Lunes, Marso 7, 2022

Sa Araw ng Kababaihan

SA ARAW NG KABABAIHAN

galing tayo sa sinapupunan
ng ating ina, kababaihan
kaya sila'y ating alagaan
hanggang sa kanilang katandaan

pagmasdan mo si lola't tiyahin
di ba't kahawig ng ina natin?
sila'y dapat na pakamahalin
at pagpapabaya'y huwag gawin

ibigin mo ang iyong asawa
niluwal ay anak n'yong dalawa
pangalagaan sila tuwina
tumanda man, kayo'y magkasama

pangalagaan mo ang kapatid
mong mga babae nang mabatid
na proteksyon ang mensaheng hatid
nang sa paligid ay di malingid

huwag nating hayaang mabastos
ang mga babae't makaraos
Safety Spaces Act, dapat talos
pati VAWC Act, alaming lubos

mga babae, dakila, ina
Tandang Sora, Oriang, Lorena
kababaihan, mag-organisa
baguhin ang bulok na sistema

ngayong Araw ng Kababaihan
kayo po'y pinasasalamatan
kayong kalahati ng lipunan
ng sambayanan, ng daigdigan

mabuhay kayong mga babae
kina Lola, Inay, Tita, Ate
taos-pusong pasalamat, ale
kung wala kayo ay wala kami

- gregoriovbituinjr.
03.08.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento