang-Masa, Pebrero 27, 2024, pahina 7

Lunes, Pebrero 26, 2024

Ang ISF sa 4PH

ANG ISF SA 4PH

iskwater ang tawag sa kanila
walang sariling bahay talaga
nagdaralita, kapos sa pera
sa bansa nga ba'y initsa-pwera?

nasa tabing ilog ang tahanan
o nasa gilid ng riles naman
o kaya'y sa bangketa sa daan
o saang mapanganib na lunan

iba'y nasa ilalim ng tulay
barungbarong ang tawag sa bahay
sa pagpag kaya'y napapalagay?
kung sa anak ito ang mabigay?

subalit nag-iba ang iskwater
tinawag silang informal settler
families, bahay ma'y nasa gutter
o kaya'y nasa labas ng pader

ISF sa kanila na'y turing
upang di raw magmukhang marusing
kayganda, tila tumataginting
di na iskwater, aba'y magaling

ngunit kalokohan pala ito
sa 4PH ay benepisyaryo
ang ISF, di pala totoo
di pasok at di kwalipikado

para sa may sahod na regular
ang 4PH, bahay ay kalakal
ng negosyante, aba'y kaymahal
sa bayarin ba'y makatatagal?

higit isang milyon ang bayarin
sa munting espasyong babahayin
iskwater na ISF ang turing
ay parang itinulak sa bangin

- gregoriovbituinjr.
02.27.2024

* litrato mula sa google

Panawagan ni Tita Flor ng Oriang

PANAWAGAN NI TITA FLOR NG ORIANG

narinig ko ang panawagan ng magiting
na lider-kababaihan, tumataginting
ang kanyang tinig, may galit ngunit malambing
na sa gobyerno't pulitiko'y may pahaging

salitang binitiwan niya'y ninamnam ko:
dapat nating gawing maayos ang gobyerno
wala raw tayong maaasahan sa trapo
patuloy ang pagsasamantala sa tao

demokrasya ngayon ay para lang sa ilan
kayraming nagaganap na katiwalian
na ginagawang negosyo ng pamunuan
ang kanilang paglilingkod dapat sa bayan

patuloy na magmulat at mag-organisa
upang makamit ang tunay na demokrasya
na tunay na makatarungan, masagana
para sa manggagawa, magsasaka, masa

magbalangkas ng alternatibong gobyerno
na maglilingkod ng tunay sa mga tao
ang gobyerno ng masa'y itayong totoo
makatarungang hamon na sinaloob ko

- gregoriovbituinjr.
02.26.2024

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-38 anibersaryo ng Unang Pag-aalsang Edsa, Pebrero 25, 2024
* ang Oriang ay isang kilusang kababaihan na ipinangalan mula kay Gregoria De Jesus na Lakambini ng Katipunan at naging asawa ni Gat Andres Bonifacio
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/qs6MjIapMj/

Sabado, Pebrero 24, 2024

Kayraming basurang plastik sa Manila Bay

KAYRAMING BASURANG PLASTIK SA MANILA BAY

pinuna ng editoryal sa pahayagang Pang-Masa
ang Manila Bay dahil sa naglutangang basura
ano bang dapat gawin sa nabanggit na problema?
sa bansa'y "sachet economy" ang tinaguri pa

imbes na nakabibighaning paglubog ng araw
ay tone-toneladang plastik yaong matatanaw
naglutangang single use plastic ay doon naligaw
sa nangyayari bang ito'y anong iyong pananaw?

ayon pa sa ulat, Manila Bay daw ang hantungan
ng mga basura ng nakapaligid na bayan
at lungsod, pawang basurang plastik na pinaglagyan
ng shampoo, kape, ketsup, chicharon, noodles din naman

dahil sa kultura natin ay nauso ang tingi
bibilhin ang nais batay sa hawak na salapi
konting shampoo, samplastik na toyo, ay, pinadali
ang buhay, single use plastic na'y gamit nang masidhi

kaya pangangalaga sa paligid ay paano?
kung bawat tingi ay may plastik, bibilhing totoo
maning limang piso, bawat butil ng bawang piso
tambak na ang plastik, may magagawa pa ba tayo?

- gregoriovbituinjr.
02.24.2024

Biyernes, Pebrero 23, 2024

Pagkatha't pakikibaka

PAGKATHA'T PAKIKIBAKA

paano nga ba tutulain
ang bawat naming adhikain
nang ginhawa ng masa'y kamtin
at malutas ang suliranin

habang naritong patuloy pa
sa pagkatha't pakikibaka
para sa naaaping masa
laban sa bulok na sistema

labanan ang mga kuhila
burgesyang palamarang sadya
kapitalismo'y masawata
pagkat pahirap sa dalita

lagi pa ring taaskamao
kasama ang uring obrero
isusulat ko sa kwaderno
ang tindig sa maraming isyu

ako'y wala sa toreng garing
kundi nasa pusaling turing
nasa lupa ng magigiting
at dito na rin malilibing

- gregoriovbituinjr.
02.24.2024

Pagtitig sa kisame

PAGTITIG SA KISAME

at muli, nakatitig ako sa kisame
pinagnilayan ang nadinig na mensahe
bakit kayraming tiwali, trapo't salbahe
bakit ba api ang dukha, bata't babae

sa ganyang sistema, ayokong manahimik
anumang puna't nakita'y isasatitik
marami man silang sa isyu'y walang imik
habang masa'y parang bawang na dinidikdik

ano bang meron sa kisame kundi sapot
marahil ng gagamba o baka may surot
subalit ang lipunan ay tadtad ng sapot
ng mga tuso't tiwali, nakalulungkot

kayraming trapong nang-iisa, nanggigisa
ng mga dukhang sa kanila umaasa
akala sila'y mga diyos at diyosa
na kaligtasan ng bayan ay tangan nila

walang dapat mang-api o mambubusabos
walang isang tagapagligtas, manunubos
masa't uring manggagawa na'y magsikilos
nang sistemang bulok ay tuluyang matapos

- gregoriovbituinjr.
02.24.2024

* litrato ng kisame mula sa naganap na Labor Forum on ChaCha sa UP, Pebrero 22, 2024

Pag-awit ng Manggagawa

PAG-AWIT NG MANGGAGAWA

naroon sa entablado ang Teatro Pabrika
at ang Teatro Proletaryo, sabay kumakanta
ng awitin sa Manggagawa, kahali-halina
sadyang tagos sa puso't diwa ang inawit nila

nagsiawit sila habang nasa kalagitnaan
ng Labor Forum on ChaCha, mahabang talakayan
hinggil sa nagbabagang isyu sa ating lipunan
sasayaw ba tayo sa ChaCha at sa papirmahan?

patuloy kong dininig ang awit na Manggagawa
sa kasalukuyang rehimen ba'y anong napala?
bakit ibubuyangyang sa dayo ang ating bansa
na siyang nais ng mga kongresista't kuhila?

tila ba ako'y hinehele sa kanilang awit
tinig nila'y may lungkot subalit nakakaakit
prinsipyo't paninindigan sa awit nila'y bitbit
"Mabuhay ang manggagawa!" ang tangi kong nasambit

- gregoriovbituinjr.
02.23.2024

* binidyo ng makata habang sila'y umaawit sa UP nang ilunsad ang Labor Forum on ChaCha, Pebrero 22, 2024
* mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/qo4KiowwaT/

Huwebes, Pebrero 22, 2024

Di tahimik ang aming panulat

DI TAHIMIK ANG AMING PANULAT

minsan, maraming bagay ang di nabibigkas
marahil dahil nagbabanta'y pandarahas
nagiging walang imik, agad umiiwas
nang di mapaso sa nguso't halik ni hudas

kaya marahil dinadaan sa panitik
upang maipakitang tayo'y umiimik
sa maraming isyung sa bayan dumidikdik
ipahayag ding di tayo nananahimik

prinsipyo't tindig ay tinatanganang buô
at di kami mananatiling walang kibô
kahit pasista pa ang sa amin sumundô
pagtortyur man o pagpaslang ang maging lundô

magpapatuloy kami sa panunuligsâ
sa mga tiwali, gahaman, tusong gawâ
narito kaming mag-uulat at tutulâ
bakasakaling hustisya'y kamtin ng dukhâ

- gregoriovbituinjr.
02.23.2024

Di pa napapanahon ang ChaCha

DI PA NAPAPANAHON ANG CHACHA

nagtatago sa ngalang People's Initiative
na pinapipirma kahit ang nasa liblib
ginagamit ang masa sa ambisyong tigib
ang totoo, iyan ay Trapo Initiative

ano bang nais baguhin sa Konstitusyon?
o gaya ng dati, nais ay term extension?
gagalawin daw ang economic provision
upang sa dayuhan buksan ang bansa ngayon

kayrami nang iskwater sa sariling lupa
ay gagawin pang sandaang poryentong sadya
ang pag-aari ng dayo sa ating bansa
sandaang porsyentong iskwater malilikha

subalit bakit nagsimula nito'y trapo
kongresista, meyor, ang nanguna umano
pumirma ka, pagkat may ayuda raw ito
tila baga sila'y bumibili ng boto

aba'y inuuto ang masang maralita
na sa lipunan ay nakararaming sadya
walang papel dito ang dukha't manggagawa
at di rin ito inisyatibo ng madla

kaya dapat lang tutulan ang ChaCha ngayon
di pa marapat baguhin ang Konstitusyon
pagkat ang ChaCha ay di pa napapanahon
mabuti kung ito'y bunga ng rebolusyon

wawakasan ang elitistang paghahari
at ugat ng hirap - pribadong pag-aari
itatayo natin yaong lipunang mithi
na makikinabang ay bayan, uri't lahi

lilikhain dito'y bagong Saligang Batas
na uring manggagawa ang dito'y kukumpas
habang tinatayo'y isang lipunang patas
na palakad sa tao'y sistemang parehas

isang Konstitusyong likha ng sambayanan
di ng mayayaman, elitista't gahaman
ipapamahagi ang yaman ng lipunan
ng pantay, walang mahirap, walang mayaman

- gregoriovbituinjr.
02.22.2024

* Kinatha at binigkas ng makata bilang reaktor sa FDC Forum on ChaCha sa umaga, at sa Labor Forum on ChaCha sa hapon ng Pebrero 22, 2024.

Martes, Pebrero 20, 2024

Si dating Sen. De Lima sa World Day of Social Justice

SI DATING SEN. LEILA DE LIMA SA WORLD DAY OF SOCIAL JUSTICE
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga dumalo sa The Adrian E. Cristobal Lecture Series 2024 sa Gimenez Gallery, UP Diliman, Pebrero 20, 2024, araw ng Martes, sa ganap na ikatlo hanggang ikalima ng hapon. Ang panauhing tagapagsalita ay si dating Senadora Leila Mahistrado De Lima.

Dumalo ako dahil palagay ko'y itinaon ang nasabing pagtitipon sa Pebrero 20 dahil iyon mismo ay UN-declared World Day of Social Justice. Nang una kong mabatid ang nabanggit na araw ay talagang itinaguyod ko na ito.

Nakasalubong ko ang araw na ito habang nagsasaliksik ng araw na inideklara ng United Nations para sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung saan naglabas noon ng pahayag ang KPML hinggil sa World Day of Social Justice.

Kaya dinaluhan ko ang panayam kay De Lima. Naisip kong sadyang itinapat ang panayam sa Pebrero 20, dahil nga World Day of Social Justice. Ikalawa pa lang ng hapon ay naroon na ako sa Gimenez Gallery. Ikatlo ng hapon ay nagsimula na ang palatuntunan sa pamamagitan ng Lupang Hinirang. Sunod ay Opening Remarks ni Gng. Susan S. Lara, Ikalawang Pangulo ng UMPIL o Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas. Sinundan ito ng Welcome Remarks ni Propesor Jimmuel C. Naval, Dean ng College of Arts and Letters ng UP Diliman, at isa sa aking guro sa Palihang Rogelio Sicat Batch 15.

Ang nagsalita naman hinggil sa kasaysayan at layunin ng The Adrian Cristobal Lecture Series, na nagsimula pa noong 2010, ay si Ms. Celina S. Cristobal, kinatawan ng Cristobal Family Foundation, at dating board member ng UMPIL.

Sunod ay ipinakilala at tinawag ni Ms. Jazmin B. Llana ang panauhing tagapagsalita na si dating Senadora Leila De Lima. Ang pamagat ng lektura ni De Lima ay "Gender and Political Oppression", kung saan nagtala ako ng ilan sa kanyang mga ipinahayag sa aking munting kwaderno.

Sa open forum ay una akong nagtaas ng kamay at tinawag agad ako ng moderator na si Clarissa Militante. Sabi ko, "Kanina ay nabanggit po ni Mam Celina Cristobal na kaya Pebrero 20 itinaon ang lektura ay dahil ang petsang ito ang kaarawan ng namayapang awtor na si Adrian E. Cristobal. Akala ko po ay dahil itinaon ang lektura ninyo dahil ngayon ay UN-declared World Day of Social Justice". Sabi naman ni De Lima, "Isa rin sa aking advocacy ang social justice. Salamat sa paalala."

Bagamat walang isa sa nagsabi na ang araw na iyon ay World Day of Social Justice ay nabanggit natin na mayroong ganitong araw.

Nang una kong mabatid ang World Day of Social Justice ay kinulit ko na ang ilang mga kasama sa IDefend, isang human rights platform na maraming kasaping organisasyon. Dahil sa aking pangungulit noong 2019 ay naglunsad ang IDefend ng aktibidad hinggil sa usaping ito. Kaya isang malaking karangalan na napansin ang araw na ito.

Subalit hindi ito kasintindi ng pagkilala sa International Human Rights Day tuwing Disyembre 10. Bagamat magkaugnay ang Human Rights at Social Justice, na ang katibayan ay matatagpuan natin sa ating Konstitusyon ng 1987 kung saan ang pamagat ng Artikulo 13 ay "Social Justice and Human Rights."

Sana'y maging ganap at popular ang pagkilala ng mamamayan sa World Day of Social Justice, tulad ng kung paano kinikilala ng mga human rights organizations, civil society, people's organizations, government agencies, at iba pang grupo, ang International Human Rights Day. Hinggil sa paksang ito, mangyaring tingnan at basahin ang kasaysayan ng araw na ito sa kawing na https://www.un.org/en/observances/social-justice-day kung saan pinangunahan ang pagpapatibay nito ng samahang paggawa na International Labour Organization (ILO).

Isa nga sa ginawa kong disenyo ng plakard sa araw na iyon ay may litrato ng kandila sa gitna, at sa itaas ay nakasulat: "February 20 is World Day of Social Justice" at sa ibaba nito ay "Katarungan sa lahat ng biktima ng EJK!" Pinadala ko ito sa messenger ng isang ina ng EJK victim, at ang kanyang sabi, "Salamat sa pakikiramay."

Tinapos naman ni G. Michael M. Coroza, pangulo ng UMPIL, ang palatuntunan sa pamamagitan ng pagbigkas ng tulang pinamagatang "Mapagpalang Daigdig". Matapos iyon ay nagkodakan na, sa gitna ang panauhing tagapagsalita, kasama si National Artist Virgilio Almario.

Matapos ang panayam ay saglit din kaming nagkausap nina Dean Jimmwel Naval at Propesor Joey Baquiran. May pameryenda rin. at bago umalis ay bumili ako ng librong "The Adrian E. Cristobal Lecture Series 2010-2017". Lampas na ng ikalima ng hapon nang ako'y umalis.

Ginawan ko ng tula ang karanasang ito.

LEILA DE LIMA AT ANG USAPING SOCIAL JUSTICE

halina't itaguyod ang World Day of Social Justice
bukod sa karapatan, tao'y di dapat just-tiis
pag-abuso sa karapatan ay dapat mapalis
hustisyang asam ng masa nawa'y kamting mabilis

Social Justice ay itaguyod saanmang arena
kaya sa A. Cristobal Lecture Series ay nagpunta
nag-aakalang mabanggit ni dating senadora
De Lima ang araw na itong napakahalaga

sa paksa niyang "Gender and Political Oppression"
ay isiniwalat ang danas sa pagkakakulong
anong nasa puso't diwa higit anim na taon
ng pagkapiit, anong mga dumating na tulong

nagpapasalamat ako't doon ay nakadalo
at ang araw na nabanggit ay naisiwalat ko
na sana'y tumimo talaga sa isip ng tao
na araw na ito'y dapat ding kilanling totoo

02.21.2024

Lunes, Pebrero 19, 2024

Alikabok

ALIKABOK

kailangang kilusang masa'y palakasin
nang nawalang tinig ng api ay bawiin
ang alikabok man kung aalalahanin
sa mata ng naghahari'y makapupuwing

kaya magpatuloy tayong mag-organisa
upang mamulat sa mga isyu ang masa
upang sila'y magalit sa trapo't burgesya
upang mapalitan ang bulok na sistema

ang mahihirap ay tinuring na basahan
parang alikabok na aapak-apakan
dapat bawiin ang puri o karangalan
na sa kanila'y inagaw nitong gahaman

bakit ba dukha'y tinuring na alikabok?
sabi sa awit na dapat nating matarok
tayo'y kumilos, baligtarin ang tatsulok
at silang dukha ang ilagay mo sa tuktok

- gregoriovbituinjr.
02.20.2024

P60 na ang kilo ng bigas

P60 NA ANG KILO NG BIGAS

kilo ng bigas ay sisenta na
ay, ganyan na kamahal ang benta
bente pesos ay one third kilo na
ang pangako'y napako talaga

anong nangyari, bakit ganito
sa ilalim ng kapitalismo
tingin ng magsasaka ba'y ano?
anong pananaw ng masa rito?

nagpunta nga ako sa bigasan
sa kalapit naming pamilihan
doon ay nagpalitrato naman
nang presyo nito'y may katibayan

kaymahal na ng bigas sa atin
pambili rito'y saan kukunin
salapi sa bulsa'y titipirin
kaya tipid na rin sa pagkain

- gregoriovbituinjr.
02.19.2024

Ako'y aktibista, may dugong bayani

AKO'Y AKTIBISTA, MAY DUGONG BAYANI

ako'y aktibista, / may dugong bayani
lahing Bonifacio, / Rizal, at Mabini
diwang Che at Lenin / idolong matindi
na sadyang sa uri't / bayan nagsisilbi

di lang lumalaban / sa tusong dayuhan
kundi mapang-api, / burgesyang gahaman,
sa kapitalistang / kunwa'y makabayan,
at sa naghaharing / buwayang iilan

nais ko'y lipunang / sadyang makatao
nais na hustisya'y / makamtang totoo
nais na pawiin / pag-aring pribado
ibahaging pantay / ang yaman ng mundo

ako'y aktibista, / hindi makabayan
na internasyunal / ang paninindigan
pag may api kahit / hindi kababayan
ay kauri silang / dapat ipaglaban

naririto pa rin, / wala mang salapi
sa rali't pagkilos / ay mananatili
sadyang naglilingkod / sa masa't kauri
aming ibabagsak, / uring naghahari

ako'y aktibista, / puso'y pandaigdig
uring manggagawa / ang kakapitbisig
sa internasyunal, / api'y kapanalig
sa mapambusabos / ay di palulupig

- gregoriovbituinjr.
02.19.2024

Sabado, Pebrero 17, 2024

Pinagputol na puno

PINAGPUTOL NA PUNO

nadaanan ko'y punong pinutol
sa kalsada, sino ang humatol
upang puno'y tuluyang malipol
ang sambayanan ba'y di tumutol

mga nalikha'y mumunting troso
ng sinumang hinusgahan ito
ang mga puno raw ay perwisyo
kaya raw dapat putling totoo

ah, kailan pa naging balakid
ang mga puno nating kapatid
na tila sa dilim ibinulid
ng palalong perwisyo ang hatid

di sagabal sa kapaligiran
yaong tumubo sa kalikasan
na nauna pa sa sambayanan
puno'y dapat lamang protektahan

- gregoriovbituinjr.
02.18.2024

Paano

PAANO

paano itatanim ang binhi
upang maabot ang minimithi
paano mawala ang pighati
na dahilan ng pagkakahati

paano ilalagay sa kamay
hindi ang batas, kundi ang pakay
paano mapatatag ang hanay
at kamtin ang asam na tagumpay

paano isusulat ang paksâ
hinggil sa manggagawa't dalitâ
paano natin dapat ikathâ
ang mga sanaysay, kwento't tulâ

paano ba ang estratehiya
sa buo, paano ang taktika
sitwasyon ba'y nasuri't nabasa
nang magwagi sa pakikibaka

- gregoriovbituinjr.
02.17.2024

Biyernes, Pebrero 16, 2024

Upang

UPANG

ano bang aking gagawin o iisipin
upang mapagtanto ang misyon ko't layunin
upang ang bawat pakikibaka'y asamin
upang mga isyu ng bayan ay dibdibin
upang mga buktot at tiwali'y lipulin

upang planong nobela'y talagang makatha
upang akdain ang naisip na pabula
upang malinang ang kaalaman sa tula
upang maisatitik ang balak na dula
upang sumulat ng dagli't kwentong pambata

upang makapagpatuloy sa nilalandas
upang mapigilan ang mga talipandas
upang makaiwas sa mga tuso't hudas
upang batas ay mapatupad ng parehas
upang makapagtatag ng lipunang patas

- gregoriovbituinjr.
02.16.2024

Huwebes, Pebrero 15, 2024

Nagigising ng madaling araw

NAGIGISING NG MADALING ARAW

nagigising ng madaling araw
ako nga'y naaalimpungatan
pagkat may paksang biglang lilitaw
na punong-puno ng katanungan

maralita ba'y kaawa-awa
pinagsasamantalahan lagi
ito'y lipunan ng manggagawa
subalit kaapiha'y masidhi

binubuhay nila ang lipunan
binubundat ang kapitalista
ang ganito ba'y makatarungan?
ah, bakit ba bulok ang sistema?

kayraming paksa pag nahihimbing
sa akin animo'y nanggigising

- gregoriovbituinjr.
02.16.2024

Lunes, Pebrero 12, 2024

Sa Daang Masikap at Marunong

SA DAANG MASIKAP AT MARUNONG

sa Daang Masikap at Marunong
Pagsisikap ay nakasalubong
magtatagumpay ang Edukasyon
kung patuloy pa rin sa pagsulong

pangarap kong maging inhinyero
kaya sipnaya'y inaaral ko
pangarap ding itayong totoo
asam na lipunang makatao

dapat aralin din nating lubos
ang lipunang kayrami ng kapos
dapat ding magsikap at kumilos
laban sa mga pambubusabos

sa daang Marunong at Masikap
ay tutupdin natin ang pangarap
lipunang asam ay maging ganap
bagamat di mangyari sa iglap

tara sa Masikap at Marunong
at magkapitbisig sa pagsulong
pagsikapang makamtan ang layon
nating lipunan at edukasyon

- gregoriovbituinjr.
02.13.2024

Natutunan mo'y di maaagaw ninuman

NATUTUNAN MO'Y DI MAAAGAW NINUMAN

"The beautiful thing about learning is that nobody can take it away from you." ~ B.B.King

sa palaisipan nalamang tunay
ang sipi sa pagsusunog ng kilay
edukasyon mo'y di raw maaagaw
ninuman tulad ng init ng araw

palaisipang abang lagi roon
sa dyaryong Pilipino Star Ngayon
isusulat mo ang titik sa kahon
na siyang numerong katumbas niyon

salamat naman sa siping nabanggit
ng isang kompositor-mang-aawit
dunong ay di maaagaw nang pilit
pagkat sa diwa mo na'y nakaukit

buti't ganyang sipi'y ating nalaman
pagkat isa nang gintong kaisipan
may aral din sa bawat karanasan
na gurong di maaagaw ninuman

- gregoriovbituinjr.
02.12.2024

* sipi - salin ng quotation, ayon sa English-Tagalog Dictionary ni Leo James English, pahina 815
* mula sa PSN, 02.12.2024, p.10

Linggo, Pebrero 11, 2024

18-days campaign on Women and Social Justice

18-DAYS CAMPAIGN ON WOMEN AND SOCIAL JUSTICE
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang Proclamation 1172 noong Nobyembre 17, 2006 na pagsasabatas ng isang advocacy campaign na tinawag na 18-Day Campaign to End Violence Againt Women. Ito'y taun-taon na labingwalong araw na kampanya mula Nobyembre 25 - International Day for the Elimination of Violence Against Women hanggang Disyembre 12 - International Day Against Trafficking.

Gayunman, una muna'y 16-Day Campaign Against Violence Women, mula Nobyembre 25 - International Day to Eliminate Violence Against Women hanggang Disyembre 10 - International Human Rights Day. Subalit binago nga ito ng Proklamasyon ni GMA upang isama ang International Day Against Trafficking.

Ngayon naman, naisipan nating magmungkahi na dapat may 18-days na kampanya rin mula Pebrero 20 - World Day of Social Justice hanggang Marso 8 - International Women's Day. Bakit?

Sa global ay may 16 Days of Activism against Gender-Based Violence mula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 10, at sa ating bansa ay may 18-Day Campaign to End Violence Againt Women, mapapansin nating parehong inuna ang pandaigdigang araw ng kababaihan laban sa karahasan - Nobyembre 25. Habang sa global ay tinapos naman ito sa International Human Rights Day.

Sa ating Saligang Batas naman, mayroong tayong Artikulo 13 hinggil sa Social Justice and Human Rights. Magkaugnay ang hustisyang panlipunan at karapatang pantao kaya marahil pinagsama ito sa isang Artikulo. Nakasaad nga sa seksyon 1 nito ang pagpapahalaga sa karapatang pantao: "Section 1. The Congress shall give highest priority to the enactment of measures that protect and enhance the right of all the people to human dignity, reduce social, economic, and political inequalities, and remove cultural inequities by equitably diffusing wealth and political power for the common good." habang sa Seksyon 2 naman ay ang pagpapahalaga sa katarungang panlipunan o hustisyang panlipunan: "Section 2. The promotion of social justice shall include the commitment to create economic opportunities based on freedom of initiative and self-reliance."

Magkaugnay din bilang isyu ng kababaihan ang Marso 8 - Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, at Nobyembre 25 - International Day for the Elimination of Violence Against Women.

Kaya ang mungkahi ko, kung may 18-Day Campaign to End Violence Againt Women, dapat ding may 18-Days Campaign on Women and Social Justice, kung leap year tulad ngayong taon, at magiging 17-Days Campaign on Women and Social Justice, kung hindi leap year.

Mahalaga ang social justice sa kababaihan. Mahalagang makamtan ng kababaihan ang hustisyang panlipunan. 

Marahil may magsasabing dagdag lamang ito sa mga kampanya sa kababaihan. Marahil may magsasabing mayroon nang CEDAW o Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination Against Women.

Ayon sa praymer na Tagalog hinggil sa CEDAW: "Ayon sa paunang salita ng CEDAW, ang patuloy na diskriminasyon laban sa kababaihan ay patunay lamang na hindi sapat ang mga internasyunal na makinarya sa karapatang pantao na ipagtanggol ang karapatang pantao ng babae. 'Ang diskriminasyon laban sa kababaihan ay malinaw na paglabag sa mga prinsipyo ng pagkakapantay-pantay at paggalang sa karapatang pantao' na siyang kumikitil sa partisipasyon ng babae, kapantay sa lalaki, sa lahat ng larangan ng kaunlaran at kapayapaan."

Doon ay mas pintungkulan ang karapatang pantao, at hindi nabanggit ang hustisyang panlipunan. Marahil ay ating pansinin o pokusan paano naman ang hustisyang panlipunan sa kababaihan? Nariyan ang sinasabing double burden o triple burden sa kababaihan, tulad ng manggagawang kababaihan na pagkagaling sa trabaho ay siya pang magluluto ng hapunan at mag-aasikaso ng mga anak, imbes na magpahinga galing sa trabaho. Tapos ay baka hindi rin pantay ang sahod ng manggagawang kalalakihan sa manggagawang kababaihan, gayong pareho silang walong oras na nagtatrabaho. Halimbawa lang iyan.

Kaya ang mungkahi ko, magkaroon din ng 18-Days Campaign on Women and Social Justice mula Pebrero 20 - World Social Justice Day hanggang Marso 8 - International Women's Day, kung leap year, at kung hindi naman leap year ay 17-Day Campaign on Women and Social Justice. Ginawan ko ng tula ang munting kahilingan o mungkahing ito:

PANLIPUNANG HUSTISYA PARA SA KABABAIHAN

karapatang pantao ng kababaihan
sa buong daigdigan ay dapat igalang
sila ang kalahati ng sangkatauhan
lola, inay, tita, single mom, misis, inang

ngunit dapat din nating pagtuunang pansin
ang katarungang panlipunang dapat kamtin
ng kababaihan, ng lola't nanay natin
ng single mother, ng dalaga't daliginding

bigyan natin ng araw ng pag-aalala
iyang usapin ng panlipunang hustisya
para sa kababaihan ay makibaka
kumilos tungong pagbabago ng sistema

mugkahi'y ikampanya natin, nila, ninyo
mula Pebrero Bente hanggang Marso Otso
ay labingwalong araw na kampanya ito
na kung hindi leap year, araw ay labimpito

02.12.2024

* Pinaghalawan ng datos:
https://www.officialgazette.gov.ph/2006/11/17/proclamation-no-1172-s-2006/
https://chanrobles.com/article13.htm
https://www.dbp.ph/wp-content/uploads/2018/06/CEDAW.pdf
* litrato mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 11, 2024, p.2

Sabado, Pebrero 10, 2024

P20 ang 1/3 kilong bigas

P20 ANG 1/3 KILONG BIGAS

alam mo, bigas na one third kilo
aba'y bente pesos na ang presyo
malayo sa pangako sa tao
bola lang pala ng pulitiko

- gregoriovbituinjr.
02.10.2024

* litrato mula sa google

Miyerkules, Pebrero 7, 2024

Manipesto

MANIPESTO

ang manipesto ay pahayag na pambayan
o maaari namang pangsangkatauhan
sapagkat gabay sa maraming mamamayan
na mithi'y maging makatao ang lipunan

mayroong ding makasariling manipesto
tulad ng librong Unabomber's manifesto
ng nakilala ring gurong matematiko
nang sa sistema'y ipilit ang pagbabago

Capitalist Manifesto ay nariyan din
na mga nilalaman ay dapat alamin
baka kakontra sa lipunang asam natin
na makinabang ay elitista't salarin

Communist Manifesto ang para sa bayan
pagsusuri sa kalagayan ng lipunan
na malinaw ang makauring tunggalian
pribadong pag-ari'y ugat ng kahirapan

kayraming manipestong kaya isinulat
upang sa kanilang kapwa'y makapagmulat
hinggil sa adhikaing isinabalikat
na umaasam na matatanggap ng lahat

- gregoriovbituinjr.
02.08.2024

Martes, Pebrero 6, 2024

Nilay sa lakad

NILAY SA LAKAD

paano lalakarin ang hangganan
ng kabuhayan at ng kamatayan
o ng mga baku-bakong lansangan
o pagitan ng dagat at daungan

ginto ba sa dulo ng bahaghari
ay sadyang kathang isip lang o hindi
iyon nga ba'y tulay ng pagdidili
sa kabilang ibayong di mawari

sa maalinsangang lungsod dumalaw
di kaiba sa gubat na mapanglaw
na maraming ahas ding gumagalaw
walang prinsipyo, isip ay balaraw

tulad din ng kapitalistang tuso
gusto'y gawing kontrakwal ang obrero
gustong sa pulitika'y maging trapo
gusto'y mang-isa, di tapat sa tao

sana'y matagpuan sa paglalakad
yaong makataong sistemang hangad
pag nangyari'y wasto na bang ilahad
na sa mabuti na tayo napadpad

- gregoriovbituinjr.
02.07.2024

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad sa U.P.

Kandila

KANDILA

kagabi, kayrami naming nagsindi ng kandila
sa marker na malapit sa kinatumbahang sadya
sa tinuring na bayani ng uring manggagawa
kasama'y iba't ibang sektor, pawang maralita

humihiyaw ng hustisya ang mga talumpati
dahil wala pang hustisya sa bayani ng uri
"Hustisya kay Ka Popoy Lagman!" sigaw na masidhi
pati kandila'y lumuha, tila nagdalamhati

sinipat ko ang mga naroon, may kabataan
na di naabutang buhay ang pinararangalan
habang ang mga matatanda'y ikinwento naman
ang kanilang pinagsamahan, ang kabayanihan

tinitigan ko ang mga kandila, nauupos
hanggang nagsayawang apoy ay nawala, naubos

- gregoriovbituinjr.
02.07.2024

Tubig at sky flakes

TUBIG AT SKY FLAKES

pantawid gutom ko'y sky flakes lang at tubig
upang kahit papaano pa'y makatindig
upang tinig ng aping masa'y iparinig
at samahan sila sa pagkakapitbisig

basta may laman ang tiyan, ako'y kikilos
upang madla'y maabot niring pusong taos
na ang sistemang bulok, ang pambubusabos,
ang kaapihan, lahat iyan matatapos

sa sky flakes at tubig ay tiis-tiis lang
baka mamaya'y may masarap na hapunan
na baka bigay ng kasama't kaibigan
upang makakilos pa rin para sa bayan

kahirapan sa sarili'y di maisumbat
kundi inspirasyon sa nagnaknak kong sugat
salamat sa sky flakes at tubig, salamat
pagkat lumakas din ako't nakapagmulat

- gregoriovbituinjr.
02.06.2024

Lunes, Pebrero 5, 2024

Napaaga ng dating sa U.P.

NAPAAGA NG DATING SA U.P.

napaaga ng dating sa U.P.
subalit ano pang dapat gawin
ah, marahil ay magmuni-muni
hinggil sa sistemang babaguhin

sa harap ng marker ng bayani
lugar kung saan siya bumagsak
sa manggagawa dapat masabi
sistemang bulok ating ibagsak

trapo't elitistang mapanghamak
ay dapat lang labanan nang ganap
sa kapitalismong mapangyurak
ipalit ay lipunang pangarap

mamaya'y magsisidatingan na
ang mga kasamang matatatag
sa laban, muling nagkita-kita
upang makinig at magpahayag

- gregoriovbituinjr.
02.06.2024
* kuha ng makatang gala sa gilid ng UP Bahay ng Alumni, sa ika-23 anibersaryo ng pagpaslang sa lider-manggagawang si Ka Popoy Lagman; alas-dos ay nasa venue na, alas-tres pa ang usapang dating ng mga kasama

Salin ng tatlong akdang Lenin

SALIN NG TATLONG AKDANG LENIN

Mamayang hapon sa isang munting pagtitipon, ipamamahagi ko ang tatlong akdang aking isinalin: ang sulatin ni Lenin na 3 sources and 3 component parts of Marxism, ang akda ni Leon Trotsky na Talambuhay ni Vladimir Ilyich Lenin, at ang akda ni Ho Chi Minh na Ang Landas na Gumiya sa Akin sa Leninismo.

Magdadala rin ako ng munting lata na ang nakasulat: "Munting ambag sa gawaing translation at dyaryo. Maraming salamat po!" Ito'y upang makapagparami pa ng gawa, at maraming mabahaginan nito. Mahirap din kasi ang pultaym, pulos sariling gastos at walang balik na salapi. Kaya mag-ambag ng munting kakayanan. Pasensya na.

Ito ang munti kong tula hinggil dito:

ANG TATLO KONG SALIN NG AKDANG LENIN

may sulatin si Lenin na isinalin ko:
Ang Tatlong Pinagmulan at Magkakasamang
Bahagi ng Marxismo, kaygandang basahin
na handog sa mga aktibistang tulad ko

ikalawa'y ang sinulat ni Leon Trotsky:
ang Talambuhay ni Vladimir Ilyich Lenin;
ikatlo'y Ang Landas na Gumiya sa Akin
sa Leninismo, na sinulat ni Ho Chi Minh

sa pagtitipon mamaya, abangan ninyo
O, kapwa Leninista, kapwa aktibista
munting ambag lang upang maparami ito
ay sapat na para sa pultaym na tulad ko

ngayong taon, sentenaryo ng kamatayan
ni Lenin kaya mga akdang saling ito
sana'y mabasa at mahanguan ng aral
tungong panlipunang pagbabago, salamat

- gregoriovbituinjr.
02.06.2024