Martes, Mayo 28, 2024

Pagsisikap sa pagkatha ng kwento

PAGSISIKAP SA PAGKATHA NG KWENTO

dapat pagbutihin ang pagkatha ng kwento
upang mabasa ng masang dukha't obrero
lalo't malalathala ito sa diyaryo
publikasyon ng mahihirap na totoo
na daluyan ng pahayag hinggil sa isyu
kaya binabasa pati mga polyeto

nagsikap na mag-ipon upang makabili
ng mga aklat ng kwento nina Tagore,
Irving, Austen, Jack London, F. Sionil Jose,
Lovecraft, Mark Twain, upang sanayin ang sarili
sa pagkatha ng kwentong sa masa'y may silbi
na balang araw ay maipagmamalaki

salamat at may Taliba ng Maralita
na natatanging diyaryong naglalathala
ng aking kwento't tula, na kung ito'y wala
walang lalagakan ng aking mga akda

- gregoriovbituinjr.
05.29.2024

Taliba ng Maralita - opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento