Lunes, Nobyembre 28, 2022

Imbestigahan ang sabwatan

IMBESTIGAHAN ANG SABWATAN

doon sa tanggapan ng Kagawaran ng Paggawa
ay nagsikilos ang mga babaeng manggagawa
imbestigahan ang sabwatan ng mga kuhila
kaya nagsara ang pabrikang pinasukang sadya

huwad na pagsasara'y isyu nila't panawagan
upang ang may kagagawan niyon ay matalupan
upang sila nama'y bayaran o ibalik naman
upang hibik nilang hustisya'y kanilang makamtan

hibik ng manggagawa sana'y dinggin mo, O, DOLE 
maging patas sa desisyon, at talagang magsilbi
sa mga maliliit, sa manggagawang inapi
at di sa mga kuhila't dupang na negosyante

taasnoong pagpupugay sa mga nagsikilos
na babaeng obrerong ayaw sa pambubusabos
ng sistemang sa kabulukan ay talagang puspos
tuloy ang laban! nawa'y magtagumpay kayong lubos!

- gregoriovbituinjr.
11.28.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa 
harap ng DOLE sa Intramuros, Maynila, 11.21.2022

Linggo, Nobyembre 27, 2022

Sahod Itaas, Presyo Ibaba!

SAHOD ITAAS, PRESYO IBABA!

kaytagal na ng panawagan
ng manggagawa't mamamayan
sa kapitalistang lipunan
ngunit sila ba'y pinakinggan?

Sahod Itaas! Presyo Ibaba!

ngunit may napala ba tayo
sa animo'y binging gobyerno
minsan lang tumaas ang sweldo
nang pinaglaban ng obrero

Sahod Itaas! Presyo Ibaba!

presyo ng bigas ba'y bumaba
o pagtaas ay mas higit nga
gasolina nga ba'y bumaba
o sirit ng presyo'y palala

Sahod Itaas! Presyo Ibaba!

ang matupad ito'y kailan?
dinggin kaya ang kahilingan?
ngunit tayo'y magpatuloy lang
may nagagawa ang paglaban!

- gregoriovbituinjr.
11.27.2022

Huwebes, Nobyembre 24, 2022

Panlahatan

PANLAHATAN

iwi kong layon ay panlahatan
at di pansariling pakinabang
ganyan hinubog ang katauhan
kung bakit ako'y ganito't ganyan

bakit sarili'y wala sa isip
kung sarili ko'y di halukipkip
kundi pambayan ang nalilirip
na sa puso'y walang kahulilip

kaginhawahan para sa lahat
kapwa tao, kauri, kabalat
di sa ilan, di sa mga bundat
oo, sa ganyan ako namulat

pakikibaka'y sadyang gagawin
nang panlipunang hustisya'y kamtin
iyan ang sa buhay ko'y mithiin
at diyan mo ako kilalanin

- gregoriovbituinjr.
11.24.2022

Bakas

BAKAS

may kurot sa dibdib sa gaya naming maralita
na namumuhay ng marangal ngunit sinusumpa
may kirot sa puso't tinuturing na hampaslupa
kaya dignidad nami'y pinagtatanggol na lubha

kaya maging aktibista'y taospusong niyakap
dahil tulad ninuman, kami rin ay nangangarap
ng maunlad na buhay na di pansariling ganap
kundi pangkalahatan, ang lahat ay nililingap

isinasabuhay ang panuntunang aktibista
simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka
kamtin ang karapatan at panlipunang hustisya
pakikipagkapwa't paglilingkod sa uri't masa

patuloy na pupunahin ang mga kabulukan
kapalpakan at katiwalia'y nilalabanan
di lang pulos dayuhan kundi tusong kababayan
lalo ang lingkod bayang di nagsisilbi sa bayan 

sinusundan namin ay bakas ng mga bayani
na binabaka'y pagsasamantala't pang-aapi
ang tungkulin ko'y para sa bayan, di pansarili
alay ang buhay para sa tao; tayo, di kami

- gregoriovbituinjr.
11.24.2022

Miyerkules, Nobyembre 23, 2022

Ipagtanggol ang karapatan ng paggawa

IPAGTANGGOL ANG KARAPATAN NG PAGGAWA

nang mabatid ang pagkilos ng uring manggagawa
doon sa tanggapan ng Kagawaran ng Paggawa
agad kaming nakiisa't nakibaka ring sadya
upang karapatan nila'y ipagtanggol ngang lubha

dahil sila ang lumikha ng ating ekonomya
walang pag-unlad sa ating bayan kung wala sila
silang nagpapatakbo ng makina sa pabrika
lumilikha ng produkto, ngayo'y nakikibaka

di munting mangangalakal ang kanilang kalaban
kundi internasyunal na kumpanyang anong yaman
limpak-limpak na ang tubo, sagad sa kabundatan
nais pa ngang mag-ekspansyon sa buong daigdigan

di pa mapagbigyan ang hinihingi ng obrero
ayon sa Konstitusyon, makabubuhay na sweldo
living wage, hindi minimum wage, sadyang makatao
ngunit barat na sweldo'y likas sa kapitalismo

baka tatalunin sila ng kumpanyang karibal
na tulad din nila'y korporasyong multinasyunal
kung di babaratin ang manggagawa, sila'y hangal
ayaw magpakatao ng kapitalistang banal

kaya dapat manggagawa'y patuloy na kumilos
wakasan ang sistemang mapangyurak sa hikahos
walang dangal sa kapitalismong mapambusabos
bulok na sistema'y dapat nang tuluyang matapos

- gregoriovbituinjr.
11.23.2022

* kuha ng makatang gala sa pagkilos ng mga manggagawa sa harap ng DOLE, 11.21.2022

May pag-asa pa

MAY PAG-ASA PA

may pag-asa pa bang mabago ang sistema
kung wala, bakit sa mundo'y naririto pa
mayroong pag-asa kaya nakikibaka
dito na lang kumakapit, tatanggalin pa?

hindi ba't may kasabihan ang matatanda
na hangga't may buhay, may pag-asa, di ba nga?
magsikap lang, pag may tiyaga, may nilaga
sa patuloy na pagkilos, may mapapala

hangga't may nangangarap ng laya ng bayan
mula pangil ng kapitalismo't gahaman
sa patalim man o pag-asa manghawakan
araw ay sumisikat pa rin sa silangan

kaya halina't magpatuloy sa pagkilos
laban sa kaapihan at pambubusabos
laban sa pagsasamantala ng malignos
na bundat na sa tubo'y di pa makaraos

- gregoriovbituinjr.
11.23.2022    

Martes, Nobyembre 22, 2022

Sa Rali ng Paggawa

SA RALI NG PAGGAWA

naroon akong sa kanila'y nakiisa
bilang isang dating obrero sa pabrika
panawagan nila'y tunay kong nadarama
na tagos sa diwa, puso ko't kaluluwa

machine operator noon ng tatlong taon
nang maisabatas ang kontraktwalisasyon
nang kabataan pa't di na naglilimayon
nang panahong sa buhay ay maraming kwestyon

oo, kayrami naming lumahok sa rali
upang manawagan sa tanggapan ng DOLE
sa kapitalista ba sila nagsisilbi?
o dapat sa manggagawang sinasalbahe?

tingnan mo ang kayraming nilatag na isyu
kontraktwalisasyon, maitaas ang sweldo
ang tanggalan sa pabrika, kayraming kaso
pati na karapatan ng unyonisado

tila ang paggawa'y dinaanan ng sigwa
sa batas niring kapitalismong kuhila
minimithi'y kamtin sana ng manggagawa
parusa ang sa kanila'y nagwalanghiya

- gregoriovbituinjr.
11.22.2022