SA PAGLUWAS
doon sa kanluran / ako'y nakatanaw
habang makulimlim / yaring dapithapon
hanggang sa nilamon / ng dilim ang araw
tila ba nalugmok / sa tanang kahapon
di lubos maisip / ang kahihinatnan
ng abang makatâ / sa pakikibaka
iwing tula'y punyal / sa abang lipunang
minanhid na nitong / bulok na sistema
sa silangan naman, / aking ninanais
ay maghimagsik na / ang mga naapi:
uring manggagawa't / masang anakpawis
batà, kabataan, / pesante, babae
sa aking pagluwas, / dala'y adhikain
at asam ng bayang / tuluyang lumayà
sa pagiging mga / sahurang alipin
maglingkod nang tunay / sa obrero't dukhâ
- gregoriovbituinjr.
11.19.2025
* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/r/19jxFVwRDx/

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento