Martes, Enero 30, 2024

Pag-aralan ang lipunan

PAG-ARALAN ANG LIPUNAN

bata pa'y akin na silang kinariringgan
ang payo nila'y "Pag-aralan ang lipunan!"
bakit laksa'y mahirap, may ilang mayaman
bakit daw di pantay-pantay ang kalagayan

nang lumaki na ako't nasa kolehiyo
payo nilang iyon ay nakasalubong ko
kaya lipunan ay inaral kong totoo
mula primitibo hanggang kapitalismo

sistema'y nagbago, api pa rin ang masa
naghihirap ang masipag na magsasaka
sahod ng manggagawa'y kaybaba talaga
salot na kontraktwalisasyon umiral pa

kaya ako'y nakiisa na sa pagkilos
upang mapigil ang mga kuhila't bastos
pati pagsasamantala't pambubusabos
natantong uring manggagawa ang tutubos

kaya napagpasyahan kong makibaka rin
palitan ang sistemang bulok ang layunin
pagkakapantay sa lipunan ang mithiin
isang magandang daigdig ang lilikhain

- gregoriovbituinjr.
01.31.2024

Nang nilampasan niya ang tulay ng bahaghari

NANG NILAMPASAN NIYA ANG TULAY NG BAHAGHARI

naaalala ko pa rin ang katoto't kauri
nilampasan na niya ang tulay ng bahaghari
sa kabaitan niya'y di pa ako nakabawi
kapara ko, lipunang makatao'y kanyang mithi

sa dulo raw ng bahaghari ay may mga ginto
subalit ang aking natanaw ay isang kulambo
nang namayapa'y di lamukin sa nasabing dako
ngunit malikmata lang pala't kulambo'y naglaho

tanging alaala na lang ng mga nakalipas
naming pinagsamahan ang sa diwa'y naglalandas
pinangarap naming likhain ay lipunang patas
at nagsikilos upang kamtin ang magandang bukas

maraming salamat, katoto ko, sa iyong gabay
noong hinahanap ko ang landas patungong tulay
ng paglilingkod sa masa, doon tayo pinanday
nawala ka man, mithi'y itutuloy naming tunay

- gregoriovbituinjr.
01.30.2024

* litrato mula sa google

Lunes, Enero 29, 2024

Ikaw

IKAW (tula ng isang Palestino)

na umagaw ng aking tubig
na nanunog ng aking punong oliba
na gumiba ng aking tahanan
na tumangay ng aking trabaho
na nagnakaw ng aking lupain
na nagpiit sa aking ama
na pumaslang sa aking ina
na binomba ang aking bansa
na gumutom sa aming lahat
na pinahiya kaming lahat
subalit
ako pa ang sinisisi
sa aking paghihimagsik

* malayang salin ni gregoriovbituinjr.
01.30.2024

* ang orihinal na tula at litrato ay makikita sa kawing na: 

https://www.linkedin.com/posts/kshabir_freepalastine-activity-7131249720181579776-sfOa

Sabado, Enero 27, 2024

Patutunguhan

PATUTUNGUHAN

nais kong magtungo / sa pinapangarap
mabago ang buhay / na aandap-andap
ang bawat kahapo'y / di na malalasap
kaya tutunguhi'y / yaong hinaharap

kaya naglalayag / akong taas-noo
at nakikibaka / ng taas-kamao
nakikipamuhay / sa dukha't obrero
habang tinangana'y / yakap na prinsipyo

patutunguhan ko'y / masukal na gubat
na siatemang bulok / sa masa'y ilantad
na kapwa't kauri / sa isyu'y imulat
saanmang lunan pa / sila namumugad

kaya heto ako, / di nakalilimot
harapin ang unos, / labanan ang buktot
iunat, ituwid / ang mga baluktot
at purgahin yaong / tiwali't kurakot

pangarap itatag / ang sistemang pantay
walang nang-iisa't / kaapihang tunay
dapat lang kumilos / upang mapalagay
yaring diwa't loob, / bansa'y mapahusay

- gregoriovbituinjr.
01 28 2024

* litrato kuha ni misis habang ako'y naglalakad

Martes, Enero 23, 2024

Pagkain ng buhay-Spartan

PAGKAIN NG BUHAY-SPARTAN

kapag wala si misis, balik sa buhay-Spartan
pagkat bilang aktibista, ito'y nakasanayan
kaya wala munang masarap na pananghalian
kundi ang naisipa'y pagkaing pangkalusugan

sibuyas, bawang, kamatis, at talbos ng kamote
pampalakas ng katawan, ganito ang diskarte
pawang mga gulay, prutas, isda, at walang karne
kahit sa kapwa tibak, ito'y munti kong mensahe

mahirap man ang buhay-Spartan na binabaka
ang bulok na sistema't mga pagsasamantala
dapat handa't malakas sa pagharap sa problema
lalo't asam itayo ang lipunang makamasa

mga payak na pagkain ngunit nagpapalakas
ng diwa't katawan, paghahanda sa bagong bukas

- gregoriovbituinjr.
01.24.2024

Linggo, Enero 21, 2024

Pagbigkas ng tula sa rali

PAGBIGKAS NG TULA SA RALI

ah, patuloy akong bibigkas ng tula sa rali
pagkat kayraming isyu ng masa'y dapat masabi
kahit makasagasa man nang walang pasintabi
ay tutula ako ng walang pag-aatubili
nang sa uring manggagawa't masa'y makapagsilbi

pagkat wala rin akong ibang entabladong alam
kundi sa mga pagkilos ng masa sa lansangan 
wala ring toreng garing na sana'y mapupuntahan
kundi sa lupang dahop sa anumang karangyaan
upang ipagtanggol ang pinagsasamantalahan

pagpupugay sa lahat ng makatang mambibigkas
na tila mga apo nina Batute't Balagtas
habang atin namang tinatahak ang wastong landas
tungo sa asam na pagtatag ng lipunang patas

- gregoriovbituinjr.
01.22.2024

Ang paghuhugas ng pinggan ay panahon ng pagkatha

ANG PAGHUHUGAS NG PINGGAN AY PANAHON NG PAGKATHA

may napansin sa sarili / kung paano ba kumatha
na habang nasa lababo, / may biglang nasasadiwa
doon ay napagtanto ko / yaong karanasang sadya:
ang paghuhugas ng pinggan / ay panahon ng pagkatha

kaya ginawa kong misyon / sa buhay at sa tahanan
na ako ang maghuhugas / ng aming pinagkainan
araw, tanghali at gabi / ay tungkulin ko na iyan
na panahong kayrami kong / mga napagninilayan

mga karaniwang bagay, / mga samutsaring isyu
ang laban ng maralita, / babae, uring obrero
may tula sa kalikasan, / sanaysay, pabula't kwento
tula sa diwatang sinta, / nobela kong pinaplano

aba, minsan din talaga / sa lababo tumatambay
at pagkatapos maghugas / ay isulat ang nanilay

- gregoriovbituinjr.
01.22.2024

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://fb.watch/pLYFsB1gQf/

Biyernes, Enero 19, 2024

Kung bakit ayaw nila ng larong Trip to Jerusalem

KUNG BAKIT AYAW NILA NG LARONG TRIP TO JERUSALEM
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga dadalo sa reyunyon ng pamilyang katutubo sa Benguet. At si misis ang punong abala sa okasyong iyon. Hindi ako pwedeng mawala upang suportahan at tulungan siya.

Napag-usapan namin, kasama ang ilang kapamilya, pamangkin, hipag, bayaw ang tungkol sa paghahanda sa games. Isa roon, na hindi Igorot o katutubo sa lugar, ang nagmungkahi ng Trip to Jerusalem subalit tinanggihan ko dahil may maling itinuturo iyon sa mga kabataan. Bagamat hindi rin ako native Igorot kundi nakapangasawa lang ng tagaroon.

Hanggang ngayon tanda ko ang ikinwento ng isang NGO worker nang minsang makasalamuha niya ang ilang katutubo sa Mindanao.

Hinanap ko sa internet ang kwentong iyon, subalit hindi ko natagpuan.Kaya ang natatandaan ko ang aking ikinwento.

Matagal nang panahon na dumadalo ako sa mga environmental cause o grupong makakalikasan. Noon pang 1995 nang nasa kolehiyo pa ako ay naging opisyal ako ng Environmental Advocacy Students Collective, hanggang maging regular na dumadalo sa buwanang Kamayan para sa Kalikasan Forum.

Isang NGO worker na naging ispiker sa dinaluhan kong forum ang nagkwento sa amin kung bakit hindi naglalaro ng Trip to Jerusalem ang mga katutubo sa Mindanao.Tinanong daw ng nagpapa-games bakit hindi nagpa-participate o nakikiagaw ng upuan ang mga batang katutubo. Sagot daw sa kanya. "Kaya po kami hindi naglalaro niyan ay dahil hindi po kami tinuruang maging sakim. Tinuruan po kami ng mga matatanda na magbigayan."

Hanggang ngayon ay tanda ko pa ang kwentong iyon. Kaya nang may magmungkahing laruin ang Trip to Jerusalem ay tumanggi ako dahil nagtuturo iyon na maging sakim ang mga participant sa laro. Kailangan mo kasing agawin ang upuan ng iba para lang manalo ka.

Naalala ko tuloy ang mga pulitikong nag-aagawan sa upuan, o sa pwesto sa pamahalaan. At ang awiting Upuan ni Kitchie Nadal, na ang liriko ay:
"Kayo po na nakaupo
Subukan nyo namang tumayo
At baka matanaw, at baka matanaw ninyo
Ang tunay na kalagayan ko!"

Talagang tumagos sa aking puso't diwa ang kwentong iyon, na madalas kong ibahagi sa iba. Bagamat di ko na matandaan kung sino ang nagkwento niyon.

01.19.2024

Huwebes, Enero 18, 2024

Anyubog

ANYUBOG

paano ko kakathain ang ikaw
kung sa nilalandas ay naliligaw
tumahak man sa putikang mababaw
sa gubat na masukal at mapanglaw

paano kaya kita ikakatha
ng tula habang ako'y nasa lawa
at pinagmamasdan ang mga isda
roong tila nagkasiyahang sadya

kakathain ko anuman ang isyu
upang ang masa'y mulating totoo
kung sistema'y papalitang paano
habang kasama kita'y napagtanto

magpatuloy lang tayong makibaka
lalo't magkasama kita tuwina

- gregoriovbituinjr.
01.18.2024

Martes, Enero 16, 2024

Kayraming paksa

KAYRAMING PAKSA

ang gawain ko'y magsulat
bakit kaya tinatamad
ang tungkulin ko'y magmulat
nang pangarap ay umusad

kaya hawakan ang bolpen
at papel at magsimula
sa paligid ay tumingin
pagkat nariyan ang paksa

huwag tamarin, katoto
pagkat tungkulin mo iyan
may masusulat na bago
paligid lang ay pagmasdan

mga dukha, sagigilid
nasa laylayan ng langit
bakit maraming kapatid
at kauri'y nagagalit

kilong bigas na'y kaymahal
ngunit sahod ay kaybaba
manggagawang nagpapagal
ay kontraktwal pa ring sadya

ang dyip ba'y mawawala na
ChaCha ba'y isinasayaw
kayraming isyu ng masa
dama ko'y di magkamayaw

- gregoriovbituinjr.
01.17.2024

Ang wastong gamit ng gitling sa panlaping ika

ANG WASTONG GAMIT NG GITLING SA PANLAPING IKA
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Paano nga ba ginagamit ang gitling sa panlaping ika? Sa pagkakaalam ko, ginagamitan ng gitling ang ika pag ang kasunod na salita ay numero. 

Ang ika ay panlapi, kaya ikinakabit ito sa salitang-ugat. Kaya bakit lalagyan ng gitling kung naging salita na ang pagkakabitan ng ika? Halimbawa, ikaapat, ikalima, ikaanim. Pag numero na sila, lalagyan na ng gitling, ika-4, ika-5, ika-6.

Nakita ko na naman ang ganitong pagkakamali sa palaisipan sa isang pahayagan ngayong Enero 16, 2024. Sa unang larawan ay makikita sa 4: Pahalang ang Ika-apat na buwan. Dapat ay Ikaapat na buwan. 

Sa aklat na Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos, sa Kabanata VI, Ang Palagitlingan, pahina 58, ay ganito ang nakasulat (tingnan din ang ikalawang larawan):

(m) kung gamit sa pagbilang ng mga nagkakasunud-sunod na hanay, at ang bilang ay di mga salita kundi mga titik-bilang o tambilang (numero, figure). Gaya ng:

ika-8 ng umaga; ika-10 n.t.; ika-11 n.g.
ika-28 ng Pebrero; ika-13 ng Agosto; ika-25 ng Disyembre
tuntuning ika-4; kabanatang ika-12; ika-20 pangkat

Kung ang mga bilang ay salita, pinagkakabit na nang walang gitling. Gaya ng: 

ikawalong oras; ikasampu't kalahati; ikalabing-isa
ikadalawampu't walo ng Pebrero; ikalabintatlo ng Agosto
tuntuning ikaapat; kabanatang ikalabindalawa

Sa tungkulin namang pandiwa, ang ika, na nangangahulugan ng maging sanhi, kadahilanan, o bagay na ikinagagawa o ipinangyayari ng sinasabi ng salitang-ugat, ay ikinakabit na rin nang tuluyan o walang gitling, yamang wala nang iba pang anyong sukat pagkamalan. Gaya ng:

ikamatay, ikakilala, ikalungkot, ikaunlad, ikagiginhawa

Kahit naman hindi natin tingnan ang alituntunin sa Balarila ni L.K.Santos, pag alam nating panlapi, ikinakabit natin ito sa salitang-ugat nang hindi nilalagyan ng gitling. Halimbawa, magutom, nagtampo, paglathala, mangahas, makibaka.

Maraming panlapi, hindi lang ika. Nariyan ang ma-, mang-, mag-, na, nang-, nag-, pa-, pang-, pag, at iba pa. Subalit kailan ito lalagyan ng gitling? Walang gitling sa mga salitang-ugat, maliban kung depende sa buka ng bibig, lalo na kung kasunod ng panlaping may katinig sa dulo ang salitang-ugat na nagsisimula sa patinig. Ang mayari ay iba sa may-ari. Ang pangahas ay iba sa pang-ahas. Ang nangalay ay iba sa nang-alay. Ang magisa ay iba sa mag-isa.

Nawa'y naunawaan natin ang tamang paggamit ng gitling sa ika. Payak lang ang panuntunan. Pag numero ang kasunod ng ika, may gitling sa pagitan nila. Ika-7, ika-8, ika-9. Subalit kung salita, hindi na nilalagyan ng gitling. Ikapito, ikawalo, ikasiyam.

Naisipan kong gawan ng tula ang paggamit ng gitling sa ika.

ANG GITLING SA PANLAPING IKA

lalagyan mo ng gitling ang panlaping ika
kung kasunod ay numero, at hindi letra
walang gitling sa ikaapat, ikalima
ngunit meron sa ika-4, ika-5

sa panlaping ika'y ganyan ang panuntunan
bukod sa ika, maraming panlapi riyan
pag-, mag-, nang-, maki-, aba'y kayrami po niyan
wastong paggamit nito'y dapat nating alam

may panlaping depende sa buka ng bibig
kapag ang dulo ng panlapi ay katinig
simula ng salitang-ugat ay patinig
tulad ng pag-asa, pang-uuyam, pag-ibig

alamin ang wastong paggamit ng panlapi
upang sa pagsusulat ay di magkamali
pangit basahin kung salita'y bakli-bakli
imbes kanin at ulam, hapunan mo'y mani

01.16.2024

Lunes, Enero 15, 2024

Ang siyam kong aklat ng maikling kuwento

ANG SIYAM KONG AKLAT NG MAIKLING KUWENTO
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa sa aking paboritong basahin at pagpalipasan ng oras ay ang pagbabasa ng maikling kwento, lalo na sa magasing Liwayway. Isa rin sa madalas kong isulat, bukod sa sanaysay at tula, ang maikling kwento, tulad ng inilalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Sa munti kong aklatan ay may may siyam na pala akong aklat ng maikling kwento. Sa siyam na iyon, ang apat na aklat ay inilathala ng Ateneo de Manila University Press, at tig-isa naman ang University of the Philippines Press, Pantas Publishing, National Book Store, Bookman, Inc., at Psicom Publishing.

Ang apat na inilathala ng Ateneo ay ang Landas sa Bahaghari at Iba Pang Kuwento ni Benjamin P. Pascual, Alyas Juan de la Cruz at iba pang Kuwento ni Placido R. Parcero Jr., Mga Piling Katha ni Liwayway A. Arceo, at Si Juan Beterano at Iba Pang Kuwento ni Rosario De Guzman-Lingat.

Inilathala naman ng UP Press ang Paglawig ng Panahon: 20 Maiikling Kuwento ni Gloria Villaraza Guzman. National Book Store naman ang naglathala ng Tuhug-Tuhog ni Frank G. Rivera, 25 Maiikling Kuwento ng Pag-ibig at Pakikipagsapalaran ng OFWs. Inilathala naman ng Pantas Publishing ang Mga Kuwento Mula sa Lipunan, 12 Maikling Kuwento, ni Edberto M. Villegas, habang ang Mga Kuwento ni Lolo Imo, na siyang salin mula sa Ingles ng mga kuwento ni Maximo Ramos, ay inilathala naman ng Bookman, Inc. Isinalin nina Ma. Veronica U. Calaguas at Ma. Jessica H. Tolentino. Ang BASAG: Modernong Panitikan ng mga Kuwentistang Wasak na pinamatnugutan ni Juan Bautista ay inilathala naman ng Psicom Publishing.

Kapansin-pansin na hindi gaya ng inilalathala ko sa Taliba na maikling kwento, sa pamagat ng mga aklat ay may u ang kwento, kaya kuwento. Marahil ito ang wastong pagbaybay, subalit nasimulan ko na sa Taliba ang kwento, na marahil ay modernong baybay ng salita.

Bukod sa siyam na aklat na nabanggit ko, may iba pa akong aklat ng kuwento na nasa lalawigan, tulad ng Sa Aking Panahon, 13 Piling Katha (at Isa Pa!) ni Edgardo M. Reyes. Pati na ang aklat na 60-40 at Iba Pang Akda ni Mabini Rey Centenona natatandaan kong ang nagbigay ng Introduksyon sa libro ay si Liwayway Arceo. Tanda kong dito ko nabatid kung ano ang ibig sabihin ng balantukan, sa kuwentong Maghilom Ma'y Balantukan ni Centeno. Ibig sabihin, sugat na naghilom na sa labas, ngunit sariwa pa sa loob, tulad halimbawa ng karanasan sa pag-ibig at paghihiwalay.

Hindi ko na matandaan ang iba pang aklat na nabili ko na nasa lalawigan. Subalit dahil hindi ko hawak at wala sa aking aklatan ang mga iyon ay nabanggit ko na lang. Kung idadagdag pa ang dalawa, aba'y labing-isa pala ang aklat ko ng maikling kuwento.

Ano ba ang nasa maikling kuwento at bakit ko ba nakahiligan ang pagbabasa niyon? Una, lagi kong nababasa ang maikling kuwento sa magasing Liwayway, at sa totoo lang, mas kinagigiliwan kong magbasa ng maikling kuwento kaysa magbasa ng tula. Buhay na buhay kasi ang mga karakter at akala mo'y kuwento lang sa tabi-tabi kung saan ako naroon.

Ikalawa, nagbabasa ako ng maikling kuwento bilang paraan ko ng paghahasa ng sariling kakayahan, lalo na't may dalawang pahinang espasyong nakalaan sa maikling kuwento sa aming publikasyong Taliba ng Maralita.

Ikatlo, ang pagsusulat ko ng maikling kuwento ay bilang paghahanda sa mas mahaba-habang kuwento o nobela na maraming kabanata. Pangarap ko kasing maging nobelista balang araw. Sa mga susunod pang aakdaing sanaysay, balak kong isa-isahing talakayin ang mga aklat na ito ng maiikling kuwento.

Bagamat mas kinagigiliwan kong magbasa ng maikling kuwento kaysa tula, nais ko namang maghandog ng tula hinggil sa maikling kuwento.

SA PAGKATHA NG MAIKLING KUWENTO

maikling kuwento'y inaakda ko sa Taliba
na munting publikasyon ng samahang maralita
na kinagigiliwan kong isulat, di lang tula
at makabagbag-damdamin kung mabasa ng madla

maikling kuwento'y nakakatulong sa pagmulat
hinggil sa lipunan at mga isyung mabibigat
pinapaksa'y pakikibaka't pagsasabalikat
ng mga layunin laban sa isyung maaalat

di malagay sa Taliba ang maikling kuwento
kapag ang paksa'y di pangmaralita o obrero
sa blog ko na lang ng kuwento inilalagay ko 
nang matipon din at balang araw maisalibro

may nabili't natipon akong libro sa aklatan
hinggil sa maiikling kuwentong kagigiliwan
o marahil kuwentong ikagagalit mo naman
dahil kaytindi ng banghay at pagsasalarawan

maraming salamat sa mga aklat kong nabili
kaya sa pagbasa't pagsulat nito'y nawiwili
uupakan ko sa kuwento ang tuso't salbahe
habang bida naman ang dukha, obrero't babae

01.16.2024

Linggo, Enero 14, 2024

Pagbaka

PAGBAKA

di ka pa ba nagagalit niyan?
na buhay mo'y pinaglalaruan
ng halal na bentador ng bayan

may People's Initiative na ngayon
upang baguhin ang Konstitusyon
pang-interes ba ng bayan iyon?

o tagilid lang muli ang masa?
sa saliwang indak nitong ChaCha
pakana ng mga kongresista

sandaang porsyentong pag-aari
ng dayuhan ay napakasidhi
na nais mangyari nila't mithi

sa kapangyarihan nilang angkin
termino'y balak pang palawigan
na kanilang lulubus-lubusin

binebenta tayo sa dayuhan
ng halal na bentador ng bayan
di ka pa ba magagalit niyan?

- gregoriovbituinjr.
01.15.2024

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay

ISULAT N'YO PO ANG PANGALAN KO SA AKING BINTI, INAY
Tula ni Zayna Azam
Malayang salin mula sa Ingles ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay...
Gamitin n'yo po ang permanenteng marker na itim,
na ang tinta'y di kumakalat kung ito'y mabasa, 
yaong di nalulusaw kung ito'y nalantad sa init...

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay...
Kapalan n'yo po at linawan ang pagkasulat...
Idagdag n'yo pa ang inyong pinakamimithi, 
upang maaliw akong makita ang sulat-kamay ng 
aking inay sa aking pagtulog...

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay...
At sa binti ng mga kapatid ko..
Sa paraang ito'y magkakasama tayo...
Sa paraang ito'y malalaman nilang kami'y inyong anak...

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay...
At pakisulat din po ang pangalan n'yo ni Itay
sa inyong binti upang maalala tayo bilang pamilya...

Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, inay...
Upang pag sumabog ang bomba sa ating bahay, 
Upang pag nadurog ng pader ang ating bungo't buto..
Ang ating mga binti ang magkukwento ng nangyari, 
Lalo't wala na tayong natakbuhan.
.
.
.
WRITE MY NAME ON MY LEG, MAMA
Poem by Zayna Azam
with Filipino translation by Gregorio V. Bituin Jr.

Write my name on my leg, mama...
Use the black permanent marker,
with the ink that doesn't bleed if it gets wet, 
the one that doesn't melt if it's exposed to heat... 

Write my name on my leg, mama...
Make the lines thick and clear..
Add your special flourishes, so I can take comfort 
in seeing my mama's handwriting when I go to sleep...

Write my name on my leg, mama..
And on the legs of my sisters and brothers..
This way we will belong together...
This way we will be known as your children...

Write my name on my leg, mama...
And please write your name and Baba's name on your
legs too so we shall be remembered as a family...

Write my name on my leg, mama...
When the bomb hits our house, 
when the walls crush our skulls and bones..
Our legs will tell our story, 
how there was nowhere for us to run.

Ang pitong nobela ni Faustino Aguilar

ANG PITONG NOBELA NI FAUSTINO AGUILAR
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakabili ako noon ng aklat-nobelang Pinaglahuan ni Faustino Aguilar, na kulay pula ang pabalat. Bukod doon ay may iba pa pala siyang nobela. Ito'y ang Busabos ng Palad, Nangalunod sa Katihan, Sa Ngalan ng Diyos, Sa Lihim ng Isang Pulo, at Kaligtasan, na tinalakay bilang kabanata sa aklat. Mayroon pang Ang Patawad ng Patay, subalit nabanggit lang ito bilang huling nobela ni Aquilar, ngunit walang bukod na kabanata na tumalakay dito.

Nabatid ko ito nang mabili ko ang librong Faustino Aguilar: Kapangyarihan, Kamalayan, Kasaysayan, Isang Komentaryo sa mga Nobela ni Faustino Aguilar. Sinulat ito ni E. San Juan Jr. Nabili ko ang aklat sa Solidaridad Bookshop sa Ermita, Maynila sa halagang P500 noong Pebrero 11, 2022.

Ang nobelang Pinaglahuan ay sinulat niya noong 1906 at isinaaklat noong 1907. Nauna lang ng isang taon dito ang unang sosyalistang nobela sa bansa, ang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos na nalathala ng serye noong 1905 sa pahayagang Muling Pagsilang bago isinaaklat noong 1906.

Ayon sa aklat ni San Juan, ang Busabos ng Palad ay nalathala noong 1909, at dalawang nobela ni Aguilar ang nalathala noong 1911, ang Sa Ngalan ng Diyos, at ang Nangaluhod sa Katihan.

Noong 1926 naman nalathala ang nobelang Ang Lihim ng Isang Pulo. Matapos ang halos dalawampu't limang taon ay magkasunod namang nalathala ang mga nobelang Kaligtasan (1951) at Ang Patawad ng Patay (1952).

Gustong-gusto ko ang sinabi ni San Juan sa kanyang Introduksyon sa aklat tungkol kay Aguilar: "Higit na karapat-dapat sa kaniya ang karangalang-bansag na "National Artist" kaysa sa mga ibang nagtamasa ng biyaya noon o ngayon."

Dagdag pa niya, "Opinyon ng piling dalubhasa na si Aguilar, sampu ng kaniyang mga kontemporaneo, ang pinakamasugid na "tagapaglahad ng katotohanan at tagamungkahi ng kalutasan" habang maalab niyang binuhay "ang pagdurusa ng kaluluwa" ng sambayanang Filipino."

Sino si Aguilar? Ito ang ilan sa isiniwalat ni San Juan hinggil sa talambuhay ni Aguilar: "Ipinanganak si Aguilar noong 15 Pebrero 1882 sa Malate at namatay noong 24 Hulyo, 1955 sa Sampaloc, Maynila. Naging kasapi siya ng Katipunan sa gulang na 14 taon. Di naglaon, nahirang siya  bilang kawani ng Kalihim ng Digmaan at Kalihim Panloob ng Republikang Malolos, kaya siya ibinilanggo ng mga Amerikano noong 1899."

Bilang manunulat, si Agular, ayon kay San Juan: "Naging editor siya ng seksyong Tagalog ng pahayagang La Patria at pangkalahatang editor ng pahinang Tagalog ng El Renacimiento. Siya ang kahuli-hulihang editor ng pahayagang Muling Pagsilang at naging editor ng pumalit na pahayagang Taliba."

Bilang manggagawa, si Aguilar naman ay: "Masigasig si Aguilar sa usaping pangmanggagawa. Hinirang siya bilang pangalawang direktor ng Bureau of Labor noong 1913 at pagkaraan umangat bilang direktor nito sa panahong 1918-1923. Naging kalihim siya ng Senado mula 5 Enero 1923 hanggang mabalik siya sa Kagawaran ng Paggawa at maging pangalawang kalihim sa mga taong 1933-1939. Ang mga huling katungkulan niya ay miyembro ng Board ng Rural Progress Administration noong Abril 1947 at ng Philippine Homesite and Housing Corporation."

Hinggil sa pitong nobela ni Aguilar, ayon pa kay San Juan, "Bagamat apat na nobela lamang ang naisaaklat, matayog at manining pa rin sa lahat ang kagalingan ni Aguilar sa uri ng sining na pinagsikhayan niya." Tinutukoy niya marahil sa apat na nang magsaliksik ako sa internet ay may larawan ng pabalat ng aklat - ang Pinaglahuan, Busabos ng Palad, Sa Ngalan ng Diyos, at Ang Lihim ng Isang Pulo. Ayon pa kay Sa Juan, "Pambihirang makakita ng lumang edisyon ng Ang Lihim ng Isang Pulo (1926) na itinuturing na pinakamasining sa paghawak ng dalisay na artikulasyon ng wika." Kung gayon, hindi pa naisaaklat ang mga nobelang Nangalunod sa Katihan, Kaligtasan, at Ang Patawad ng Patay? Nawa'y proyektuhin din itong malathala.

Mabuti't nakapagsulat si San Juan ng sinasabi niyang metakomentaryo sa mga nobela ni Aguilar. Kundi'y hindi natin mababatid na may iba pa pala siyang nobela bukod sa Pinaglahuan. Kailangan pa natin hanapin at basahin ang kanyang mga nobela upang mas malasahan pa natin ang himagsik ng kanyang panulat. Ito ang isa sa mga mithiin ko ngayon, ang basahin ang kanyang nobela at magbigay ng komentaryo, o kaya'y gawan ng sanaysay, ang mga ito.

Minsan, naiisip ko, magandang isalin sa Ingles ang lahat ng nobela ni Aguilar, subalit habambuhay itong gawain kung gagawin ko. Marahil isa o dalawa lamang ang kakayanin ko, kung sisipagin. At mailathala ang bersyong Ingles nito, halimbawa, sa Collins Classics sa Amerika. Gayunman, pangarap pa lang itong mananatiling pangarap kung hindi ako kikilos. Dapat mapagtuunan ito ng pansin at bigyan ng oras upang maisakatuparan.

Naisipan kong gawan ng tula ai Aguilar, tulang may tugma't sukat na labinlimang pantig bawat taludtod, bilang alay sa kanya.

FAUSTINO AGUILAR, NOBELISTANG MANGGAGAWA

Faustino Aguilar, magaling na nobelista
inilarawan ang lagay ng bayan sa nobela
ikinwento ang pagkaapi't himagsik ng masa
pati na ang kahilingang panlipunang hustisya

ang nobela'y Busabos ng Palad, Pinaglahuan,
Ang Patawad ng Patay, Nangalunod sa Katihan,
nariyan ang Sa Ngalan ng Diyos, ang Kaligtasan,
Ang Lihim ng Isang Pulo, sadyang makasaysayan

di dapat mawala na lang ang kanyang mga akda
lalo't nobela hinggil sa manggagawa't dalita
dapat siyang basahin at sa atin manariwa
ang lagay noon na hanggang ngayon ay di nawala

nagsamantala ang kapitalista't asendero
nilarawan niya noon ay di pa rin nagbago
may pagsasamantala pa rin sa dukha't obrero
hustisya noon ay panawagan pa ring totoo

maraming salamat, taoskamaong pagpupugay
kay Faustino Aguilar, na nobelistang tunay
basahin siya't samahan natin sa paglalakbay
hanggang mabago ang sistemang bulok at mabuway

01.14.2024

Sabado, Enero 13, 2024

Papuri ng makatang Rio sa Senado

PAPURI NG MAKATANG RIO SA SENADO

pinuri ng makatang Rio ang Senado
nang kanyang itinulang marangal daw ito
ngayong panahon dapat ipakita nito
lalo kung ChaCha'y ibabasurang totoo

marangal at di raw yumuko sa dayuhan
habang sa ChaCha ay aariing sandaang
porsyento ng mga mayayamang dayuhan
ang anumang pag-aari dapat ng bayan

pinangunahan na ng mga kongresista
at punong bayan ang mga pagpapapirma
upang baguhin ang Konstitusyon, ang masa
naman daw ay pipirma dahil may ayuda

huwag pong hayaang malinlang tayong muli
ang pagpapapirma'y pagbabakasakali
na mamayani ang tuso't mapang-aglahi
ChaCha'y para sa interes ng naghahari

ngunit di ng masa, di rin ng buong nasyon
kaya sa Senado, ito'y malaking hamon
di payagang distrungkahin ang Konstitusyon
marangal na Senado'y hanap namin ngayon

- gregoriovbituinjr.
01.14.2024

* ang litrato ay mula sa aklat na "May Mga Damdaming Higit Kaysa Atin" ni Rio Alma, p. 136

Nilay

NILAY

ang pangarap kaya'y makakamit?
kapag di dadaanin sa galit?
bakit ba ang sistema'y kaylupit?
sa mga obrero't maliliit?

sinusumbatan ko ang sarili
kung bakit laging di mapakali
nakikitang di kawili-wili
ay walang magawa sa salbahe

kaya kumilos na, magsikilos
bago bansa'y muling mabusabos
maghanda sa pakikipagtuos
upang bansa'y ilagay sa ayos

madaling araw, kayraming nilay
nagigising na di mapalagay
dapat tayong maging mapagbantay
kung masa sa hukay ilalagay

- gregoriovbituinjr.
01.14.2024

NO TO 100% FOREIGN OWNERSHIP! NO TO CHACHA!
HUWAG MAGING ISKWATER SA SARILING BAYAN!

Komyuter ako, ang laban ng tsuper ay laban ko!

KOMYUTER AKO, ANG LABAN NG TSUPER AY LABAN KO!

kaisa ako sa laban ng mga tsuper ng dyip
dyip na ang sinasakyan ko mula nang magkaisip
ngayon, balak nang i-phase out, dapat itong masagip
sa pakanang ito, komyuter na tulad ko'y hagip

tiyak, apektado ang pamilya ng mga tsuper
pati na libo-libo kundi man milyong kompyuter
lalo ang simpleng trabahador, waiter, writer, welder
dyip ang pangmasang transportasyon nina mother, father

tinawag na e-jeep ang minibus na ipapalit
sa madla, tawag na ito'y tinaguyod na pilit
may dahilan pala, e-jeep na ang iginigiit
upang tradisyunal na dyip ay mawala, kaylupit!

tila kapitalista ang talagang may pakana
imo-modernisa raw, kaya hindi mo halata
na sila palang kapitalista'y kikitang sadya
kapag tradisyunal na dyip na'y tuluyang nawala

kaya "NO to jeepney phase out" ay naging panawagan
ng tulad kong komyuter at ng kapwa mamamayan
dyip nating karamay sa hirap, saya't kakapusan
sasakyan ng dukha'y di dapat mawalang tuluyan

- gregoriovbituinjr.
01.13.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa terminal ng dyip

Biyernes, Enero 12, 2024

Nagmamahal

NAGMAMAHAL

ay, nagmamahalan na ang presyo
ng bilihin, pati na Meralco
sibuyas, kamatis na bili ko
ay talagang mahal nang totoo

ay, mura pa rin kung tingi-tingi
magsasaka'y di sana malugi
masaganang ani nilang mithi
nawa'y kamtin, di maging lunggati

mamamakyaw, binibiling mura
mahal na pag kanilang binenta
kawawa tuloy ang magsasaka
ang nagtanim ay di sumagana

presyo man ay nagmahal nang lubos
sinong masisi pag kinakapos?

- gregoriovbituinjr.
01.13.2024

Bawat tula'y tulay sa paglaya

BAWAT TULA'Y TULAY SA PAGLAYA

tutulaan kita kahit himbing
o pag nananaginip ng gising
kumakatha habang naglalambing
sa banig man ay pabiling-biling

sasabihin ko sa iyong ganap
anong nasa kabila ng ulap
ano bang mga pinapangarap
nang buhay ay di aandap-andap

na parang kandilang nauupos
dahil sa mga pambubusabos
ng uring gahaman, tuso't bastos
na mapangmata sa dukha't kapos

bawat tula'y tulay sa paglaya
ng dalita't uring manggagawa
ito ang sa buhay ko'y adhika
bilang tibak at makatang gala

- gregoriovbituinjr.
01.12.2024

Huwebes, Enero 11, 2024

Paano ba tatapusin ang kwento?

PAANO BA TATAPUSIN ANG KWENTO?
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kailangan bang matapos agad ang kwento? Iyan ang tanong ko minsan, lalo na sa pagbabasa lang sa isang upuan. Mahalaga ito lalo't bukod sa tula ay nagsusulat ako ng maikling kwento, dahil inaalagaan ko ang dalawang pahina sa pinagsusulatan kong pahayagan upang paglathalaan ng sinusulat kong kwento.

Noong bata pa ako, nagbabasa kami ng komiks na madalas ay serye kaya itutuloy sa susunod na labas. Kung gayon, hindi mo agad nababatid ang buong kwento dahil dapat mong abangan ang susunod na kabanata. Nariyan naman noon ang Wakasan Komiks na talagang sa apat na pahina ay tapos na agad ang kwento. Subalit sa Aliwan komiks, halimbawa, dahil nobela, aabangan mo ang bawat labas. Noon nga ay di mo pa kailangang bilhin ang komiks, kundi arkilahin lang, at doon mo basahin sa tabi ng tindera ng komiks. Ibabalik mo rin pagkatapos mong basahin at magbayad.

Sa radyo, inaabangan namin noon ang Simatar na aabangan mo rin kada araw upang masundan mo ang kwento. Kumbaga, sa haba ng kwento, o sabihin na nating nobela, hindi mo agad mababatid ang rurok o ang katapusan ng kwento. Ang mahalaga'y napapakinggan mo ito at nasusubaybayan.

Karaniwan naman sa pelikula, natatapos mo ang kwento sa isang upuan, at nababatid mo ang kabuuan ng kwento. Tulad na lang ng mga kwento sa pelikula ni FPJ. May simula, may bakbakan ng bida at kontrabida, at kung paano tinapos ang kwento. Kumbaga, hindi bitin ang manonood.

Sa serye ng pelikulang Lord of the Rings, bitin ang manonood sa unang dalawang pelikula, lalo na yaong hindi nakabasa ng aklat ni J.R.R. Tolkien. Sa Fellowship of the Ring (2001) pa lang ay bitin dahil hindi tapos ang kwento. Sumunod ay ang Two Towers (2002), na maganda ang pagkakasalaysay, subalit bitin pa rin dahil hindi tapos ang kwento. Nabatid na lang natin ang katapusan ng kwento sa The Return of the King (2003) nang mahulog na sa kumukulong laba ng Mordor ang singsing na pinagsikapang dalhin doon ni Frodo, at ng kanyang kaibigang si Sam, kasama si Gollum.

Sa munti naming pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), ang pahina 18-19 nito ay itinalaga na para sa maikling kwento. Subalit paano mo tatapusin ang maikling kwento sa gayong maliit na espasyo. Ang bawat pahina ay kalahati ng short bond paper. Kaya ang kwento mo talaga ay ipinasok mo sa isang pahina lang ng short bond paper. Gayong pag nagbabasa tayo halimbawa ng mga maikling kwento sa magasing Liwayway, maraming pahina ang kailangan, na minsan ay umaabot ng lima o anim na pahina sa bagong anyo nito ngayon. Sa dating malaking anyo nito, na malaki pa sa short bond paper bawat pahina, ang maikling kwento ay umaabot pa minsan ng dalawa hanggang tatlong pahina.

Mahalaga kasi, hindi lang sa manunulat, kundi sa mambabasa, na mabatid agad niya ang nais iparating ng kwento, na hindi bitin ang mambabasa. Kumbaga, natapos agad niya ang kwento. Maaari namang subukang gawing serye ang kwento sa Taliba, subalit mas pinili kong bawat kwento ay wakasan upang di sila mabitin. Nalalathala ang Taliba ng dalawang beses kada buwan, kaya dalawang maikling kwento ang ating ginagawa sa bawat buwan.

Dagdag pa riyan ang kalagayang kaunti lang ang nalalathalang Taliba, wala pang isangdaang kopya bawat isyu, depende kasi sa kung magkano ang hawak na salapi, at sa mga lugar ng maralita na pagdadalhan ng Taliba dahil kung saan lang mapadapo ang organizer ay doon lang nagkakaroon ng pahayagang Taliba ang mga maralita, o nabebentahan. Kailangang ibenta upang may balik sa puhunan at makagawa uli ng pahayagan. Ang 20-pahinang Taliba ay P10. Kung walang pera ang maralita, ibinibigay na lang natin, o kaya'y donasyon batay sa kanilang kakayanan. Minsan may nagbibigay ng P5, at tinatanggap na natin basta magkaroon sila ng kopya ng Taliba. Hindi na natin pinipilit na mabayaran dahil pangkain nga lang, kulang pa sa kanila, sisingilin mo pa. Subalit meron pa rin talagang nagbibigay. Ang pahayagang Taliba naman ay hindi negosyong dapat pagkakitaan kundi babasahing katuwang ng maralita sa kanilang laban.

Sa Taliba, mas ang isyu ng maikling kwento ay batay sa kalagayan at pakikibaka ng maralita, dahil nga pahayagan iyon ng maralita. Kaya kung hindi kaugnay sa isyu nila, hindi ko roon inilalathala ang nakatha kong maikling kwento kundi sa aking blog. Sa isang iglap, tingin agad natin ay hindi isyu ng maralita ang nagbabagong klima o climate change, subalit isyu rin ng maralita ang klima, hindi lang pabahay, kahirapan, at pagiging iskwater sa sariling bayan, kundi pati na rin karapatang pantao, hustisyang panlipunan, ang ugnayan sa uring manggagawa, taas ng presyo ng bilihin, at mga isyung panlipunan.

Kaya sa tanong sa pamagat na "Paano ba tatapusin ang kwento?" Payak lang ang aking tugon. Sa kabuuan ng kwento ay nasabi ko ang isang paksa nang sa palagay ko'y hindi bitin ang mambabasa. Bagamat marahil ay bitin pa sila, depende marahil sa kanilang hinahanap o iniisip, dahil maraming paksa talaga ang nangangailangan ng detalye, malaliman at mahabang paliwanag, lalo na't isyu ito ng maralita o panlipunan, subalit baka hindi na maikling kwento iyon kundi nobela na ang kailangang sulatin. Nawa'y nakamit ko ang layuning ito sa mga kinatha kong maikling kwento.

Gayunpaman, sinasanay ko ang pagsusulat ng maikling kwento bilang paghahanda sa mahaba-habang kwento o nobela na nais kong kathain. Pangarap kong maging nobelista rin balang araw. Maraming salamat sa Taliba ng Maralita at binigyan ako ng pagkakataong malinang ang aking kakayahang kumatha ng kwento at mailathala ang mga iyon.

Talagang malaking hamon sa akin ang pagsusulat ng maikling kwento sa pahayagang Taliba, kung paano ba sisimulan ang kwento, paano padadaluyin ang usapan at banghay, at paano ko ba ito tinapos sa gayong kaliit lang na espasyo ng pahayagan.

01.12.2024

Miyerkules, Enero 10, 2024

Pamahiin

PAMAHIIN

huwag magwalis sa gabi
paniwala bang may silbi?
ikaw ba'y mapapakali
kung katulugan mo'y dumi

sa gabi'y huwag magwalis?
sa dumi'y makakatiis?
kung gabok sana'y mapalis
matutulog kang kaylinis

nag-aalis daw ng swerte
ang pagwawalis sa gabi
swerte pala'y nasa dumi
basura'y dalhin mo dini

mga ganyang pamahiin
ay parang amag sa kanin
di masarap kung nguyain
at tiyan mo'y sisirain

- gregoriovbituinjr.
01.10.2024

Linggo, Enero 7, 2024

Naabutan ko ang Showa period sa Japan

NAABUTAN KO ANG SHOWA PERIOD SA JAPAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Naabutan ko ang Showa period sa Japan, o ang panahong buhay pa si Emperor Hirohito, na arkitekto ng pananakop ng Hapon sa Pilipinas.

Namatay si Emperor Hirohito noong Enero 7, 1989, kung saan isa akong iskolar ng anim-na-buwan sa isang pabrika ng electronics sa Hanamaki City, Iwate Prefecture, mula Hulyo 16, 1988 hanggang Enero 15, 1989. Doon na ako nag-20th birthday.

Nag-aral ako ng radio-tv technician ng anim-na-buwan dito sa bansa. Tatlong buwan pa lang ay pinadala na ako at isa pang kaklase ng aming eskwelahan sa Japan upang mag-OJT, kaya hindi namin natapos ang aming kurso.

Nasa Japan ako sa huling limang buwan at tatlong linggo ng Showa period, at isang linggo ng umpisa ng Taisho period.

Pag-uwi ko sa Pilipinas, agad akong kinuha ng isang Japanese-Filipino company na ang produkto ay piyesa ng floppy disk ng kompyuter. Nakabase iyon sa Alabang, Muntinlupa. Ako'y machine operator sa Metal Press Department ng tatlong taon mula Pebrero 6, 1989 hanggang Pebrero 5, 1992. 

Manggagawa na ako sa kumpanya nang maisabatas ang Herrera Law noong 1989. Pebrero 6, 1992 nang mag-resign ako sa kumpanya upang mag-aral sa kolehiyo. Kumatha ako ng munting tula hinggil dito.

huling taon na pala ni Emperor Hirohito
nang sa Lungsod ng Hanamaki ay naroon ako
isa siyang emperor na patakara'y berdugo
nang bayan kong sawi ay nilusob nilang totoo

nadamay sa Ikalawang Daigdigang Digmaan
itong bayang mahal, dahil sa kanyang kagagawan
sapagkat nagpalawak sila ng nasasakupan
iyon ang una kong bansang pinuntahan - ang Japan

pinadala ng aking paaralan ang tulad ko
upang mag-aral ng kaalamang elektroniko
bilang O.J.T. ay doon ang una kong trabaho
pinadala ko naman sa pamilya ang sweldo ko

naabutan ko roon ang kapanahunang Showa
o panahong si Hirohito'y nanunungkulan pa
isang karanasang di ko malimutan talaga
bilang manggagawa, at ngayon, bilang aktibista

01.07.2024

* litrato mula sa google

Sabado, Enero 6, 2024

Kung bakit hindi Goldilocks cake ang binili ko para sa bday ni misis?

KUNG BAKIT HINDI GOLDILOCKS CAKE ANG BINILI KO PARA SA BDAY NI MISIS?
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ikaapatnapung kaarawan ni Misis ngayong Enero 6, 2024. Kabertdey niya ang mga artistang sina Sharon Cuneta, at Casey Legaspi na anak nina Zoren at Carmina. Kabertdey din niya ang namayapa nang si Nida Blanca. Aba, kabertdey din niya ang bayaning Katipunera na si Tandang Sora. At ang pangalan ni Misis ay Liberty. Kasingkahulugan ng inaasam nating Freedom, Independence, Kalayaan, Kasarinlan, di lang mula sa dayuhan, kundi sa pang-aapi at pagsasamantala ng tao sa tao.

Sa birthday niyang ito, ibinili ko siya ng cake. Subalit hindi kagaya ng nakagawian niya, hindi ako bumili ng cake sa Goldilocks. Dahil ako ang bibili ng cake, sinabi ko sa kanyang hindi Goldilocks cake ang bibilhin ko. Kaya nag-ikot kami sa Cubao, at napili ni Misis ang cake mula sa TLJ (hindi TVJ o Tito, Vic and Joey) Bakery, o The Little Joy Bakery. Siya ang pumili ng flavor.

Nais kong kahit sa pagbili ng cake ay maipakita ko ang katapatan sa uring manggagawa. Dahil noong taon 2010, nakiisa ako sa welga ng unyon ng Goldilocks. Nagwelga ang mga kasapi ng BISIG (Bukluran ng Independentang Samahang Itinatag Sa Goldilocks) dahil sa isyu ng retrenchment. Ako ay staff naman noon ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Sa laban nga ni Pacquiao kay Joshua Clottey ng Ghana, doon kami sa piketlayn ng Goldilocks sa Shaw Blvd. nanood.

Natatandaan ko't nasaksihan ko, madaling araw nang itinirik ng mga manggagawa ang welga. Natatandaan ko, isa sa isyu ang pagkatanggal ng 127 manggagawa, na nais nilang maibalik sa trabaho. Natatandaan ko, nakiisa at natulog din ako sa piketlayn nila. Naglabas din kami ng nasa 100-pahinang aklat hinggil sa nasabing welga. Natatandaan ko, naroon kami hanggang matapos ang welga.

Bagamat matagal nang tapos iyon, hindi pa rin ako bumibili ng cake sa Goldilocks. Ni anino ko ay ayokong makitang nasa loob ng bilihan ng Goldilocks. Nais kong maging tapat sa aking sarili at sa manggagawa. Kaya ngayong kaarawan ni Misis, sinabi ko sa kanyang huwag kaming bibili ng cake sa Goldilocks, bagamat hindi ko siya sinasaway kung bumibili siya minsan ng cake sa Goldilocks, lalo't hindi naman ako kasama.

Marahil, mabubuhay pa ako ng ilang taon, at mamamatay nang hindi tumutuntong at bumibili sa Goldilocks upang ipakita na hanggang ngayon, nananatiling may bahid ng dugo ng manggagawa ang bawat cake doon, upang ipakitang sa ganito mang paraan ay maipakita ko ang aking puso, pagdamay at pakikiisa sa laban ng uring manggagawa. Ang paninindigang ito'y kinathaan ko ng tula.

di Goldilocks cake ang binili ko
para kay misis sa birthday nito
hanggang ngayon ay nadarama ko
bawat cake na nagmumula rito'y
may bahid ng dugo ng obrero

lalo't kaisa ako ng unyon
nang sila'y magsipagwelga noon
ni-retrench ang manggagawa roon
hanggang ngayon, ito'y aming layon
paglaya ng manggagawa'y misyon

01.06.2024

Miyerkules, Enero 3, 2024

Anong bago ngayong Bagong Taon?

ANONG BAGO NGAYONG BAGONG TAON?

anong bago ngayong Bagong Taon?
wala na kayang mga dyip ngayon?
kapitalista pa rin ba'y poon?
sistema'y bulok gaya rin noon?

wala na bang pagsasamantala?
kilo ba ng bigas ay bente na?
kontraktwalisasyon ba'y naryan pa?
natokhang ba, hustisya'y nakuha?

kapitalista'y bundat na bundat?
habang manggagawa nila'y salat?
mga basura pa ri'y nagkalat?
dyip na pinapasada'y nasilat?

ngayong Bagong Taon, anong bago?
kung kontraktwal pa rin ang obrero
Hudyo'y sikil pa ang Palestino
paglayang asam pa'y di matamo?

anong bago sa iyong palagay?
kung daing sa hirap sina nanay?
kung dukha'y walang sariling bahay?
kung hustisya'y di makamtang tunay?

- gregoriovbituinjr.
01.03.2024

Martes, Enero 2, 2024

Poot at Pag-ibig

POOT AT PAG-IBIG
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawa sa damdaming kilala ng tao ang poot at pag-ibig. Dalawang paksang dumadaloy sa kaisipan ng ating mga ninuno ilang libong taon na ang nakararaan.

Nakabili ako ng dalawang aklat hinggil sa dalawang paksang ito sa magkaibang panahon. Nabili ko ang aklat na "I Hate and I Love" ni Catullus, sa Fully Booked sa Gateway, Cubao noong Marso 28, 2018, sa halagang P80.00, na umaabot ng 56 pahina. Nabili ko naman ang "Aphorisms on Love and Hate" ni Friedrich Nietsche, sa Fully Booked sa Gateway, Cubao noong Disyembre 8, 2023, sa halagang P180.00, na umaabot naman ng 57 pahina. Kapwa ito inilathala ng Penguin Classics, at may sukat na 4 3/8 inches at 6 1/4 inches (o 4.375" x 6.25").

Napakalayo ng agwat ng dalawang awtor na nagsasaad na talagang ang poot at pag-ibig ay paksa na noon pang unang panahon hanggang ngayon.

Sino si Catullus? Isinilang noong 84 BCE at namatay noong 54 BCE), siya ay makatang Latino ng huling Republikang Romano na nagsulat pangunahin sa neoteric na istilo ng tula, na nakatuon sa personal na buhay kaysa sa mga klasikal na bayani. Ang kanyang mga tula ay binabasa at patuloy na nakakaimpluwensya sa mga tula at iba pang anyo ng sining. 

Ang makatang si Catullus, ayon sa Poetry Foundation, mula sa kawing na https://www.poetryfoundation.org/poets/gaius-valerius-catullus, "Sa Roma, malaki ang papel na ginampanan ni Catullus at ng kanyang kahenerasyon, ang "mga bagong makata" sa pagbuo ng pagtulang Augustan. Nakatulong sila upang lumikha ng posibilidad na ang isang tao ay maaaring maging makata bilang propesyon. Dinala nila sa Roma ang natutunan at may kamalayan sa sarili na istilo ng Hellenistic na tula, at nakatulong sila sa paglikha at pagtuklas ng interes na iyon sa malibog na patolohiyang inilabas sa elehiya ng Romanong pag-ibig. Sa kalaunan, sa panahon ng imperyo, naging modelo si Catullus para sa mga epigramo ni Martial, mga tulang nmatatalisik, kadalasang bulgar at satirikong mga obserbasyon sa buhay sa Roma." 

Sino naman si Friedrich Nietzsche? Ayon sa Stanford Encyclopedia of Philosophy (https://plato.stanford.edu/entries/nietzsche/), "Si Friedrich Nietzsche (1844–1900) ay isang pilosopong Aleman at kritiko sa kultura na masinsinang naglathala noong 1870s at 1880s. Nakilala siya sa mga walang patumanggang pagpuna sa tradisyunal na moralidad at relihiyon sa Europa, gayundin sa mga kumbensyonal na ideyang pilosopikal at panlipunan at pampulitikang kabanalan na nauugnay sa modernidad. Marami sa mga kritisismong ito ay umaasa sa mga sikolohikal na diagnosis na naglalantad ng maling kamalayan na nakakahawa sa mga natanggap na ideya ng mga tao; sa kadahilanang iyon, siya ay madalas na nauugnay sa isang grupo ng mga huling modernong palaisip (kabilang sina Marx at Freud) na nagsulong ng isang "hermeneutics ng hinala" laban sa mga tradisyonal na halaga (tingnan ang Foucault [1964] 1990, Ricoeur [1965] 1970, Leiter 2004). Ginamit din ni Nietzsche ang kanyang mga sikolohikal na pagsusuri upang suportahan ang mga orihinal na teorya tungkol sa likas na katangian ng sarili at mga mapang-udyok na panukalang nagmumungkahi ng mga bagong halaga na sa tingin niya ay magsusulong ng kultural na pagbabago at mapabuti ang panlipunan at sikolohikal na buhay sa pamamagitan ng paghahambing sa buhay sa ilalim ng mga tradisyonal na halaga na kanyang pinuna."

Malalalim ang pagtingin sa kanila ng mga nakalap nating saliksik. Kaya nais din nating bigyang pansin ang lalim ng kanilang aklat hinggil sa dalawang emosyong talagang kilala ng tao. Dalawang damdamin at pilosopiyang pinatingkad sa kanilang sulatin.

Ayon kay Catullus, "I hate and I love. And if you ask me how, I do not know: I only feel it, and I'm torn in two. (Napopoot ako at umiibig. At kung tatanungin mo ako kung paano, ewan ko: nararamdaman ko lang ito, at nahati ako sa dalawa.)"

Ayon naman kay Nietzsche: "We must learn to love, learn to be kind, and this from earliest youth... Likewise, hatred must be learned and nurtured, if one wishes to become a proficient hater. (Dapat tayong matutong magmahal, matutong maging mabait, at mula pa sa mga pinakaunang kabataan... Gayundin, ang pagkapoot ay dapat ding matutunan at alagaan, kung ang isang tao ay nagnanais na maging palagiang napopoot.)"

Bakit kailangan kang maging proficient hater, na isinalin ko sa palagiang napopoot? Bakit nga ba dapat kang mapoot, gayong mas makabubuti sa atin ang matutong magmahal. Ang pagkapoot, ayon sa nabasa kong talambuhay ni Joseph Goebbels, ay isang damdaming nagbigay-kapangyarihan sa Nazi Germany upang mapalakas at makapanakop ng maraming bansa. na marahil ay siya ring ginagawa ng mga Hudyo ngayon upang mapalayas ang mga Palestino sa lupang inagaw ng Israel.

Subalit mas makabubuting pag-ibig ang maging dahilan kung bakit tayo nabubuhay, lumalaban, at nakikibaka sa buhay. Hindi ba't mismong ang ating bayaning si Gat Andres Bonifacio ay may tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan". Mula sa pagbasa sa tulang iyon ay nalikha ko naman ang tulang "Pag-ibig sa Sangkatauhan."

Namnamin natin ang sinabi ni Che Guevara, "At the risk of seeming ridiculous, let me say that the true revolutionary is guided by a great feeling of love. It is impossible to think of a genuine revolutionary lacking this quality. (Sa panganib na magmukhang katawa-tawa, hayaan ninyong sabihin kong ang tunay na rebolusyonaryo ay ginagabayan ng nag-aalab na pakiramdam ng pag-ibig. Imposibleng isiping walang ganitong katangian ang isang tunay na rebolusyonaryo.)”

Tulad ko, bilang aktibistang nakikibaka, dapat nabubuhay tayo sa pag-ibig, nakikibaka tayo dahil batid natin ang karapatang pantao, at hustisyang panlipunan, upang maitayo ang isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Nais kong kumatha ng tula hinggil sa dalawang damdaming ito.

ANG POOT AT ANG PAG-IBIG
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

talagang poot si Adolfo kay Florante
upang si Lawra'y maagaw at makatabi
poot din sa Hudyo si Adolfo ng Nazi
dulot ay Holocaust, napaslang ay kayrami

anong ganda ng sinabi ni Che Guevara
isang Argentinian at nagsilbi sa Cuba
may pag-ibig sa puso ng nakikibaka
upang palayain ang manggagawa't masa

ang poot at pag-ibig, dalawang emosyon
batid na ng tao noong unang panahon
si Abel nga'y pinatay raw ni Cain noon
Hudyo'y kinawawa ang Palestino ngayon

kayraming krimeng nagawa'y bunsod ng galit
sila'y nakapatay, ngayon ay nakapiit
di ba't mas mabuting tayo'y maging mabait
at pawang pag-ibig ang sa puso'y igiit

01.02.2024