Linggo, Hunyo 29, 2025

Subic, sakop pa ba ng U.S.?

SUBIC, SAKOP PA BA NG U.S.?

natanggal higit tatlong dekada na
ang base militar ng Amerika
may panukala mga solon nila:
Subic ay gawing imbakan ng bala

Pilipinas ba'y kanila pang sakop?
ang ating bansa ba'y bahag ang buntot?
ay, tayo pa ba'y kanila pang sakop?
balita itong nakabuburaot

di ba't iyang base na'y pinatalsik
kasama na pati ang Clark at Subic
bantang digmaan ay kanilang hibik
habang tayo rito'y nananahimik

panukala nila'y ating tutulan
halina't kumilos na, kababayan
baka madamay pa ang mamamayan
sa gerang di naman natin digmaan

- gregoriovbituinjr.
06.29.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante, Hunyo 29, 2025, pahina 3

Sabado, Hunyo 7, 2025

Usapang keso

Usapang keso

Makasarap ba ang keso?
Sino kanyang binebeso?
Makamasa bang totoo?
O masa'y nagoyo nito?

O baka sara-sarado?
Kasintunog ng Senado?
Sinara ng hepe nito
Ang pinagbilhan ng keso?

O BugBog Man ay Sarado?
Pagkat natunaw ang keso?
Gayong may heart naman ito
Walang puso ba, ikamo?

Paumanhin sa tanong ko
Pagkat bansa'y nagugulo
Makasara daw sa pwesto
Makasarap na raw dito

Marahil duwag ang ulo
Pinuno pa naman ito
Urong bayag, O, bayan ko
Anong gagawin ng tao?

Ah, pababain sa pwesto
Ang di na lingkod ng tao
Na naging ganid sa keso
Este, suwapang sa pwesto

- gbj
06.07.2025

Libreng libing, sana libreng pagpapaospital din

LIBRENG LIBING, SANA LIBRENG PAGPAPAOSPITAL DIN

parang pampalubag loob na lang sa masa
sa ilalim ng kapitalistang sistema
iyang libreng libing para sa mahihirap
na aprub na raw sa Senado, anang ulat

kung kaya naman pala ang libreng libing
para sa mahihirap ay baka kaya rin
nilang magpasa ng batas na para naman
sa libreng paospital ng dukhang maysakit

kung dukha'y may libreng libing kapag namatay
sana dukhang maysakit ay libreng mabuhay
subalit sa ilalim ng lipunang ito
lahat pinagkakakitaan ng negosyo

pati na ang karapatan sa kalusugan
ay di na karapatan, dapat mong bayaran
at dapat pa'y kwalipikado kang mahirap
para sa Indigent Funeral Package nila

sino kayang mahirap ang kwalipikado?
yaong buto't balat na't payat na totoo?
yaon bang walang kayod, walang sinusweldo?
na sa barungbarong lang nakatira ito?

bagamat may batas na Cheaper Medicine Act
murang gamot imbes libreng gamot sa dukha
may Free Indigent Hospitalization Act ba?
libreng pagpapaospital na gagaling sila?

walang libre sa kapitalistang sistema
dapat sa karapatan mo sila'y kumita
dapat sa ganitong sistema'y palitan na
at maralita'y magrebolusyon talaga

- gregoriovbituinjr.
06.07.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Hunyo 3, 2025, pahina 2

Huwebes, Hunyo 5, 2025

Wika't adhika

WIKA'T ADHIKA

aking adhika
bilang makatâ 
sariling wika'y
isulong pa nga

sa kwento, tula,
dagli't pabula
lumang salita
bagong kataga

ang tagubilin
ay paunlarin
ating gamitin
ang wikang atin

sa bawat kathâ
sa bawat likhâ
sa bawat akdâ
bilang makatâ 

banal na layon
para sa nasyon
pag-unlad niyon 
yakap ko't misyon 

- gregoriovbituinjr.
06.04.2025

* ang sanligan o background ay mula sa pahayagang Bulgar, Hunyo 4, 2025, pahina 9

Miyerkules, Hunyo 4, 2025

Puwing at langgam

PUWING AT LANGGAM

kasabihan ng ating ninuno:
maliit lang ang nakapupuwing
sa atin ay mahalagang payo
upang di tayo api-apihin

kikilos din tayong parang langgam
gaya'y masipag na manggagawa
kakagatin yaong mapang-uyam
hanggang mata nila'y magsiluha

pag mga aktibistang Spartan
tulad ko'y sama-samang kikilos
ay babaguhin itong lipunan
wawakasan ang pambubusabos

maliit man ang tingin sa atin
kung kikilos tayong sama-sama
parang langgam nating kakagatin
at pupuwingan iyang burgesya

- gregoriovbituinjr.
06.04.2025

* litratong kuha ng makatang gala

Linggo, Hunyo 1, 2025

Ang Kawasaki at ang pinasukan kong PECCO

ANG KAWASAKI AT ANG PINASUKAN KONG PECCO

Mahigpit akong nakikiisa sa mga manggagawa ng Kawasaki United Labor Union (KULU) na nakawelga ngayon na ipinaglalaban ang kanilang mga karapatan! Taaskamaong pagpupugay sa inyo! Uring manggagawa, hukbong mapagpalaya!

Malapit sa akin ang mga manggagawa ng Kawasaki dahil tatlong taon din akong pumapasok sa gate ng Kawasaki nang nagtatrabaho pa ako. Nasa loob kasi ng compound ng Kawasaki ang aming pabrika, o nasa loob ang right of way patungong trabaho.

Naging manggagawa ako ng tatlong taon bilang machine operator sa Metal Press Department ng Precision Engineered Components Corporation (PECCO) sa Alabang, Muntinlupa noong Pebrero 1989 hanggang Pebrero 1992. Kagagaling ko lang ng training ng anim na buwan sa isang pabrika sa Japan, Hulyo 1988 - Enero 1989. Tinawagan ako ng kumpanya upang magtrabaho sa PECCO at nag-umpisang magtrabaho roon. Edad 20 ako noon.

Bibiyahe ako mula Sampaloc, Maynila, at sasakay ng Pasay Rotonda, at mula roon ay magdi-dyip biyaheng Alabang - Kaliwa. Mula sa dyip ay sa harap ng Kawasaki ako bababa papunta sa aming pabrika kaya hindi iba sa akin ang Kawasaki. Nag-resign ako matapos ang tatlong taon upang mag-aral sa kolehiyo. At sa unibersidad ko na natagpuan ang landas na akin ngayong tinatahak bilang aktibistang Spartan.

Kaya marubdob ang aking pakikiisa sa laban ng mga manggagawa ng Kawasaki bagamat hindi pa ako nakakapunta sa kanilang welga dahil sa pagbabantay kay misis sa ospital dahil siya'y na-stroke. 

Matapos ang anim na buwan ay naging regular na manggagawa ako sa PECCO, 1989, sa taon nang maipasa ang Herrera Law, na dahilan kaya lumaganap ang sistemang kontraktwalisasyon.

Nabatid ko kalaunan na napalitan na ang pangalang PECCO, kaya wala na ang PECCO ngayon.

Mabuhay ang mga manggagawa ng Kawasaki! Mabuhay ang uring manggagawa!

- gregoriovbituinjr.
06.01.2025

* litrato mula sa kawing na: https://www.facebook.com/LukeEspirituPH 

Linggo, Mayo 25, 2025

Ani Bianca, patibayin pa ang sariling wika

ANI BIANCA, PATIBAYIN PA ANG SARILING WIKA

si Bianca Gonzales nga'y may panawagan ngayon
na sariling wika'y patibayi't gamiting higit
nangamote raw kasi sila sa Tagalog ng EAST
sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition

patibayin daw ang pagtuturo sa kabataan
ng wikang Filipino, at pahalagahan ito
sa mga paaralan, sa bahay, saanman tayo
upang di mangamote sa pagsalin ng Silangan

kaylungkot daw na unifying language nati'y English
imbes wikang Filipino, na batay sa Tagalog
tingin yata'y wikang bakya itong pumaimbulog
may pagtingin pang matalino basta nagi-Ingles

sa iyong pagpuna, Bianca, maraming salamat
upang pahalagahan natin ang wikang sarili
sana'y pakinggan ng gobyerno ang iyong sinabi
upang edukasyon sa ating bansa'y mapaunlad

- gregoriovbituinjr.
05.25.2025

* mula sa pahayagang Pang-Masa, Mayo 25, 2025, pahina 1 at 5