Biyernes, Marso 6, 2026

Pagpupugay sa Buwan ng Kababaihan!

PAGPUPUGAY SA BUWAN NG KABABAIHAN!

nagpupugay akong taas-noo
at narito ring taas-kamao
sa kababaihan nitong mundo
sa kanilang Buwan ngayong Marso

kayo'y pawang mga magigiting
lola, ina ng mga tsikiting
tita, ate, utol, dalaginding
babae, bayani kung ituring

kayo'y kalahati ng daigdig
ayaw paapi sa manlulupig
mga kurakot ay inuusig
sa hustisyang asam tumitindig

mabuhay kayong mga babae
katuwang naming mga lalaki
upang buhay sa mundo'y umigi
upang lipunan ay mapabuti

- gregoriovbituinjr.
03.06.2026    

Huwebes, Marso 5, 2026

Walâ mang magbasa ng aking mga akdâ

WALÂ MANG MAGBASA NG AKING MGA AKDÂ

walâ mang magbasa nitong aking mga akdâ
walâ mang makinig sa pagbigkas ko ng tulâ
eh, ano? magpapatuloy ako sa paglikhâ
kwento, sanaysay, tulâ, ganyan ang mangangathâ

tulâ ng tulâ ng tulâ ng tulâ ng tulâ
akdâ ng akdâ ng akdâ ng akdâ ng akdâ
kathâ ng kathâ ng kathâ ng kathâ ng kathâ
likhâ ng likhâ ng likhâ ng likhâ ng likhâ

bebentahan ko kayo ng aklat ko ng tulâ
upang may pambili ng kilong bigas at isdâ
sana'y bili kayo ng aklat kong kathang diwà
na pag nabasa n'yo'y tiyak kayo'y matutuwâ

abang makatâ sa panahon ng dusa't luhà
kasamang bumabaka sa panahon ng digmâ
tumutulong sa masa sa panahon ng sigwâ
tuligsa'y mga kurakot na sanhi ng bahâ

- gregoriovbituinjr.
03.05.2026

Martes, Marso 3, 2026

Sa gabing pusikit

SA GABING PUSIKIT

eklipse'y di matanaw
ano ang paliwanag?
tanging poste ng ilaw
ang sa gabi'y bumasag

eklipse raw ng buwan
kayâ gabi'y pusikit
tanaw mo ang karimlan
walang talà sa langit

ginawâ ko'y nagnilay
sa mga nagaganap
anong aking palagay
sa laban ng mahirap

tama lang makibaka
labanan ang gahaman
at mapagsamantala
nang hustisya'y makamtan

pusikit man ang gabi
makata'y gising pa rin
kayraming namumuni
mamaya na'y hihimbing

- gregoriovbituinjr.
03.03.2026

Pagtulâ sa rali

PAGTULÂ SA RALI

bibigkas ng tulâ
ang abang makatâ
samutsaring paksâ
sa harap ng madlâ

doon sa lansangan
Mendiola man iyan
paksa ko'y lipunan
baguhing tuluyan

doon lang sa rali
bigkasing maigi
bulok ay iwaksi
mundo'y mapagbuti

plakard ang tangan ko
pag tumulâ ako
sa harap ng tao
sa harap ng mundo

- gregoriovbituinjr.
03.03.2026

* mapapanood ang kalahating minutong bidyo sa kawing na: 

Ang tugmaan sa tulâ kong "Pluma't Kwaderno"

ANG TUGMAAN SA TULÂ KONG "PLUMA'T KWADERNO"
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sinubukan kong kumathâ ng tulang may iba't ibang tugmaan. Magkatugmâ ang dalawang magkakasunod na taludtod sa loob ng apat na saknong.

Inihalimbawà ko ang taludturan sa Shakespearean (English) sonnet at sa Petrarchan (Italian) sonnet. Sa Shakespearean ay may tugmaang A-B-A-B, C-D-C-D, E-F-E-F, at G-G, habang sa Petrarchan sonnet naman ay may tugmaang A-B-B-A, A-B-B-A, C-D-E, C-D-E.

Ang dalawang nabanggit ay soneto, o tulang may tugma't sukat at labing-apat na taludtod. Ang aking kinatha'y may labing-anim na taludtod sa apat na saknong.

Ang ginawà kong tugmaan sa tulang "Pluma't kwaderno" ay: A-A-B-B, C-C-D-D, E-E-F-F, at G-G-H-H. Narito ang nasabing tula:

PLUMA'T KWADERNO

palagi akong may dalang
pluma't kwaderno sa bulsa
at sa bag, lalo na't handang
magsulat ang mangangathâ

sa dadaluhan kong pulong
ay ilalabas na iyon
susulat ng katitikan
o mga napag-usapan

at sa paghabi ng kwento
at tulâ, handang totoo
itatala'y nasa isip
upang di iyon mawaglit

dinanas ng aping uri
dahil sa trapong kadiri
sa akda'y pinagbubuti
upang sa bayan magsilbi

Sa unang saknong, ang tugmaan ay A-A-B-B, magkatugmâ ang "dala" at "bulsa, habang magkatugmâ naman ang "handâ" at "mangangathâ". Pansinin, ang huling pantig ng "dala" at "handâ" ay may hulaping "ng". Hindi magkatugmâ ang "dalang" at "handang" na ginamit sa nasabing tulâ dahil hindi kasama sa huling pantig na "la" at "dâ" ang hulaping "ng" sa tugmaan.

Kayâ ang tugmaan ay hindi A-A-A-A kahit kapwa titik "a" ang dulo ng mga salitâ, kundi A-A-B-B dahil ang "dala" at "bulsa" ay walang impit sa dulo ng salitâ, habang ang "handâ" at "mangangathâ" ay may impit. Sa ating katutubong panulaan, hindi magkatugmâ ang salitang may impit at walang impit kahit pareho ang dulong titik, tulad ng "dugô" at "berdugo" ay hindi magkatugmâ.

Sa ikalawang saknong, ang tugmaang C-C-D-D. ay halatâ agad at madaling makita. Ang "pulong" at "iyon" ay magkatugmâ, at kapwa "an" ang dulo ng "katitikan" at "napag-usapan".

Sa ikatlong saknong, sa tugmaang E-E-F-F, ang "kwento" at "totoo" ay magkatugmâ. Ang "isip" at "mawaglit" kahit magkaiba ng dulong pantig na "ip" at "it" ay magkatugmâ, batay sa batas sa katutubong panulaan, na ang katinig na malakas na "B, K, D, G, P, S, T" ay magkatugmâ, habang magkatugmâ naman ang "L, M, N, NG, R, W, Y" na pawang katinig na mahina. Kayâ ang "balag" at "balam" ay hindi magkatugmâ, habang ang "bakas" at "bakat" ay magkatugmâ.

Sa ikaapat na saknong, ang tugmaan ay G-G-H-H, bagamat lahat ng salita ay nagtatapos sa titik "i". Ang salitang "uri" at "kadiri" ay magkatugmâ, at kapwa may impit, habang magkatugmâ rin ang walang impit na salitang "pinagbubuti" at "magsilbi". Hindi magkatugmâ  ang "kadiri" at "magsilbi".

03.03.2026

Lunes, Marso 2, 2026

Nahuli na namang Barok ang pamagat

NAHULI NA NAMANG BAROK ANG PAMAGAT

imbes "2 raliyistang inaresto..."
ay "2 raliyista na inaresto..."
batid agad di Pinoy ang nagsulat nito
orihinal sa Ingles, isinalin ito
ng A.I., kaya naging Barok ngang totoo

panahon pa ba ng Kastila, kaya ganyan sila?
"dalawa raliyista na inaresto, laya na"
balitang Pinoy na binarok, dapat itama na
sa "dalawang raliyistang inaresto, laya na"

iyan ang hirap pag tamad ang nagsasalin
google translate o A.I. na ang gagamitin
nagiging Barok tuloy ang salita natin
tila baga Kastilaloy ay uso pa rin

di ba nakikita ng editor ang ganyan?
dahil mabilisang ulat, hinahayaan?

Barok ang A.I. sa pagsalin ng salitâ
huwag asahan ang A.I. sa Salin-Wikà
kung Pinoy ang nagsulat ay mahahalatâ
ngunit kung A.I., wika'y binabalahurà

- gregoriovbituinjr.
03.02.2026

Linggo, Marso 1, 2026

Paglaya - tanaga-baybayin

bigla akong natuwa
nang sila'y mapalaya
tibak na laging handa
daanan man ng sigwa

- gbj/03.01.2026
tanaga-baybayin