Republika ng Pilipinas
Batas Republika Blg. 7279
Batas sa Pagpapaunlad ng Kalunsuran at Pabahay
(Urban Development and Housing Act)
BATAS REPUBLIKA BLG 7279
ISANG BATAS NA MAGTATADHANA NG ISANG KOMPREHENSIBO AT PATULOY NA PROGRAMA PARA SA PAGPAPAUNLAD NG KALUNSURAN AT PABAHAY, MAGTATATAG NG MEKANISMO PARA SA IMPLEMENTASYON NITO, AT PARA SA IBA PANG MGA LAYUNIN.
ARTIKULO I
PAMAGAT, PATAKARAN, PROGRAMA AT KAHULUGAN NG MGA KATAGA
Batas Republika Blg. 7279
Batas sa Pagpapaunlad ng Kalunsuran at Pabahay
(Urban Development and Housing Act)
BATAS REPUBLIKA BLG 7279
ISANG BATAS NA MAGTATADHANA NG ISANG KOMPREHENSIBO AT PATULOY NA PROGRAMA PARA SA PAGPAPAUNLAD NG KALUNSURAN AT PABAHAY, MAGTATATAG NG MEKANISMO PARA SA IMPLEMENTASYON NITO, AT PARA SA IBA PANG MGA LAYUNIN.
ARTIKULO I
PAMAGAT, PATAKARAN, PROGRAMA AT KAHULUGAN NG MGA KATAGA
Seksyon 1. Pamagat. – Makikilala ang Batas na ito bilang "Batas sa Pagpapaunlad ng Kalunsuran at Pabahay ng 1992".
Seksyon 2. Pagpapahayag ng Patakaran ng Estado at mga Adhikain ng Programa. - Magiging patakaran ng Estado na isabalikat, sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor, ng isang komprehensibo at patuloy na Programa sa Pagpapaunlad ng Kalunsuran at Pabahay, na tinutukoy dito bilang ang Programa, na siyang:
a) Mag-aangat sa kalagayan ng mga mamamayang kapuspalad at walang tahanan sa mga lunsod at mga lugar ng relokasyon sa pamamagitan ng paglalaan sa kanila ng mga disenteng pabahay sa abot-kayang halaga, mga pangunahing serbisyo, at mga pagkakataong makapaghanapbuhay.
b) Magkakaloob ng makatwirang paggamit at pagpapaunlad ng mga lupaing lunsod upang malikha ang mga sumusunod:
(1) Pantay na paggamit ng mga lupang residensyal sa mga lunsod at mala-lunsod na mga lugar na may partikular na atensyon sa mga pangangailangan ng mga kapuspalad at walang tahanang mamamayan at hindi lamang batay sa mga puwersa ng merkado;
(2) Paglulubos sa paggamit at pagiging produktibo ng mga lupain at likasyaman ng lunsod;
(3) Pagpapaunlad sa mga lugar ng kalunsuran na naaangkop sa mga gawaing pangkomersyo at pang-industriya na makalilikha ng higit na maraming oportunidad na pangkabuhayan para sa mga mamamayan;
(4) Pagbabawas sa mga di-wastong gampaning panglunsod, partikular doon sa mga nakapipinsala sa pambayang kalusugan, kaligtasan at kapaligiran; at
(5) Paglalaan ng lupain at pabahay para sa mga kapuspalad at walang tahanang mamamayan.
c) Magpapatibay ng mga maisasakatuparang patakaran upang maregula at mapamahalaan ang pag-unlad at pagpapalawak ng kalunsuran tungo sa pagbabaha-bahagi ng kabuhayang panglunsod at sa higit na balanseng pagsasandigan ng kalunsuran at kanayunan;
d) Magtatakda ng pantay-pantay na sistema ng pagmamay-ari ng lupa na gagarantiya sa seguridad ng pagmamay-ari sa mga benepisyaryo ng Programa subalit igagalang ang mga karapatan ng mga may-ari ng malilit na ari-arian at titiyak sa kabayaran ng makatarungang kompensasyon;
e) Hihikayatin ang higit na mabisang pakikilahok ng mga mamamayan sa pagpapaunlad ng kalunsuran; at
f) Pagbubutihin ang kakayahan ng mga pamahalaang lokal sa pagsasagawa ng mga programa at proyekto sa pagpapaunlad ng lunsod at pabahay.
Seksyon 3. Kahulugan ng mga Kataga. - Para sa mga layunin ng Batas na ito:
a) Ang "Abot-kayang halaga" ay tumutukoy sa pinakamakatwirang halaga ng lupa at bahay batay sa mga pangangailangan at kakayahang pinansyal ng mga benepisyaryo ng Programa at naaangkop na mga planong pinansyal;
b) Ang "Mga lugar para sa pangunahing pagpapaunlad" ("Areas for priority development") ay yaong mga pook na idineklara bilang mga lugar na may prayoridad para linangin sa ilalim ng umiiral na mga batas at mahalagang mga atas-ehekutibo;
c) Ang "Mga dahop na lugar" ("Blighted areas") ay tumutukoy sa mga lugar na ang mga istraktura ay sira-sira, luma at walang sapat na sanitasyon, na siyang nagpapababa sa halaga ng lupa at pumipigil sa normal na pag-unlad at paggamit ng lugar;
d) Ang "Konsultasyon" ay tumutukoy sa prosesong iniaatas ng konstitusyon na ang publiko, sa ganang sarili o sa pamamagitan ng mga samahang bayan, ay binibigyan ng pagkakataon na marinig at makilahok sa proseso ng pagbuo ng desisyon sa mga bagay na may kinalaman sa pangangalaga at pagsusulong ng mga lehitimong pangkalahatang kapakanan nito, na kabilang ang naaangkop na mekanismo sa dokumentasyon at balik-ulat;
e) Ang "Mga nakatiwangwang na lupa" ay tumutukoy sa mga lupang di-agrikultural sa mga lunsod at mala-lunsod na mga na walang isinasagawang mga mehora, kagaya ng dito ay binibigyang kahulugan, ang may-ari, ayon sa pagpapatunay ng tagatayang panglunsod, pambayan o panlalawigan.
f) Ang "Mga mehora" ay tumutukoy sa lahat ng uri ng gusali at tirahan, pader, bakod, istraktura o anumang uri ng pagawain na may permanenteng kalagayan o nakatirik sa lupa subalit hindi kasama ang mga puno, halaman at lumalaking bunga, at iba pang mga kagamitan na nakalagay lamang sa lupa, at ang halaga ng mga mehora ay hindi kukulangin sa limampung bahagdan (50%) ng tinatayang halaga ng ari-arian;
g) Ang "Sosyohan" ("Joint Venture") ay tumutukoy sa kapangakuan o kasunduan ng dalawa (2) o higit pang tao na magsagawa ng isang tiyak o isang negosyo para sa kanilang kapwa kapakanan, at para sa ganitong layunin ay pinagsama nila ang kanilang mga salapi, lupain, pasilidad at serbisyo;
h) Ang "Pagtitipon o konsolidasyon ng lupa" ay tumutukoy sa pagkuha ng mga lote na may iba’t ibang pagmamay-ari sa pamamagitan ng pagbili o ekspropriyasyon para sa nakaplano at makatwirang programa ng pagpapaunlad at pampamayanang pabahay na walang mga restriksiyon sa hangganan ng indibidwal na ari-arian;
i) Ang "Pagbabangko ng lupa" ("Land banking") ay tumutukoy sa pagkuha ng lupa sa halagang nakabatay sa umiiral na gamit bago pa ang aktwal na pangangailangan para sa pagsusulong ng mga nakaplanong programa sa pagpapaunlad at pampamayanang pabahay;
j) Ang "Palitan ng lupa" ay tumutukoy sa proseso ng pagkuha ng lupa sa pamamagitan ng pakikipagpalitan ng lupa para sa iba pang lupa na magkasinghalaga, o para sa mga saping puhunan sa korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan na ang halaga sa libro ay kasinghalaga ng lupang ipinagpapalit, para sa layunin ng nakaplano at makatwirang pagpapaunlad at paglalaan para sa pampamayanang pabahay na ang mga halaga ng lupa ay itinatakda batay sa klasipikasyon ng lupa, halaga sa pamilihan at tinatayang halaga mula sa mga umiiral na deklarasyon ng buwis: Sa pasubali, Na ang mas mataas na halagang lupain na pag-aari ng mga pribadong tao ay maaaring ipagpalit sa hindi gaanong mataas na halagang lupain upang maisakatuparan ang mga layunin ng Batas na ito;
k) Ang "Plano para sa paggamit ng lupa" ay tumutukoy sa makatwirang pamamaraan ng paglalaan ng magagamit na yamang lupa, ng pantay-pantay hangga't maaari, sa mga gagamit na grupo at para sa iba't ibang gamit alinsunod sa plano sa pagpapaunlad ng lugar at ng Programa sa ilalim ng Batas na ito;
l) Ang "Pagpapaunlad sa mismong lugar" ("On-site development") ay tumutukoy sa proseso ng pagpapabuti at pagsasaayos ng mga dahop at maralitang lugar ng lunsod na may layuning mapanatiling mababa ang dislokasyon ng mga naninirahan sa nasabing mga lugar, at may paglalaan para sa mga pangunahing serbisyo ayon sa itinatadhana sa Seksiyon 21 nito;
m) Ang "Mga propesyonal na iskwater" ay tumutukoy sa mga indibidwal o grupo na umookupa sa mga lupain nang walang tiyakang pagsang-ayon ang may-ari ng lupa at may sapat na kita para sa lehitimong pabahay. Ang katawagan ay maaari ding tumukoy sa mga tao na dati nang napagkalooban ng mga lote o bahay ng Pamahalaan subalit kanilang ipinagbili, pinaupahan o inilipat ang mga ito para manirahan nang ilegal sa lugar ding iyon o sa iba pang lugar sa lunsod, at sa mga hindi lehitimong naninirahan at sumasakop sa mga lupain na nakalaan para sa pampamayanang pabahay. Ang katawagan ay hindi tutukoy sa mga indibidwal o grupo na umuupa lamang ng lupa at bahay sa mga propesyonal na iskwater o sindikato ng iskwater.
n) Ang "Mga lugar ng relokasyon" ay tumutukoy sa mga lugar na tinukoy ng kinauukulang ahensya ng pamahalaan o ng lokal na pamahalaan na may kinalaman sa mga lugar nasasakupan nito, na gagamitin para sa relokasyon ng mga kapuspalad at walang tahanang mamamayan.
o) Ang "Seguridad sa pagmamay-ari" ay tumutukoy sa antas ng proteksyon na ipinagkakaloob sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng Programa laban sa paglabag o di-makatarungan, di-makatwiran at sapilitang pagpapaalis o pamamahagi, sa bisa ng karapatan sa pagmamay-ari, kasunduan sa pagpapaupa, legal na karapatang makinabang (usufruct) at iba pang kasunduan sa ilalim ng kontrata;
p) Ang "Programa sa Pagpapabuti ng mga Lugar ng Iskwater at Relokasyon" ("Slum Improvement and Resettlement Program o SIR") ay tumutukoy sa programa ng National Housing Authority para sa pagpapabuti at paglalagay ng mehora sa mga dahop na lugar sa labas ng Kalakhang Maynila alinsunod sa mga umiiral na batas at kaugnay na mga pahayag tagapagpaganap;
q) Ang "Mga may-ari ng maliliit na lupain" ay tumutukoy sa mga tao na ang tanging ari-ariang di-natitinag ay binubuo ng lupang residensyal na hindi lalampas sa tatlong daang metro kwadrado (300 sq. m.) sa mga pangunahing urbanisadong lunsod at walong daang metro kwadrado (800 sq. m.) sa iba pang urbanisadong lugar;
r) Ang "Pampamayanang pabahay" ay tumutukoy sa mga programa at proyektong pabahay na sumasakop sa mga bahay at lupa o lote lamang na isinasagawa ng Pamahalaan o ng pribadong sektor para sa mga kapuspalad at walang tahanang mamamayan na kasama ang pagpapaunlad sa mga lugar at serbisyo, pangmatagalang pagpopondo, pinaluwag na termino ng pagbabayad ng interes, at iba pang mga benepisyo alinsunod sa mga tadhana ng Batas na ito;
s) Ang "Mga sindikato ng mga iskwater" ay tumutukoy sa mga grupo ng mga tao na nasa negosyo ng pabahay sa iskwater para sa tubo o kita.
t) Ang "Mga kapuspalad at walang tahanang mamamayan" ay tumutukoy sa mga benepisyaryo ng Batas na ito at sa mga indibidwal o pamilya na naninirahan sa lunsod o mala-lunsod na mga lugar na ang kita o pinagsamang kita ng pamilya ay napapaloob sa antas ng kahirapan (poverty threshold) na itinakda ng National Economic Development Authority at hindi nagmamay-ari ng mga pasilidad ng pabahay. Dito ay kasama ang mga nakatira sa mga pansamantalang tirahan at walang seguridad ng pagmamay-ari.
u) Ang "Mga di-nakatala o inabandonang lupain" ay tumutukoy sa mga lupain sa mga lunsod at mala-lunsod na mga lugar na hindi nakatala sa Register of Deeds o sa kinauukulang tanggapan ng tasador na panglunsod o pambayan, o iyong mga hindi tinitirhan ng may-ari at hindi napaunlad o naiukol sa anumang kapaki-pakinabang na gamit, o tila hindi nagagamit sa loob ng tatlong (3) taong singkad kagyat bago ang pagpapalabas at pagkakatanggap o pagkakalathala ng notisya ng pagkuha ng Pamahalaan ayon sa itinatakda sa Batas na ito. Ito ay hindi sumasaklaw sa lupang inabandona dahil sa kalamidad o iba pang di-inaasahang pangyayari: Sa pasubali, Na bago ang gayong pangyayari, ang nasabing lupa ay dating ginagamit sa kapaki-pakinabang o pangkabuhayang layunin;
v) Ang "Mga urbanisadong lugar" ("Urban areas") ay tumutukoy sa lahat ng mga lunsod anuman ang laki ng kanilang populasyon at sa mga bayan na may populasyong hindi bababa sa limandaang (500) katao bawat kilometro kwadrado;
w) Ang "Mga mala-lunsod na lugar" ("Urbanizable areas") ay tumutukoy sa mga pook at mga lupa na, sinasaalang-alang ang kasalukuyang mga katangian at namamayaning kalagayan, nagpapamalas ng natatangi at malaking potensyal na maging mga lunsod sa loob ng limang (5) taon; at
x) Ang "Programa sa Pagpapabuting Pansona" ("Zonal Improvement Program o ZIP") ay tumutukoy sa programa ng National Housing Authority sa pagpapaangat at pagpapabuti sa mga pook ng iskwater sa loob ng mga lunsod at mga munisipalidad ng Kamaynilaan, alinsunod sa umiiral na mga Batas at mga mahahalagang atas-ehekutibo.
ARTIKULO II
MGA SAKLAW AT DI-SAKLAW
MGA SAKLAW AT DI-SAKLAW
Seksyon 4. Mga Saklaw - Ang Programa ay sasaklaw sa lahat ng lupain sa lunsod at mala-lunsod na mga lugar, kasama na ang mga lugar para sa pangunahing pagpapaunlad, pagpapabuting pangsona, pagpapabuti ng mga lugar ng iskwater at relokasyon, at iba pang mga lugar na matutukoy ng mga lokal na pamahalaan na naaangkop para sa pampamayanang pabahay.
Seksyon 5. Mga Di-saklaw - Ang mga sumusunod na lupain ay hindi saklaw ng batas na ito:
a) Yaong mga kasama sa saklaw ng Batas Republika Blg. 6657, na lalong kilala bilang Batas ng Komprehensibong Repormang Agraryo (Comprehensive Agrarian Reform Law);
b) Yaong aktwal na ginagamit para sa pambansang tanggulan at seguridad ng Estado;
c) Yaong ginagamit, inireserba o kaya'y isinaisang-tabi para sa pampamahalaang mga tanggapan, mga kagamitan, o ibang mga instalasyon, maging pagmamay-ari man ng Pambansang Pamahalaan, mga ahensya at mga sangay nito, kabilang ang mga korporasyong pagmamay-ari, o nasa ilalim ng kontrol ng pamahalaan, o ng mga pamahalaang lokal; Gayunman, sa pasubali, Na ang mga lupang nabanggit dito, o mga bahagi niyon, na hindi nagamit para sa layuning siyang dahilan kung bakit nireserba o isinaisang-tabi sila sa loob ng nakalipas na sampung (10) taon mula sa pagkabisa ng batas na ito, ay mapasasailalim din sa Batas na ito;
d) Yaong ginagamit o inilalaan para sa mga liwasan, reserba para sa mga halaman at hayop, gubat at mga burol na saplad o imbakang-tubig, at iba pang mga lugar na kinakailangan sa pagpapanatili ng balanseng ekolohikal o proteksyong pangkapaligiran, na tutukuyin at sesertipikahan ng kinauukulang ahensya ng pamahalaan; at
e) Yaong aktwal at pangunahing ginagamit para sa mga layuning panrelihiyon, pangkawanggawa, o pang-edukasyon, mga lugar na pangkasaysayan at pangkultura, pagamutan, sentrong pangkalusugan, at libingan o pang-alaalang parke; Ang mga di-saklaw na dito ay itinatadhana ay hindi mailalapat kapag ang gamit o layunin ng mga nabanggit na lupain ay natapos na.
ARTIKULO III
PAMBANSANG BALANGKAS NG PAGPAPAUNLAD NG KALUNSURAN AT PABAHAY
PAMBANSANG BALANGKAS NG PAGPAPAUNLAD NG KALUNSURAN AT PABAHAY
Seksyon 6. Balangkas para sa Makatwirang Pagpapaunlad. - Magkakaroon ng isang Pambansang Balangkas ng Pagpapaunlad ng Kalunsuran at Pabahay (National Urban Development and Housing Framework) na bubuuin ng Housing and Land Use Regulatory Board sa ilalim ng pamamahala ng Housing and Urban Development Coordinating Council sa pakikipag-ugnayan sa lahat ng pamahalaang lokal at iba pang kinauukulang pampubliko at pampribadong sektor sa loob ng isang (1) taon simula sa pagkakabisa ng Batas na ito. Ang Balangkas ay tutukoy sa komprehensibong plano para sa mga lunsod at mala-lunsod na lugar na naglalayong matupad ang mga layunin ng Programa. Sa pagbuo ng balangkas, ang pagrerebisa at pagsasaayos ng mga umiiral na planong pambayan at plano para sa paggamit ng lupa, programa sa pabahay, at iba pang mga proyekto at gawain ng mga ahensiya ng pamahalaan at ng pribadong sektor na maaaring makaapekto ng malaki sa paggamit ng mga lupaing lunsod, transportasyon at mga gamit pampubliko, imprastraktura, kapaligiran at galaw ng populasyon, ay isasagawa na may pagsang-ayon ng kinauukulang pamahalaang lokal.
ARTIKULO IV
PAGGAMIT , IMBENTARYO, PAGKUHA AT PAMAMAHAGI NG LUPA
PAGGAMIT , IMBENTARYO, PAGKUHA AT PAMAMAHAGI NG LUPA
Seksyon 7. Imbentaryo ng mga Lupain. - Sa loob ng isang (1) taon simula sa pagkakabisa ng Batas na ito, ang lahat ng pamahalaang bayan at lunsod ay magsasagawa ng imbentaryo ng lahat ng lupain at mga mehora doon sa kani-kanilang mga lokalidad. Ang imbentaryo ay sasaklaw sa mga sumusunod:
a) Mga lupaing residensiyal;
b) Mga lupaing pag-aari ng pamahalaan, maging ito ay pag-aari ng Pambansang Pamahalaan o ng alinman sa mga bahagi, sangay, o ahensya nito, kasama ang mga korporasyong aari o kontrolado ng pamahalaan at ang mga subsidiyaryo niyon;
c) Mga di-nakatala o inabandona at nakatiwangwang na lupain; at
d) Iba pang mga lupain.
Sa pagsasagawa ng imbentaryo, dapat isaad ng kinauukulang pamahalaang lokal, sa pakikipag-ugnayan sa Housing and Land Use Regulatory Board at pakikipagtulungan ng kinauukulang ahensya ng pamahalaan, ang uri ng gamit ng lupa at ang antas ng paggamit ng lupa, at iba pang datos o impormasyong kinakailangan para maisakatuparan ang mga layunin ng Batas na ito.
Para sa layunin ng pagpaplano, ang Housing and Urban Development Coordinating Council ay magbibigay sa bawat lokal na pamahalaan ng sipi ng imbentaryo na rerebisahin tuwing ikatlong (3) taon.
Seksyon 8. Pagtukoy sa mga Lugar para sa Pampamayanang Pabahay - Pagkatapos ng imbentaryo, tutukuyin ng mga pamahalaang lokal, sa pakikipag-ugnayan sa National Housing Authority, Housing and Land Use Regulatory Board, National Mapping Resource Information Authority at Land Management Bureau, ang mga lupain para sa pampamayanang pabahay at lugar ng relokasyon para sa pangmadalian at panghinaharap na pangangailangan ng mga kapuspalad at walang tahanan sa mga urbanisadong lugar, na isinasaalang-alang ang antas ng kahandaan ng mga pangunahing serbisyo at pasilidad, ang kanilang pagpunta at pagiging malapit sa mga lugar ng hanapbuhay at iba pang oportunidad na pangkabuhayan, at ang aktwal na bilang ng mga nakatalang benepisyaryo.
Ang mga lupain ng pamahalaan sa ilalim ng talata (b) ng sinundang seksyon na hindi ginagamit sa layuning pinaglaanan niyon sa loob ng sampung (10) taon simula sa pagkakabisa ng Batas na ito at tinukoy na angkop para sa pampamayanang pabahay, ay dagliang ililipat sa National Housing Authority sang-ayon sa pagpapatibay ng Pangulo ng Pilipinas o ng kinauukulang pamahalaang lokal, kung alin ang nararapat, para sa karampatang disposisyon alinsunod sa Batas na ito.
Seksyon 9. Mga Prayoridad sa Pagkuha ng Lupa. - Ang mga lupain para sa pampamayanang pabahay ay makukuha sa sumusunod na kaayusan:
(a) Iyong ari ng Pamahalaan o alinman sa mga bahagi, sangay, o ahensya nito, kasama ang mga korporasyong ari at kontrolado ng pamahalaan at mga subsidiyaryo niyon;
(b) Mga lupaing bayan na maaaring ilipat ang pagmamay-ari;
(c) Mga di-nakatala o inabandona at nakatiwangwang na lupain;
(d) Iyong sakop ng mga idineklarang lugar para sa Pangunahing Pagpapaunlad, Programa sa Pagpapabuting Pangsona at Programa sa Pagpapabuti ng mga Lugar ng Iskwater at Relokasyon na hindi pa nakukuha;
(e) Mga lugar ng Bagong Lipunan Improvement of Sites and Services o BLISS na hindi pa nakukuha; at
(f) Mga lupaing ari ng pribado. Kung saan ang pagpapaunlad sa mismong lugar ay mapapatunayang mas praktikal at kapaki-pakinabang sa mga benepisyaryo, ang mga prayoridad na binabanggit sa Seksyong ito ay hindi mailalapat. Ang mga pamahalaang lokal ay magbibigay ng prayoridad sa pananalapi sa pagdebelop sa mga lupain ng pamahalaan.
Seksyon 10. Mga Pamamaraan ng Pagkuha ng Lupa. - Ang mga pamamaraan ng pagkuha ng mga lupain para sa mga layunin ng Batas na ito ay kabibilangan, una sa lahat, ng pampamayanang pagsasangla (community mortgage), palitan ng lupa, pagtitipon at konsolidasyon ng lupa, pagbabangko ng lupa, donasyon sa Pamahalaan, pinag-usapang bilihan at ekspropriyasyon. Sa pasubali, gayunman, Na ang ekspropriyasyon ay isasagawa lamang kapag ang iba pang pamamaraan ng pagkuha ay naisagawa na. Sa pasubali pa, Na kung ang ekspropriyasyon ay isinagawa, ang mga parsela ng lupa ng mga may-ari ng maliit na ari-arian ay hindi masasaklaw ng Batas na ito. Sa pangwakas ay may pasubali, Na ang inabandonang ari-arian, ayon sa kahulugan dito, ay muling ibabalik at isasauli sa Estado sa isang pamamaraan na kahalintulad ng pamamaraang itinatakda sa Tuntunin 91 ng Mga Tuntunin ng Hukuman (Rules of Court).
Para sa layunin ng pampamayanang pabahay, ang mga ari-ariang ari at naremata ng pamahalaan ay kukunin ng mga pamahalaang lokal, o ng National Housing Authority pangunahin sa pamamagitan ng pinag-usapang bilihan: Sa pasubali, Na ang mga kwalipikadong benepisyaryo na aktwal na umookupa sa lupa ay pagkakalooban ng karapatang unang tumanggi.
Seksyon 11. Ekspropriyasyon ng mga Nakatiwangwang na Lupain - Ang lahat ng nakatiwangwang na lupain sa mga lunsod at mala-lunsod na lugar, ayon sa kahulugan at tinukoy alinsunod sa Batas na ito, ay isasailalim sa ekspropriyasyon at magiging bahagi ng lupaing bayan. Ang mga lupaing ito ay ipamamahagi o gagamitin ng Pamahalaan para sa mga layuning umaalinsunod sa kanilang mga planong gamit. Ang mga hakbangin para sa ekspropriyasyon ay isasagawa kapag, pagkalipas ng isang (1) taon kasunod ng pagkatanggap ng notisya ng pagkuha, ang may-ari ay nabigong magsagawa ng mga mehora ayon sa kahulugan sa Seksiyon 3(f) nito, maliban sa mga kalamidad, at iba pang di-inaasahang pangyayari. Hindi saklaw ng tadhanang ito, gayunman, ang mga lupaing residensyal, na hawak ng mga may-ari ng maliliit na ari-arian o iyong ang pagmamay-ari ay sumasailalim sa nakabimbing litigasyon sa hukuman.
Seksyon 12. Pamamahagi ng mga Lupain para sa Pampamayanang Pabahay. - Ang National Housing Authority, kapag nauukol sa mga lupaing ari ng Pambansang Pamahalaan, at ang mga pamahalaang lokal, kapag nauukol sa iba pang lupain sa loob ng kani-kanilang lokalidad, ay makikipag-ugnayan sa isa't isa upang magbuo at maghain ng iba't ibang alternatibong plano para sa pamamahagi ng mga lupain sa mga benepisyaryo ng Programa. Ang mga plano ay hindi limitado sa mga saklaw ng paglilipat ng pagmamay-ari sa simpleng bayaran subalit sasaklaw sa pag-upa, na may alternatibong bumili, legal na karapatang makinabang (usufruct) o iba pang modipikasyon na sa pananaw ng pamahalaang lokal o ng National Housing Authority ay pinakaangkop sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Batas na ito.
Alinsunod sa tadhanang ito, ang isang plano para sa pampublikong paupahang pabahay ay maaaring pagtibayin.
Seksyon 13. Pagtaya ng Halaga ng mga Lupain para sa Pampamayanang Pabahay. - Ang pantay na panuntunan sa pagtaya ng halaga ng lupa para sa pampamayanang pabahay ay itatakda ng Department of Finance batay sa halaga sa merkado na nakasaad sa halagahang pangsona, o kung wala ito, sa pinakahuling deklarasyon ng buwis para sa ari-ariang di-natitinag. Para sa mga lugar na okupado na ng mga kwalipikadong benepisyaryo ng Programa, isasama ng Department of Finance sa pagtaya ng halaga ang dahop na kalagayan ng lupa na sinertipikahan ng pamahalaang lokal o ng National Housing Authority.
Seksyon 14. Mga Limitasyon sa Pamamahagi ng mga Lupain para sa Pampamayanang Pabahay. - Walang ano mang lupa para sa pampamayanang pabahay, kasama na ang mga mehora o karapatan nito, ang maaaring ipagbili, ilipat ang pagmamay-ari, patawan ng mga singilin o paupahan ng sinumang benepisyaryo ng Programang ito maliban sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng Programa na tinukoy ng kinauukulang ahensya ng pamahalaan.
Sakaling ilegal na ipagbili, ilipat, o di kaya ay ipamahagi ng benepisyaryo ang kanyang lote o anumang karapatan dito, ang transaksyon ay mapapawalang-bisa. Siya ay mawawalan din ng kanyang karapatan sa lupa, mababalewala ang kabuuang hulog na nabayaran na para dito, at hindi makikinabang sa mga benepisyo sa ilalim ng Batas na ito sa loob ng sampung (10) taon magmula sa petsa ng paglabag.
Sakaling mamatay ang benepisyaryo bago ipagkaloob sa kanya ang lubos na pagmamay-ari sa lupa, ang paglilipat sa kanyang mga tagapagmana ay magaganap lamang matapos na kanilang akuin ang kanyang natitirang mga bayarin. Kapag nabigo ng mga tagapagmana na akuin ang nasabing mga bayarin, ang lupa ay babalik sa pagmamay-ari ng Pamahalaan para ipamahagi alinsunod sa Batas na ito.
ARTIKULO V
PAMPAMAYANANG PABAHAY
PAMPAMAYANANG PABAHAY
Seksyon 15. Patakaran. - Ang pampamayanang pabahay, ayon sa kahulugan sa Seksiyon 3 nito, ay magiging pangunahing pamamaraan sa pagkakaloob ng tirahan sa mga kapuspalad at walang tahanan. Gayunman, kung ang kasunduan sa pagmamay-ari sa isang partikular na programa ng pampamayanang pabahay ay may uring pagpapaupa o legal na karapatang makinabang, ito ay magiging pansamantala at ang mga benepisyaryo ay dapat hikayating magsarili mula sa Programa sa loob ng itinakdang panahon, na tutukuyin ng kinauukulang tagapagpatupad na ahensya.
Seksyon 16. Mga Panukatan sa Pagpili para sa mga Benepisyaryo ng Programa sa Pampamayanang Pabahay. - Para magkaroon ng karapatan para sa programa ng pampamayanang pabahay, ang isang benepisyaryo ay kailangang:
a) Isang mamamayang Filipino;
b) Isang kapuspalad at walang tahanang mamamayan, ayon sa kahulugan sa Seksyon 3 ng batas na ito;
c) Hindi nagmamay-ari ng alinmang ari-ariang di-natitinag maging sa mga lunsod o mala-lunsod na mga lugar; at
d) Hindi isang propesyonal na iskwater o kabilang sa mga sindikato ng iskwater.
Seksyon 17. Pagpapatala ng mga Benepisyaryo ng Pampamayanang Pabahay. - Ang Housing and Urban Development Coordinating Council, sa pakikipag-ugnayan sa mga pamahalaang lokal, ay bubuo ng isang sistema para sa pagpapatala ng mga kwalipikadong benepisyaryo ng Programa alinsunod sa Balangkas. Ang mga pamahalaang lokal, sa loob ng isang (1) taon simula sa pagkakabisa ng Batas na ito, ay tutukuyin at itatala ang lahat ng benepisyaryo sa kani-kanilang mga lokalidad.
Seksyon 18. Pagtatayo ng Balanseng Pabahay. - Ang Programa ay kabibilangan ng isang sistema na tutukuyin sa plano ng Balangkas kung saan ang mga debeloper ng mga panukalang subdibisyon ay kakailanganing magdebelop ng isang lugar para sa pampamayanang pabahay na katumbas ng dalawampung bahagdan (20%) ng kabuuang sukat ng lupa ng subdibisyon o ng kabuuang halaga ng proyektong subdibisyon, sa opsyon ng debeloper, sa loob din ng naturang lunsod o bayan, kung maaari, at alinsunod sa pamantayang itinakda ng Housing and Land Use Regulatory Board at ng iba pang umiiral na batas. Ang pagtatayo ng balanseng pabahay na itinatakda rito ay maaari ding isagawa ng mga kinauukulang debeloper sa alinman sa mga sumusunod na paraan:
a) Pagtatayo ng bagong pananahanan;
b) Pagpapabuti ng mga lugar ng iskwater at pagbabagong-anyo ng mga lugar para sa pangunahing pagpapaunlad sa pamamagitan ng mga programa sa pagpapabuting pangsona o programa sa pagpapabuti ng mga lugar ng iskwater at relokasyon;
c) Mga sosyohang proyekto kasama ang alinman sa mga pamahalaang lokal o alinman sa mga ahensya sa pabahay; o
d) Paglahok sa Programa sa Pampamayanang Pagsasangla (Community Mortgage Program).
Seksyon 19. Mga Insentibo para sa National Housing Authority. - Ang National Housing Authority, bilang pangunahing ahensya ng pamahalaan na namamahala sa pagkakaloob ng pabahay sa mga kapuspalad at walang tirahan, ay hindi saklaw ng pagbabayad ng lahat ng bayarin at ng anumang uri ng singilin, maging ito ay lokal o nasyonal, katulad ng mga buwis sa kita at ari-ariang di-natitinag. Ang lahat ng mga kasulatan o kasunduan na pinagtibay ng at pabor sa National Housing Authority ay hindi rin saklaw ng pagbabayad ng buwis sa selyo dokumentaryo at mga bayarin sa pagpapatala, kabilang ang mga bayaring kinakailangan para sa pagpapalabas ng mga titulo ng lupa.
Seksyon 20. Mga Insentibo para sa Pribadong Sektor na Lumalahok sa Pampamayanang Pabahay. - Para mahikayat ang higit na aktibong pakikilahok ng pribadong sektor sa pampamayanang pabahay at higit pang mapababa ang halaga ng mga pabahay para sa kapakanan ng mga kapuspalad at walang tahanan, ang mga sumusunod na insentibo ay ipagkakaloob sa pribadong sektor:
a) Pagbabawas at pagpapadali ng mga kinakailangan para sa kwalipikasyon at akreditasyon para sa mga kalahok na pribadong debeloper;
b) Pagbuo ng one-stop offices sa iba't ibang rehiyon ng bansa para sa pagpoproseso ng pagpapatibay at pagpapalabas ng mga clearance, permit at lisensya: Sa pasubali, Na ang mga clearance, permit at lisensya ay ipalalabas sa loob ng siyamnapung (90) araw magmula sa petsa ng pagsusumite ng lahat ng mga kinakailangan ng mga kalahok na pribadong debeloper;
c) Pagpapadali ng mga pamamaraan sa pagpopondo; at
d) Eksemsyon sa pagbabayad ng mga sumusunod:
1) Mga buwis sa kita (income tax) na kaugnay ng proyekyo;
2) Buwis sa tubo ng kapital (Capital gains tax) para sa mga bagong lupa na ginamit para sa proyekto;
3) Buwis na halagang-dagdag (Value-added tax) para sa kinauukulang kontratista ng proyekto;
4) Buwis sa paglilipat (Transfer tax) para sa mga bago at natapos na proyekto; at
5) Buwis sa donasyon (Donor's tax) para sa mga lupaing sinertipikahan ng mga pamahalaang lokal na ipinagkaloob para sa mga layunin ng pampamayanang pabahay.
Sa pasubali, Na sa sandaling mag-aplay ng eksemsyon, isang pataw sa titulo ng lupa (lien) ang itatala ng Register of Deeds:
Sa pasubali pa, Na ang plano para sa pampamayanang pabahay ay napagtibay na ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan: Sa pasubaling pangwakas, Na lahat ng mga matitipid sa bisa ng tadhanang ito ay titipunin pabor sa mga benepisyaryo alinsunod sa mga patakaran sa pagpapatupad na ipalalabas ng Housing and Urban Development Coordinating Council.
Ang mga kaukulang alituntunin sa pagpapatupad ay ihahanda ng Department of Finance, sa pakikipagkonsultasyon sa Housing and Urban Development Coordinating Council, para sa wastong pagpapatupad ng mga eksemsyon sa buwis na binabanggit sa seksyong ito sa loob ng isang (1) taon matapos ang pagpapatibay ng Batas na ito. Ang mga may-ari ng mga ari-arian na kusang-loob na maglalaan ng mga lugar ng relokasyon para sa mga ilegal na umookupa sa kanilang mga lupain ay pagkakalooban ng kabawasan sa buwis na katumbas ng aktwal na di-mababawing mga gastusin na ginugol sa relokasyon, alinsunod sa mga patakaran sa pagpapatupad na magkasanib na ipalalabas ng Housing and Urban Development Coordinating Council at ng Department of Finance.
Seksyon 21. Mga Pangunahing Serbisyo. - Ang pampamayanang pabahay o mga lugar ng relokasyon ay paglalaanan ng pamahalaang lokal o ng National Housing Authority sa pakikipagtulungan ng mga pribadong debeloper at ng mga kinauukulang ahensya na mayroong sumusunod na mga pangunahing serbisyo at pasilidad:
a) Maiinom na tubig;
b) Kuryente at elektrisidad at isang sapat na sistema ng pamamahagi ng kuryente;
c) Mga pasilidad ng alkantrilya at maayos at sapat na sistema ng pagtatapon ng solidong basura; at
d) Daanan patungo sa mga pangunahing lansangan at mga pasilidad ng transportasyon.
Ang paglalaan ng iba pang serbisyo at pasilidad kagaya ng kalusugan, edukasyon, komunikasyon, seguridad, libangan, kaginhawahan at kapakanan ay ipaplano at bibigyan ng pangunahing pansin para sa pagpapatupad ng pamahalaang lokal at ng mga kinauukulang ahensya sa pakikipagtulungan ng pribadong sektor at ng mismong mga benepisyaryo.
Titiyakin ng pamahalaang lokal, sa pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan, na ang mga pangunahing serbisyong ito ay mailalaan sa pinakamurang halaga, at magtatakda ng mekanismo para pag-ugnayin ang pagsasagawa ng mga plano, layunin at gawain ng ibang ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa paglalaan ng mga pangunahing serbisyo sa mga proyektong pabahay.
Seksyon 22. Bahaging Pangkabuhayan. - Hanggang sa antas na makakaya, ang pampamayanang pabahay at mga proyektong panrelokasyon ay dapat ilagay malapit sa mga lugar na madali ang mga oportunidad sa trabaho. Ang mga ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa pagpapaunlad ng mga programang pangkabuhayan at pagkakaloob ng mga pautang pangkabuhayan ay magbibigay ng pangunahing pansin sa mga benepisyaryo ng Programa.
Seksyon 23. Pakikilahok ng mga Benepisyaryo. - Ang mga pamahalaang lokal, sa pakikipag-ugnayan sa Presidential Commission for the Urban Poor at sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan, ay magbibigay sa mga benepisyaryo ng Programa o sa kanilang mga itinalagang kinatawan ng pagkakataon na mapakinggan at makilahok sa proseso ng pagbuo ng desisyon hinggil sa mga bagay na sumasaklaw sa pangangalaga at pagsusulong ng kanilang mga lehitimong pangkalahatang kapakanan kasama na ang mga naaangkop na dokumentasyon at mekanismo ng balik-ulat. Sila ay dapat ding hikayating mag-organisa at magsagawa ng mga sariling-sikap na kooperatibang pabahay at iba pang pangkabuhayang gawain. Sila ay tutulong sa Pamahalaan sa pagpigil sa pagpasok ng mga propesyonal na iskwater at mga kaanib ng sindikato ng iskwater sa kanilang mga pamayanan.
Sa mga pagkakataong ang mga apektadong benepisyaryo ay nabigong mag-organisa o magbuo ng isang alyansa sa loob ng sapat na panahon bago ang pagpapatupad ng programa o mga proyekto na makakaapekto sa kanila, ang konsultasyon ng tagapagpatupad na ahensya at ng mga apektadong benepisyaryo ay isasagawa sa tulong ng Presidential Commission for the Urban Poor at ng kinauukulang di-pampamahalaang organisasyon.
Seksyon 24. Konsultasyon sa Pribadong Sektor. - Ang mga oportunidad para sa sapat na konsultasyon ay ipagkakaloob sa pribadong sektor na kalahok sa proyekto ng pampamayanang pabahay alinsunod sa Batas na ito.
ARTIKULO VI
MGA LUGAR PARA SA PANGUNAHING PAGPAPAUNLAD, PROGRAMA PARA SA PAGPAPABUTING PANSONA AT PROGRAMA PARA SA PAGPAPABUTI NG MGA LUGAR NG ISKWATER AT RELOKASYON
MGA LUGAR PARA SA PANGUNAHING PAGPAPAUNLAD, PROGRAMA PARA SA PAGPAPABUTING PANSONA AT PROGRAMA PARA SA PAGPAPABUTI NG MGA LUGAR NG ISKWATER AT RELOKASYON
Seksyon 25. Mga Benepisyo. - Bilang karagdagan sa mga benepisyo na itinatadhana sa ilalim ng mga umiiral na batas at mga kaugnay na kautusan sa mga umookupa ng mga lugar para sa pangunahing pagpapaunlad, programa sa pagpapabuting pansona at programa sa pagpapabuti ng mga lugar ng iskwater at relokasyon, ang nasabing mga okupante ay magkakaroon ng karapatang magkaroon ng prayoridad sa lahat ng proyekto ng pamahalaan na pasisimulan alinsunod sa Batas na ito. Sila ay may karapatan din sa mga sumusunod na pantulong na serbisyo:
(a) Pagsukat at pagtititulo ng lupa sa mababang halaga;
(b) Pinaluwag na mga kondisyon sa mga pasilidad ng pautang at mga pautang sa pabahay at isandaang bahagdan (100%) na bawas sa buwis sa kita ng bawat mamimili ng bahay sa lahat ng bayad sa interes na ginawa sa mga dokumentadong utang na ginugol para sa konstruksyon o pagbili ng tirahan ng mamimili ng bahay.
(c) Eksemsyon sa pagbabayad ng buwis sa selyong dokumentaryo, bayad sa pagpapatala, at iba pang mga bayarin para sa pagpapalabas ng mga titulo ng lupa;
(d) Mga pangunahing serbisyo na itinatadhana sa Seksiyon 21 ng Batas na ito; at
(e) Iba pang mga benepisyo na maaaring ipagkaloob mula sa pagpapatupad ng Batas na ito.
ARTIKULO VII
PAGPAPANIBAGONG-ANYO NG KALUNSURAN AT RELOKASYON
PAGPAPANIBAGONG-ANYO NG KALUNSURAN AT RELOKASYON
Seksyon 26. Pagpapanibagong-anyo ng Kalunsuran at Relokasyon. - Ito ay kabibilangan ng rehabilitasyon at pagpapaunlad ng mga dahop at magugulong lugar at ng relokasyon ng mga benepisyaryo ng Programa alinsunod sa mga tadhana ng Batas na ito. Ang pagdebelop sa mismong lugar ay ipatutupad, kung maaari, upang matiyak ang minimum na pagkilos ng mga okupante ng mga dahop na lupain at lugar ng mga iskwater. Ang relokasyon ng mga benepisyaryo ng Programa mula sa mga lugar na kanilang inookupahan ay isasagawa lamang kung ang pagdebelop sa mismong lugar ay hindi maaaring maisakatuparan at matapos ang pagtupad sa mga alituntunin na itinatakda sa Seksyon 28 ng Batas na ito.
Seksyon 27. Hakbang Laban sa mga Propesyonal na Iskwater at mga Sindikato ng Iskwater. - Ang mga pamahalaang lokal, sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police, Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP), at ng akreditado-ng-PCUP na organisasyon ng mga maralitang lunsod sa lugar, ay magpapatibay ng mga hakbangin upang matukoy at epektibong mapigil ang masasama at ilegal na gawain ng mga propesyonal na iskwater at mga sindikato ng iskwater, na tinutukoy dito.
Ang sinumang tao o grupo na tinukoy na katulad nito ay madaliang paaalisin at ang kanilang tirahan o istraktura ay gigibain, at sila ay aalisan ng karapatan na makinabang sa mga benepisyo ng Programa. Ang isang pinuno ng bayan na pumapayag o kumukunsinti sa paggawa ng mga nabanggit na mga gawain ay parurusahan alinsunod sa mga umiiral na batas. Para sa mga layunin ng Batas na ito, ang mga propesyonal na iskwater o mga kaanib ng sindikato ng iskwater ay papatawan ng parusang anim (6) na taong pagkabilanggo o multa na hindi bababa sa animnapung libong piso (P 60,000) subalit hindi lalampas sa isandaang libong piso (P 100,000), o pareho, sang-ayon sa kapasyahan ng hukuman.
Seksyon 28. Ebiksyon at Demolisyon. - Ang ebiksyon o demolisyon bilang isang patakaran ay hindi pinapayagan. Gayunman, maaaring pahintulutan ang ebiksyon o demolisyon sa ilalim ng mga sumusunod na pagkakataon:
(a) Kapag naninirahan ang mga tao o mga pangkat sa mga pook na mapanganib, gaya ng mga estero, riles ng tren, mga tapunan ng basura, mga tabing ilog, mga dalampasigan, mga daanan ng tubig, at ibang mga pook-publiko tulad ng mga bangketa, mga kalsada, mga parke, at mga palaruan;
(b) Kapag isasagawa na ang mga proyektong imprastraktura ng pamahalaan na may pondong magugugol; at
(c) Kung may utos mula sa korte para sa ebiksyon at demolisyon.
Sa pagsasagawa ng mga kautusan para sa ebiksyon o demolisyon na kinasasangkutan ng mga mamamayang kapuspalad at walang tirahan, ipinag-uutos ang mga sumusunod: (1) Notisya sa mga apektadong tao o grupo na hindi bababa sa tatlumpung (30) araw bago ang petsa ng pagpapaalis o pagpapagiba;
(2) Sapat na konsultasyon tungkol sa relokasyon sa mga itinalagang kinatawan ng mga pamilyang ililipat at sa mga apektadong pamayanan sa mga lugar na paglilipatan sa kanila;
(3) Pagharap ng mga pinuno ng pamahalaang lokal o kanilang mga kinatawan sa panahon ng pagpapaalis at pagpapagiba;
(4) Wastong pagtukoy sa lahat ng taong makikibahagi sa pagpapagiba;
(5) Pagpapatupad ng pagpapaalis at pagpapagiba tuwing pangkaraniwang oras ng trabaho lamang mula Lunes hanggang Biyernes at tuwing may magandang panahon, maliban kung ang mga apektadong pamilya ay pumapayag sa ibang kondisyon;
(6) Hindi gagamit ng malalaking makinarya para sa paggiba maliban sa mga istraktura na permanente at yari sa mga kongkretong materyales;
(7) Wastong uniporme para sa mga kasapi ng Philippine National Police na ookupa sa unang hanay ng magpagpapatupad ng batas at susunod sa wastong pamamaraan ng pagkontrol sa kaguluhan; at
(8) Sapat na relokasyon, maging pansamantala o pangmatagalan: Sa pasubali, gayunman, na sa mga pagkakataon ng pagpapaalis o pagpapagiba alinsunod sa isang kautusan ng hukuman na sumasaklaw sa mga kapuspalad at walang tahanang mamamayan, ang relokasyon ay isasagawa ng kinauukulang pamahalaang lokal at ng National Housing Authority sa tulong ng ibang ahensya ng pamahalaan sa loob ng apatnapu't limang (45) araw mula sa pagkakapatanggap ng notisya ng pinal na hatol ng hukuman, pagkatapos ng panahong ito ang nasabing kautusan ay ipatutupad: Sa pasubali pa, Na kung sakaling ang relokasyon ay hindi maaaring maisakatuparan sa loob ng nasabing panahon, pagkakalooban ng tulong pananalapi na nagkakahalaga ng katumbas ng animnapung (60) araw ng umiiral na pinakamababang arawang suweldo ang mga apektadong pamilya ng kinauukulang pamahalaang lokal. Ang Department of Interior and Local Government at Housing and Urban Development Coordinating Council ay magpapalabas ng mga kinakailangang tuntunin at patakaran para maipatupad ang itinatadhana sa itaas.
Seksyon 29. Relokasyon. - Sa loob ng dalawang (2) taon simula sa pagkakabisa ng Batas na ito, ang mga pamahalaang lokal, sa pakikipag-ugnayan sa National Housing Authority, ay magpapatupad ng relokasyon ng mga taong naninirahan sa mga lugar na mapanganib kagaya ng mga estero, riles ng tren, tambakan ng basura, tabing-ilog, dalampasigan, daang-tubig, at sa iba pang pampublikong lugar katulad ng mga bangketa, lansangan, liwasan at palaruan. Ang pamahalaang lokal, sa pakikipag-ugnayan sa National Housing Authority, ay maglalaan ng mga lugar para sa relokasyon na may mga pangunahing serbisyo at pasilidad at pagkakaroon ng trabaho at mga oportunidad na pangkabuhayan na sasapat upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga apektadong pamilya.
Seksyon 30. Pagbabawal sa mga Bagong Ilegal na Istraktura. - Labag sa batas sa sinumang tao ang magtayo ng anumang istraktura sa mga lugar na nabanggit sa sinundang seksyon. Pagkaraang magkabisa ng Batas na ito, ang mga pamahalaang pambarangay, pambayan o panglunsod ay pipigil sa pagtatayo ng anumang uri ng ilegal na tirahan o istraktura sa loob ng kani-kanilang lokalidad. Ang pinuno ng alinmang pamahalaang lokal na pumapayag, kumukunsinti o di kaya ay pinababayaan ang konstruksyon ng anumang istraktura ng labag sa seksyong ito ay mananagot sa mga parusang administratibo sa ilalim ng mga umiiral na batas at sa mga kaparusahang itinatadhana sa Batas na ito.
ARTIKULO VIII
PROGRAMA SA PAMPAMAYANANG PAGSASANGLA
PROGRAMA SA PAMPAMAYANANG PAGSASANGLA
Seksyon 31. Kahulugan. - Ang Programa sa Pampamayanang Pagsasangla [Community Mortgage Program (CMP)] ay isang programa ng pagtustos sa sangla (mortgage financing) ng National Home Mortgage Finance Corporation na tumutulong sa mga legal na inorganisang asosasyon ng mga kapuspalad at walang tahanan na makabili at makapagdebelop ng isang bahagi ng lupa sa ilalim ng konsepto ng pagmamay-aring pangkomunidad. Ang pangunahing layunin ng programa ay matulungan ang mga residente ng mga dahop at maralitang lugar na magmay-ari sa mga loteng kanilang inookupahan, o kung saan nila mapiling mailipat, at pagkatapos ay mapabuti ang kanilang kapitbahayan at mga tahanan sa abot ng kanilang makakaya.
Seksyon 32. Mga Insentibo. - Para mahikayat ang mas malawak na pagpapatupad nito, ang mga kalahok sa CMP ay pagkakalooban ng mga sumusunod na mga karapatan at insentibo:
(a) Ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan at ng mga pamahalaang lokal, ay maaaring mamahagi ng kanilang mga nakatiwangwang na lupain na naaangkop para sa pampamayanang pabahay sa ilalim ng CMP sa pamamagitan ng pinag-usapang bentahan sa mga presyong batay sa halaga ng pagkakuha kasama na ang mga pataw na halaga;
(b) Ang mga ari-ariang naipagbili sa ilalim ng CMP ay hindi masasaklaw ng buwis sa tubo ng kapital (capital gains tax);
(c) Ang mga benepisyaryo sa ilalim ng CMP ay hindi paalisin o babawian ng pagmamay-ari ng kanilang mga lupain o mga mehora maliban kung sila ay may mga utang sa pagbabayad ng buwanang hulog sa loob ng tatlong (3) buwan.
Seksyon 33. Pag-oorganisa ng mga Benepisyaryo. - Magiging responsibilidad ng mga benepisyaryo ng Programa ang kanilang pag-oorganisa ng mga samahan upang mapangasiwaan ang kanilang mga subdibisyon o mga lugar ng tirahan, upang maseguro ang mga pautang sa pabahay sa ilalim ng umiiral na “Community Mortgage Program� at iba pang mga proyektong kapaki-pakinabang sa kanila. Napapailalim sa mga alituntunin at mga patakarang ipahahayag ng National Home Mortgage Finance Corporation, maaaring sama-samang magkamit at magmay-ari ng mga lupang nasasaklaw ng Programang ito ang mga samahang naorganisa alinsunod sa Batas na ito. Kung hindi makabuo ng isang samahan ang mga benepisyaryo sa pamamagitan at sa kanilang mga sarili mismo, magpapasimula ang National Home Mortgage Finance Corporation ng pag-oorganisa sa mga nabanggit nang may Pakikipag-ugnayan sa Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) at sa kinauukulang mga pamahalaang lokal. Walang sinumang tao na hindi tunay na residente ng lugar ang magiging kasapi o opisyal ng ganitong samahan.
ARTIKULO IX
MGA KAUGNAY NA ISTRATEHIYA
MGA KAUGNAY NA ISTRATEHIYA
Seksyon 34. Pagsusulong sa mga Katutubong Kagamitan at Teknolohiya sa Pabahay. - Ang mga pamahalaang lokal, sa pakikipagtulungan ng National Housing Authority, Technology and Livelihood Resource Center, at iba pang kinauukulang mga ahensya, ay magsusulong sa produksyon at paggamit ng mga katutubo, alternatibo, at mababang-halagang mga kagamitang pangkonstruksyon at mga teknolohiya para sa pampamayanang pabahay.
Seksyon 35. Sistema ng Transportasyon. - Ang mga pamahalaang lokal, sa pakikipag-ugnayan sa Departments of Transportation and Communications, Budget and Management, Trade and Industry, Finance, at Public Works and Highways, ang Home Insurance Guaranty Corporation, at iba pang kinauukulang mga ahensya, ay magbubuo ng isang uri ng mekanismo kasama na ang mga insentibo sa pribadong sektor upang ang isang makatuturang sistema ng transportasyon ay mapasimulan at mapaunlad sa mga urbanisadong lugar. Ito rin ay magbabalangkas ng mga pamantayan na naglalayong maisakatuparan ang mga layuning ito:
(a) Maayos na takbo ng trapiko;
(b) Kaligtasan at kaginhawahan sa paglalakbay;
(c) Minimum na paggamit ng mga espasyo ng lupa;
(d) Minimum na pinsala sa pisikal na kapaligiran; at
(e) Sapat at makabuluhang serbisyong pantransportasyon sa mga tao at kalakal sa mababang halaga.
Seksyon 36. Balanseng Pangkapaligiran. - Ang mga pamahalaang lokal ay makikipag-ugnayan sa Department of Environment and Natural Resources sa paggawa ng mga hakbang upang maiplano at maregula ang mga gawaing panglunsod para sa konserbasyon at pangangalaga ng mga mahahalaga, di-pangkaraniwan at sensitibong sistemang pangkapaligiran, mga kaayaayang tanawin, mga lugar na pangkultura at iba pang mga lugar na likas-yaman. Upang maisagawa ang pagpapatupad ng gampaning ito nang mas epektibo, ang aktibong pakikilahok ng mga mamamayan sa rehabilitasyon at sa proseso ng paggawa ng desisyon ay dapat na isulong at mahikayat. Ang mga pamahalaang lokal ay magrerekomenda sa Environmental Management Bureau ng madaliang pagpapasara sa mga planta, minahan, kompanya ng transportasyon na napapatunayang nagdudulot ng matinding polusyon.
Seksyon 37. Mga Galaw ng Populasyon. - Magtatatag ang mga pamahalaang lokal ng isang epektibong mekanismo, kabalikat ang naaangkop na mga ahensiyang gaya ng Population Commission, ng National Economic and Development Authority, at ng National Statistics Office, upang masundan ang mga kalakaran sa mga pagkilos ng populasyon mula sa lalawigan patungong lunsod, mula lunsod patungong lunsod, at mula lunsod patungong lalawigan. Tutukuyin nila ang mga hakbang na siyang makaiimpluwensiya sa mga ganitong uri ng mga pagkilos upang makamit ang pagkabalanse sa pagitan ng mga kakayahang pangkalunsuran at ng populasyon, upang matuon ang nararapat na mga bahagi ng populasyon sa mga lugar na kung saan ay maaari silang magkaroon ng daan sa mga pagkakataong mapagbuti ang kanilang mga pamumuhay, at upang makatulong sila sa pambansang paglago at magrekomenda ng panukalang batas sa kongreso, kung kinakailangan.
Magkakaloob din ang Population Commission, ang National Economic and Development Authority, at ang National Statistics Office ng paunang impormasyon sa mga tagapagplano ng pamahalaang pambansa at lokal tungkol sa mga inaasahan at sa kahihinatnang nibel ng mga serbisyo kailangan sa partikular na mga lugar sa kalunsuran at sa maaaring gawing lunsod. Mapapabilang sa mga serbisyong ito ang mga sistema ng maagang babala tungkol sa inaasahang suliranin sa isang partikular na lugar sa kalunsuran dala ng mga paglaki ng populasyon, mga pagliit, mga pagbabago sa balangkas ng edad.
Seksyon 38. Pagsasandigang Kalunsuran-Kanayunan. - Upang mapababa ang paglipat mula sa kanayunan patungo sa kalunsuran at maisulong ang desentralisasyong panglunsod, ang mga pamahalaang lokal ay makikipag-ugnayan sa National Economic Development Authority at sa ibang mga ahensya ng pamahalaan sa pagbalangkas ng mga programa sa pambansang pagpapaunlad na makapagpapasigla sa paglaki ng ekonomiya at magsusulong sa panlipunan at pangkabuhayang pag-unlad sa kanayunan.
ARTIKULO X
PAGPAPATUPAD NG PROGRAMA
PAGPAPATUPAD NG PROGRAMA
Seksyon 39. Gampanin ng mga Pamahalaang Lokal. - Ang mga pamahalaang lokal ay aatangan ng katungkulan sa pagpapatupad ng Batas na ito sa kani-kanilang lokalidad, sa pakikipag-ugnayan sa Housing and Urban Development Coordinating Council, mga pambansang ahensya ng pabahay, Presidential Commission for the Urban Poor, pribadong sektor at iba pang di-pampamahalaang organisasyon. Sila ay maghahanda ng isang komprehensibong plano sa paggamit ng lupa para sa kani-kanilang lokalidad alinsunod sa mga tadhana ng Batas na ito.
Seksyon 40. Gampanin ng mga Ahensya ng Pamahalaan sa Pabahay. - Bilang karagdagan sa kani-kanilang mga umiiral na kapangyarihan at gampanin, at iyong mga itinatadhana ng Batas na ito, ang mga ahensiya sa pabahay na binabanggit sa ilalim nito ay magsasagawa ng mga sumusunod:
(a) Ang Housing and Urban Development Coordinating Council, sa pamamagitan ng mga pangunahing ahensya sa pabahay, ay magbibigay sa mga pamahalaang lokal ng kinakailangang tulong katulad ng:
(1) Pagbalangkas ng mga pamantayan at panuntunan gayundin ang pagkakaloob ng tulong teknikal sa paghahanda ng mga planong pambayan at sa paggamit ng lupa;
(2) Sa pakikipag-ugnayan sa National Economic and Development Authority at National Statistics Office, magbigay ng mga datos at impormasyon para sa paunang pagpaplano ng mga pamahalaang lokal sa kanilang mga lugar, partikular sa mga pagtaya hinggil sa populasyon at mga pagbabago sa pag-unlad sa kanilang mga lokalidad at sa mga katugmang programa sa negosyo na kinakailangan para makapaglaan ng mga naaangkop na uri at antas ng imprastraktura, pasilidad, serbisyo at mga huwaran sa paggamit ng lupa; at
(3) Tulong sa pagkakaroon ng pondo at iba pang mapagkukunang-yaman na kailangan sa pagpapaunlad ng kalunsuran at mga programa sa pabahay sa kanilang mga lugar na nasasakupan.
(b) Ang National Housing Authority, sa kahilingan ng mga pamahalaang lokal, ay magkakaloob ng teknikal at iba pang uri ng tulong sa pagpapatupad ng kani-kanilang mga programa sa pagpapaunlad ng kalunsuran at pabahay na may layuning madagdagan at mapalakas ang mga kakayahan ng pamahalaang lokal sa paglalaan ng mga benepisyo sa pabahay sa kanilang mga nasasakupan;
(c) Ang National Home Mortgage Finance Corporation ang mangangasiwa sa Community Mortgage Program sa ilalim ng Batas na ito at magpalabas ng mga alituntunin at patakaran para maipatupad ang mga tadhana ng Batas na ito; at
(d) Ang Home Insurance Guaranty Corporation ay babalangkas ng naaangkop na planong panggarantiya upang mahikayat ang mga institusyong nagpapautang na pumasok sa tuwirang pagpapautang para sa pabahay.
Seksyon 41. Taunang Ulat. - Ang Housing and Urban Development Coordinating Council at ang mga pamahalaang lokal ay magsusumite ng detalyadong taunang ulat na may kinalaman sa pagpapatupad ng Batas na ito sa Pangulo at sa Kongreso ng Republika ng Pilipinas.
ARTIKULO XI
PAGPOPONDO
PAGPOPONDO
Seksyon 42. Pagpopondo. - Ang mga pondo para sa programa sa pagpapaunlad ng kalunsuran at pabahay ay manggagaling sa mga sumusunod:
(a) Hindi bababa sa limampung bahagdan (50%) mula sa taunang netong kita ng Public Estates Authority, na gagamitin ng National Housing Authority upang maipatupad ang mga programa nito sa pagkuha ng lupa para sa mga layunin ng relokasyon sa ilalim ng Batas na ito;
(b) Ang mga malilikom mula sa disposisyon ng mga nakaw-na-yaman, na hindi pa nailalaan sa ibang layunin, ay gagamitin sa pagpapatupad ng Batas na ito at pangangasiwaan ng National Home Mortgage Finance Corporation;
(c) Mga pautang, kaloob, pamana at donasyon, maging mula sa mga lokal o dayuhang panggagalingan;
(d) Pagpapakalat ng mga bond, alinsunod sa mga alituntunin na itatakda ng Monetary Board;
(e) Mga malilikom mula sa buwis para sa pampamayanang pabahay at, alinsunod sa pagsang-ayon ng mga kinauukulang pamahalaang lokal, buwis para sa mga nakatiwangwang na lupain na itinatadhana sa Seksyon 236 ng Kodigo ng Pamahalaang Lokal ng 1991 (Local Government Code of 1991) at iba pang umiiral na batas;
(f) Mga malilikom mula sa pagbebenta o disposisyon ng mga lupang pampubliko sa mga lugar na urbanisado na maaaring ilipat ang pagmamay-ari; at
(g) Lokal at dayuhang negosyo o pagpopondo sa pamamagitan ng naaangkop na mga kasunduan katulad ng build-operate-and-transfer scheme.
Seksyon 43. Buwis para sa Pampamayanang Pabahay. - Alinsunod sa simulain ng saligang batas na ang pagmamay-ari at pagtatamasa ng ari-arian ay may kaakibat na layuning panlipunan at upang makapag-ipon ng pondo mula sa Programa, ang lahat ng pamahalaang lokal ay binibigyang kapangyarihan nito na magpataw ng karagdagang kalahating bahagdan (0.5%) na buwis sa tinatayang halaga ng lahat ng lupain sa mga urbanisadong lugar na lalabis sa Limampung Libong Piso (P 50,000).
ARTIKULO XII
MGA TADHANANG LILIPAS
MGA TADHANANG LILIPAS
Seksyon 44. Pagpapaliban sa Pagpapaalis at Pagpapagiba. - Magkakaroon ng pansamantalang pagpapaliban sa pagpapaalis ng lahat ng benepisyaryo ng Programa at sa pagpapagiba ng kanilang mga tirahan sa loob ng tatlong (3) taon simula sa pagkakabisa ng Batas na ito: Sa pasubali, na ang pagpapaliban ay hindi sasaklaw sa mga tao na nagtayo ng kanilang istraktura matapos ang pagkakabisa ng Batas na ito at para sa mga kasong tinutukoy sa Seksyon 28 nito.
ARTIKULO XIII
MGA PANGKALAHATANG TADHANA
MGA PANGKALAHATANG TADHANA
Seksyon 45. Kaparusahan. - Ang sinumang tao na lalabag sa alinmang tadhana ng Batas na ito ay papatawan ng parusang hindi lalampas sa anim (6) na taong pagkabilanggo o multang hindi kukulangin sa Limang Libong Piso (P 5,000) subalit hindi lalampas sa Isandaang Libong Piso (P 100,000), o pareho, sang-ayon sa kapasiyahan ng hukuman: Sa pasubali, Na, kung ang nagkasala ay isang korporasyon, sosyohan, asosasyon o iba pang huridikal na grupo, ang parusa ay ipapataw sa pinuno o mga pinuno ng nasabing korporasyon, sosyohan, asosasyon o iba pang huridikal na grupo na nakagawa ng paglabag.
Seksyon 46. Mga Laang-Gugulin. - Ang halagang kinakailangan para maipatupad ang mga layunin ng Batas na ito ay isasama sa taunang laang-gugulin ng mga ahensyang tagapagpatupad sa Batas ng Pangkalahatang Laang-Gugulin (General Appropriations Act) ng taong kasunod ng pagsasabatas nito at bawat taon pagkaraan niyon.
Seksyon 47. Sugnay na Naghihiwalay. - Kung, sa anumang dahilan, ang alinman sa tadhana ng Batas na ito ay ipahayag na walang saysay at labag sa Saligang Batas, ang mga nalalabing tadhana na hindi maaapektuhan nito ay patuloy na magkakabisa.
Seksyon 48. Pagpapawalang-Bisa. - Ang lahat ng mga batas, dekreto, atas ehekutibo, proklamasyon, alituntunin at patakaran, at iba pang mga kautusan, o mga bahagi nito na hindi tutugma sa mga tadhana ng Batas na ito, ay pinawawalang-bisa o sinususugan ng naaayon.
Seksyon 49. Pagkakabisa. - Ang Batas na ito ay magkakabisa matapos na mailathala sa dalawang (2) pambansang pahayagan na may pangkalahatang sirkulasyon.
Pinagtibay:
(Lgd.) NEPTALI A.GONZALES (Lgd.) RAMON V. MITRA
Pangulo ng Senado Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan
(Lgd.) ANACLETO D. BADOY, JR. (Lgd.) CAMILO L. SABIO
Kalihim ng Senado Kalihim ng Mababang Kapulungan
(Lgd.) CORAZON C. AQUINO
Pangulo ng Pilipinas
Pinagtibay: Marso 24, 1992
Pangulo ng Pilipinas
Pinagtibay: Marso 24, 1992
Ang Batas na ito na pinagsanib na HB 34310 at SB 234 ay pinal na pinagtibay ng Kapulungan ng mga Kinatawan at ng Senado ngayong ika-3 ng Pebrero, 1992.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento