Sabado, Pebrero 14, 2026

Never Again

NEVER AGAIN

"Never Again"
anang tibak
sa t-shirt ko
nakatatak
"Never Again"
na'y palasak
karanasang
nakaimbak
sa daan kong
tinatahak
kahit ito'y
lubak-lubak
nakatanim
na sa utak

- gregoriovbituinjr 
02.14.2026

Biyernes, Pebrero 13, 2026

Sa ika-7 Black Friday Protest ng 2026

SA IKA-7 BLACK FRIDAY PROTEST NG 2026

tumapat ng Friday the 13th ang protesta
laban sa mga kurakot at palamara
"mga kurakot, ikulong!", sigaw ng masa
nais nilang kamtin ng bansâ ang hustisya!

kapag dukhang gutom, nagnakaw, agad kulong!
ngunit yaong sa kaban ng bayan nandambong
ng bilyon-bilyong piso ay imbestigasyon
muna sila nina TONGresman at SenaTONG

sa ating bansa'y kawawà ang mamamayan
dahil sa kurakutan sa pamahalaan
kayâ nagbubundatan ang nanunungkulan
kayâ dapat nang kumilos ang sambayanan

mga dinastiyang pulitikal, lansagin!
bulok na sistema'y palitan at durugin!
sistemang patas sa lahat na'y pangarapin!
lipunang makatao'y itayo na natin!

- gregoriovbituinjr.
02.13.2026 (Friday the 13th)

Panagutin ang buktot

panagutin ang buktot
ituwid ang baluktot
ikulong na't managot
ang lahat ng kurakot

- tanaga-baybayin
gbj/02.13.2026 
(7th Black Friday Protest ng 2026)

Mahirap bansagang makatâ ng lumbay

MAHIRAP BANSAGANG MAKATÂ NG LUMBAY

mahirap bansagang / makatâ ng lumbay
kung nakita'y pulos / hinagpis na tunay
ganyan ako mulâ /asawa'y namatay
pawang luha na lang / ang aking kaakbay

subalit paano / ang aking gagawin
kung tangi kong sinta'y / nawalâ sa akin
yaring kapalaran / ng makatang taring
ay mababasa lang / na luhà ang sapin

ang búhay na ito'y / talaga bang ganyan?
pawang dalamhati / ang nasisilayan?
o ang makatâ na'y / nagulumihanan?
pagkat tinahak na'y / landas ng kawalan?

kahungkagang iwi / yaring dumadaloy
sa bawat kong ugat, / ano pang susuloy
buti't ang makata'y / di pa nagpalaboy
pagkat yaong pluma / wari'y nag-aapoy

- gregoriovbituinjr.
02.13.2026 (Friday the 13th)

Huwebes, Pebrero 12, 2026

Ang pabahay ay karapatang pantao

ANG PABAHAY AY KARAPATANG PANTAO

batid ng maralitâ ang katotohanang
bawat pabahay ay pantaong karapatan
kayâ iyang demolisyon ay kasamaan
pagkat dangal ng dukhâ ang niyuyurakan

kayâ dukha'y patuloy na nakikibaka
pagkat magkaroon ng bahay ay hustisya
bahay at búhay ay ipaglalaban nila
laban sa mga tuso't mapagsamantala

lalaban nakatira man sa barungbarong
upang ipagtanggol ang kaunti mang meron
ipaglalaban kahit maliit mang silong
basta't sa pamilya'y mayroong nagkakanlong

kayâ bago kayo magdemolis ng bahay
ng maralitâ, pag-isipan ninyong tunay
hangga't wala pang malilipatang mahusay
huwag silang galawin nang walang umaray

- gregoriovbituinjr.
02.12.2026

* litrato mulâ sa google

Ang tula'y aking tulay - tanaga-baybayin

ang tula'y aking tulay
sa bayan at sa búhay
kapwa aping kalakbay
ay tutulaang tunay

- tanaga-baybayin
gbj/02.12.2026

Ang tula'y aking tulay - tanaga-baybayin

ang tula'y aking tulay
sa bayan at sa búhay
kapwa aping kalakbay
ay tutulaang tunay

- tanaga-baybayin
gbj/02.12.2026

Pag-inom ng dyus na luyang dilaw

PAG-INOM NG DYUS NA LUYANG DILAW

tuwing makalawa ng umaga
umiinom ako ng salabat
na luyang dilaw, di simpleng lúya
kundi turmeric, na pampalakas

magaling nga raw ito sa immune
system na tumutulong labanan
ang anumang impeksyon, kung meron
balat pa'y pinangangalagaan

lunas daw sa pamamaga't sakit
upang lumusog din daw ang pusò
inumin lang minsan, di malimit
o kaya sa pagkain ay ihalò

iniinom na'y dyus na turmeric
kalusuga'y lagi nang isipin
mahirap nang ang mata'y tumirik
lalo't kayrami pang susulatin

- gregoriovbituinjr.
02.12.2026

Miyerkules, Pebrero 11, 2026

Ibasura

IBASURA

kalat sa lansangan, ibasura
ilagay sa wasto ang basura
nabubulok at di nabubulok
paghiwalayin, di sinusunog

ang mga mata'y ating imulat
sa paligid na animo'y gubat
nang dahil sa basurang nagkalat
walisin din pati mga korap

ibasura pati trapong bugok
pati mga lingkod-bayang bulok
isama ang kontraktor na hayok
na sa ghost flood control nakatutok

mga upos, plastik, ibasura!
pati mga trapong palamara!
pulitikong korap, isama na!
bulok na sistema, ibasura!

- gregoriovbituinjr.
02.11.2026

Martes, Pebrero 10, 2026

Baril ang diwà, bala ang salitâ

BARIL ANG DIWÀ, BALA ANG SALITÂ

ang manunulat ay mandirigmâ
pistola, glock o garand ang diwà
bala naman ang mga salitâ
ganyan din maghandâ ang makatâ

pinatatagos nila sa pusò
ang mga katagang parang punglô
tulad ng makatang naglalahò
lilitaw muli pag napasubò

ang manunulat ay namamatay
pag nobela'y natapos na tunay
ngunit siya'y muling mabubuhay
pag may bagong akdang sumisilay

ngayon nga'y sinisimulang muli
ang mga kabanatang nagbinhi
sa isip, paliko-likong gawi
sa iwing diwa'y nananatili

- gregoriovbituinjr.
02.10.2026

* kasabihan sa t-shirt ay mula kay Douglas Horton
* litratong kuha ng makata sa isang tindahan ng barbeque

Lunes, Pebrero 9, 2026

3 HR staff, 'hinold' ng mga di pinasweldong manggagawa

3 HR STAFF, 'HINOLD' NG MGA DI PINASWELDONG MANGGAGAWA

kaytindi ng balitang aking nabasa
tatlong istap ng Human Resource Department
ang 'hinold' umano ng mga obrerong
di pinasweldo, aba'y dapat talaga

nagpakahirap sa gawaing konstruksyon
ang mga obrero sa B.G.C., Taguig
upang makakain lamang ang pamilya
tapos di pa sasahod ng tamang oras

pagsasamantala na sa manggagawa
kaya tama lang magalit silang sadya
construction workers silang nagkandakuba
upang mga gusali'y sadyang magawa

di naman hostage-taking, anang barangay
dahil wala namang ginamit na armas
buti't pumayapa ang tensyong nangyari
at susweldo na raw sa Lunes, ang sabi

Sabado ng gabi nang maganap yaon
nagkaisa'y manggagawa sa konstruksyon
pinakita'y galit, tama lamang iyon!
pag api na'y dapat magkaisa ngayon!

- gregoriovbituinjr.
02.09.2026

* ulat mula sa pahayagang Bulgar at Pang-Masa, Pebrero 9, 2026, pahina 1 at 2    

Di nagsisisi sa pagiging pultaym na tibak

DI NAGSISISI SA PAGIGING PULTAYM NA TIBAK

di ako nagsisising naging aktibista
bilang pultaym at makatang lingkod ng masa
noon pa man ito'y pinagpasyahan ko na
ng buong puso't diwà, desisyon talaga

at hanggang ngayon ito'y pinaninindigan
di man sang-ayon ang pamilya't kaibigan
kung sakaling idulot nito'y kamatayan
di nagsisisi't tanggap ang kahihinatnan

inalay ko na ang buhay sa pagsisilbi
sa uri, sa bayan, sa daigdig ng api
sa banal na adhika'y bakit magsisisi
dapat ngang kalusin ang kurakot at imbi

tuloy lang ako sa matiyagang pagkilos
bagamat namimighati't naghihikahos
sistemang trapo't dinastiya'y matatapos
kung bulok na sistema'y mawakasang lubos

- gregoriovbituinjr.
02.09.2026

Linggo, Pebrero 8, 2026

Hustisya kina Renee Nicole Good at Alex Pretti

HUSTISYA KINA RENEE NICOLE GOOD AT ALEX PRETTI

dalawang pinaslang ng ahente ng U.S.
dalawang sibilyang walang baril at laban
Enero nang mangyari sa Minneapolis
na higit dalawang linggo lang ang pagitan

parang naulit lang ang nangyari kay George Floyd
na namatay habang arestado ng pulis
isyu ng rasismo't karapatang migrante
imbes pakikipagkapwa-tao'y pagkitil

dahil sa anti-immigrant at protectionist
policies ni Trump, na bansa'y pang-Kano lamang
pinalalayas yaong di nila kalahi
itinataboy ang di kakulay ng kutis

sina Renee Nicole Good at Alex Pretti ay
binaril nang walang awà, subalit sila
ay Amerikano, kasama sa protesta
upang protektahan ang di nila kakulay

pagpupugay sa lahat ng nagpo-protesta
laban sa mga polisiyang mapanghati
katarungan sana'y kamtin ng mga ito
na nagtatanggol sa karapatang pantao

- gregoriovbituinjr.
02.08.2026

* litrato mula sa google

Salamat sa bag

SALAMAT SA BAG

salamat sa bag na bigay sa akin
nang lumahok sa isang lakbay-aral
na hinggil sa makasaysayang Pasig
napag-aralan sa diwa'y sumiksik

at sa pag-uwi'y agad na nag-selfie
nabili kong t-shirt na isinuot
ay may tatak ng bayaning Supremo,
ang dakilang Gat Andres Bonifacio

kaysarap mag-aral ng kasaysayan
ng nangyari't lugar sa bansa natin,
kayraming pinuntahan, mga kwento
tulad ng tagumpay ng Nag-Sabado

salamat sa ganitong aktibidad
lakbay-aral sa bayan at siyudad
bag na bigay ay iingatang sukat
na bahagi ng aking pagkamulat

- gregoriovbituinjr.
02.08.2026

* matapos dumalo sa 2nd tour ng historic Pasig, Pebrero 7, 2026

Sabado, Pebrero 7, 2026

Wala sa toreng garing

wala sa toreng garing
kaming makatang taring
ngunit sana'y magningning
ngayong Buwan ng Sining

- tanaga baybayin
gbj/02.07.2026

Paglahok sa 2nd tour of historic Pasig

PAGLAHOK SA 2ND TOUR OF HISTORIC PASIG
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa nagkainteres na lumahok nang makita ko ang anunsyo ng Samahang Pangkasaysayan ng Pasig (SPP) sa pesbuk hinggil sa 2nd tour of historic Pasig. Agad akong kumontak at sinabing nais kong sumama. Agad naman silang tumugon.

Pebrero 7, 2026, madaling araw pa lang ay gising na ako. Hindi ako dapat mahuli sa usapan. Maaga ako sa kitaan sa Plaza Rizal, at dumating ako roon bago mag-ikawalo ng umaga at umupo sa naroong mahabang bangko at naghintay. Ilang sandali  pa'y dumating na sila at agad akong nagpakilala.

Naghintayan pa ng mga dadalo. At nang kumpleto na ay lumakad na kami. Una naming pinuntahan ang Guanio Ancestral House na malapit lang sa Plaza Rizal. Nag-usap muna kami sa bungad ng tahanan hinggil sa kasaysayan ng nasabing lugar, na umano'y dating Cuartel ng mga Guardia Sibil sa Pasig noong panahon nina Gat Andres Bonifacio. Mahalaga ang kasaysayang ito dahil dito nakuha ng mga Katipunero, sa pangunguna ni Heneral Valentin Cruz, ang labimpitong armas mula sa mga Kastila noong magsimula ang Rebolusyong 1896. Kilala ang pangyayaring iyon bilang Nagsabado sa Pasig.

Inanyayahan kaming umakyat sa ikalawang palapag. Nakasabit sa dingding doon ang isang painting ni Felix Resurrection Hidalgo na kasabayan ni Juan Luna.

Sumunod ay nagtungo kami sa eskwelahang Colegio Del Buen Consejo at nagtungo sa museo nito.

Sumunod ay nagtungo kami sa Plaza Bonifacio, na ang estatwa ni Bonifacio ay nakasakay sa kabayo, kung saan may nakasulat na CENOTAPH, na ibig sabihin daw ay bantayog ng mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa bayan subalit di ang katawan ay di na natagpuan. Isa lang daw ito sa dalawang estatwang nakasakay si Bonifacio, na ang isa'y nasa Uptown Bonifacio sa Taguig.

Sunod ay pinuntahan ang simbahan ng Pasig at nakita ang mga naka-displey na limang kampana nito. Naroon din ang estatwa ni Padre Fray Manuel Blanco, na dating kura paroko ng Pasig, at may-akda ng saliksik at pag-aaral sa higit 1,200 na katutubong tanim o ispesye sa bansa o Flora de Filipinas.

Umakyat sa museo ng simbahan, at nakita ang naka-displey na lumang mekanikal na orasan na gamit para sa oras ng pagkalembang ng kampana. Subalit di na kami nakaakyat pa sa kampanaryo.

Umuulan noon, kaya nagtungo muna kami sa Museo ng Pasig at doon nagpatila ng ulan. Subalit umakyat na rin kami sa museo kung saan naroon ang estatwa ng Mutya ng Pasig. Naka-display din doon ang mga kilalang tao mula sa Pasig, tulad nina Lope K. Santos, mag-asawang National Artists na sina Lamberto at Daisy Abellana, national artist for music Ramon Santos, Senate President Jovito Salonga, Senador Rene Saguisag, at iba pa. Mahaba-haba rin ang talakayan doon.

Natalakay din na ang Pasig dati ay bahagi ng probinsya ng Tondo, Maynila, noong panahon ng mga Kastila. At nang maisyu ang Philippine Commission Act 137 ay nalikha ang lalawigan ng Rizal na ang kapitolyo ay Pasig. Sa Rotonda raw umiikot pabalik ang sasakyang Tranvia. At ang Santa Rosa sa Pasig ay dating isla. Naging bahagi na ng Metro Manila ang Pasig noong 1975. Ang Pasig ay naging lungsod noong Enero 21, 1995, nang maisabatas ang Republic Act No. 7829

Sunod ay pinuntahan namin ang tahanan ni Heneral Valentin Cruz, kung saan idinaos doon ang pulong ng mga Katipunero, isang pangyayaring tinawag na Asamblea Magna, kung saan dumalo roon sina Gat Andres Bonifacio, Gat Emilio Jacinto, Heneral Emilio Aguinaldo, Heneral Valentin Cruz, at iba pang mga pinunong Katipunero.

Ayon sa kasaysayan, noong Mayo 3, 1896, isang pangkalahatang pagpupulong ng mga pinuno ng Katipunan ang ipinatawag ni Supremo Andres Bonifacio. Ito'y idinaos sa Pasig sa tahanan ng lokal na pinuno ng Katipunan na si Valentin Cruz. Tinawag ang papupulong na iyon na Asamblea Magna na isa sa pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Katipunan. Ito na rin yata ang huling pag-uusap nina Gat Andres Bonifacio at Heneral Emilio Aguinaldo bago magsimula ang himagsikan, at bago mapatay si Bonifacio. (Wala sa Tejeros Convention si Aguinaldo).

Nakapanayam pa ni Dean Carlos Tech si Heneral Valentin Cruz hinggil sa naganap na Nagsabado sa Pasig, at ang labimpitong armas na nakuha sa mga Kastila ay dinala ng mga Pasigenyo kinabukasan sa Labanan sa San Juan, na kilala ngayon sa kasaysayan na Pinaglabanan.

Pagkagaling sa tapat ng bahay ni Heneral Vakentin Cruz ay nagtungo na kami sa Bahay na Tisa, kung saan ito ang bahay ng bagong henerasyon ng pamilya Tech. Isa ito sa pinakamatandang bahay sa Pasig na nakatayo pa rin hanggang ngayon. Panahon pa ng pananakop ng mga Kastila nang ito'y maitayo. Ang itsura ng tahanan ay para bang ang pinagsyutingan ng huling bahagi ng pelikulang Oriang, na ginampanan nina Lovi Poe at Gina Pareno.

Mahaba pa ang talakayan sa nasabing tahanan, at doon na rin kami nananghalian. Natapos kami roon bandang ala-una y medya ng hapon.

Sa aking pag-iisa ay napag-isip kong marami pang kasaysayan ang dapat halungkatin at isulat hinggil sa Pasig. Hindi lamang noong panahon ng Kastila, kundi sa iba pang panahon, tulad ng anong naganap sa Pasig sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano? May mga martir ba sa Philippine-American War? Anong mga naganap sa Pasig sa panahon ng pananakop ng mga Hapon? Noong pamahalaan ng Commonwealth? Noong panahon ng martial law? Ah, marami pang dapat saliksikin sa kasaysayan. At kung may pagkakataon, ako'y tutulong sa pananaliksik at mag-aambag ng anumang makakaya.

Taospuso akong nagpapasalamat sa Samahang Pangkasaysayan ng Pasig (SPP) at naging kalahok ako sa ganitong pagtitipon - ang 2nd Tour of Historic Pasig. Kung mayroon pang mga ganitong walking tour at kakayanin lang ng oras ko ay tiyak na dadalo ako. Mahalaga ang mga natututunan sa kasaysayan, na maaari ring maibahagi sa iba.

Nais ko ring imungkahi na magkaroon ng aktibidad sa Mayo 3, 2026, sa ikasandaan tatlumpung (ika-130) anibersaryo ng Asamblea Magna, bukod pa sa pagdiriwang ng ika-130 anibersaryo ng matagumpay na Nag-Sabado sa Pasig sa Agosto 29, 2026. Maraming salamat po!

ANG IKALAWANG LAKBAY-ARAL HINGGIL SA MAKASAYSAYANG PASIG

isa lamang ako sa mga tumugon
hinggil sa kasaysayan ng Pasig noon
salamat, nakadalo sa pagtitipon
maraming natuto sa kaygandang layon

pinuntahan ang bahay na dating Cuartel
na kinampuhan ng mga Guardia Civil
na mga tao ng mga mapaniil
buti't Katipunero sila'y nasupil

nakinig sa kanilang mga historya
habang aking tangan ang kwaderno't pluma
nakipagtalakayan, napuntahan pa
ang ginanapan ng Asamblea Magna

sa Bahay na Tisa pa nananghalian
isa sa pinakamatandang tahanan
sa Pasig, pesante'y ito ang puntahan
sa nakikibaka'y ito ang kanlungan

ang ganitong lakbay-aral ay mabuti
pagkat Pasig ay maipagmamalaki
dama ang tinahak ng mga bayani
sa pagsama rito'y di ka magsisisi

02.07.2026

Kung ako ang bituin

KUNG AKO ANG BITUIN

kung ako ang bituin
sa iyong panaginip
anong madarama mo?
kaysarap bang umidlip?

kung ako ang bituing
natatanaw sa langit
na lalambi-lambitin
ako ba'y anong rikit?

kung ako ang bituin
sa pagitan ng unos
sa gabing di pusikit
sa ningning tiyak kapos

kung ako ang bituing
masid ng dalaginding
ang dala ko'y pag-ibig
sa magandang tanawin

kung ako ang bituing
sa ulap nagkakanlong
ay di kita ang ningning
at luhang bumabalong

kung ako ang bituing
liwanag sa karimlan
nasa isip ko'y maging
tanglaw sa sambayanan

- gregoriovbituinjr.
02.07.2026

* litrato ng aklat hinggil kay Vincent van Gogh, na may likha ng painting na Starry Night, na naging inspirasyon ng kantang "Vincent" o "Starry, Starry Night" ni Don McLean

Biyernes, Pebrero 6, 2026

Sa ikaanim na Black Friday Protest ng 2026

SA IKAANIM NA BLACK FRIDAY PROTEST NG 2026

unang Biyernes ng Pebrero, wala pa ring
nakulong na malalaking isdâ o pating
ito nga'y isang malaking alalahanin
baka kurakot ay patuloy sa gawain

paano pa ba mapapanagot ng bayan
ang sangkatutak na kurakot at kawatan
na buwis ng bayan ang pinagdiskitahan
kayâ di maayos ang serbisyo sa tanan

ay, dapat nang baguhin ang sistemang bulok
at ibagsak ang mga pulitikong bugok
kahit matalinong trapo'y nagiging hayok
sa bilyon-bilyong buwis at pondo sa tuktok

dapat nang wakasan ang bulok na sistema
kayâ, O, Bayan, dapat na tayong mag-alsa

- gregoriovbituinjr.
02.06.2026

* kuha sa tapat ng UP Oblation at sa Bahay ng Alumni, 02.06.2026

Sa ika-25 anibersaryo ng kamatayan ni Ka Popoy Lagman (2 tula)

SA IKA-25 ANIBERSARYO NG KAMATAYAN NI KA POPOY LAGMAN - Tula 1

isa lamang ako sa karaniwang tibak
na nakadaupang palad siyang personal
habang nasa kilusang estudyante't dyaryo
pa kami, nang aking niyakap ang prinsipyo

sa Araneta Coliseum ay nahalal
siyang pangulo ng B.M.P., manggagawa
naroon ako sa Ayala nang sumigaw
siya ng "Rebolusyon!" sa rali n'ung araw

tinayo'y kapatiran ng mga pangulo
ng unyon, na inorganisa ngang totoo
napakarami niyang natulungang unyon
na misyon sa loob ng mahabang panahon

nasa tanggapan ako ng Sanlakas noon
nang mapabalitang walang awang pinaslang
si Ka Popoy sa UP Bahay ng Alumni
mga kasama'y nagpuntahan sa ospital

sa simbahan sa UP siya ibinurol
at nakapula kaming iminartsa siya
mula UP hanggang doon sa Marikina
nang inilibing ang katawang lupà niya

pagpupugay kay Ka Popoy, mapagpalayà!
mabuhay ang diwà ng bayaning dakilà!
patuloy kami sa pangarap at adhikà
itayo'y lipunan ng uring manggagawà

- gregoriovbituinjr.
02.06.2026

* kuha sa UP Bahay ng Alumni, 02.06.2026

Tula 2 (acrostic poem)

POPOY LAGMAN, LENINISTA

Popoy Lagman, na kilala ring Ka Popoy sa madla
Organisador na Leninista ng manggagawa
Pilipinong rebolusyonaryo, tanyag, dakila
O, bakit ba ikaw ay pinaslang nang walang awa
Yinanig ang bayan sa iyong biglang pagkawala
Leninistang nagturo sa amin ng rebolusyon
Ang tagumpay ni Lenin noon, inaaral ngayon
Gurong tunay si Ka Popoy nang magawa ang layon
Manggagawa, magkaisa kayo sa inyong misyon
Ang itayo n'yo ang lipunang sosyalista ngayon
Nagkakaisang puso, diwa't prinsipyo'y di lingid
Laban sa kapitalismong sadyang sistemang ganid
Edukador ng obrerong ating mga kapatid
Nang kawalan ng hustisya'y tuluyan nang mapatid
Isang pagpupugay kay Ka Popoy ang aming hatid
Nagtataguyod ng Leninistang diwa't prinsipyo
Isinasapuso'y tunay na diwang makatao
Sosyalistang lider siyang may pamanang totoo
Tahakin ang landas ni Ka Popoy, ang Leninismo
At palakasin ang pagkakaisa ng obrero

- gregoriovbituinjr.
02.06.2020

Ang skyscraper sa Abu Dhabi

ANG SKYSCRAPER SA ABU DHABI

sa kaylaking skyscraper sa Abu Dhabi
ay makikita ang kaaya-ayang mukhâ
ni Alex Eala at ng ating bandilà
na isang sandaling maipagmamalaki

at kasabay iyon ng Women's Tennis Open
lalo't kahanga-hanga ang mga nagawâ
ni Alex na inirepresenta ang bansâ
maraming Pinoy roon ang nauhâ man din

kung nasa Abu Dhabi ka't nakita iyon 
hahangà ka't manonood ng kanyang larô
ginawâ niya para sa bansa'y di birò
tilà pasan niya sa balikat ang nasyon

buô ang loob sa bawat pakikibaka
sa isports na tennis, nilikha'y kasaysayan
isa nang landas tungo sa kadakilaan
pagpupugay sa iyo, O, Alex Eala!

- gregoriovbituinjr.
02.06.2026

* litrato mulâ sa isang fb page na nasa kawing na: https://www.facebook.com/photo?fbid=122316254204025710&set=a.122152794008025710 

Huwebes, Pebrero 5, 2026

Loob, labas, lalim, lubak, labò at linaw

LOOB, LABAS, LALIM, LUBAK, LABÒ AT LINAW

napagnilayan ang mga salitang ito
habang nakatalungkô, nilay na totoo
salitang tilà magkaugnay sa buhay ko
kayâ mga salita'y tinipon sa ulo

ikà ngâ ni Balagtas"sa loob at labas
ng bayan kong sawi", patakara'y di patas
di ba't pakikipagkapwa dapat ang batas?
mundo'y kaygulo, ang marami'y di parehas!

kayrami pang mga lubak na tatahakin
bago paroroonan ay aming marating
ngunit nang tumawid sa malalim na bangin
para bang dinadala'y pighati't panimdim

lumalabò ang ilog dahil sa basura
kung ito'y linisin natin, lilinaw pa ba?
tayo ang kikilos upang bansa'y gumanda
diwa'y malinaw at payapang puso'y dama

dapat lang positibo ang ating pananaw
sa dilim ng gabi'y sisikat din ang araw
loob, labas, lalim, lubak, labò at linaw
mga salitang sa kalooban ay tanglaw

- gregoriovbituinjr.
02.05.2026

Ang pressure, ayon kay Alex Eala

ANG PRESSURE, AYON KAY ALEX EALA

maraming nagtatanong kay Alex Eala
kung presyur ba'y paano niya hinaharap

"bahagi ng trabaho ko ang presyur," anya
"may dagdag pang presyur ang paglaro sa bansa"

"balewala lang ito kung ikukumpara
sa presyur na dinaranas ng karaniwang
Pinoy na kumakayod para sa pamilya,
at balewala ang presyur na dinanas ko
sa sakripisyo ng aking mga magulang"

pangmasang kaisipan, matalinong sagot
sadyang mapapahiya ang mga kurakot

kaya kahanga-hanga si Alex Eala
kaygaling sa tennis, kayhusay na atleta
kahit saan maglaro, dala ang bandilà
tunay na nangungunang atleta ng bansâ

- gregoriovbituinjr.
02.05.2026

* mga litrato mula sa google

Miyerkules, Pebrero 4, 2026

Pangungulilà

PANGUNGULILÀ

nasanay akong mag-isa
dahil sa pangungulilà
nasanay sa pag-iisa
ito ba'y nakatutuwâ?

bahagi nga ba ng búhay
o ito ba'y pagkabigô
sa pinangarap na búhay
lalo na't sinta'y naglahò

tiningala ko ang langit
minasdan ang panganorin
bakit búhay ay kaylupit?
anong ibig kong sabihin?

oo, di ko madalumat
ang lakad at tinatakbo
parang tasang nagkalamat
at nag-iisa sa mundo

- gregoriovbituinjr.
02.04.2026

* ikawalong anibersaryo ng pamamanhikan (02.04.2018-2026)
* litrato mula sa komiks sa magasing Liwayway

Tinuring mang makatâ ng lumbay

TINURING MANG MAKATÂ NG LUMBAY

tinuring na makatâ ng lumbay
sa mga tulang may luhang taglay
lalo't nag-iisa na sa buhay
bálo na't laging di mapalagay

yaring pusò na'y nanlulupaypay
ang búhay na'y nawalan ng kulay
pati na tula'y naglulupasay
sa sahig ng hinagpis at lumbay

kayraming kathang sa sinta alay
dama ang kirot ng pagkawalay
habang ibang kathang tula'y tulay 
sa bayang madalas naninilay

laksang sugat man ang lumalatay
taos sa pusò ang pagsisikhay
nang búhay pa'y pasiglahing tunay
tinuring mang makatâ ng lumbay

- gregoriovbituinjr.
02.04.2026

* sa ikawalong anibersaryo ng pamamanhikan (02.04.2018-2026)